Isang Kahanga-hangang Karera
57 Taóng Pagmimisyonero
Inilahad ni Eric Cooke
NANG sumisilip na ang bukang-liwayway, humilig ako sa mga barandilyas ng barkong magtatawid sa amin sa kabilang ibayo at tumanaw ako sa mistulang dumi na malaganap sa abot-tanaw. Kami ng aking kapatid na lalaki ay lumisan sa Southampton, Inglatera, nang lumipas na gabi at patungo kami sa Saint-Malo, Pransiya. Mga turista ba? Hindi, kami’y may layuning dalhin sa Pransiya ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Nang kami’y dumating sa Saint-Malo, kinuha namin ang aming mga bisikleta at namisikleta kami patungong timog.
Ganiyan namin pinasimulan ng aking nakababatang kapatid na si John ang pagmimisyonero sa ibang bansa mahigit nang 57 taon ngayon ang nakalipas. Ano ba ang nag-udyok sa amin na pumasok sa buong-panahong paglilingkod? Ano ang nagpakilos sa amin upang lisanin ang isang panatag na pamumuhay sa isang maalwang tahanan sa Inglatera?
Ang Nakaimpluwensiya sa Aming Buhay
Noong 1922 ang aking ina ay dumalo sa pahayag pangmadlang “Nasaan ang mga Patay?” Ganiyan na lang ang kaniyang kagalakan nang kaniyang marinig iyon at hindi nagtagal siya ay naging isang nag-alay na lingkod ni Jehova. Subalit si Itay ay hindi natuwa. Siya ay kaanib sa Iglesiya Anglikana, at ilang mga taon din na isinasama niya kami sa simbahan kung Linggo ng umaga samantalang sa hapon naman ay tinuturuan kami ni Inay sa Bibliya.
Noong 1927 si John ay nag-edad ng 14 at nagsimulang dumalo sa mga pulong kasama ni Inay at nakibahagi sa pagpapatotoo sa bahay-bahay. Subalit ako’y nasisiyahan na sa ganang sarili, palibhasa’y mayroon akong mainam na trabaho sa Barclay’s Bank. Gayunman, bilang paggalang kay Inay, sa wakas ay nagsimula rin ako ng pag-aaral ng Bibliya, sa tulong ng mga lathalain ng Watch Tower Society. Pagkatapos niyan, mabilis ang espirituwal na pagsulong, at noong 1930 ako ay nabautismuhan.
Nang ako’y huminto na ng pag-aaral noong 1931, sinimulan naman ni John ang buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Nang kaniyang imungkahi na sumama ako sa kaniya sa pagpapayunir, iniwan ko ang aking trabaho sa bangko at sumama na ako sa kaniya. Ang aming determinasyon ay lalong pinatibay ng aming bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova, na katatanggap lamang namin noon. Ang unang destino namin ay ang bayan ng La Rochelle at ang kanugnog na teritoryo sa baybaying kanluran ng Pransiya.
Pagpapayunir sa Pransiya sa Pamamagitan ng Bisikleta
Habang kami’y namimisikleta patimog galing sa Saint-Malo, kami’y nagagalak habang pinagmamasdan namin ang mga bukirin ng mansanas sa Normandy at kami’y lumalanghap ng halimuyak ng hinog na mga mansanas buhat sa mga alilisan na pumipiga upang makuha ang katas nito. Bahagya ma’y hindi namin natatalos noon na ang karatig na mga baybaying-dagat ng Normandy makalipas ang 13 taon, sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ay masasalanta dahilan sa magaganap doon na ilan sa pinakamadudugong labanan sa kasaysayan; at hindi namin natatanto noon na ang aming buong-panahong ministeryo ay tatagal nang gayong katagal. Biniro ko pa si John: “Inaakala kong tayo’y makaaaguwanta ng limang taon bilang mga payunir. Marahil ay hindi na gaanong kalayuan ang Armagedon!”
Makalipas ang tatlong araw ng pamimisikleta, kami’y dumating sa La Rochelle. Kaming dalawa ay mayroong kaunting nalalamang Pranses, kaya’t hindi kami nahirapan ng paghanap ng isang katamtamang silid na may mga gamit na. Sa aming pamimisikleta, aming nagawa ang lahat ng mga bayan-bayan sa palibot na may layong 20 kilometro, namahagi kami roon ng mga literatura sa Bibliya. Pagkatapos ay lumipat kami sa ibang siyudad at inulit namin uli ang gayong gawain. Wala nang ibang mga Saksi sa panig na iyon ng Pransiya.
