Mga Kabataan—Mag-ingat Laban sa Dalawang-Uring Pamumuhay
“Ikaw ay magalak, binata, sa iyong kabataan . . . Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.”—ECLESIASTES 11:9.
1, 2. Ano ba ang halimbawa ng isang kabataan na may dalawang-uring pamumuhay?
“MULA sa pagkasanggol ay lumaki ako sa isang kapaligirang Kristiyano, sa gitna ng mga Saksi ni Jehova,” ang isinulat ng isang kabataan. “Gayunman, ang aking buhay, kahit na sa tahanan, ay lubusang kabaligtaran ng mga pamantayan at pag-iisip ng aking mga magulang. Ang aking buhay sa kalakhang bahagi ay isang maluwag na pamumuhay, isang walang disiplinang pamumuhay ng sanlibutan.”
2 Ganito pa rin ang patuloy na paliwanag ng kabataang iyon: “Kahit na bago ako sumapit sa edad na sampung taon, nagsimula akong mamuhay sa dalawang daigdig sa pinakamagaling na magagawa ko—upang kamtin ang pagtanggap at pagkakaibigan sa paaralan at gayumpaman ay tanggapin ng aking mga magulang. Sa paaralan ako ay umayon hangga’t maaari na magagawa sa istilo at asal . . . Subalit sa tahanan lubos na iba ako. Ako ang Kristiyanong may magandang asal gaya ng inaasahan ng aking mga magulang.”
3. (a) Anong pagtitiwala mayroon tayo, gayunman ano ang ating natatalos? (b) Ano ang nag-uudyok sa atin na magbigay-pansin sa mga kabataan?
3 Ating natatalos na ang asal ng kabataang ito ay hindi siya ring asal ng karamihan ng mga kabataan sa kongregasyon. Ang karamihan sa inyo, kami’y nagtitiwala, ay tapat ng pakikitungo sa inyong mga magulang at sa kongregasyon, at ito’y nagpapagalak sa aming mga puso. Gayumpaman, batid namin na mayroong ilan na sa harapan ay nagkukunwaring mabuti, at sa pinakamagaling na paraang magagawa nila ay ikinukubli nila sa mga nakatatanda ang kanilang masamang gawa. Kaya ang tanong: Ikaw ba ang uri ng tao na inaakay mo kaming maniwalang gayon ka nga, o ikaw ba ay may dalawang uri ng pamumuhay? Hindi namin itinatanong ito na taglay ang damdamin na humanap sa iyo ng kasiraan kundi, bagkus, dahilan sa tunay na iniibig ka namin at ibig namin na matulungan ka upang maligayahan ka sa iyong kabataan sa pamamagitan ng pamumuhay sa paraan na makalulugod kay Jehova.—Eclesiastes 11:9, 10; 12:14; 2 Corinto 5:10.
4. Paanong mayroon din namang mga adulto na may dalawang-uring pamumuhay, subalit ano ang napansin kamakailan tungkol sa mga kabataan?
4 Sa kabila nito, baka itanong mo: ‘Bakit pa kaming mga kabataan ang inyong napagdidiskitahan? Kumusta naman ang mga adulto?’ Walang duda na sila man ay kailangan ding magpakaingat laban sa pagkakaroon ng dalawang-uring pamumuhay. Si Gehazi, ang utusan ni Eliseo, ay kumilos nang may panlilinlang, sinikap niya na pagtakpan ang katotohanan na siya’y tumanggap ng mga regalo buhat kay Naaman. (2 Hari 5:20-26) At si Ananias at si Safira ay mga adulto, na nagsinungaling sa pamamagitan ng pagsasabi na kanilang ibinigay sa mga apostol ang buong halaga ng bukid—sa pagsisikap na sila’y magtinging mabuti—gayong sa totoo ay kanilang kinupit ang isang bahagi ng salapi para sa kanilang sarili. (Gawa 5:1-4) Gayunman, ang dahilan kung bakit ang atensiyon ay itinututok namin sa inyo mga kabataan ay sapagkat sa malas ay lumalaki ang ganitong suliranin sa gitna ninyo.
