Paaralang Gilead—50 Taóng Gulang at Patuloy Pang Umuunlad!
“MARAMING lugar na kung saan ang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ay hindi pa nagagawa nang malawakan,” ang sabi ni N. H. Knorr sa unang klase ng Gilead noong Pebrero 1, 1943, ang unang araw ng paaralan. Kaniyang isinusog: “May daan-daan at libu-libo pang maaaring marating kung may higit pang mga manggagawa sa larangan. Sa tulong ng di-sana-nararapat na kagandahang loob ng Panginoon, magkakaroon ng higit pa.”
At nagkaroon nga ng higit pang mga manggagawa—angaw-angaw pa! Dumami ang mga mamamahayag ng Kaharian mula sa 129,070 sa 54 na lupain noong 1943 hanggang sa 4,472,787 sa 229 na lupain noong 1992! Malaki ang nagawa ng Paaralang Gilead sa pagpapatotoo na nagbunga ng pagdaming iyan. Pagkaraan ng 50 taon ito’y patuloy na gumaganap ng pangunahing bahagi sa pagsasanay ng mga manggagawang misyonero upang maglingkod saanman sila kailangan sa larangan ng daigdig.
Noong Marso 7, 1993, may 4,798 inanyayahang panauhin at mga miyembro ng pamilyang Bethel sa E.U. na nagtipon sa Jersey City Assembly Hall, sa New Jersey, para sa pagtatapos ng ika-94 na klase. Ang tunay na natatanging okasyon na ito ay nagbigay rin ng pagkakataon na magbulay-bulay tungkol sa 50 taóng pag-iral ng Paaralang Gilead. Ibig mo ba ng kaunting kaalaman tungkol sa programa?
Pagkatapos ng pambungad na awit, si George D. Gangas ng Lupong Tagapamahala ay naghandog ng isang taimtim na panalangin. Sumunod, pagkatapos ng pambungad na pananalita ng chairman, si Carey W. Barber, ang mga nagtapos—at ang lahat ng dumalo—ay maingat na nakinig sa isang serye ng maiikling pahayag.
Si Robert W. Wallen ang unang nagpahayag, sa temang “Ikaw Ay Hindi Kailanman Nag-iisa.” Sa isang masiglang tono, sinabi niya: ‘Sa hinaharap na mga araw, darating ang mga pagkakataon sa buhay ninyo na inyong madarama na kayo’y lubhang nag-iisa, pagkalayu-layo sa pamilya at mga kaibigan.’ Papaano nga masasabing, “Kayo ay hindi kailanman nag-iisa?” Ang kaniyang paliwanag ay: ‘Sapagkat magagawa ng bawat isa sa inyo ang dagliang pakikipag-usap sa Diyos na Jehova.’ Ipinayo niya sa mga nagtapos na mahalin ang pribilehiyo ng panalangin at gamitin ito araw-araw. Kung gayon, tulad ni Jesus, masasabi nila, “Ako’y hindi nag-iisa.” (Juan 16:32) Anong laking pampatibay-loob para sa mga nagtapos ang mga salitang iyon!
Sa pagpapahayag sa temang “Humawak Nang Mahigpit sa Inyong Pag-asa” (salig sa pang-araw-araw na teksto ng Marso 7), si Lyman A. Swingle ng Lupong Tagapamahala ay sumunod na nagsalita tungkol sa pangangailangan ng dalawang katangian—pagtitiis at pag-asa. ‘Ang pag-upasala, pagkamuhi, pagkapoot, pagkabilanggo, maging ang kamatayan, ay mga dahilan kung bakit kailangan ang pagtitiis para sa mga Kristiyano,’ sinabi niya. ‘Walang hangganan ang lakas na higit pa sa pangkaraniwan na maaaring pagkunan ng lakas ng tapat na mga Saksi ni Jehova kung mga panahon ng pangangailangan. Ito ay tunay na nagbibigay ng kasiguruhan, lalo na para sa inyo na mga nagtapos.’ Kumusta naman ang pag-asa? ‘Ang pag-asa ay hindi maaaring mawala,’ ang paliwanag niya. ‘Kung papaanong ipinagsasanggalang ng turbante ang ulo ng may suot niyaon, ang pag-asa ng kaligtasan naman ay nagbabantay at nagsasanggalang sa pag-iisip ng Kristiyano, anupat siya’y nakapananatili sa katapatan.’—1 Tesalonica 5:8.
