‘Nalalaman Natin na Sila’y Magbabangon sa Pagkabuhay-muli’
ANG Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Maaari rin niyang muling ibalik iyon sa mga taong nangamatay na. Siya rin ang mapagkukunan ng mapananaligang impormasyon tungkol sa buhay at kamatayan: ang Hebreo at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, na ang dalawang bahagi ay bumubuo ng Bibliya. Taglay nito ang nakasalig-sa-katotohanang mensahe na karamihan ng mga nangamatay ay maaaring mabuhay at magsisibalik na buháy.—Juan 5:28, 29.
Bilang paghahalimbawa, isaalang-alang ang kasaysayan ni Lasaro na taga-Betania at kilalang-kilala ni Jesu-Kristo. Si Lasaro ay nagkasakit, at pagkatapos ay namatay. Nang mangyari na nga ito, sinabi ni Jesus sa kapatid na babae ni Lasaro na si Marta: “Ang iyong kapatid [na namatay] ay babangon.” Siya’y tumugon: “Nalalaman ko na siya’y magbabangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:23, 24) Oo, nalalaman niya iyan. Salig sa maaasahang impormasyon, wala siyang duda na ang kaniyang minamahal na kapatid na si Lasaro ay babalik “sa huling araw.”
Habang binabasa mo ang kasaysayang iyan sa Juan kabanata 11, makikita mo ang mga detalye ng mga nangyari noon. Ang taong iyon ay muling binuhay ni Jesus, bagaman si Lasaro ay may apat na araw nang patay. Ang pagkabuhay-muli niya ay patotoo na matutupad ng Diyos ang kaniyang mga pangako na ang mga patay ay buhayin “sa huling araw.” Subalit saan ba inaasahan noon ni Marta na makikitang muli si Lasaro? Saan naguni-guni ng mga iba pang tapat na Judio na magaganap ang dumarating na pagkabuhay-muli?
‘Lupain ng mga Hindi Na Nagsisibalik Pa’?
Ang lupa ay pinili ng Diyos na maging natural na tirahan para sa tao. Iyan ay inihahayag ng salmista sa ganitong mga salita: “Kung tungkol sa kalangitan, kay Jehova ang kalangitan, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.” (Awit 115:16) Walang anuman sa Banal na Kasulatan na nagpapakitang kung si Adan at si Eva’y nanatiling tapat sa Diyos, sila’y magkakaroon ng buhay na walang-hanggan sa ibang dako maliban sa lupa. Ang totoo, hindi baga “ang punungkahoy ng buhay” ay narito sa lupa, sa Paraiso na maligayang pinamumuhayan noon ng unang mag-asawa bago sila nahulog sa maling daan ng pagsuway sa Diyos? (Genesis 2:9; 3:22) Yamang walang impormasyon buhat sa Diyos na kasalungat nito, ang kaniyang tapat na mga lingkod sa labas ng halamanan ng Eden (buhat pa sa may-takot sa Diyos na anak ni Adan na si Abel at sa mga kasunod niya) ay, natural, iisipin nilang ang pagkabuhay-muli ay dito sa tanging tahanan na alam nilang ibinigay sa tao—ang lupa.
‘Bueno, hintay muna,’ baka may mga taong may kaalaman sa Bibliya na tututol, ‘hindi baga sinabi ni Job sa kabanata 16, talatang 22, na “sa daan na” hindi ‘niya pagbabalikan’ ay doon siya “papanaw”? at sa Job 7:9 ay sinabi niya: “Siyang bumababa sa Sheol [ang libingan] ay hindi na aahon pa.” Isinusog ni Job 7 talatang 10: “Siya’y hindi na babalik pa sa kaniyang bahay, ni malalaman pa man niya ang kaniyang dako.”’
Samakatuwid, gaya ng inaangkin ng mga ilang eskolar, hindi baga ang mga talatang iyan at ang nahahawig na mga pangungusap ay nagpapakita na ang turing ni Job sa kamatayan ay mistulang ‘isang lupain na kung saan ang mga pumaparoon doon ay hindi na makaaalis doon’? Ang ganiyan bang mga pangungusap ay nangangahulugan na hindi naniniwala si Job sa pagkabuhay-muli sa hinaharap? Ukol sa kasagutan, kailangang unawain natin ang mga salitang ito ayon sa kanilang konteksto, at ihambing sa mga iba pang kaisipan na ipinahayag ni Job tungkol sa paksang iyan.
