Mga Nagsasamantala ba sa ‘Karalitaan at sa Kawalang-Alam’?
“ANG mga Saksi ni Jehova . . . ay nagsasamantala sa karalitaan, sa pagpapabaya, at sa kawalang-alam ng isang malaking bahagi ng ating mga mamamayan,” umano’y sabi ng Mehikanong manunulat na si Jorge Garcia, “upang sa unti-unti’y makontrol ang kanilang mga budhi.”—Excelsior ng Marso 9, 1983.
Nahahawig na mga akusasyon laban sa mga Saksi ni Jehova ang malimit na maririnig sa Latin Amerika. ‘Walang sinumang may importansiya ang naging isa sa mga Saksi ni Jehova,’ ang sabi ng mga ilang propesyonal, pulitiko, at mga lider ng relihiyon. ‘Ang kanilang mga tagasunod ay kinukuha ng mga Saksi ni Jehova sa mga dukha, ignoranteng mga tao.’ Totoo naman na marami sa mga Saksi ni Jehova ay mga maralita, subalit, ang ibig bang sabihin nito ay na ang mga Saksi ni Jehova’y “nagsasamantala sa karalitaan, sa kapabayaan, at sa kawalang-alam?” Ang bagay ba na maraming mga aba at dukha ang tumutugon sa kanilang mga turo ay nangangahulugan na mali ang gayong mga turo?
Upang masagot ang mga tanong na ito, pagbalikan natin ang unang siglo ng ating Karaniwang Panahon. Anong uri ng mga tao ang naakit sa Kristiyanismo noon?
Kristiyanismo—Bakit Naakit Dito ang mga Hamak na Tao
Ang modernong-panahong mga kritiko ng mga Saksi ni Jehova ay umuulit lamang sa mga salita ng mga mananalansang sa Kristiyanismo noong unang siglo. Halimbawa, nariyan ang Griegong mga paham na naninirahan noon sa sinaunang siyudad ng Corinto. Gaya ng pagkasabi ni apostol Pablo, “ang mga Griego’y humahanap ng karunungan.” (1 Corinto 1:22) Mangyari pa, ang ibig nila’y hindi karunungan buhat sa Bibliya, kundi malalabong argumentong pilosopo. At nang si apostol Pablo “ay hindi naparoon na taglay ang kagalingan ng pananalita o ng karunungan” kundi ang dala’y ang simpleng mensahe ng “Kristo, at siya na nabayubay,” ang Kristiyanismo ay kinutya ng marami bilang “kamangmangan.”—1 Corinto 1:23, 2:1, 2.
‘Pinagsasamantalahan ba [ni Pablo] ang kawalang-alam,’ kung gayon, sa pananawagan sa mapagpakumbaba at mga hamak na tao kasama ang iba pang mga tagaroon sa Corinto? Hindi nga. Si Pablo ay nagpaliwanag sa mga Kristiyano roon: “Sapagkat masdan ninyo ang pagkatawag niya sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, . . . kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan sa sanlibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong . . . upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Diyos.”—1 Corinto 1:26-29.
Sa mismong pasimula, ang Kristiyanismo ay isang relihiyon na ang pinakamaraming naaakit ay mga taong hamak, mapagpakumbaba. Ang 12 apostol ni Jesus—ang pundasyon ng kaniyang iglesya—ay hindi kinuha sa mga edukadong eskriba at Fariseo. (Efeso 2:20) Bagkus, sila’y galing sa uring manggagawa, apat sa kanila ang mga mamamalakaya ang hanapbuhay. (Mateo 4:18-22; 10:2, 3) Sila’y mga taong itinuturing ng mga pinunong relihiyoso bilang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” na ang ibig sabihin ay elementarya lamang ang kanilang narating na edukasyon at hindi ang mga paaralan ng matataas na karunungan. (Gawa 4:13) Ang “nakapag-aral” na mga eskriba at Fariseo ay may mababang pagkakilala sa malaon nang hinihintay na Mesiyas, inaalipusta ang kaniyang mga turo at ang kaniyang mga tagasunod. Ang palagay nila ay ‘walang sinumang may importansiya ang naging tagasunod ni Jesus.’
