Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 12/15 p. 19-21
  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Isang Malupit na Asawa
  • Ang Pagpapasakop ay May Pasubali
  • Mapagpakumbaba at Makatuwiran
  • Pagpapasakop ng Asawang Babae—Ano ang Kahulugan Nito?
    Gumising!—1996
  • “Ang Ulo ng Babae ay ang Lalaki”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Mga Asawang Babae—Matinding Igalang ang Inyong Asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 12/15 p. 19-21

Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?

PAGKA nag-asawa ang isang babaing Kristiyano, kailangan na gumawa siya ng maraming pagbabago. Marahil ang pinakamalaki sa mga ito ay may epekto sa kaniyang kalayaan. Bilang isang nagsosolong adulto, marahil ay malaya siya na gumawa nang marami sa kaniyang sariling mga pasiya nang hindi kumukunsulta kaninuman. Subalit ngayon na mayroon siyang asawa, siya’y obligado na kumunsulta sa kaniya at humingi ng pahintulot na gawin ang marami sa mga bagay na dati siya ang nagpapasiya para sa kaniyang sarili. Bakit nga ganito?

Sapagkat nang ibigay ng Maylikha ng sangkatauhan ang unang babae upang maging asawa ng unang lalaki, Kaniyang inatasan na ang lalaki ang magiging ulo ng kaniyang asawa at ng kanilang magiging mga anak. Ito’y makatuwiran lamang. Sa anumang organisadong grupo ng mga tao, mayroong isa na kailangang manguna at gumawa ng pangkatapusang mga pasiya. Kung tungkol sa pag-aasawa, iniutos ng Maylikha na ‘lalaki ang ulo ng kaniyang asawa.’​—Efeso 5:23.

Bilang alalay dito, ang banal na tagubilin ay nagsasabi: “Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa.” (Efeso 5:22) Kung papaano apektado ng kaayusang ito ang isang asawang babae ay depende sa dalawang bagay: Una, gaano kalaki ang pagnanais niya na sumunod sa kaayusan? at ikalawa, papaano gagampanan ng kaniyang asawang lalaki ang kaniyang autoridad? Ang totoo, kung tama ang pangmalas ng mag-asawa sa kaayusang iyan, kanilang napatutunayan na ito ay isang pagpapala para sa asawang babae, asawang lalaki, at sa kanilang mga anak.

Hindi Isang Malupit na Asawa

Papaano gagampanan ng isang asawang lalaki ang kaniyang autoridad? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mahusay na halimbawa ng Anak ng Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang isang lalaki ay ulo ng kaniyang asawa gaya ni Kristo na ulo naman ng kongregasyon, yamang siya ay tagapagligtas ng katawang ito. Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ni Kristo na umibig sa kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon.” (Efeso 5:23, 25) Ang pagganap ni Jesu-Kristo ng pagkaulo ay isang pagpapala sa kongregasyon. Siya’y hindi isang malupit na ulo. Hindi niya pinapangyari na ang kaniyang mga alagad ay higpitan o apihin. Sa halip, kaniyang natamo ang paggalang ng lahat sa pamamagitan ng kaniyang maibigin at mapagmahal na pagtrato sa kanila. Anong inam na halimbawa para sa mga lalaki na sundin sa kanilang pakikitungo sa kani-kanilang asawa!

Subalit, mayroong mga lalaki na hindi sumusunod sa mainam na halimbawang ito. Ang kanilang bigay-Diyos na pagkaulo ay ginagamit nila nang may pag-iimbot, imbes na sa ikabubuti ng kani-kanilang asawa. Sila’y naghahari-harian sa kani-kanilang asawa, humihiling nang lubos na pagpapasakop at kalimitan hindi pinapayagang sila’y gumawa ng anumang pagpapasiya para sa kanilang sarili. Mauunawaan kung bakit, ang asawa ng gayong mga lalaki ay kalimitang namumuhay nang di-maligaya. At ang gayong lalaki ay nagdurusa rin sapagkat hindi niya nakakamit ang mapagmahal na paggalang ng kaniyang asawa.

Totoo, hinihiling ng Diyos na ang isang babae ay gumalang sa posisyon ng kaniyang asawa bilang ulo ng pamilya. Subalit kung nais ng lalaki na tamasahin ang taos-pusong paggalang sa kaniya ng babae, kailangan sa kaniya ang magsikap, at ang pinakamagaling na paraan ay sa pamamagitan ng pagkilos sa responsableng paraan at paglinang ng mabubuti, maka-Diyos na mga katangian bilang ulo ng sambahayan.

