Pagbabago ng Atas sa Edad na 80
AYON SA PAGKALAHAD NI GWENDOLINE MATTHEWS
Nang umabot ako ng 80 anyos, ipinasiya naming mag-asawa na iimpake ang lahat ng aming pag-aari sa isang inupahang van at magbiyahe mula sa Inglatera tungo sa Espanya. Hindi kami nakapagsasalita ng Kastila, at pupunta kami sa timog-kanlurang Espanya, na hindi man lamang nadadalaw ng mga turistang nagsasalita ng Ingles. Karamihan ng aming mga kaibigan ay nag-isip na hindi kami naging praktikal, subalit may kasiyahan kong inalaala na si Abraham ay 75 taon nang lisanin niya ang Ur.
GAYA ng nangyari, ang mga taon na ginugol namin sa Espanya sapol nang dumating kami rito noong Abril 1992 ay naging isa sa pinakakasiya-siyang panahon sa aming buhay. Pero bago ko ipaliwanag kung bakit kami lumipat, hayaan ninyong ilahad ko sa inyo kung paano ang aming buong buhay na paglilingkuran kay Jehova ay umakay sa amin na gumawa ng gayong kalaking pasiya.
Binago ng Katotohanan sa Bibliya ang Aming Buhay
Pinalaki ako sa isang relihiyosong tahanan sa timog-kanlurang London, Inglatera. Kami ng aking kapatid na babae ay isinasama noon ni Inay sa iba’t ibang dako ng pagsamba habang patuloy siyang naghahanap ng espirituwal na kasiyahan. Ang aking ama, na may malubhang sakit na tuberkulosis, ay hindi sumasama sa amin. Subalit siya ay isang masugid na mambabasa ng Bibliya, at ginuguhitan niya ito sa tuwing makasusumpong siya ng talata na nakapagbibigay-liwanag sa kaniya. Isa sa aking pinakamamahal na pag-aari ay ang lumang-lumang Bibliya na iyon na totoong napakahalaga sa kaniya.
Noong 1925, nang ako ay 14 anyos, isang pulyeto ang inilagay sa ilalim ng aming pintuan na nag-aanyaya sa amin sa isang pahayag pangmadla sa bulwagang pambayan ng West Ham. Ang aking ina at ang isang kapitbahay ay nagpasiyang dumalo sa pahayag, at sumama kami ng aking kapatid na babae. Ang pahayag na iyon, “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ay Hindi Na Mamamatay Kailanman,” ay naghasik ng mga binhi ng katotohanan sa Bibliya sa puso ni Inay.
Pagkaraan ng ilang buwan, namatay si Itay sa edad na 38. Ang kaniyang kamatayan ay isang matinding dagok, yamang iniwan kami nitong nagdadalamhati at salat na salat. Sa serbisyo ng libing, na ginanap sa lokal na Church of England, nagulat si Inay nang marinig ang sinabi ng pari na ang kaluluwa ni Itay ay nasa langit. Batid niya mula sa Bibliya na ang mga patay ay natutulog sa libingan, at matibay ang kaniyang paniniwala na balang araw ay bubuhaying muli si Itay tungo sa walang-hanggang buhay sa lupa. (Awit 37:9-11, 29; 146:3, 4; Eclesiastes 9:5; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3, 4) Yamang kumbinsido na dapat siyang makisama sa mga taong nagtuturo ng Salita ng Diyos, ipinasiya niyang pasulungin ang kaniyang pakikisama sa mga International Bible Student, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.
Yamang wala kaming pera para ipamasahe, linggu-linggo ay naglalakad kami nang dalawang oras mula sa aming tahanan papunta sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos, gumugugol pa kami ng dalawang oras sa paglakad pauwi. Subalit lubos naming pinahalagahan ang mga pulong na iyon, at ni minsan ay hindi kami lumiban, kahit na kumulandong pa sa lunsod ang napabalitang London fog. Di-nagtagal ay ipinasiya ni Inay na ialay ang kaniyang buhay kay Jehova at magpabautismo, at noong 1927, nagpabautismo rin ako.
