Ang Paglaban sa Sakit at Kamatayan—Naipagwawagi Ba?
WALA nang sakit, wala nang kamatayan! Sa karamihan ng tao ito’y baka kung pakinggan ay mga guniguni lamang. Ang dahilan, gaya ng isinulat ng doktor sa medisina at propesor ng bacteriology na si Wade W. Oliver: “Sapol ng pinakamaagang kasaysayan, ang sakit ang di-matatayang humubog na sa kapalaran ng tao . . . Mahihigpit na salot ang mabilis na lumaganap sa nakakikilabot na paraan . . . Ang sakit ang palagi nang nakasunod sa kaniya.”
May dahilan ba na maniwalang isang malaking pagbabago ang malapit na? Dahil ba sa siyensiya ng medisina ay malapit nang maparam ang lahat ng sakit at marahil maging ang kamatayan man?
Walang-alinlangan, ang mga doktor at mga mananaliksik ay nakagawa ng kahanga-hangang mga gawain sa pagbaka sa sakit. Sinong taong may kaalaman ang hindi pasasalamat dahil sa matagumpay na paggagamot sa kolera, na sa wakas ay nakamtan nang matatapos na ang ika-19 na siglo, o sa pagkatuklas ng isang pambakuna laban sa kinatatakutang bulutong? Ang pambakunang iyan ay natuklasan noong 1796 ni Edward Jenner buhat sa isang di-gaanong mabagsik na ulcer ng bulutong-baka. Noong 1806, ang pangulo ng Estados Unidos na si Thomas Jefferson ay nagpahayag ng damdamin ng marami pang iba nang siya’y sumulat kay Jenner: “Taglay mo ang nakaaaliw na pagbubulay-bulay na hindi kailanman malilimot ng sangkatauhan na ikaw ay nabuhay; ang darating na mga bansa ay makaaalam sa pamamagitan ng kasaysayan lamang na umiral ang nakasusuklam na bulutong.”
Isa pa, ang mga tagumpay ng pananaliksik sa medisina may kaugnayan sa sakit na gaya ng diphtheria at poliomyelitis ay kailangan ding banggitin na taglay ang komendasyon at ang pasasalamat. At kakaunting mga tao ngayon ang hindi pumupuri sa kaunlaran kamakailan sa paggagamot sa sakit sa puso at sa kanser. Gayunman, ang mga tao ay nangamamatay pa rin buhat sa sakit sa puso at sa kanser. Ang tunguhin na mapawi ang lahat ng sakit at karamdaman ay naging mahirap na marating.
Ang “Bagong” mga Sakit
Balintuna, ngayon na nasaksihan ang pagkakaroon ng mga CAT scan at reconstructive surgery ay nakasaksi rin ng paglitaw ng mga “bagong” sakit, tulad ng Legionnaires’ disease, toxic shock syndrome, at ang lubhang popular na mamamatay-tao na kung tawagin ay AIDS.
Ipagpalagay, maraming nagtatanong kung gaano kabago ang mga sakit na ito. Isang artikulo sa U.S.News & World Report ang nagkomento na, sa ilang kaso, ang mga sakit na matagal nang umiiral ay ngayon lamang nagkaroon ng lalong wastong diyagnosis at binigyan ng mga bagong pangalan. Halimbawa, ang Legionnaires’ disease ay unang nakilala noong 1976, subalit marahil ay dati na itong dumaan sa maling diyagnosis bilang pulmonya na likha ng virus. Gayundin, ang toxic shock syndrome ay marahil dati nang may maling diyagnosis na scarlet fever.
Gayunman, marami ring mga sakit ang waring napapabago at hindi matututulan iyan. Ang AIDS ay walang-alinlangan na pinakapopular sa mga ito. Ang nakalulumpo at nakamamatay na sakit na ito ay unang nakilala at pinanganlan noong 1981. Isa pang di-gaanong kilalang “bagong” sakit ay ang purpuric fever sa Brazil. Ito’y nakilala sa Brazil noong 1984 at ang namamatay rito ay tinatayang 50 porsiyento.
Wala Pang Inaasahang Gamot
Samakatuwid, sa kabila ng pinakamamagaling na pagsisikap ng tao, wala pang natatanaw na lubusan at permanenteng gamot para sa mga sakit ng tao. Totoo na ang haba ng buhay na inaasahan para sa mga tao ay naragdagan ng mga 25 taon sapol noong taóng 1900. Subalit ang pagbabagong ito ay unang-una dahil sa mga pagsulong sa medisina na nagbawas sa panganib ng kamatayan sa panahon ng pagkasanggol o pagkabata. Ang haba ng buhay ng tao sa pangkalahatan ay nananatiling malapit pa rin sa sinasabi ng Bibliya na “pitumpung taon.”—Awit 90:10, King James Version.
Kaya napabalita nang si Anna Williams ay mamatay noong Disyembre 1987 sa edad na 114. Tungkol sa kamatayan ni Miss Williams, isang kolumnista ang sumulat: “Ang mga siyentipiko ay naniniwala na ang 115 hanggang 120 taon ang marahil sukdulang haba ng buhay ng tao. Subalit bakit nga mangyayari iyan? Bakit ang katawan ng tao ay manghihina na pagkatapos ng 70, 80, o kahit na 115 taon?”