Hindi batid ni Job ang mga dahilan kung bakit siya nagdurusa. Sa loob ng isang panahon ay nagkamali siya ng pag-aakala na ang Diyos ang may kagagawan ng kaniyang kapighatian. (Job 6:4; 7:17-20; 16:11-13) Palibhasa’y nanghihina ang kaniyang kalooban, inakala niya na ang kaniyang tanging mapupuntahan na kung saan agad giginhawa siya ay ang libingan. (Job 7:21; 17:1; ihambing ang 3:11-13.) Doon, buhat sa punto-de-vista ng mga tao noong panahong iyon, siya’y hindi makikita, hindi babalik sa kaniyang bahay, hindi makaaalam pa ng kaniyang dako, hindi na makababalik pa o magkaroon man ng pag-asang makagawa ng gayon, bago sumapit ang itinakdang panahon ng Diyos. Kung pababayaan sa kanilang sarili at hindi mamamagitan ang Diyos, si Job at lahat ng iba pang mga inapo ni Adan ay walang kapangyarihang bumangon sa mga patay.a—Job 7:9, 10; 10:21; 14:12.
Ang Paniniwala sa Pagkabuhay-muli
Subalit ang kawalang-tiyak ni Job tungkol sa kaniyang dinaranas noon at ang kaniyang malagim na pangmalas tungkol sa kaniyang kinabukasan bukas-makalawa ay hindi natin dapat ipangahulugan na siya’y hindi naniniwala sa isang pagkabuhay-muli. Na tiyakang naniniwala siya sa isang panghinaharap na pagkabuhay-muli ay malinaw buhat sa Job 14:13-15. Sa mga talatang iyan, binanggit ni Job ang kaniyang nais na siya’y ‘maikubli sa Sheol’ at pagkatapos ay ‘alalahanin’ ng Diyos. Gayundin, sa Job 19:25-27 ang taong itong may pananampalataya at integridad ay bumanggit ng pagkakaroon ng isang “manunubos” at sa bandang huli ‘pagkakita sa Diyos.’ Oo, si Job ay may paniniwala sa isang pagkabuhay-muli. Siya’y naniwala na ang Diyos ay maaaring bumuhay sa kaniya at bubuhayin nga siyang muli, gaya rin ni Abraham na kumbinsido noon pa man tungkol sa kakayahan ng Diyos na ‘ibangon ang mga patay.’—Hebreo 11:10, 16, 19, 35.
Magpahanggang sa ating modernong panahon, ang mga Judio ay naniniwala sa isang panghinaharap na pagkabuhay-muli dito sa lupa. Ang Encyclopædia Judaica (1971) ay nagsasabi: “Ang paniwala na sa wakas ang mga patay ay muling bubuhayin sa kani-kanilang katawan at maninirahan uli sa lupa” ay “isang pangunahing aral” ng Judaismo. Nagpapatuloy pa rin ang encyclopedia: “Ang ideyang ito ay totoong minamahalaga at literal na ipinangangahulugan kung kaya’t ang relihiyosong mga Judio ay kadalasan nababahala tungkol sa kanilang damit-panlibing, sa lubos na paglilibing sa lahat ng kanilang sangkap, at pagkalibing sa Israel.”
Kapuna-puna, hindi sinasabi ng Bibliya na sa pagkabuhay-muli ay muling titipunin ng Diyos ang nangabulok nang parte ng mga katawan ng nangamatay na mga tao. Ang sangkap na mga atomo ng mga taong malaon nang nangamatay ay nagsipangalat na sa buong lupa at kadalasan ay napapalakip pagkatapos sa nabubuhay na mga halaman at mga hayop—oo, at maging sa mga ibang tao man, na pagkatapos ay nangamatay na. Maliwanag nga na sa pagkabuhay-muli ang mga nasabing atomo ay hindi na magagamit para sa higit pa sa isang tao na binubuhay-muli. Sa halip, ang mga tao ay bubuhayin ng Diyos na taglay ang angkop na mga katawan, hindi nagkukulang ng mga sangkap at walang mga depekto na gaya ng kanilang taglay bago nangamatay, ayon sa mamagalingin niya.—Ihambing ang 1 Corinto 15:35-38.