Sa kabila ng aming mahirap na buhay, laging itinuturo sa akin ni Inay ang kahalagahan ng espirituwal na mga priyoridad. Ang isa sa kaniyang paboritong teksto ay ang Mateo 6:33, at talaga namang ‘hinanap muna niya ang kaharian.’ Nang mamatay siya nang maaga dahil sa kanser noong 1935, ipinaplano niyang tugunin ang panawagan ukol sa mga buong-panahong ministro na makalilipat sa Pransiya upang maglingkod.
Mga Halimbawang Nakapagpalakas sa Amin
Noong mga unang taóng iyon, ang ilan sa mga dumadalo sa mga pulong sa London ay gustong magpahayag ng kanilang sariling mga ideya, at ang mga taong ito ay nagbunsod ng pag-aaway at labis-labis na gulo. Subalit, laging sinasabi ni Inay na isang kawalang-katapatan ang lisanin ang organisasyon ni Jehova matapos ang lahat ng aming natutuhan mula rito. Ang mga pagdalaw ni Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang nagpasigla sa amin na patuloy na maglingkod nang buong-katapatan.
Nagugunita ko si Brother Rutherford bilang isang taong mabait at madaling lapitan. Nang ako ay tin-edyer pa lamang, nagsaayos ng iskursiyon ang London Congregation at dito’y sumama siya. Napansin niya ako—isang mahiyaing tin-edyer—na may dalang kamera at hiniling niya kung gusto kong kunan siya ng larawan. Ang larawang iyon ay naging isang pinakaiingatang alaala.
Nang maglaon, ikinintal sa akin ng isang karanasan ang kaibahan ng mga nangunguna sa Kristiyanong kongregasyon at ng mga prominenteng lalaki sa sanlibutan. Naglilingkod ako bilang tagapagsilbi sa isang malaking bahay sa London na doo’y inanyayahan para sa isang tanghalian si Franz von Papen, isa sa mga sugo ni Hitler. Tumanggi siyang alisin ang kaniyang sableng panggala samantalang kumakain, at natalisod ako rito at naitapon ang sopas na dala-dala ko. Galit na galit na sinabi niya na sa Alemanya ang gayong kawalang-ingat ay maaaring maging dahilan ng pagbaril sa akin. Kaya sa nalabing panahon ng kainan, umiwas ako nang lubusan sa kaniya!
Isang mahalagang kombensiyon ang idinaos sa Alexandra Palace noong 1931, kung saan narinig kong nagpahayag si Brother Rutherford. Doon ay tuwang-tuwa naming tinanggap ang aming bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10, 12) Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1933, pumasok ako sa paglilingkurang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo. Ang isa pang pagpapala na natatandaan ko sa mga taóng iyon ay ang pagkakaroon ng pagkakataong makisama sa mahuhusay na kabataang lalaki na nang dakong huli ay naging mga misyonero sa malalayong bahagi ng lupa. Kabilang dito sina Claude Goodman, Harold King, John Cooke, at Edwin Skinner. Ang gayong mga tapat na huwaran ay nag-udyok sa akin na magnais na maglingkod sa isang banyagang lupain.
Pagpapayunir sa Silangang Anglia
Ang aking atas bilang payunir ay sa Silangang Anglia (gawing silangan ng Inglatera), at kailangan ang kasiglahan at kasigasigan upang makapangaral doon. Upang makubrehan ang aming malaking teritoryo, kami’y nagtungo sa mga bayan at mga nayon sakay ng bisikleta at nanuluyan sa mga inuupahang kuwarto. Walang kongregasyon sa lugar na iyon, kaya kami na lamang ng aking partner ang magkasamang tumalakay sa lahat ng mga bahagi para sa regular na mga lingguhang pagpupulong. Sa aming ministeryo, nakapagpasakamay kami ng daan-daang aklat at buklet na nagpapaliwanag sa mga layunin ng Diyos.
Ang isang pagdalaw na hindi ko malilimutan ay yaong sa isang kumbento kung saan nakipag-usap kami sa isang lokal na bikaryo ng Church of England. Sa maraming lugar, huli naming dinadalaw ang bikaryong Anglicano dahil malimit na pinahihirapan niya kami kapag nalaman niyang ipinangangaral namin ang mabuting balita sa kanilang lugar. Subalit sa nayong ito ay mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol sa bikaryo. Dinadalaw niya ang maysakit, nagpapahiram siya ng mga aklat sa mga mahilig magbasa, at dinadalaw pa man din niya ang mga miyembro ng kaniyang parokya upang ipaliwanag ang Bibliya sa kanila.