Gunitain ang nangyari minsan nang sila’y magpadala ng mga punung-kawal upang “hulihin” si Jesus. Ang mga punung-kawal ay bumalik na walang dala. Bakit? Ang sabi ng ulat ng Bibliya: “Ang mga punung-kawal ay tumugon: ‘Wala pa kaming nakikitang tao na nagsasalita ng kagaya nito.’” Oo, sila’y manghang-mangha sa mga turo ni Kristo! Subalit, papaano nga tumugon naman ang edukadong mga pinunong relihiyoso? “Ang mga Fariseo ay sumagot: ‘Kayo man ba ay nangaligaw rin? Sumampalataya ba ang sinuman sa mga pinuno o ang sinuman sa mga Fariseo?’” (Juan 7:32, 44-48) Ang pagmamataas nga ang humadlang sa kanila sa pagtanggap kay Jesus. Totoo, sinasabi ng Bibliya na “maging sa pinuno noon ay maraming aktuwal na sumampalataya sa kaniya, subalit dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag siya, upang huwag silang mapalayas sa sinagoga; sapagkat higit na iniibig nila ang pagluwalhati ng mga tao kaysa pagluwalhati sa Diyos.”—Juan 12:42, 43.
Akalain mo ba iyan! Ang mga taong ito ay aktuwal na kumbinsido na taglay ni Jesus ang katotohanan, ngunit tumanggi silang maging kaniyang mga alagad dahil sa takot sa mga tao. Talagang hindi kombinyente para sa mga pinunong iyon na isakripisyo ang kanilang katayuan sa sosyal, pulitikal, at relihiyosong mga lipunan upang maging tagasunod ni Jesus. Hindi kataka-takang sabihin ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na magiging mahirap para sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng langit”! (Mateo 19:23) Samakatuwid, sa pangkalahatan, ang gayong mga tao ay lubhang mapagmataas upang sumunod sa isang relihiyon na humihiling sa kanila na mapagpakumbabang ‘pasanin ang kanilang pahirapang-tulos at sumunod kay Jesus.’ (Mateo 16:24) Minsan ay nagsabi si Kristo sa panalangin: “Hayagang pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, sapagkat maingat na ikinubli mo ang mga bagay na ito buhat sa mga marurunong at matatalino, at isiniwalat mo ang mga ito sa mga sanggol.” (Lucas 10:21) Di-tulad ng makasanlibutang mga marurunong, ang gayong mga tao ay tumatanggap sa katotohanan.—Ihambing ang Mateo 18:3.
Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi
Sumulat ang alagad na si Santiago: “Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging mga tagapagmana ng kaharian, na ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya, di ba?” (Santiago 2:5) Nangangahulugan ba ito, kung gayon, na yaong mayayaman at may mataas na pinag-aralan ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos? Hindi nga! Pagkatapos na ang unang nakomberteng Gentil, si Cornelio, ay tumanggap ng banal na espiritu, ganito ang sabi ni Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Marahil ay nagunita ni Pedro ang mga salita ni Jehova kay Samuel, na binigkas daan-daang taon na ang nakaraan: “Sapagkat ang pagtingin ng tao ay di-gaya ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Kapansin-pansin, kung gayon, na sinasabi ng Bibliya na “isang lubhang karamihan ng mga saserdote ang nagsimulang tumalima sa pananampalataya.” (Gawa 6:7) Ang mga Kristiyano ay masusumpungan din naman, kahit na sa tanyag na “sambahayan ni Cesar.” (Filipos 4:22) At kahit na kung ang karamihan ng mga Kristiyano ay mga dukha, mayroong ilan sa kongregasyon na mayayaman.—1 Timoteo 6:17.
Sa Modernong Panahon
Hindi dapat pagtakhan, kung gayon, na ang katotohanan sa ngayon ay nagbubunga lalung-lalo na sa karaniwang mga tao. Ang tinitingnan pa rin ni Jehova ay, hindi ang deposito sa bangko ng isang tao o ang kaniyang narating na edukasyon, kundi ang puso. (Kawikaan 21:2) Alalahanin din, na sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin.” (Juan 6:44) Tunay, ang pinalapit ng Ama sa kaniyang sarili ay yaon lamang mga taong mapagpakumbaba at natuturuan, di ba?
Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang edukado at umano’y mga propesyonal ay hindi magiging mga Saksi ni Jehova. Nang si Pablo’y gumawa ng isang simple, ngunit mabisa, na pagbubunyag ng katotohanan sa harap ni Haring Agripa, inamin ng hari: “Sa maikling panahon ay hihikayatin mo ako na maging isang Kristiyano.” (Gawa 26:27, 28) Kaya naman, maraming edukado ang naakit sa katotohanan dahil sa malinaw at lohikal na pagpapaliwanag ng katotohanan ng Bibliya na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Alalahanin, ang pagiging mapagpakumbaba ay hindi naman nangangahulugan na ang isang tao’y kailangang walang pinag-aralan. Sinasabing si Moises ay “pinakamaamo sa lahat ng tao na nabuhay sa balat ng lupa.” (Bilang 12:3) Gayunman, “tinuruan [siya] sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.”—Gawa 7:22.
Mapapansin, kung sa bagay, na pagka ang mga taong may bahagyang pinag-aralan ay nagsimulang makisama sa mga Saksi ni Jehova, kalimitan ay gumagawa sila ng hakbang upang mapasulong ang kanilang kakayahan na natutuhan sa paaralan. Kanilang sinisikap na mapasulong ang kanilang kakayahan sa pagbabasa at pag-aaral upang matutuhan ang mga saligang turo ng Bibliya at makasabay sa patuloy na umaagos na literatura sa Bibliya na lathala ng mga Saksi ni Jehova. Kung ang isang taimtim na tao ay nagnanais matuto ng Bibliya ngunit nahahadlangan dahil hindi siya marunong bumasa, malimit na maaaring magsaayos ng libreng pagtuturo sa kaniya sa pamamagitan ng lokal na kongregasyon.
Ang Samahang Watchtower ay naglalathala pa nga ng isang pulyeto na pinamagatang Learn to Read and Write. Ang pulyetong ito ay nakatulong sa maraming libu-libong mga tao sa Asia, Aprika, at Sentral at Timog Amerika na matutong bumasa. Sa isang bansa sa Latin Amerika, 51,249 ang natutong bumasa at sumulat noong nakalipas na 26 na taon sa tulong ng pulyetong ito! Sa isang munting bayan sa Latin Amerika, ang inspektor ng Kagawaran ng Edukasyon ay nakipagpulong sa mga kinatawan ng kung ilang iba’t ibang mga organisasyon—kasali na ang mga Saksi ni Jehova. Ang Saksi roon ay nagbalita sa kanila ng tungkol sa pulyetong Learn to Read at inanyayahan niya ang grupo upang dumalo sa isa sa mga pulong ng mga Saksi.
Ang grupo’y dumalo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro—isang pulong na nilayong makatulong sa mga lalaki at mga babae upang maging epektibong mga guro. Sila’y namangha, nang makita nila ang isang taong dating kilala nila na hindi marunong bumasa—na nasa plataporma, at nagbibigay ng pahayag sa Bibliya! Ang sabi ng isa sa mga bisita, isang prinsipal sa paaralan: “Hindi posible na ang taong ito na dati’y kilala natin na isang di-marunong bumasa ay nakikipag-usap sa Kastila [imbis na sa kaniyang katutubong wika], at lalo pa nga ang magpahayag sa maraming tao, pero ganiyan ang ginagawa niya.”
Kaya’t sa halip na pagsamantalahan ang hamak na mga tao, ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay tumutulong pa nga sa kanila upang mapasulong ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagkaalam ng katotohanan. Ang gayong mga Kristiyano ay nagsasagawa ng gawaing pagtuturo na inihabilin ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad ng mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) At ang resulta, sa taun-taon ay libu-libo at sa bawat antas ng lipunan ang napapabilang sa ranggo ng mga Saksi ni Jehova.