Noong Hulyo 1932, si John, na natuto ng Kastila sa paaralan, ay ipinadala ng Samahan sa Espanya upang doon maglingkod. Ako naman ay nagpatuloy sa timugang Pransiya at may dalawang taon na nagkaroon ako ng sunud-sunod na mga kapareha galing sa Inglatera. Dahilan sa wala nang ibang mga Saksi, ang palagiang pananalangin at pag-aaral ng Bibliya ay kinailangan upang manatili ang aming espirituwal na lakas. Kami ay umuuwi rin sa Inglatera minsan sa isang taon para sa taunang mga kombensiyon.
Noong 1934 kami ay pinaalis sa Pransiya. Ang Iglesiya Katolika Romana, na noon ay malakas ang impluwensiya, ang may kagagawan. Sa halip na bumalik sa Inglatera, ako’y sumama sa dalawang iba pang mga payunir na Ingles at kami ay tumungo sa Espanya—sakay pa rin ng aming mga bisikleta. Isang gabi kami’y natulog sa ilalim ng mga ilang mabababang punungkahoy, isang gabi naman ay natulog kami sa isang mandala ng palay, at isang gabi pa ay sa tabing-dagat. Sa wakas ay dumating din kami sa Barcelona sa hilagang-silangang Espanya at nakasama na namin si John, na malugod namang tumanggap sa amin.
Ang Hamon ng Espanya
Walang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya noong panahong iyon. Pagkatapos na gumawa ng mga ilang buwan sa Barcelona, kami’y nagpatuloy at pumaroon sa Tarragona. Doon unang gumamit kami ng isang bitbiting ponograpo at nagpatugtog ng mga plaka ng maiikling pahayag sa Bibliya sa Kastila. Ito’y napakamabisa, lalo na sa siksikang mga restaurant at bahay-tuluyan.
Sa Lérida, sa gawing hilagang-kanluran, may sumama sa amin na isang nagsosolong Saksi, si Salvador Sirera. Palibhasa’y nagkaroon ng lakas ng loob dahil sa aming paglagi roon sandali, siya’y nagpayunir sandali. Sa Huesca, kami’y sinalubong nang malugod at masigla ni Nemesio Orus sa kaniyang munting tahanan sa itaas ng kaniyang talyer na gawaan ng relo. Siya’y aming pinagdausan ng aming unang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, na doo’y ginamit namin ang isa sa mga unang pulyeto ng Samahan. Ginaganap namin iyon sa loob ng mga ilang oras araw-araw, at hindi nagtagal at siya’y nagpayunir kasama namin.
Sa susunod na siyudad na aming ginawa, sa Zaragoza, kami’y nagkaroon ng kagalakan na matulungan si Antonio Gargallo at José Romanos, dalawang kabataan na nasa huling taon ng kanilang pagka-tinedyer. Gabi-gabi ay nagpupunta sila sa aming munting kuwarto para sa pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng aklat na Government. Nang sumapit ang panahon, kapuwa sila sumama sa amin sa pagpapayunir.
Inakusahan ng Pagiging mga Fascista
Samantala, namumuo ang gulo. Ang Giyera-Sibil na Kastila ay halos sisiklab na noon, isang digmaan na daan-daang libo ang nangasawi sa wakas. Sa isang bayan malapit sa Zaragoza, kami ni Antonio ay napaharap sa mga suliranin. Ang aming mga pulyeto ay pinagkamalan ng isang babaing tumanggap nito at inakala niyang ito’y mga propagandang Katoliko at kami’y inakusahan ng pagiging mga Fascista. Kami’y inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya. “Ano ba ang inyong ginagawa sa bayang ito?” ang tanong ng sarhento. “Ang mga tao rito ay mga komunista at hindi nila gusto ang mga propagandang Fascista!”
Pagkatapos na maipaliwanag namin ang aming gawain, siya ay nasiyahan naman. May kabaitan na kami’y pinapananghalian at sinabihan kami na lisanin naming tahimik ang bayang iyon sa panahon na namamahinga ang mga tao. Subalit nang kami’y palisan na, isang pangkat ng mga mang-uumog ang naghihintay pala. Kanilang sinunggaban ang lahat ng aming literatura. Iyon ay isang pangit na pangyayari. Gayunman, kami’y napasasalamat na dumating ang sarhento at mataktikang kinausap niya ang mga mang-uumog. Pumayag na rin ang mga mang-uumog nang sabihin niya na kami’y dadalhin niya sa Zaragoza upang humarap sa mga maykapangyarihan. Doon ay namagitan siya para sa amin sa isang opisyal ng siyudad, at kami ay pinalaya.