Gaya ng inaasahan, nang dalawin namin siya, siya’y lubhang palakaibigan, at tumanggap siya ng ilang aklat. Tiniyak din niya sa amin na kung gusto ng sinuman sa nayon na magkaroon ng mga aklat namin ngunit wala itong pambayad, siya na ang magbabayad sa mga iyon. Nalaman namin na ang kaniyang kakila-kilabot na karanasan noong Digmaang Pandaigdig I ang nagpangyari sa kaniyang maging determinado na itaguyod ang kapayapaan at kabutihang-loob sa kaniyang parokya. Bago kami umalis ay binasbasan niya kami at pinatibay-loob na magpatuloy sa aming mabuting gawain. Ang kaniyang mga salita bilang pamamaalam sa amin ay yaong nasa Bilang 6:24: “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, at ingatan kayo.”—King James Version.
Namatay si Inay pagkaraan ng dalawang taon mula nang ako’y magpayunir, at umuwi ako sa London na walang pera at walang pamilya. Kinupkop ako ng isang minamahal na Saksing taga-Scotland, tinulungan ako na makayanan ang pagkamatay ni Inay, at pinatibay-loob ako na magpatuloy sa buong-panahong ministeryo. Kaya nagbalik ako sa Silangang Anglia kasama si Julia Fairfax, isang bagong partner na payunir. Kinumpuni namin ang isang lumang caravan (trailer) upang magsilbing nahihilang tirahan; gumagamit kami ng isang traktora o isang trak upang ilipat ito sa iba’t ibang lugar. Kasama ang may edad nang mag-asawa, sina Albert at Ethel Abbott, na mayroon ding maliit na caravan, nagpatuloy kami sa pangangaral. Sina Albert at Ethel ay naging parang mga magulang ko.
Samantalang nagpapayunir sa Cambridgeshire, nakilala ko si John Matthews, isang mahusay na Kristiyanong lalaki na nakapagpatunay na ng kaniyang katapatan kay Jehova sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Nagpakasal kami noong 1940, di-nagtagal pagkatapos sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Panahon ng Digmaan at Isang Pamilya
Nang kami ay bagong mag-asawa pa lamang, ang aming tahanan ay isang maliit na caravan na halos kasinlaki ng isang maliit na kusina, at ginagamit namin sa aming ministeryo ang isang maaasahang motorsiklo. Isang taon matapos kaming makasal, si John ay sinentensiyahang magtrabaho bilang isang manggagawa sa bukid nang tumanggi siyang maglingkod sa militar dahil sa kaniyang salig-sa-Bibliyang paninindigan. (Isaias 2:4) Bagaman nangahulugan ito na tapos na ang aming pagpapayunir, ang sentensiya kay John ay naging kapaki-pakinabang yamang nagdadalang-tao ako noon at magagawa niya kaming sustentuhan.
Noong mga taon ng digmaan, nasisiyahan kami sa mga pantanging pagpupulong na ginaganap sa kabila ng mga kahirapan. Noong 1941 kami ni John ay nagmotorsiklo ng 300 kilometro ang layo patungong Manchester, bagaman ipinagdadalang-tao ko noon ang aming unang anak. Sa daan, nadaanan namin ang maraming binombang bayan, at inisip namin kung maidaraos kaya ang pulong sa ilalim ng ganitong mga kalagayan. Naidaos iyon. Ang Free Trade Hall sa sentro ng Manchester ay napuno ng mga Saksi mula sa maraming bahagi ng Inglatera, at iniharap ang buong programa.
Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, ang huling tagapagsalita ng kombensiyon ay nagsabi sa tagapakinig na dapat nilang lisanin agad ang lugar na iyon, yamang inaasahan ang pagbobomba mula sa himpapawid. Napapanahon ang babala. Hindi pa kami nakalalayo sa bulwagan nang marinig namin ang mga sirena at ang mga kanyon na panlaban sa eroplano. Nang lumingon kami, nakita namin ang maraming eroplano na naghuhulog ng mga bomba sa sentro ng lunsod. Sa di-kalayuan, sa gitna ng apoy at usok, natatanaw namin ang bulwagan na kani-kanina’y kinauupuan namin; ito ay lubusang nawasak! Mabuti na lamang, wala sa ating mga kapatid na Kristiyano ang namatay.
Samantalang pinalalaki namin ang aming mga anak, hindi kami nakapagpayunir, ngunit binuksan namin ang aming tahanan sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa mga payunir na walang matutuluyan. Sa isang pagkakataon, anim na payunir ang nanuluyan sa aming tahanan sa loob ng ilang buwan. Walang alinlangan na ang pakikisama sa mga gayong tao ang isang dahilan kung kaya ipinasiya ng aming anak na babaing si Eunice na magsimulang magpayunir noong 1961 nang siya ay 15 anyos pa lamang. Nakalulungkot sabihin, ang aming anak na lalaki, si David, ay hindi nagpatuloy sa paglilingkod kay Jehova nang siya ay lumaki, at ang isa pa naming anak na babae, si Linda, ay namatay sa ilalim ng kalunus-lunos na kalagayan noong panahon ng digmaan.
Ang Aming Pasiya na Lumipat sa Espanya
Ang halimbawa at pampatibay-loob ni Inay ay pumukaw sa akin ng pagnanais na maging isang misyonero, at hindi lubusang nawaglit kailanman sa akin ang tunguhing ito. Kaya naman, kami’y natuwa nang, noong 1973, umalis si Eunice sa Inglatera patungong Espanya kung saan mas malaki ang pangangailangan ukol sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Sabihin pa, malungkot kami na makita ang kaniyang pag-alis, subalit ipinagmamapuri rin namin na nais niyang maglingkod sa banyagang lupain.
Dinalaw namin si Eunice noong mga nagdaang taon, at naging pamilyar sa amin ang Espanya. Sa katunayan, kami ni John ay dumalaw sa kaniya sa apat na iba’t ibang atas niya. Pagkatapos, sa paglipas ng mga taon, nagsimula kaming humina. Minsa’y natumba si John na malubhang nakaapekto sa kaniyang kalusugan, at ako naman ay may karamdaman sa puso at thyroid. Bukod dito, pareho kaming pinahihirapan ng arthritis. Bagaman talagang kailangan namin ang tulong ni Eunice, hindi namin gustong iwan niya ang kaniyang atas dahil lamang sa amin.
Ipinakipag-usap namin kay Eunice ang aming balak, at nanalangin kami ukol sa patnubay. Handa siyang umuwi upang tulungan kami, subalit ipinasiya namin na ang pinakamainam na solusyon ay ang tumira kami ni John na kasama niya sa Espanya. Kung ako mismo ay hindi maaaring maging misyonero, kahit paano ay masusuportahan ko ang aking anak at ang kaniyang dalawang kasamang payunir sa buong-panahong paglilingkod. Nang panahong iyon, itinuring na namin ni John na aming sariling mga anak sina Nuria at Ana, ang dalawang kasamang payunir ni Eunice sa nakalipas na 15 taon. At natutuwa silang makasama kami sa tirahan saanman sila maatasan.
Mahigit sa anim na taon na ang lumipas sapol nang ipasiya namin ang gayon. Hindi naman lumubha ang aming sakit, at talagang higit na naging kawili-wili ang aming buhay. Hindi pa rin ako sanay magsalita ng Kastila, ngunit hindi ito nakapagpahinto sa akin sa pangangaral. Palagay na palagay ang loob namin ni John sa aming maliit na kongregasyon sa Extremadura, sa timog-kanlurang Espanya.
Ang pamumuhay sa Espanya ay nagturo sa akin nang marami tungkol sa internasyonal na kaurian ng ating gawaing pangangaral ng Kaharian, at nauunawaan ko ngayon nang lalong malinaw kung paanong, gaya ng sabi ni Jesu-Kristo, “ang bukid ay ang sanlibutan.”—Mateo 13:38.
[Mga larawan sa pahina 28]
Pagpapayunir noong mga taon ng 1930