Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Mabuting Balita ay Umuunlad sa Cyprus Sa Kabila ng Pananalangsang
ANG mabuting balita ng kaharian ay ipinangaral ni apostol Pablo sa Cyprus. (Gawa 13:4-12) Iyan ay noong 47-48 C.E. Sa ngayon, ang mabuting balita ay ipinangangaral sa magandang islang ito at isinasagawa ng 1,154 na mga Saksi ni Jehova, at noong Abril ng taong ito, 2,570 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal, at ito’y nagpapakita na mayroong maraming tapat-puso at may takot sa Diyos na mga tao sa islang ito. Subalit samantalang marami sa mga tao ang tumatanggap sa mapayapang mensahe ng Bibliya na dinadala ng mga Saksi ni Jehova, ang klerong Griyegong Ortodokso, katulad din ng klerong Judio noong kaarawan ni Jesus, ay sumasalangsang sa gawain. (Juan 15:20) Ganito ang isinulat ng tanggapang-sangay sa Cyprus: “Higit kailanman, ang Simbahang Griyegong Ortodokso ay nagpapakita ng determinasyon na gambalain ang aming pangangaral.” Pagkatapos ay inilarawan ng ulat kung paano ginugulo ng klero ang mga kapatid sa kanilang ministeryo ng pagbabahay-bahay at sinisikap na pukawin sila upang sila’y maisangkot sa pagtatalu-talo at saka sila aakusahan na sila ang pinagmumulan ng gulo, subalit ang mga kapatid ay tumatangging mahila na magalit at basta lumayo na lamang.
Tunay, kalimitan ang pananalangsang ng klero ay sa kanila bumabalandra, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan: “Mga ilang buwan na ngayon ang nakalipas, isang babae ang nagsimulang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at kamakailan ang kaniyang asawa ay nakisali sa pag-aaral. Nang magkagayon ay isang Teologo ang dumalaw sa mag-asawang ito, sa pag-asang makukumbinsi silang huminto sa kanilang pakikipag-aral ng Bibliya. Sinikap ng teologo na ipaliwanag sa kanila ang Trinidad. Makalipas ang ilang sandali ang asawang lalaki ay huminto at ang sabi: ‘Hindi ko maintindihan kung paanong si Jesus, ngayo’y nasa langit na taglay ang isang katawang-tao, gaya ng inyong sinasabi, at gayundin iisa siya at ang Diyos na nasa anyong espiritu.’ Ang sagot ng teologo ay: ‘Buweno, hindi naman kailangang maintindihan mo ang lahat ng bagay.’ Ang taong interesado ay nagsabi: ‘Pero ang intindi ko ay na Anak ng Diyos si Jesus at hindi siya ang Diyos mismo. Ayaw ko nang marinig pa ang anuman tungkol sa Trinidad.’ Kaya ang teologo ay tumindig at galit na nagsabi: ‘Ikaw ay napakaadelentado sa iyong pag-aaral ng Bibliya. Hindi ka magbabago.’”
Ngayon ang asawang babae ay dumadalo sa lahat ng pulong at nabawtismuhan sa “Magtiwala kay Jehova” Pandistritong Kombensiyon. Ang asawang lalaki naman ay nagpatuloy sa kaniyang pakikipag-aral at dumadalo sa mga ilang pulong.
“Kaya naman, sa kabila ng kanilang pagsisikap, ang klero ay hindi nakararating sa kanilang tunguhin,” ang sabi ng report na galing sa tanggapang sangay sa Cyprus. “Bagkus, ang napapansin namin ay na lalong maraming interesado higit kaysa dati ang ngayo’y dumadalo sa mga pulong. Gayundin, lalong determinado ang mga kapatid na dalhin sa tapat-pusong mga tao ang mabuting balita.” Itinataguyod ni Jehova ang kaniyang mga tapat na lingkod gaya ng kaniyang ipinangako sa Jeremias 1:19: “Sila’y tiyak na magsisilaban sa iyo, ngunit sila’y hindi mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘ako ay sumasa-iyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’”