Ang sumunod na tagapagpahayag, si Ralph E. Walls, ay pumili ng isang temang nakatatawag-pansin, “Papaano Tayo Makatatakas Tungo sa Katiwasayan ng Isang ‘Maluwag na Dako’?” Ano ba itong “maluwag na dako”? (Awit 18:19) “Isang kalagayan ng kaligtasang nagdudulot ng kapayapaan ng isip at katiwasayan ng puso,” ang paliwanag ng tagapagpahayag. Sa ano tayo kailangang maligtas? ‘Sa iyong sarili—sa iyong sariling mga kahinaan.’ Isinusog niya: ‘Gayundin, sa panlabas na mga kalagayan na ginagatungan ni Satanas.’ (Awit 118:5) Papaano tayo makatatakas tungo sa katiwasayan ng isang maluwag na dako? ‘Sa pamamagitan ng paghanap sa mga utos ni Jehova sa lahat ng ating ginagawa at pagdalangin kay Jehova nang may pananampalataya may kaugnayan sa lahat ng ating alalahanin.’
“Ano ang Naghihintay sa Iyo?” ang temang pinili ni Don A. Adams. At ano nga ang naghihintay sa mga bagong misyonero? Isang panahon ng pakikibagay, ang paliwanag niya. “Napakarami ring pagpapala sa harap ninyo.” Bilang halimbawa, binanggit niya ang tungkol sa dalawang bagong misyonero na pagkatapos maiangkop ang sarili sa kanilang teritoryo ay sumulat: “Pag-isipan ang pinakamagaling na araw na naranasan mo sa paglilingkuran, at iyan ang katulad ng araw-araw. Sa tuwina’y nangangailangan kami ng higit pang literatura kaysa sa aming madadala, at ang mga tao ay patuloy na humihiling sa amin na aralan sila.” Ang ilang komento ng tagapagpahayag ay ukol sa pamilya at mga kaibigan ng nagtapos: ‘Hindi na kayo kailangang mabahala tungkol sa mga nagtapos na ito. Matutulungan ninyo sila sa pamamagitan ng mga pampatibay-loob.’—Kawikaan 25:25.
Ang sumunod na nagsalita ay mga instruktor ng paaralan. Si Jack D. Redford ay pumili ng temang “Huwag Asahan ang Anuman Buhat sa Kaninuman.” Isa sa mga hamon na haharapin ng mga nagtapos ay kung papaano makakasundo ang mga tao, ang paliwanag niya. Ano ba ang makatutulong? “Huwag pansinin ang kanilang mga kahinaan. Huwag maging labis na mapaghanap sa iba. Huwag laging asahan na makakamit mo ang lahat ng inaakala mong dapat lamang. Isaalang-alang ang mga kahinaan ng ibang tao, at ang ganitong kabaitan ay tutulong sa iyo na makasundo ang lahat. Ang iyong katangian na makasundo ang ibang tao ay magiging isang panukat ng iyong pagkamaygulang.” (Kawikaan 17:9) Tiyak, ang pagkakapit ng matalinong payong ito ay tutulong sa mga nagtapos sa matagumpay na pakikibagay bilang mga misyonero sa isang lupaing banyaga!
“Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang lupa,” ang sabi ng 2 Corinto 4:7. Si Ulysses V. Glass, ang rehistrador ng Paaralang Gilead, ay nagkomento sa tekstong ito sa kaniyang pagbuo sa temang “Pagtiwalaan ang Inyong Subók, Tapat na mga Kapatid.” Ano ba ang “mga sisidlang lupa”? “Ito ay tumutukoy sa atin bilang di-sakdal na mga tao,” ang sabi niya. Ano ba ang “kayamanan”? “Iyon ay ang ating ministeryong Kristiyano,” ang kaniyang paliwanag. (2 Corinto 4:1) At ano ang dapat gawin sa kayamanang ito? “Ang kayamanan na ipinagkatiwala sa atin ni Jehova ay hindi dapat itago. Kaya, kayong mahal na maaatasang mga misyonero, ipamahagi ang kayamanang iyan saanman kayo pumaroon, at turuan ang marami pang iba kung papaano ipamamahagi iyan.”
Sumapit ang sandaling nagpapagunita ng nakalipas nang si Albert D. Schroeder ay magsimulang magpahayag, sapagkat siya ang rehistrador ng Paaralang Gilead nang ito’y magsimula. “Kalahating Siglong Pagsasanay Teokratiko” ang kaniyang tema. “Si Jehova ang nakaaalam kung papaano magsasagawa ng epektibong pagsasanay, at ito’y kaniyang ginawa,” ang sabi niya. Papaano? Tinukoy ni Brother Schroeder ang pagsasanay sa pamamagitan ng dalawang paaralang itinatag 50 taon na ngayon ang nakalipas—ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at ang Paaralang Gilead. Kaniyang binanggit na ang isang mahalagang kasangkapan sa pagtatamo ng tumpak na kaalaman ay ang New World Translation. Kaniyang tiniyak sa mga nagtapos: “Kayo’y makatutungo sa inyong mga atas sa lupaing banyaga na taglay ang malaking pagtitiwala na kayo’y bibigyan ng Samahan ng saganang tumpak na kaalaman sa mga layunin ni Jehova.”