Noong Hulyo 1936, nang magsimula ang giyera-sibil, si Antonio ay tumangging makipanig sa pakikipaglabang kasama ng mga sundalo ni Franco kaya siya’y pinatay. Anong laking kagalakan para sa aming dalawa ni John na salubungin siya sa pagkabuhay-muli at muling makita ang kaniyang malumanay na ngiti!
Pinagkamalang mga Komunista sa Irlandya
Hindi pa nalalaunan bago sumiklab ang giyera-sibil, kami ni John ay bumalik sa Inglatera para sa aming karaniwang taun-taóng pag-uwi. Dahilan sa giyera noon ay hindi na kami maaaring makabalik sa Espanya, kaya’t kami’y nagpayunir ng kung ilang linggo sa Kent, malapit sa aming tahanan sa Broadstairs. Pagkatapos ay dumating ang aming susunod na destino—ang Irlandya. Ang pangulo ng Samahan, si Joseph F. Rutherford, ay nagsaayos na kami’y pumaroon doon at mamahagi ng isang natatanging tract na pinamagatang You Have Been Warned. Noon ay walang mga kongregasyon sa timugang Irlandya, kundi ang naroo’y ilan lamang na mga nakabukod na Saksi lamang.
Nang panahong ito, sa sulsol ng klerong Katoliko, kami’y inakusahan ng pagiging mga komunista—ang mismong kasalungat ng paratang sa amin sa Espanya! Minsan isang galit na galit na pulutong ng mga Katoliko ang sádarating sa bahay na aming tinutuluyan, kanilang kinuha ang aming kahon ng mga literatura, at sinunog. Kami’y dumanas ng ilang ganiyang mga karahasan bago kami nakabalik sa Inglatera noong tag-araw ng 1937.
Digmaang Pandaigdig II at Pag-aaral sa Gilead
Nang ideklara ang Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre 1939, si John ay naglilingkod sa Bordeaux, Pransiya, at ako naman ang siyang tagapangasiwa ng kongregasyon sa Derby, Inglatera. Ang ibang mga payunir, kasali na si John, na muling sumama sa akin, ay pinayagang malibre sa sapilitang pagsusundalo, subalit ang iba naman, katulad ko nga, ay hindi inilibre. Kaya’t ako’y labas-masok sa bilangguan noong panahon ng digmaan. Pagtitiis ang kailangan upang makaaguwanta sa mga kalagayan sa bilangguang iyan noong panahon ng digmaan, subalit batid namin na ang aming mga kapatid sa Europa ay higit pa ang dinaranas na kahirapan.
Pagkatapos ng digmaan, ang bagong pangulo ng Watch Tower Society, si Nathan H. Knorr, ay dumalaw sa Inglatera at nagsaayos na ang mga ilang payunir ay makapag-aral sa Watch Tower Bible School of Gilead sa Estado ng New York sa gawing hilaga, para sa pagsasanay misyonero. Kaya’t noong Mayo 1946 kami ni John ay tumawid ng Atlantiko sakay ng isang barkong Liberty na gawa noong panahon ng giyera.
Ang ikawalong klase ng Gilead ang unang talagang internasyonal na klase. Anong laking kagalakan na maranasan ang makapag-aral at makasama ng beteranong mga payunir sa loob ng limang-buwang kurso! Sa wakas, sumapit ang araw ng gradwasyon, at napag-alaman namin ang amin-aming mga atas. Ako’y inatasan na maglingkod sa Southern Rhodesia, na ngayon’y kilala sa tawag na Zimbabwe, at si John naman ay sa Portugal at Espanya.
Paglilingkurang Misyonero sa Aprika
Ako’y lumunsad sa Cape Town, Timog Aprika, noong Nobyembre 1947. Isa pang barko ang naghatid sa mga kaklase kong sina Ian Fergusson at Harry Arnott. Hindi nagtagal at si Brother Knorr ay dumalaw at kami’y dumalo sa isang kombensiyon sa Johannesburg. Pagkatapos ay nagtungo na kami sa gawing norte sa aming mga atas—si Ian ay sa Nyasaland (ngayo’y Malawi), si Harry ay sa Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia), at ako naman ay sa Southern Rhodesia (Zimbabwe). Nang takdang panahon ang Samahan ay nagtatag ng isang sangay, at ako’y inatasan na tagapangasiwa ng sangay. Kami’y mayroong 117 kongregasyon na may humigit-kumulang 3,500 mamamahayag sa bansa.
Hindi nagtagal at apat na mga bagong misyonero ang dumating. Inaasahan nilang sila’y ididestino sa mga lugar na may mga kubong putik, mga leong umuungal kung gabi, mga ahas sa ilalim ng kama, at primitibong mga kalagayan. Sa halip, sila’y idinestino sa mga lugar na may namumulaklak na mga punò na magkakahilerang tumutubo sa mga kalye ng Bulawayo, modernong mga kaugalian, at ang mga tao’y handang makinig sa balita ng Kaharian, kaya ang tawag nila rito ay isang paraiso ng payunir.
