May mga Sungay si Moises—Kakatuwang Paglalarawan ng Iskultor
KUNG sakaling ikaw ay nakarating na sa Italya, baka nakita mo ang tanyag na istatuwa ng nakaupong si Moises na ginawa ni Michelangelo, ngayon ay naroroon sa Katedral ni San Pedro sa Chains, sa Roma. Totoong kakatuwa ang gayong iskultura noong ika-16 na siglo, sapagkat inilalarawan si Moises na may mga sungay na nakausli sa kaniyang ulo! Sa katunayan, may mga ilang iskultor na naglagay kay Moises ng sungay sa kanilang gawang-sining. Bakit nga gayon? Mayroon bang batayan sa Bibliya ang ideyang iyan?
Sang-ayon sa saling Latin Vulgate ng Bibliya pagkatapos makipag-usap si Moises sa Diyos sa Bundok Sinai, sa kaniyang mukha ay may nakausling “mga sungay.” (Exodo 34:29, 30, 35; ihambing ang Douay Version.) Ang Vulgate ay popular na popular sa malaking bahagi ng Sangkakristiyanuhan at sa gayo’y may impluwensiya sa paraan ng pagkaunawa sa Kasulatan.
Gayunman, ang salitang Hebreo na isinaling may “sungay” ay may kahulugan din na ‘pinagmumulan ng mga sinag’ o ‘sumisikat.’ (Tingnan ang talababa ng Douay Version sa Exodo 34:29.) Alinsunod sa Theological Wordbook of the Old Testament, ang salita ay “tumutukoy sa anyo ng isang sungay imbis na sa talagang diwa.” At kung mamalasin ang inilalarawan, ang mga sinag ng liwanag ay aktuwal na nahahawig sa mga sungay.
Ang bagay na mga sinag ng liwanag ang nakita sa mukha ni Moises ay maipaliliwanag, sapagkat ang kaluwalhatian ni Jehova ay kararaan lamang noon. (Exodo 33:22; 34:6, 7) Ito’y pinatutunayan ni Pablo na siyang tumpak na unawa, nang banggitin niya “ang kaluwalhatian” ng mukha ni Moises, hindi ang kaniyang “mga sungay.”—2 Corinto 3:7.
Ang tumpak na unawa sa mga salitang ginagamit sa Bibliya ay hahantong kung gayon sa isang lalong malinaw na kaalaman sa ulat ng Bibliya. Kaya naman, ang mga sungay ng tanyag na istatuwa ni Moises na ginawa ni Michelangelo ay isa lamang kakatuwang paglalarawan ng iskultor nito bunga ng isang pagkakamali ng pagkasalin na malaon nang itinuwid.
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Salig sa Short History of Art