Si Milton G. Henschel, pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ay nagpahayag sa temang “Higit Pa Kaysa mga Mapagtagumpay.” Kinuha ni Brother Henschel ang kaniyang tema sa taunang teksto para sa 1943: “Higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niya na umibig sa atin.” (Roma 8:37, King James Version) Iyon ay isang angkop na taunang teksto, ang paliwanag niya, sapagkat sa kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, ang mga kapatid natin sa maraming bansa ay nakaranas ng maraming pag-uusig. Bumasa si Brother Henschel ng ilang sinipi buhat sa labas ng Watchtower na tumalakay sa taunang tekstong iyan at saka nagpaliwanag: “Ang artikulong ito sa Watchtower [Enero 15, 1943] ay pinag-aralan noong buwan ng Pebrero ng unang klase ng Gilead, at inihanda sila nito para sa darating.” Marami sa mga nagtapos noong nakalipas na 50 taon ay napatunayan nang mga mapagtagumpay, ang paliwanag niya. Kumusta naman ang ika-94 na klase? “Manatiling malapít kay Jehova, manatiling malapít sa kaniyang pag-ibig, at tiyak ang inyong tagumpay.”
Kasunod ng mga pahayag sa umaga, ang ilang mga pagbati na tinanggap buhat sa iba’t ibang bansa ay ibinahagi ng chairman. At sumapit ang sandali na lubhang pinakahihintay ng 24 na mag-asawa—ang pamamahagi ng mga diploma. Aba, ang mga estudyante ng Gilead ay opisyal na ngayong mga nagtapos sa Gilead! Sila’y nanggaling sa 5 bansa, subalit sila’y inatasang maglingkod sa 17 lupain, kasali na ang Hongkong, Taiwan, Mozambique, at mga bahagi ng Silangang Europa.
Pagkatapos ng sandaling pamamahinga, ang programa sa hapon ay nagsimula sa isang pinaikling pag-aaral ng Bantayan, na pinangunahan ni Robert L. Butler. Pagkatapos ay ipinalabas ng mga nagtapos ang ilan sa kanilang maiinam na karanasan samantalang nagpapatotoo malapit sa Wallkill, New York. Nasalamin sa programa ang isa sa mga bagay na walang-alinlangang nagdala sa kanila sa Gilead—ang kanilang matinding pag-ibig sa ministeryo sa larangan.
Pagkatapos ng programa ng mga estudyante, marami sa mga naroroon ang nag-iisip kung magtatanghal baga sa programa ng isang bagay na natatangi bilang pag-aalaala sa 50 taon ng Paaralang Gilead. Sila’y hindi nabigo!—Tingnan ang kalakip na kahon, “Pagbabalik-Tanaw sa 50 Taon ng Paaralang Gilead.”
Limampung taon na ang nakalipas, ipinakita ni Brother Knorr na siya’y isang lalaking may pananampalataya at pangitain sa hinaharap. Ang kaniyang matibay na paniniwalang magtatagumpay ang Paaralang Gilead ay ipinahayag sa kaniyang pambungad na diskurso sa unang klase, nang kaniyang sabihin: “Tayo’y naniniwala na, tapat sa kaniyang pangalan, ang isang ‘bunton ng patotoo’ buhat sa dakong ito ay makararating sa lahat ng panig ng daigdig at ang gayong patotoo ay nagsisilbing isang bantayog sa ikaluluwalhati ng Diyos na hindi kailanman masisira. Kayo bilang ordinadong mga ministro ay maglalagak ng inyong tiwala sa Kataastaasan, sa pagkaalam na kaniyang papatnubayan at aakayin kayo sa tuwing magkakaroon ng pangangailangan, at mababatid din ninyo na siya rin ang Diyos ng pagpapala.”a
Limampung taon ang nakalipas, ang Paaralang Gilead ay umuunlad pa rin! Ang mga nagtapos na kabilang sa ika-94 na klase ay may pribilehiyo ngayon na tumulad sa mahigit na 6,500 nagtapos na nauna sa kanila. Harinawang ang kanilang buong tiwala ay ilagak sa Kataastaasan samantalang ginaganap ang bahagi nila sa pagtatalaksan ng isang ‘bunton ng patotoo’ na magsisilbing isang bantayog sa ikaluluwalhati ng Diyos na Jehova.