Kung Bakit ang Iba ay May Dalawang-Uring Pamumuhay
5. (a) Bakit ang mga ibang kabataan ay may dalawang-uring pamumuhay? (b) Paano malimit na tinatrato ang mga kabataan pagka sila’y namumuhay ng kapuri-puring pamumuhay, kaya’t ano ang ginagawa ng iba?
5 Bakit nga ganito? Isang kabataan ang nagbigay ng isang pangunahing dahilan, na nagpapaliwanag: “Hindi ko ibig na mawalan ng mga kaibigan nang dahil sa pagiging naiiba.” Totoo naman na ang pagiging naiiba ayon sa isang mabuting paraan ay kadalasan nagiging sanhi ng paglibak sa isa. (Ihambing ang 1 Pedro 3:16; 4:4.) Upang maiwasan ito at upang sila’y tanggapin ng kanilang mga kabarkada, ang ibang mga kabataan ay naglalasing o gumagawa ng seksuwal na pakikipagtalik. Isang 13-anyos na dalagita na hindi naman Saksi, na ang nakuhang marka’y pawang A at laging may bahagi sa mga diskusyon sa klase, ang may ganitong hinanakit: “Ang mga lalaki ay hindi magiging interesado sa sinuman na nasisiguro mo nang kasimbuti ko. . . . Pinag-iisipan ko na hayaang bumaba ang aking mga marka o ang isang bagay na maglalagay sa alanganin sa aking reputasyon.”
6. Paanong si Pedro ay naimpluwensiyahan tungo sa maling pagkilos, kaya paano ito dapat makaapekto sa ating paghatol sa mga kabataan?
6 Kapansin-pansin, si apostol Pedro mismo ay minsan higit na nagpakundangan sa pagkakilala sa kaniya ng iba, o reputasyon, kaysa paggawa ng inaakala niyang matuwid. Nang may mga Judiong Kristiyano na taga-Jerusalem na dumalaw sa Antioquia, si Pedro ay hindi nakisama sa mga Kristiyanong Gentil dahilan sa nangangamba na pipintasan siya ng mga Judio sa pakikihalubilo sa mga Gentil na ito. (Galacia 2:11-14) Yamang kahit na ang maygulang na mga Kristiyano ay napadadala sa panggigipit na nanggagaling sa mga kasamahan, kataka-taka ba na ang walang karanasang mga kabataan ay magkagayon din?—Kawikaan 22:15.
7. Ano ang marahil nakahihikayat sa mga ibang kabataan upang magkaroon ng dalawang-uring pamumuhay?
7 Ang isang kaugnay na dahilan kung bakit ang ibang mga kabataan ay may dalawang-uring pamumuhay ay sapagkat sila’y naniniwala na sila’y napag-iiwanan ng iba. Kanilang naririnig ang mga kabataan sa paaralan na nagbibida tungkol sa kanilang mga gawain—kung gaano kahusay ang parti, ang teribleng musika, ang pag-iinuman, ang mga droga, sila’y langung-lango! O kanilang nababalitaan kung paanong ang lalaki, o ang babae, ay nakikipaghalikan at nakikipagromansa. Kaya’t ang pagnanasa na maranasan ang mga bagay na ito ay napupukaw, at ang mga kabataan ay naiimpluwensiyahan na subukin ang ayon sa Bibliya’y “ang pansamantalang kaligayahan sa pagkakasala.”—Hebreo 11:24, 25; 1 Corinto 10:6-8.