Ang Pagpapasakop ay May Pasubali

Ang autoridad ng isang lalaki sa kaniyang asawa ay hindi lubus-lubusan. Sa mga ilang paraan ang pagpapasakop ng babae sa kaniyang asawa ay maihahambing sa pagpapasakop ng isang Kristiyano sa isang makasanlibutang pinuno. Iniuutos ng Diyos na ang isang Kristiyano ay kailangang “magpasakop sa nakatataas na mga autoridad.” (Roma 13:1) Gayunman ang pagpapasakop na ito ay kailangang laging katimbang ng ating pagpapasakop naman sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ibigay ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Kung si Cesar (ang sekular na pamahalaan) ay humihiling na ibigay natin ang mga bagay na sa Diyos, natatandaan natin ang sinabi ni apostol Pedro: “Tayo’y kailangan munang sumunod sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”​—Gawa 5:29.

Sa isang medyo nakakatulad na paraan, kung ang isang babaing Kristiyano ay asawa ng isang lalaking hindi nakauunawa o hindi gumagalang sa mga simulaing Kristiyano, ang babae ay obligado pa rin na pasakop sa kaniya. Imbes na maghimagsik laban sa itinalaga-ng-Diyos na kaayusang ito, makabubuting ang asawang babae ay makisama sa kaniya nang may pag-ibig at konsiderasyon at sa gayo’y sikaping makamit ang kaniyang pagtitiwala. Baka ang gayong mabuting asal ay magpapabago sa kaniyang asawang lalaki; baka mahikayat pa nga siya na tanggapin ang katotohanan. (1 Pedro 3:1, 2) Kung iniuutos ng lalaki na gumawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos, tandaan ng babae na ang Diyos ang kaniyang pangunahing Pinuno. Halimbawa, kung hinihiling ng lalaki na siya’y gumawa ng seksuwal na imoralidad, tulad halimbawa ng pagpapalit-palitan ng asawang babae, siya’y hindi obligadong sumunod. (1 Corinto 6:9, 10) Ang kaniyang budhi at ang kaniyang pangunahing pagpapasakop sa Diyos ang nakasasaklaw sa pagpapasakop sa kaniyang asawang lalaki.

Noong panahon ni Haring David, si Abigail ay asawa ni Nabal, isang lalaki na walang paggalang sa mga maka-Diyos na simulain at kumilos nang may kabagsikan at hindi nagpakita ng pag-ibig kay David at sa mga kawal ni David. Ang mga ito ang nagsanggalang sa libu-libong tupa at mga kambing na pag-aari ni Nabal, subalit nang makiusap si David na bigyan siya ng pagkain, si Nabal ay tumanging magbigay ng anuman.

Nang mapag-alaman ni Abigail na dahil sa pagkamaramot ng kaniyang asawa ay magdudulot iyon ng kapahamakan sa sambahayan, ipinasiya ni Abigail na siya na ang magdala ng pagkain kay David. “Nagmadali si Abigail at kumuha ng dalawang daang tinapay at dalawang malalaking banga ng alak at limang inihandang tupa at limang takal ng trigo na sinangag at isang daang kumpol na pasas at dalawang daang binilong igos at ipinagpapasan sa mga asno. At sinabi niya sa kaniyang mga bataang lalaki: ‘Magpauna kayo sa akin. Narito! Ako’y susunod sa inyo.’ Ngunit sa kaniyang asawang si Nabal ay hindi siya nagsabi ng anuman.”​—1 Samuel 25:18, 19.

Mali ba ang ginawa ni Abigail sa pagkilos laban sa kalooban ng kaniyang asawa? Hindi naman sa kasong ito. Hindi dahil sa pagpapasakop ni Abigail ay kailangang siya’y maging walang pag-ibig na gaya ng kaniyang asawa, lalo na yamang ang masamang ginawa ni Nabal ay nagsapanganib sa kaniyang buong sambahayan. Sa gayon, sinabi rin ni David kay Abigail: “Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At purihin nawa ang iyong kabaitan.” (1 Samuel 25:32, 33) Sa katulad na paraan, ang mga babaing Kristiyano sa ngayon ay hindi dapat mabagabag at maghimagsik laban sa pagkaulo ng kani-kanilang asawa, subalit kung ang mga ito ay kumilos sa paraang di-maka-Kristiyano, hindi naman kailangang ang mga asawang babae ay sumunod sa bagay na ito.

Totoo, sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso ay sinasabi ni Pablo: “Kung papaanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, gayundin ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa sa lahat ng bagay.” (Efeso 5:24) Ang paggamit ng apostol sa salitang “sa lahat ng bagay” ay hindi naman nangangahulugan na walang hanggan ang pagpapasakop ng asawang babae. Ang pananalita ni Pablo na, “kung papaanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo,” ay nagpapakita ng nasa isip niya. Lahat ng bagay na hinihiling ni Kristo sa kaniyang kongregasyon ay matuwid, kasuwato ng kalooban ng Diyos. Samakatuwid, ang kongregasyon ay madali at may kagalakan na magpasakop sa kaniya sa lahat ng bagay. Sa katulad na paraan, ang asawa ng isang lalaking Kristiyano na taimtim na nagsisikap na makasunod sa halimbawa ni Jesus ay maliligayahan na pasakop sa kaniya sa lahat ng bagay. Batid niya na ito ay lubhang nababahala alang-alang sa kaniyang pinakamagaling na mga kapakanan, at siya’y hindi kailanman sadyang hihiling sa kaniya na gumawa ng isang bagay na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos.