[Talababa]
a Sa Hebreo ang terminong “Gilead” ay nangangahulugang “Bunton ng Patotoo.”—Genesis 31:47, 48.
[Kahon sa pahina 25]
Estadistika ng Klase
Kabuuang bilang ng mga estudyante: 48
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 5
Bilang ng mga bansang iniatas sa kanila: 17
Katamtamang edad: 32
Katamtamang mga taon sa katotohanan: 15.3
Katamtamang mga taon sa buong-panahong ministeryo: 9.6
[Kahon sa pahina 26, 27]
PAGBABALIK-TANAW SA 50 TAON NG PAARALANG GILEAD
Mayroon pa bang mas mainam na paraan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng Gilead kundi sa pamamagitan ng mga karanasan ng mga taong nagkaroon ng kaugnayan dito—ang mga unang nagtapos, ang mga instruktor, at iba pa na tumulong upang maorganisa ito? Ang mga tagapakinig ay nangagalak habang kanilang pinakikinggan ang bahaging “Pagbabalik-Tanaw sa 50 Taon ng Paaralang Gilead,” na pinangasiwaan ni Theodore Jaracz.
Ano ba ang mga kalagayan na humantong sa pagtatatag ng paaralan? Binanggit ni Brother Schroeder na binigyan siya at ang dalawa pang instruktor ng apat na buwan lamang upang mag-organisa ng paaralan. “Subalit pagsapit ng Lunes, Pebrero 1, 1943, kami’y handa na para sa pag-aalay.”
Ano ba ang karanasan ng mga unang misyonero na nangaatasan? Naalaala pa ni Brother Henschel: “Lahat ng kagamitan na gustong dalhin ng mga misyonero ay ipinaimpake namin sa mga kahon na kahoy sa shipping department. Nang ang mga kahon ay makarating sa pupuntahan, maingat na binuksan nila at kinuha ang kanilang mga kagamitan. Pero pagkatapos ay ginawa nilang muwebles ang mga kahon.” Sa wakas ay binanggit niya na ang Samahan ay nagsaayos ng mga tahanang misyonero na may katamtamang mga gamit.
Sumunod sa programa, ang ilang nagtapos na kabilang sa mga unang klase ng Gilead at ngayo’y bahagi na ng pamilyang Bethel sa E.U. ay naglahad ng mga bagay na nagugunita nila, ng kanilang damdamin, at ng kanilang karanasan. Ang mga sinabi nila ay tunay na nakapukaw ng damdamin ng lahat ng naroroon.
“Nang matanggap ko ang paanyaya na makasali sa unang klase, napag-alaman ko na may kanser ang aking ina. Subalit palibhasa siya’y nagpapayunir na mula sa edad na 16 patuloy, ako’y mahigpit na pinayuhan niya na tanggapin ang paanyaya. Kaya taglay ang magkahalong kagalakan at kalungkutan at pagtitiwala kay Jehova, naglakbay ako patungo sa South Lansing. Lubusan akong nasiyahan at lubhang nagpahalaga sa pag-aaral ko sa Gilead. Natapos naman ng aking ina ang kaniyang makalupang takbuhin makalipas ang kaunting panahon pagkaraan ng aking pagtatapos.”—Charlotte Schroeder, naglingkod sa Mexico at El Salvador.
“Yamang ako’y inalagaan na ni Jehova sa panig ng lupa na kinaroroonan ko, nagunita ko na saanman ako pumaroon ay kaniyang lupa iyon, at ako’y pangangalagaan niya. Kaya tunay na naligayahan ako na tanggapin ang paanyaya na makasali sa unang klase.”—Julia Wildman, naglingkod sa Mexico at El Salvador.
“Iyon ay kahanga-hanga! Kami’y nakapagsasalita sa bawat bahay. Nang unang buwan, nakapagpasakamay ako ng 107 aklat at nakapagdaos ng 19 na pag-aaral sa Bibliya. Nang ikalawang buwan nagkaroon ako ng 28 pag-aaral sa Bibliya. Mangyari pa, may ilang bagay na kailangang makasanayan namin—init, kahalumigmigan, mga insekto. Ngunit isang kahanga-hangang pribilehiyo na mapunta roon. Ito’y isang bagay na lagi kong pakamamahalin.”—Mary Adams, ikalawang klase, tungkol sa kaniyang atas sa Cuba.
