Ang Kahulugan ng mga Balita
Matandang-Uso?
Sang-ayon sa isang paring Anglicano sa Adelaide, Australia, ang mga babala laban sa pisikal na pagpapasigla sa katawan na maaaring humantong sa pakikiapid at pangangalunya ay pinakamatandang-uso at galing sa di-Kristiyanong mga pinagmulan. Sa kaniyang pag-aaral kamakailan tungkol sa seksuwalidad, sinasabi niya na ang mga magkasintahang nakatokang ikasal ay hindi naman talagang nagkakasala kung sakaling sila’y magtalik bago ikasal. Sinabi rin ayon sa pag-aaral na iyon na ang homoseksuwalidad ay maaaring maging katanggap-tanggap sa mga ilang kaso. Sang-ayon sa Brisbane Courier Mail, isang tagapagsalita para sa Uniting Church sa Australia ang “sumang-ayon sa mga saligang simulain ng report.”
Gayunman, sinasabi ng Bibliya na kalooban ng Diyos na lahat ay “umiwas sa pakikiapid” at “ang mga mapakiapid, mga idolatroso, mga mangangalunya, mga lalaking ukol sa di-natural na mga layunin, mga lalaking sumisiping sa mga lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Tesalonica 4:3, 4; 1 Corinto 6:9, 10) Tunay, yaong mga tumatanggap sa Bibliya bilang ang kinasihang Salita ng Diyos ay kumikilala na ang pangmalas nito sa sekso ay nanggagaling sa sakdal-dunong na Maylikha. Ang epekto sa mga taong namumuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya ay nagpapatunay na ang mga diumano’y matatandang-usong mga pamantayang-asal na ito ay may bahagi pa rin sa pagpapatatag sa pamilya at nagsisilbing proteksiyon laban sa naiwang malalalim na pilat ng emosyon at nakapandidiring mga sakit na bunga ng imoralidad.
Ang Pinakamagaling na Panghadlang
Ang tiwaling paggamit ng mga droga ay isa pa ring malubhang problema. Kung gayon, ano ba ang pinakamagaling na paraan upang mailayo ang kabataan sa pag-aabuso sa droga? Sa isang pakikipanayam na inilathala sa pahayagang O Estado de S.Paulo, ng Brazil, ang propesor at sikiatristang Pranses na si Claude Olievenstein ay nagdiin sa pangangailangan ng mga alituntunin at mapagmahal na pagtangkilik. Sinabi niya: “Pagka ang mga tao’y nag-usap-usap tungkol sa mga droga sa ngayon, ang bahagi ng pulisya, ng sistema ng hudikatura, at ng paaralan ay idiniriin. Gayunman, ang malaking pangangailangan ay yaong pampamilyang panghadlang sa [paggamit ng droga]. . . . Maraming anak ang walang alam kung ano nga ang autoridad ng magulang. Wala ang ama, marahil siya’y nagbitiw sa tungkulin.”
Sa pagpapaliwanag kung bakit ang paghadlang sa pag-aabuso sa droga ay mahalaga at kasangkot dito ang pamilya, isinusog pa ni Dr. Olievenstein: “Tayo’y namumuhay sa isang lipunang mahilig sa pakinabang na kung saan ikinahihiya ng mga tao ang mabubuting asal. Pagka dahilan sa mga droga, ang ating mga anak ay nagsimulang makitaan ng isang kakatuwang paggawi, ito’y dahilan sa hindi na natin ipinakikilala ang mabubuting asal. Ang ating lipunan ay naging matigas, walang pakiramdam, industrialisado. Walang iniisip ang mga tao kundi ang pakikipagbaka upang mabuhay.”
Sang-ayon sa magasing Superinteressante, pinatutunayan ng isang surbey sa E.U. ang kahalagahan ng autoridad ng magulang. Sinasabi ng lathalaing iyan: “Ang mga kabataan na may pinakamagagaling na marka sa mga eksamen sa paaralan at may lalong matatag na emosyon ay galing sa mga pamilya na kung saan ang mga magulang ay gumagamit ng autoridad na magtakda ng malilinaw na alituntunin ng asal at nagbibigay ng kalayaan na may malilinaw na hangganan. Gayundin, ang katumbasan ng mga kabataang sugapa sa droga at sa alak ay may kababaan sa gayong mga pamilya.”
May mabuting dahilan, na ang Bibliya’y nagpapayo sa mga magulang: “Sawayin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapahingahan at magbibigay ng malaking kaluguran sa iyong kaluluwa.” (Kawikaan 29:17) Oo, ang pagtutuwid na nakasalig sa Bibliya ay makatutulong sa mga magulang upang maiwasan ang pag-aabuso sa droga at mapahuhusay pa ang uri ng buhay para sa buong pamilya.