Maiingatan ng asawang lalaki para sa kaniyang sarili ang pag-ibig at paggalang ng kaniyang asawa pagka kaniyang pinasikat ang maka-Diyos na mga katangian ng kaniyang ulo, si Jesu-Kristo, na ang utos sa kaniyang mga tagasunod ay mag-ibigan sa isa’t isa. (Juan 13:34) Kahit na ang lalaki ay nagkakamali at di-sakdal, kung kaniyang ginagampanan ang kaniyang autoridad na kasuwato ng nakatataas na pagkaulo ng Kristo, pinadadali niya para sa kaniyang asawa na maging maligaya na siya ang maging ulo niya. (1 Corinto 11:3) Kung pinauunlad ng isang asawang babae ang Kristiyanong mga katangian ng kahinhinan at kagandahang-loob, hindi mahirap para sa kaniya na pasakop sa kaniyang asawa.

Mapagpakumbaba at Makatuwiran

Ang mga mag-asawa sa kongregasyon ay espirituwal na magkakapatid na may parehong katayuan sa harap ni Jehova. (Ihambing ang Galacia 3:28.) Gayunman, ang mga lalaki ang inatasan ng Diyos na mangasiwa sa kongregasyon. Ito’y may kagalakang kinikilala ng matuwid-pusong mga babae na may buong pagpapasakop. At ang may kabigatang obligasyon na iniaatang sa mga lalaki na huwag mag-astang panginoon sa kawan ay may pagpapakumbabang kinikilala ng maygulang na mga lalaki sa kongregasyon.​—1 Pedro 5:2, 3.

Kung ganiyan ang kaugnayan ng mga lalaki at mga babae sa kongregasyon, papaanong mabibigyang matuwid ng isang asawang lalaking Kristiyano ang kaniyang pagkilos na parang isang hari-harian sa kaniyang asawa, na kaniyang espirituwal na kapatid na babae? At papaano maipagmamatuwid naman ng isang babae ang pakikipag-unahan niya sa kaniyang asawa para makamit ang pagkaulo? Bagkus, dapat nilang tratuhin ang isa’t isa na gaya ng ipinayo ni Pedro sa lahat ng miyembro ng kongregasyon: “Kayong lahat ay magkaisang-isip, na nakikiramay sa kapuwa, nag-iibigang tulad sa magkakapatid, malumanay sa kaawaan, mapagpakumbabang-isip.” (1 Pedro 3:8) Si Pablo ay nagpayo rin: “Magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kahinahunan, at pagtitiis. Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, gayundin ang gawin ninyo.”​—Colosas 3:12, 13.

Ang ganiyang mga saloobin ay dapat paunlarin sa kongregasyon. At lalung-lalo nang dapat paunlarin sa pagsasamahan ng mag-asawa sa tahanang Kristiyano. Ang isang lalaki ay makapagpapakita ng kaniyang magiliw na pagmamahal at kahinahunan sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mungkahi ng kaniyang asawa. Dapat niyang isaalang-alang ang punto de vista ng kaniyang asawa bago gumawa ng pagpapasiya na may kinalaman sa pamilya. Ang mga Kristiyanong asawang babae ay hindi naman oo na lamang nang oo. Sila’y malimit na makapagbibigay sa kani-kanilang asawa ng mahalagang mga mungkahi, gaya nang ginawa ni Sara sa kaniyang asawa, si Abraham. (Genesis 21:12) Sa kabilang dako, ang isang babaing Kristiyano ay hindi naman magiging isang walang-katuwirang mapaghanap sa kaniyang asawa. Kaniyang ipakikita ang kaniyang kabaitan at kababaang-loob sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang pangunguna at pagsuporta sa kaniyang mga pasiya, kahit na kung minsan ang mga ito ay iba sa kaniyang mga nagugustuhan.

Ang isang makatuwirang asawang lalaki, tulad ng isang makatuwirang elder, ay madaling lapitan at mabait. Ang isang mapagmahal na asawang babae ay tumutugon sa pamamagitan ng pagiging mahabagin at matiisin, na kumikilala sa kaniyang pagsisikap na kaniyang ginagawa upang magampanan ang kaniyang mga pananagutan sa kabila ng di-kasakdalan at mga kagipitan sa buhay. Pagka ang ganiyang mga saloobin ay pinauunlad ng mag-asawa, ang pagpapasakop ng mag-asawa sa isa’t isa ay hindi magiging isang suliranin. Bagkus, iyon ay pinagmumulan ng kagalakan, katiwasayan, at namamalaging kasiyahan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share