Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Sila’y Nakakita ng Dahilan Upang Magbago
ANG mga kriminal ba at maging ang mga membro ng gang at mga taong mararahas ay makapagbabago ng kanilang pamumuhay? Ano ang tutulong sa kanila sa paggawa ng gayon? Ang malaking dagliang pagbabago ng pamumuhay ay posible gaya ng makikita sa halimbawa ni Saulo ng Tarso, na nagbago buhat sa pagiging mang-uusig sa mga Kristiyano tungo sa pagiging isang Kristiyano. Pagkatapos niyaon ay nakilala siya bilang si apostol Pablo. (Galacia 1:13, 14; 1 Timoteo 1:13) Nakakatulad na mga dagliang malaking pagbabago ang iniulat buhat sa Kenya.
◻ Isang kabataang lalaki ang miyembro ng isang gang sa lugar ng Nairobi at pinapunta sa kanlurang Kenya upang magmasid sa mga posibilidad para sa pagnanakaw roon sa mga bangko. Siya’y nakituloy sa tahanan ng isang may-edad nang lalaki at nakasumpong ng isang bunton ng mga lumang magasing Gumising! sa kaniyang bahay. Nahulog na totoo ang loob ng kabataang lalaki sa pagbabasa ng mga magasing ito na anupa’t lubusang nalimutan niya ang tungkol sa kaniyang mga plano na pagnanakaw sa mga bangko. Nang kaniyang mabasa ang lahat, siya’y humingi ng mga iba pa, at ang lalaking may-edad na ay nagsabi na may magasing dumarating tuwing dalawang linggo sa pamamagitan ng koreo. Mula na noon ipinakiusap ng binata sa kaniyang tinuluyang maybahay na pumunta sa post office araw-araw upang alamin kung may dumating na mga magasin. Samantala, siya’y nagpasiya na iwanan na ang kaniyang masamang lakad, sundin ang kaniyang natutuhan buhat sa mga magasin, at maging isang Saksi ni Jehova. Kaniyang pinasimulan pa man ding sabihin sa mga kapitbahay na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, isang special payunir ang gumawa sa teritoryo at nagtaka siya nang malaman na ang binatang ito ay nag-aangkin na siya’y isang Saksi. Pinasimulang aralan siya ng Bibliya, siya’y sumulong sa pagkamaygulang, at sa ngayon siya ay isang regular payunir. Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ang nagbigay sa kaniya ng dahilan na baguhin ang kaniyang buhay.
◻ Isang lalaki sa Argentina ang nagkaroon din ng dahilan na baguhin ang kaniyang marahas na pamumuhay. Sa loob ng 20 taon, kaniyang minaltratong mabuti ang kaniyang maybahay, na isang Saksi. Ang sabi’y humukay pa siya ng isang balon sa kaniyang looban na sa ibabaw ay may krus, upang mapatay ang taong nagnanakaw ng kaniyang mga manok at ilibing siya roon. Dahilan sa pangit na ugali ng taong iyon, lahat ng kaniyang kapitbahay ay umiiwas sa kaniya.
Siya’y dinalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Pagkatapos, siya’y inalukan nito ng isang pag-aaral sa Bibliya at napag-alaman na gusto niyang mag-aral ng Bibliya. Siya’y inaralan ng kapatid sa brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Ang taong iyon ay sumulong sa kaalaman sa Bibliya at sa espirituwal na unawa. Siya ngayon ay dumadalo sa lahat ng pulong. Nagustuhan niya ang mga pulong at ang pakikisalamuha ng mga kapatid kung kaya’t sinabi niya, “Dito ko ibig mabuhay.”
Ang pagbabago sa taong ito ay totoong kapuna-puna kung kaya’t ang mga kapitbahay ay nagtanong sa kaniyang maybahay kung sinong doktor ang gumagamot sa kaniya. Nang kaniyang ipaliwanag na ang pagbabago ay dahilan sa nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ganiyan na lang ang paghanga ng isa sa mga kapitbahay kaya humingi siya ng isang Bibliya. Ang isa pang kapitbahay ay sumuskribe sa isa sa ating mga magasin.
Ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ang nagbibigay sa mga taong ito ng dahilan na baguhin ang kanilang pamumuhay. Ito’y nakatutulong sa kaninuman na naghahangad ng isang lalong makabuluhang buhay ngayon at ng pag-asa sa pagtatamo ng walang hanggang buhay sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.—Juan 17:3.