8. Ano ang pangunahing dahilan na ang mga kabataan ay may dalawang-uring pamumuhay?
8 Gayunman, ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga ibang kabataan ay may dalawang-uring pamumuhay ay sapagkat si Jehova at ang darating na bagong sanlibutan ay basta hindi tunay sa kanila. Sila’y hindi talagang naniniwala na ang mga pangako ni Jehova o ang mga babalang ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang nakikitang organisasyon tungkol sa mga kahihinatnan kung susuway kay Jehova. (Galacia 6:7, 8) Sila’y di-tulad ni Moises, na tungkol sa kaniya’y sinasabi ng Bibliya: “Siya’y nakatitig sa gantimpalang kabayaran na kaloob [ng Diyos]. . . . Siya’y nagpatuloy na matatag tulad sa nakakakita sa Isang di-nakikita.” Kay Moises, si Jehova at ang kaniyang mga pangako ay tunay. Subalit para sa mga may dalawang-uri ng pamumuhay sila ay wala ng ganiyang pananampalataya. Wala silang nakikita kundi ang ibig ni Satanas na makita nila—ang kislap ng kaniyang sistema. Kaya’t sila’y nagpapakabuyo sa pansamantalang kaligayahan sa pagkakasala at, kasabay nito, sila’y nagbabalatkayo at nagkukunwaring banal.—Hebreo 11:26, 27.
Mga Magulang, Maaaring Kayo’y May Bahagi
9. (a) Paanong maaaring may bahagi ang mga magulang sa pagkakaroon ng kanilang mga anak ng dalawang-uring pamumuhay? (b) Ano ang kailangang maunawaan ng mga nakatatanda at sila’y maging alerto na gawin?
9 Ang kabataan na sinipi sa unahan ay may ganitong puna: “Ang bagay na dahilan ng hindi ko pagiging popular sa paaralan ay sa tahanan naging dahilan naman ng pagtanggap sa akin at umani ng ngiti ng pagsang-ayon. Subalit higit pa kaysa riyan ang kailangan ko. Kailangan ko ang isa na masasandigan ko, makakausap, at mapagtatapatan ko ng aking mga suliranin, at hindi ko makuha iyan sa aking mga magulang.” Mga magulang, kayo ba ay nag-iingat upang huwag magkaroon ng bahagi sa pagkakaroon ng inyong anak ng dalawang-uring pamumuhay? Inyo bang ibinibigay sa kanila ang personal na atensiyon at patnubay na kailangan nila? Kailangang maunawaan ng mga nakatatanda ang matitindi, sumisira-ng-pananampalatayang mga panggigipit na napapaharap sa ating mga kabataan sa paaralan at sila’y maging alerto na gawin ang lahat ng posible upang ang mga ito’y kanilang mapalakas-loob at matulungan.—Awit 73:2, 3; Hebreo 12:3, 12, 13.
10. (a) Anong mga pag-uusisa ang pananagutan ng mga magulang na sagutin? (b) Ano kadalasan ang resulta kapag ang mga magulang ay hindi nagbigay ng kinakailangang patnubay?
10 Malimit na ang mga tanong ng isang kabataan ay nakasentro sa mga relasyon sa di nila kasekso, isang paksa na, sa kasamaang palad, ay iniiwasan ng maraming magulang. “Sila’y hindi nagkaroon kailanman ng puso-sa-pusong pakikipag-usap sa akin,” ang sabi ng isang magandang 15-anyos na estudyanteng nasa honor roll. “Lahat na natutuhan ko tungkol sa sekso ay natutuhan ko sa ganang sarili ko lamang. . . . Hiyang-hiya ako na banggitin iyon bagama’t napakaraming bagay na ibig kong maalaman.” Ano ang resulta? Sinabi niya: “Ang hindi nakikitang pader ay lalong kumapal sa pagitan ko at ng aking mga magulang, at ako ay naging isang dalagita na naging totoong usisera, tanga at madaling padala kaninuman.” Oo, siya’y napadala sa seksuwal na pita ng isang binata, subalit sino ang masasabi mong may bahagi sa pananagutan sa nangyaring ito?—Kawikaan 22:3; 27:12.