“Ang lagay ng panahon ang isa sa malalaking balakid na kailangang paglabanan namin sa Alaska. Sa hilaga ay labis-labis ang ginaw, ang temperatura ay bumababa hanggang sa 60 digri ang baba sa zero Fahrenheit at mas maginaw. Ang mga bayan ng mga Indiyan at mga liblib na lugar sa timog-silangang Alaska ay nararating sa pamamagitan ng bangka o ng eroplano.”—John Errichetti, ikatlong klase.
“Sa akin ang Gilead ay isang paanyaya buhat kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon upang patibayin kami sa espirituwal at ipakita sa amin ang isang kahanga-hangang paraan ng pamumuhay.”—Mildred Barr, ika-11 klase, naglingkod sa Irlandya.
Higit pang nakagagalak na mga panayam ang sumunod—Lucille Henschel (ika-14 klase, naglingkod sa Venezuela), Margareta Klein (ika-20 klase, naglingkod sa Bolivia), Lucille Coultrup (ika-24 na klase, naglingkod sa Peru), Lorraine Wallen (ika-27 klase, naglingkod sa Brazil), William at Sandra Malenfant (ika-34 na klase, naglingkod sa Morocco), Gerrit Lösch (ika-41 klase, naglingkod sa Austria), at si David Splane (ika-42 klase, naglingkod sa Senegal).
Kumusta naman ang mga kapatid na naglingkod bilang mga instruktor? Kinapanayam ang ilan sa kanila—sina Russell Kurzen, Karl Adams, Harold Jackson, Fred Rusk, Harry Peloyan, Jack Redford, at si Ulysses Glass. Kanilang inilarawan ang kanilang pribilehiyo, ipinahayag kung papaano iyon nakaaapekto sa kanila hanggang sa araw na ito.
Lubhang nakasisiyang patotoo sa pagkaepektibo ng sinanay-sa-Gilead na mga misyonero ang tinalakay ni Lloyd Barry, na naglingkod sa Japan. Noong 1949, nang ipadala roon ang 15 misyonero, mayroon lamang 10 mamamahayag sa buong Japan. Subalit makalipas ang 44 taon, mayroong mahigit na 175,000 mga tagapagbalita ng Kaharian sa bansang iyan! Pagkatapos ay inilahad ni Robert Wallen ang tungkol sa mahalagang tagumpay ng ilang misyonero sa pagtulong sa mga tao ng pagkaalam ng katotohanan, kasali na ang isang misyonera na nadistino sa Panama sa loob ng mahigit na 45 taon at nakatulong sa 125 katao hanggang sa pag-aalay at bautismo.
Ang tugatog ng buong programa ay naganap nang ang lahat ng naroroon na mga nagtapos sa Gilead ay anyayahan na umakyat sa entablado. Tunay na iyon ay mga sandali na nakababagbag-damdamin. Isang mahabang hanay ng mga kapatid na lalaki at babae—89 mula sa pamilyang Bethel karagdagan pa sa mga bisita na nagtapos—ang lumakad sa mga pasilyo at umakyat sa hagdanan ng entablado. Kasama nila ang mga kapatid na nagsilbing mga instruktor sa nakalipas na mga taon, at saka ang ika-94 na klase—mga 160 lahat-lahat!
“Ang gawain ba ng Paaralang Gilead sa pagsasanay sa mga misyonero para sa mga lupaing banyaga ay tiyak na nagtagumpay?” ang tanong ni Brother Jaracz. “Ang ebidensiya noong nakalipas na 50 taon ay isang naghuhumugong na oo!”
[Larawan sa pahina 25]
Ika-94 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa nakatala sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula sa harap palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) De La Garza, C.; Borg, E.; Arriaga, E.; Chooh, E.; Purves, D.; Fosberry, A.; Delgado, A.; Drescher, L. (2) Scott, V.; Fridlund, L.; Kettula, S.; Copeland, D.; Arriaga, J.; Thidé, J.; Olsson, E.; Widegren, S. (3) Delgado, F.; Keegan, S.; Leinonen, A.; Finnigan, E.; Fosberry, F.; Halbrook, J.; Berglund, A.; Jones, P. (4) Watson, B.; Frias, C.; Chooh, B.; Halbrook, J.; Purves, J.; Finnigan, S.; Jones, A.; Cuccia, M. (5) Scott, G.; Copeland, D.; Drescher, B.; De La Garza, R.; Leinonen, I.; Keegan, D.; Watson, T.; Kettula, M. (6) Widegren, J.; Borg, S.; Cuccia, L.; Berglund, A.; Olsson, B.; Frias, J.; Fridlund, T.; Thidé, P.