Ang gayon bang mga binuhay ay makikilala ng kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak na bubuhaying-muli rin? Iyan ay waring makatuwiran naman, sapagkat kung hindi natin makikilala ang mga patay na bubuhayin at tayo ay di rin nila makikilala, paano natin malalaman na ang ating nangamatay nang mga mahal sa buhay ay binuhay na nga? Kahit na noon ay nabubulok na ang katawan ni Lasaro, siya’y nakilala ng kaniyang mga kamag-anak at mga kakilala pagkatapos na siya’y buhayin ni Jesus. Samakatuwid, tayo man ay makaaasa na mapagmahal na papayagan ng Diyos na Jehova na ating makita at makilala ang isa’t isa sa pagkabuhay-muli rito sa lupa.
Isang Makalangit na Pag-asa Para sa Ilan
Gaya ng nabatid natin, ang lupa ang ibinigay ng Diyos na tahanan ng sangkatauhan. Gayunman, si Jesu-Kristo ay nagbigay-linaw sa pag-asang ang ilang mga pinili buhat sa sangkatauhan ay bubuhayin sa walang-kabulukan, walang-kamatayan na buhay-espiritu kasama niya sa langit. (2 Timoteo 1:10) Sa loob ng kaunting panahon pagkatapos na mabuksan ni Jesus ang “bago at buháy na daang” patungo sa makalangit na buhay, lahat ng Kristiyano ay inaanyayahan na makibahagi sa pag-asang iyon. (Hebreo 9:24; 10:19, 20) Ilan ang sa wakas tatanggap ng gantimpalang iyan? Ang kinasihang ‘pagsisiwalat na ito na ibinigay ng Diyos kay Jesus upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na magaganap,’ ang nagbibigay ng bilang na 144,000, yaong “mga binili sa lupa.”—Apocalipsis 1:1; 7:4-8; 14:1, 3.
Bakit ang gayong maliit na bilang ng mga tao ay “binili sa lupa” para mabuhay sa langit? Ang aklat ding iyan ng Apocalipsis ang nagbibigay sa atin ng dahilan ng limitadong bilang. Mababasa natin sa Apocalipsis kabanata 20, talatang 5 at 6: “Ito ang unang pagkabuhay-muli. Maligaya at banal ang sinuman na may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa kanila’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghaharing kasama niya nang isang libong taon.”—Tingnan din ang Apocalipsis 5:9, 10.
Makalupang mga Sakop ng Hari
Kaylinaw-linaw, na hindi lahat ng tao ay magpupuno bilang mga hari at mga saserdote, sapagkat sino ang kanilang ‘paghaharian’ kung lahat ay mga hari? Bagkus, ang tanging piniling grupong ito, na ang tapat na mga apostol ni Jesus ang pundasyon, ay maghahari sa isang lupa na kabilang sa mga tumatahan doon ay ang “malaking pulutong” na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 7, talatang 9 hanggang 17. Milyun-milyon sa mga ito ang ngayo’y naghihintay sa mabilis na dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na mag-aalis sa lupang ito ng lahat ng kalikuan. Sa pamamagitan ng di-sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos, sila’y makatatawid sa malaking kapighatian at hindi na mamamatay sa anumang paraan.—Apocalipsis 16:14; 21:14; Kawikaan 2:21, 22.
‘Pero kumusta naman yaong mga nangamatay na, tulad baga ng ating mga mahal sa buhay?’ marahil ay maitatanong mo. Si Jesus mismo ang nagsabi kay Marta na ang iba, ‘kahit sila ay nangamatay na, ay mabubuhay uli.’ (Juan 11:25) Iyan ay sa isang makalupang pagkabuhay-muli. Sa paghahari ni Kristo kasama ang kaniyang 144,000 mga hari at mga saserdote sa langit, maraming milyun-milyong mga nangamatay na at nasa alaala ng Diyos ang bubuhayin at bibigyan ng lubos na pagkakataon na makaalam ng tunay na pagsamba kay Jehova. Kung sila’y tapat, kakamtin nila ang gantimpalang buhay na walang-hanggan sa isang paraisong pambuong-lupa. Iyan ay sa panahon ng “huling araw” na tinukoy ni Marta nang siya’y sumang-ayon kay Jesus na ang kaniyang kapatid na si Lasaro ay babangon sa buhay uli.—Juan 5:28, 29; 11:24; Lucas 23:43.