Dalawang Personal na Pagbabago
Nang ako’y bautismuhan noong 1930, bahagya lamang ang unawa tungkol sa mga bibigyan ng buhay na walang-hanggan sa lupa. Kaya kaming dalawa ni John ay nakibahagi sa mga emblema sa selebrasyon ng Memoryal, gaya ng ginawa ng bawat isa noon. Kahit na noong 1935, nang ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis kabanata 7 ay makilala bilang isang makalupang uri ng “mga tupa,” ang aming kaisipan ay hindi nagbago. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Pagkatapos, noong 1952, ang The Watchtower sa pahina 63 ay naglathala ng paliwanag tungkol sa pagkakaiba ng makalupang pag-asa at ng makalangit na pag-asa. Aming natanto na hindi pala namin taglay ang pag-asa sa makalangit na buhay kundi na ang aming pag-asa ay ang buhay sa isang paraiso sa lupa.—Isaias 11:6-9; Mateo 5:5; Apocalipsis 21:3, 4.
Ang isa pang pagbabago? Ako’y patuloy na nagiging malapit kay Myrtle Taylor, na gumagawang kasama namin nang may tatlong taon. Habang lumilinaw na ganoon din ang kaniyang nadarama tungkol sa akin at na kapuwa kami lubhang nagpapahalaga sa paglilingkurang misyonero, kami’y nagkasundong pakasal at nakasal nga noong Hulyo 1955. Si Myrtle ay napatunayang isang lubhang mahusay umalalay sa kaniyang asawa.
Ministeryo sa Timog Aprika
Noong 1959 si Brother Knorr ay dumalaw sa Southern Rhodesia, at kami ni Myrtle ay muling inatasan sa Timog Aprika. Hindi nagtagal at kami’y nagsimula na namang maglakbay sa aming destino sa gawaing pansirkito. Yaon ay mga ginintuang kaarawan. Subalit ako’y nagkakaedad, at ang kalusugan ni Myrtle ay nagbigay sa amin ng bahagyang pagkabalisa. Makalipas ang sandali hindi na kami makaaguwanta sa bilis na kailangan sa gawaing pansirkito, kaya’t kami’y nagtatag ng isang tahanang misyonero sa Cape Town at naglingkod doon nang mga ilang taon. Nang malaunan, kami’y muling inatasang maglingkod sa Durban, sa Natal.
Ang ibinigay na teritoryo sa amin doon ay Chatsworth, isang malaking komunidad na Indiyan. Ito’y isang banyagang atas sa loob ng isang banyagang atas—isang tunay na hamon sa may edad nang mga misyonero. Nang kami’y dumating noong Pebrero 1978, mayroong isang kongregasyon ng 96 na mga Saksi, karamihan ay Indiyan. Kinailangang pag-aralan namin ang relihiyosong kaisipan ng mga Hindu at unawain ang kanilang mga kostumbre. Ang paraan ng paglapit na ginamit ni apostol Pablo sa pagpapatotoo sa Atenas ay nagsilbing isang halimbawa na tumulong sa amin.—Gawa 17:16-34.
Mga Pagpapala ng Paglilingkurang Misyonero
Ngayon ako’y 78 taóng gulang, na may 57 taon ng paglilingkurang misyonero. Lubhang nakapagpapatibay-loob na makita ang kagila-gilalas na mga pagsulong sa mga bansang pinaglingkuran ko! Ang Pransiya ay nakaabot na sa 100,000 mga mamamahayag ng Kaharian, ang Espanya naman ay mahigit na 70,000, at ang Timog Aprika ay sumulong buhat sa 15,000 nang kami’y dumating doon at naging mahigit na 43,000.
Mga kabataan, ang inyo bang mga kalagayan sa buhay ay nagpapahintulot na kayo’y pumasok sa buong-panahong ministeryo? Kung gayon, natitiyak ko sa inyo na ito ang pinakamagaling na karera. Ito’y hindi lamang isang proteksiyon buhat sa mga suliranin at mga tukso na napapaharap sa mga kabataan sa ngayon kundi maaaring hubugin nito ang inyong personalidad upang makaayon sa matuwid na mga simulain ni Jehova. Anong laking bentaha at pribilehiyo para sa kapuwa kabataan at mga may edad na maglingkod kay Jehova ngayon!
[Larawan sa pahina 29]
Isang panauhin ang dumalaw sa kusina ni Myrtle Cook sa kampo