11. (a) Paano maipakikita ng mga magulang na kanilang iniibig ang kanilang mga anak? (b) Paano malamang na tutugon ang mga kabataan sa gayong pag-ibig?
11 Mahalaga na ipakita ng mga magulang sa kanilang mga anak na sila’y talagang may pag-ibig sa mga ito sa pamamagitan ng paggugol ng panahon na kasama nila, may bahagi sa kanilang usapang kumpidensiyal, at nagbibigay ng mga alituntuning dapat panuntunan. (Kawikaan 15:22; 20:18) “Nadarama ko na kung talagang may malasakit sila sa akin sila’y gagawa ng mga ilang alituntunin,” ang sabi pa ng isang kabataan. Kahit na kung ikinayayamot ng mga kabataan ang inyong mga alituntunin at regulasyon ngayon, sa bandang huli ay magugunita nila na ito pala’y sa kanilang sariling ikabubuti. Isang dalagita ang sumulat sa kaniyang nanay: “Noon bilang isa na palaging sumusubok kung makakaalpas, humahanap ng mga paraan upang makaiwas sa mahigpit na alituntunin at regulasyon, ngayon ay laki ng aking pasasalamat na ako’y nirendahan mo nang husto.” Kaya ipakita na iniibig ninyo ang inyong mga anak sa pamamagitan ng paghiling na sila’y sumunod sa inyong mga alituntunin. Harinawang huwag kayong magkaroon ng bahagi kailanman sa kanilang pagsunod sa dalawang-uring pamumuhay dahil sa hindi ninyo pinapanatiling bukás ang mga linya ng komunikasyon o sa hindi ninyo pagsaklolo sa kanila sa mga sandaling kailangan nila kayo!
12. Anong di-matalinong saloobin ng mga ibang magulang ang may bahagi sa pagkakaroon ng kanilang mga anak ng dalawang-uring pamumuhay?
12 Ang mga magulang ay maaaring may bahagi rin ayon sa isang naiibang paraan sa pagkakaroon ng kanilang mga anak ng dalawang-uring pamumuhay. Ang nagpapatotoo rito ay ang sinabi ng isang hukom sa isang nakatataas na hukuman sa estado ng New Jersey. “Ang mga guro,” anang hukom, “ay nagsisikap na dumisiplina sa mga bata dahil sa maling gawain nila sa paaralan at sila’y kinagagalitan pa ng mga magulang imbis na ang mga ito’y tumangkilik sa kanila.” Ang mga ibang magulang ay waring may maling paniwala na ang kanilang mga anak ay hindi maaaring magkamali. Kahit na kung ang maling gawain ng kanilang mga anak ay itawag-pansin sa kanila ng mga elder na Kristiyano o iba pang mga responsable sa kongregasyon, ang mga magulang ay nagtatakip lamang ng tainga. Sa paggawa ng ganito, sila ay nagkakaroon ng bahagi sa pagsunod ng kanilang mga anak sa dalawang-uring pamumuhay.
Kung Ano Talaga ang Ibig Sabihin ng Dalawang-Uring Pamumuhay
13. Ano talaga ang ibig sabihin ng pamumuhay ng dalawang-uring pamumuhay?
13 Mahalagang isaalang-alang ito: Ang talagang ibig sabihin ng pagsunod sa dalawang-uring pamumuhay ay pagsisinungaling—pagiging isang impostor, isang ipokrita. (Awit 12:2; 2 Timoteo 3:13) Ito’y pagtulad kay Satanas, na “patuloy na nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14, 15) Nangangahulugan din ito ng pagiging kagaya ng mga lider ng relihiyon na pinagsabihan ni Jesus: “Sa aba ninyo mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao at ng lahat ng karumal-dumal. Gayundin naman kayo, sa labas ay nag-aanyong matuwid sa harap ng mga tao, datapuwat sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.” (Mateo 23:27, 28) Maliwanag, ang pamumuhay ng dalawang-uring pamumuhay ay isang malubhang pagkakasala laban sa Diyos.