Noong dekada ng 1960, natuklasan ng mga siyentipiko sa medisina na ang mga selula ng tao ay waring may kapasidad na maghati-hati ng mga 50 beses lamang. Minsang marating ang ganitong hangganan, waring walang magagawa upang panatilihing buháy ang mga selula. Ito’y waring salungat sa naunang teorya ng mga siyentipiko na ang mga selula ng tao ay makapananatiling nabubuhay nang walang takdang haba kung naroroon sa tamang mga kalagayan.
Isama pa riyan ang pagkaalam na ang malaking pagdurusa ng tao ay gawang-tao. Gaya ng nakini-kinitang panghihinuha ng isang mananaliksik: “Ang mga sakit ay hindi pa nadadaig sa pamamagitan ng mga gamot lamang. Ang kasaysayan ng sakit ay may malaking kaugnayan sa panlipunan at pangmoral na mga salik.”
Ganito ang obserbasyon ng World Health Organization: “Ating sinugatan ang ating sarili, sa paniniwala na ang siyensiya, mga doktor at mga ospital ay makatutuklas ng lunas, sa halip na hadlangan ang mismong pinanggagalingan ng sakit unang-una. Mangyari pa hindi naman natin magagawa ang anuman kung wala ang mga pasilidad sa medisina na aktuwal na nagliligtas ng buhay, subalit linawin natin na ang mga ito ay hindi nagdaragdag sa ating ‘kalusugan’—ang mga ito ay pumipigil sa ating pagkamatay. . . . Ang pagpapahamak sa sarili na nag-uudyok sa maninigarilyo at sa maglalasing, ang epekto sa isip at katawan ng pagkawalang-hanapbuhay—ito ang ilan sa ‘mga bagong sakit.’ Bakit natin pinapayagan ang ‘salot ng aksidente sa kalye,’ na nagnanakaw ng mga buhay at umuubos ng ating salapi?”
Ang sakit, karamdaman, paghihirap, at kamatayan ay naririto pa rin sa gitna natin. Gayunman, tayo’y may dahilan na umasang may pagtitiwala na malapit nang mawala ang sakit at ang kamatayan. Sa kabila ng lahat, may dahilan na maniwalang kaylapit-lapit na ang panahong iyon.
[Kahon sa pahina 4]
ANG “MGA SAKIT NG EHIPTO”
Ang mga tao’y walang-kabuluhang lumaban sa sakit mula pa noong sinaunang panahon at ipinakikita iyan maging ng Bibliya. Halimbawa, si Moises ay gumawa ng animo’y palaisipang pagtukoy sa “lahat ng masasamang sakit ng Ehipto.”—Deuteronomio 7:15.
Maliwanag na kasali rito ang elephantiasis, disinterya, bulutong, bubonic plague, at optalmia. Ang bayan ni Moises ay nakaligtas sa ganiyang mga sakit na ang dahilan sa kalakhang bahagi ay ang masulong na mga kahilingan sa kanila sa kalinisan na itinakda ng tipang Kautusan.
Gayunman, ang maingat na pagsusuri sa mga mummy ng Ehipto ay nagbunga ng pagkakilala sa marami pang ibang “mga sakit ng Ehipto.” Kasali na rito ang arthritis, spondylitis, mga sakit ng ngipin at gilagid, apendisitis, at pananakit ng mga kasu-kasuan. Sa isang maagang sekular na kasulatan sa medisina, kilala bilang ang Ebers Papyrus, ay bumabanggit pa man din ng mga sakit gaya ng tumor, diperensiya sa tiyan at atay, diabetes, ketong, pamamaga ng mata, at pagkabingi.
Ang sinaunang mga manggagamot na Ehipsiyo ay lubusang nagsikap na bakahin ang mga sakit na ito, ang iba ay naging mahuhusay na espesyalista sa kani-kanilang larangan ng paggagamot. Sumulat ang Griegong mananalaysay na si Herodotus: “Ang bansa [ng Ehipto] ay punô ng mga manggagamot; ang isa’y walang ginagamot kundi ang mga sakit sa mata; ang isa naman ay gumagamot ng ulo, ng ngipin, ng sikmura, o ng mga sangkap na panloob.” Gayunman, ang karamihan ng “medisinang” Ehipsiyo ay talagang relihiyosong gamot-albularyo at hindi siyentipiko.
Ang modernong mga manggagamot ay nagtamasa ng higit na malaking tagumpay sa kanilang pagbaka sa sakit. Gayumpaman, ang mananaliksik sa medisina na si Jessie Dobson ay nagharap ng ganitong pumupukaw-isip na konklusyon: “Ano, kung gayon, ang maaari nating matutuhan buhat sa pag-aaral ng mga sakit noong nakalipas na mga panahon? Ang pangkalahatang konklusyon buhat sa isang surbey ng ebidensiya ay waring nagsasabi na ang mga sakit at mga karamdaman ng lumipas na sinaunang panahon ay hindi gaanong naiiba sa mga uso sa kasalukuyan . . . Maliwanag na lahat ng pagkadalubhasa at pagpapagal sa matiyagang pananaliksik ay walang gaanong nagawa upang mapawi ang sakit.”—Sakit sa Sinaunang Tao.