Isang Pag-asang Nakasalalay sa Garantiya
Ang mga pagkabuhay-muli na nasulat sa Bibliya ay mga anino at garantiya ng pag-asa sa pagkabuhay-muli na inihahandog ng Banal na Kasulatan. Ang rekord na ito ay naglalahad ng tungkol sa mga pagbuhay-muli na ginanap sa lupa ng mga propetang sina Elias at Eliseo bago sumapit ang panahong Kristiyano, ng Anak ng Diyos (kasali na rito ang kay Lasaro), ng mga apostol na sina Pedro at Pablo, at lalong higit ng Diyos na Jehova sa pagbuhay sa kaniyang Anak. Mababasa mo ang ganiyang mga pag-uulat sa iyong Bibliya sa: 1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37; Mateo 28:1-10; Lucas 7:11-17; 8:40-56; Juan 11:38-44; Gawa 9:36-42; 10:38-42; 20:7-12.b
Batay sa ganiyang napakamabisang dokumentadong pag-asa sa pagkabuhay-muli, ganito ang tiniyak ni Pablo sa mga taga-Atenas: “Ang Diyos . . . ay nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli ito buhat sa mga patay.”—Gawa 17:30, 31.
Oo, Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ang lubos na katiyakan ng pagiging tunay ng pag-asa sa pagkabuhay-muli. Kaya tayo rin ay may matibay na saligan sa lubusang pagtitiwala sa kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos na Jehova. Tayo man ay makapagpapahayag ng gaya ng paniniwala ni Marta: ‘Nalalaman natin na ang mga patay ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw!’
Pagkatapos marinig ng mga tagapakinig ni Pablo sa Burol ng Mars ang kaniyang patotoo tungkol sa “pagkabuhay-muli ng mga patay,” ang grupong iyon ay nabahagi sa tatlo: “Ang iba’y nanlibak, samantalang ang sabi ng iba: ‘Pakikinggan ka namin uli tungkol dito sa ibang panahon.’ . . . Datapuwa’t mayroong mga iba na nakisama sa kaniya at sumampalataya.”—Gawa 17:32-34.
Ano ang iyong reaksiyon sa pag-asa sa pagkabuhay-muli? Tutupdin ni Jehova ang kaniyang pangako na bubuhayin ang angaw-angaw kahit bilyung-bilyon pa, na mga nangamatay. Kung ikaw baga’y naroroon upang makita sila, at makita ka naman nila, iyan ay depende ang kalakhang bahagi sa ginagawa mo. Ikaw ba ay handang matuto at mamuhay nang ayon sa mga kahilingan ng Diyos sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan? Ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang magagalak na bigyan ka ng higit pang impormasyon tungkol sa pag-asa ukol sa mga patay at tungkol sa kung papaano ka makaliligtas nang buháy sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Juan 17:3.
[Mga talababa]
a Kaayon ng ganiyan ding diwa, ganito ang isinulat ng salmista tungkol sa kalagayang umiiral nang panahong iyon bago namagitan ang Diyos: “At patuloy na naalaala [ng Diyos] na [ang mga Israelita] ay laman, na ang espiritu [o puwersa-ng-buhay buhat sa Diyos] ay dumaraan at hindi na bumabalik.”—Awit 78:39.
b Makikita mo ang detalyadong pagtalakay sa pagkabuhay-muli noong panahon ng Bibliya at sa pangako ng Bibliya tungkol sa isang darating na pagkabuhay-muli sa panahon ng paghahari ni Kristo sa Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Ang kabanata 20 ay pinamagatang “Pagkabuhay-muli—Ukol Kanino, at Saan?” Ang aklat na ito ay makukuha ninyo sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sa mga opisinang nakatala sa pahina 2 ng magasing ito.