14. Bakit dapat hangarin ng isang tao na maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay?
14 Ang isa pang bagay na dapat matamang pag-isipan ay ito: Ang pagpapaimbabaw ay hindi maitatago nang panghabang panahon. “Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay malinis at matuwid,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 20:11; Lucas 12:1-3) Oo, ang iyong gawa, mabuti man o masama, ay balang araw mabubunyag. At ipinakikita ng Bibliya na paparusahan nang mabigat ng Diyos ang mga mapagpaimbabaw. (Mateo 24:51) Tiyak na ibig mong maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay!
Kung Paano Maiiwasan Ito
15. Ano ang tutulong sa mga kabataan upang maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay?
15 Ang isang paraan upang maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay ay ang harapin ang talagang kahahantungan nito at pagkatapos ay tanungin ang iyong sarili: Ganiyan ba ibig kong alalahanin ako, bilang isang ipokrita, bilang isang tagatulad kay Satanas at sa mga Fariseo? Tunay na hindi! Ang isa pang tutulong sa iyo upang maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay ay ang isipin ang personal na kadalamhatian at kasawian na idudulot sa iyo ng gayong buhay. Alalahanin ang nangyari kay Gehazi sa pagsisikap na mamuhay na isang sinungaling. Ang ketong ni Naaman ay lumipat sa kaniya, at siya ay naging isang ketongin sa nalalabing buhay niya. At si Ananias at si Safira ay kapuwa biglaang pinaslang ng Diyos dahil sa pagsisikap nila na magkunwaring sila’y bukas-palad na nagmamagandang-loob.—2 Hari 5:27; Gawa 5:5, 9, 10.
16. Ano ang nangyari sa isang kabataan na napasangkot sa isang makasanlibutang istilo ng pamumuhay?
16 Mayroon ding mga halimbawa sa modernong panahon. Isang kabataan sa Estados Unidos ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Subalit nangyari na siya’y nagsimulang sumunod sa isang makasanlibutang istilo ng pamumuhay at huminto na ng pakikisama. Lumipas ang mga taon, at siya’y sumulat: “Mga dalawang buwan na ngayon ang lumipas nang hilingin ko sa Diyos na siya’y magpadala sa akin ng isang Saksi sapagkat nadama kong ibig kong magpasimula uli. Ako’y nagsimulang makipag-aral uli nang animo’y isang bomba ang sumabog. May isang buwan na ang lumipas at ako’y natuklasan na may Kaposi’s sarcoma, na bahagi ng bagong walang lunas na AIDS syndrome. Siya’y nagtapos: “Kung sinunod ko lamang at tumalima ako sa mga babala ng Kasulatan noon pa, disin sana’y wala ako sa ganitong kalagayan ngayon.” Tiyak na ibig mong maiwasan ang anumang katulad na masaklap na kahihinatnan! Ang sanlibutan ay talaga namang walang anuman na mahalagang maiaalok.—1 Juan 2:15-17.
17. Ano pang pagsasaalang-alang ang dapat tumulong sa mga kabataan upang maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay?
17 Ang tutulong din sa iyo na maiwasan ang dalawang-uring pamumuhay ay ang isaalang-alang ang epekto niyaon sa pangalan ni Jehova. Ang kabataan na binanggit sa pambungad ay nagsabi na may isang nakakita sa kaniya na tumanggap ng sigarilyo na nagsabi: “Hindi ko alam na naninigarilyo pala ang mga Saksi ni Jehova. Hindi ba ikaw ay isang Saksi?” Nang malaunan ay sinabi niya na napakasama ng pakiramdam niya nang itanong sa kaniya ang gayong tanong sapagkat ang kaniyang ginawa ay nagdala ng kadustaan kay Jehova. Iyan ba ay gusto mo? Napakaliit baga ang pagkakilala mo sa ating Diyos na anupa’t katulad ng di-tapat na Israel noong una ay iyong dadalhan ng kahihiyan ang kaniyang pangalan?—Awit 78:36, 37, 41; Ezekiel 36:22.
18. (a) Paano malamang na maapektuhan ang mga magulang kung kanilang mapag-alaman na ang kanilang anak ay may dalawang-uring pamumuhay? (b) Bakit ito dapat makahadlang sa mga kabataang Kristiyano sa pagsunod sa dalawang-uring pamumuhay?
18 Bukod dito, isaalang-alang ang pangalan at ang damdamin ng iyong mga magulang. “Dumating ang araw na napag-alaman ng aking mga magulang kung ano talaga ako,” ang isinulat ng binanggit nang kabataan. “Ito’y nakasindak sa kanila. At sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko nakita kong umiyak ang aking ina at ang aking ama. Ganiyan na lang ang idinulot na siphayo sa kanila ng aking ginawa.” Ang iyong mga magulang ay marahil iiyak din kung kanilang mapag-alaman na ikaw ay may dalawang-uring pamumuhay. Iyan ba ang gusto mo? “Ang mabuting pangalan ay lalong kanais-nais kaysa malaking kayamanan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:1, The Jerusalem Bible) Sa pagsunod sa dalawang-uring pamumuhay, sinisira mo ang iyong sariling mabuting pangalan. Subalit hindi pa iyan ang lahat. Sinisira mo rin ang mabuting pangalan ng iyong mga magulang, at kinakaladkad iyan sa pusali, anupa’t ito’y nagdudulot sa kanila ng pagkaaba at kahihiyan.—Kawikaan 10:1; 17:21.
19. Paano naapektuhan si Jacob ng kasamaang ginawa ng kaniyang mga anak, at anong aral ang maaari nating matutuhan dito?
19 Ang mga anak ni Jacob ay isang mainam na halimbawa ng kung paano maaaring masira ng mga anak ang mabuting pangalan ng kanilang mga magulang. Nang ang anak na babae ni Jacob na si Dina ay halayin, ang ginawa ng kaniyang mga kapatid na lalaki ay pinagpapatay ang mga lalaki sa lunsod na iyon at pagkatapos ay kanilang dinambong ang lunsod, kung kaya’t ang panaghoy ni Jacob: “Dinalhan ninyo ako ng ostrasismo at ginawa ninyo akong isang pinandidirihan ng mga naninirahan sa lupain.” Iniutos pa mandin ng Diyos kay Jacob na lisanin ang lugar na iyon. (Genesis 34:30; 35:1) Ikaw rin ay maaaring maging sanhi ng pandidiri sa pangalan ng iyong ama at ng iyong ina, anupa’t sila’y mahihiya na humarap kahit na sa mga kapitbahay at sa mga kaibigan. Oo, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang mangmang na anak ay kayamutan sa kaniyang ama at kapaitan sa nanganak sa kaniya.”—Kawikaan 17:25.
20. Anong dakilang regalo ang ibinigay ng mga magulang na Kristiyano sa kanilang mga anak?
20 Gayunman, kami’y nagtitiwala na ayaw mong ang iyong mga magulang ay dumanas ng kayamutan at kapaitan. Kaya isaalang-alang mo ang mga epekto sa kanila ng iyong mga pagkilos. At, kung pribilehiyo mo na magkaroon ng mga magulang na Kristiyano, isip-isipin ang kanilang naibigay sa iyo—hindi lamang buhay—kundi isang bagay na lalong mahalaga. Tungkol kay Jehova ay sinasabi ng Bibliya: “Ang iyong kagandahang-loob ay lalong mabuti kaysa buhay.” (Awit 63:3) Sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo sa katotohanan, nabigyan ka ng iyong mga magulang ng pagkakataon na tanggapin mo ang kagandahang-loob ng Diyos, anupa’t tinulungan ka na magkaroon ng kaugnayan sa kaniya. Ang pagkakaroon nito ay higit na mabuti kaysa pagkakaroon ng buhay mismo sapagkat kahit na kung sakaling mamatay ka, ibabalik ka ng Diyos sa buhay na walang-hanggan sa Paraiso.
Tulungan ang Iba na Maiwasan Ito
21. (a) Ano ang pananagutan ng mga kabataan na nakaalam ng ginawang pagkakasala ng iba? (b) Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng isang 13-anyos na dalagita?
21 Ano kung mayroon kang nakikilalang isa na mayroong dalawang-uring pamumuhay? Una, himukin mo ang taong iyon na lumapit sa hinirang na matatanda. At ano kung siya’y tumatangging gawin iyan? Kung gayon ay iyong maka-Kasulatang pananagutan na ireport iyon. (Levitico 5:1) Aming natatalos na ito’y baka hindi maging madali, ngunit ito ang tamang dapat gawin. “Tapat ang mga sugat na likha ng isang kaibigan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 27:6) Isang 13-anyos na dalagita, pagkatapos makarinig ng isang pahayag na nagpapaliwanag ng kaniyang maka-Kasulatang pananagutan, ay lumapit sa isang kaibigan na batid niyang gumagawa ng pagkakasala at siya’y sinabihan na dapat niyang ipagtapat iyon sa matatanda. “Ako’y naparoon at inalam ko kung siya’y nakipag-usap na sa kaninumang matanda,” ang sabi sa sulat ng dalagita. “Hindi pala niya ginawa iyon. Kaya’t ako’y lumapit at nakipag-usap sa isa sa kanila.” Ang dalagita ay nagtanong: “Tama ba ang ginawa ko nang isumbong ko ang aking ‘dating pinakamatalik na kaibigan?’” Oo, tama ang ginawa niya! Bagaman ang dagliang naging bunga ng paggawa nito ay marahil nakalulungkot, ang resulta naman pagkatapos ay maaaring nakagagalak, nagliligtas-buhay pa nga sa nagkasala.—Hebreo 12:11.
22. Sa anong landas ng karunungan hinihimok na lumakad ang mga kabataan, at ano ang magiging resulta nito?
22 Subalit lahat na ito ay maiiwasan kung ikaw ay hindi sumusunod sa dalawang-uring pamumuhay unang-una. Magpakadunong ka. Paunlarin mo ang isang matibay na personal na relasyon sa Diyos, gaya ng gagawin mo sa isang matalik na kaibigan. Gawin mo ito sa pamamagitan ng regular na pananalangin sa kaniya, hingin mo na tulungan ka niya, at sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya, upang iyong tunay na mapahalagahan ang kaniyang mga katangian. Mga kabataan, kayo kung magkagayon ay pagpapalain at inyong pagagalakin ang puso ng inyong mga magulang. Subalit ang lalong higit na mahalaga, inyong pagagalakin ang puso ni Jehova.—Kawikaan 27:11.
Paano Mo Sasagutin?
□ Bakit ang mga ibang kabataan ay may dalawang-uring pamumuhay?
□ Paanong ang mga ibang magulang ay may bahagi sa pagkakaroon ng kanilang mga anak ng dalawang-uring pamumuhay?
□ Sa ano talaga humahantong ang dalawang-uring pamumuhay?
□ Paano maiiwasan ng mga kabataan ang dalawang-uring pamumuhay?
□ Anong pananagutan mayroon ang mga kabataan kung alam nila na mayroong mga kabataan na nakagawa ng malulubhang pagkakasala?
[Larawan sa pahina 18]
Ang kumpidensiyal na pakikipag-usap ay nagpapakita ng pag-ibig ng magulang
[Larawan sa pahina 20]
Kung alam mo na mayroong nakagawa ng isang malubhang pagkakasala, himukin mo ang isang iyon na ireport iyon