Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/8 p. 14-15
  • Pagpapasakop ng Asawang Babae—Ano ang Kahulugan Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapasakop ng Asawang Babae—Ano ang Kahulugan Nito?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang Kaunawaan
  • Kapag Umiiwas sa Pananagutan ang Asawang Lalaki
  • “Magpasakop Kayo sa Isa’t Isa”
  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • “Ang Ulo ng Babae ay ang Lalaki”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/8 p. 14-15

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagpapasakop ng Asawang Babae​—Ano ang Kahulugan Nito?

ANG Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagsasabi sa Efeso 5:22: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon.” Ano nga ba ang kahulugan nito? Dapat bang magpasakop ang asawang babae sa lahat ng kagustuhan ng asawang lalaki, anuman ito? Hindi ba niya kailanman magagamit ang kaniyang sariling pagkukusa o magkaroon ng mga opinyon na naiiba sa kaniya?

Isaalang-alang ang ulat ng Bibliya tungkol kay Abigail. Siya’y kumilos nang may katalinuhan, subalit salungat sa mga kagustuhan ng kaniyang mayamang asawa, si Nabal. Sa kabila ng kabaitang ipinakita kay Nabal ng mga tagasunod ni David, na siyang pinili ng Diyos upang maging hari ng Israel, “binulyawan sila” ni Nabal. Palibhasa’y ikinagalit ang kawalan ng utang na loob ni Nabal, si David ay naghandang pumatay. Natanto ni Abigail na ang kaniyang buong sambahayan ay nasa panganib. Pinaglubag niya ang kalooban ni David. Paano?​—1 Samuel 25:2-35.

Inamin ni Abigail kay David na si Nabal ay isang “lalaking walang-kabuluhan” at binigyan si David ng mga paglalaan na ipinagkait ni Nabal. Karaniwan na, mali para sa isang asawang lalaki o babae na ihayag ang mga pagkakamali ng kabiyak. Si Abigail ba ay isang rebelde sa pagsasalita at pagkilos sa ganitong paraan? Hindi. Sinisikap niyang iligtas ang buhay ni Nabal at ng kaniyang sambahayan. Walang pahiwatig na ugali niya ang maging walang-galang o nagsasarili. Ni ipinahayag man kaya ni Nabal ang anumang kawalang-kasiyahan sa paraan ng pagtulong niya sa pamamahala sa kaniyang malaking lupain. Subalit sa gipit na kalagayang ito, pinakilos siya ng karunungan na sundin ang kaniyang sariling pagkukusa. Bukod pa riyan, sinasang-ayunan ng Bibliya ang ginawa ni Abigail.​—1 Samuel 25:3, 25, 32, 33.

Bago pa ang kaarawan ni Abigail, may mga panahon na ipinahayag ng mga asawa ng mga patriyarka ang kanilang pangmalas at kumilos nang naiiba sa kung ano ang kagustuhan ng kanilang mga asawa. Gayunman, “ang mga babaing banal [na ito] na umaasa sa Diyos” ay itinuturing bilang mga huwaran ng pagpapasakop para sa Kristiyanong asawang babae. (1 Pedro 3:1-6) Halimbawa, nang mahalata ni Sara na ang anak ni Abraham na si Ismael ay naging isang banta sa kanilang anak, si Isaac, ipinasiya niyang paalisin si Ismael. Ito’y “lubhang mabigat sa paningin ni Abraham.” Subalit sinabi ng Diyos kay Abraham: “Huwag mong mabigatin sa iyong paningin ang lahat ng bagay na sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa bata . . . Makinig ka sa kaniyang tinig.”​—Genesis 21:11, 12.

Kailangan ang Kaunawaan

Kaya nga, hindi makabubuti para sa isang asawang babae na makadama ng panggigipit na gawin ang nalalaman niyang lubhang hindi matalino o labag sa maka-Diyos na mga simulain, alang-alang sa pagpapasakop. Ni dapat man siyang makadama ng pagkakasala sa pagkukusa sa ilang mahalagang bagay, gaya ng ginawa nina Abigail at Sara.

Ang pagpapasakop ng asawang babae ay hindi nangangahulugan na ang asawang babae ay dapat na laging sumunod sa lahat ng kagustuhan ng asawa. Ano ang gumagawa ritong naiiba? Kapag ang nakataya ay ang matuwid na mga simulain, maaari siyang di-sumang-ayon sa kaniyang asawa. Gayunman, dapat pa rin siyang magpakita ng espiritu ng maka-Diyos na pagpapasakop.

Mangyari pa, dapat mag-ingat ang asawang babae na huwag kaliligtaan ang mga kahilingan ng kaniyang asawa dahil sa pananadya, pagtikis, o iba pang maling mga motibo. Dapat na may kaunawaan siya, “magaling umunawa,” gaya ni Abigail.​—1 Samuel 25:3.

Kapag Umiiwas sa Pananagutan ang Asawang Lalaki

Ang pangunahing tunguhin at diwa ng maka-Diyos na pagpapasakop ng asawang babae ay upang palugdan si Jehova sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kaniyang asawa at pagsuporta sa kaniyang mga pasiya. Madali ito kung ang asawang lalaki ay maygulang sa espiritu. Maaari itong maging isang hamon kung ang lalaki’y hindi maygulang sa espiritu.

Sa ganitong kalagayan, paano mapagtatagumpayan ito ng babae? Maaari siyang masugid na magsumamo sa lalaki o magmungkahi ng mga desisyon na lubhang pakikinabangan ng pamilya. Kung hahayaan niyang ang lalaki ang ‘umugit sa bapor,’ maaaring siya’y maging higit na bihasa rito. Ang palaging pagsisi sa asawang lalaki ay lumalabag sa diwa ng wastong pagpapasakop. (Kawikaan 21:19) Gayunman, kung ang kapakanan ng pamilya ay maliwanag na nanganganib dahil sa patakaran ng asawang lalaki, maaaring piliin ng babae na magmungkahi, gaya ng ginawa ni Sara, ng wastong landasin.

Kung ang asawang lalaki ay di-sumasampalataya, mas malaki ang hamon sa asawang babae. Gayunman, dapat pa rin siyang magpasakop hangga’t hindi hinihiling sa kaniya ng lalaki na labagin ang mga batas ng Bibliya. Kung gagawin iyan ng lalaki, ang reaksiyon ng Kristiyanong asawang babae ay dapat na katulad niyaong sa mga alagad nang hilingin ng hukuman na labagin nila ang utos ng Diyos: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

Subalit, dahil sa kakulangan ng karanasan at limitadong karunungan, maaaring lampasan ng may mabuting-layon na mga asawang lalaki at babae ang kanilang mga bahagi. Ang asawang lalaki ay maaaring kulang ng konsiderasyon; maaaring igiit naman nang husto ng asawang babae ang kaniyang mga kagustuhan. Ano ang makatutulong? Ang mahinhing pangmalas sa sarili ay mahalaga sa mag-asawa, yamang “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.”​—Santiago 3:2.

Pahahalagahan ng maraming lalaki ang matapat na pagkukusa ng asawang babae kung ginagamit niya ito taglay ang matalinong pagpapasiya. At ang pagtutulungan ay napasusulong kung sila kapuwa ay humihingi ng tawad kapag sila’y nakagawa ng pagkakamali. Kung paano pinatatawad ni Jehova ang ating araw-araw na mga pagkukulang, dapat din tayong magpatawad sa iba. “Kung ang mga pagkakamali ang iyong binabantayan, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat taglay mo ang tunay na kapatawaran.”​—Awit 130:3, 4.

“Magpasakop Kayo sa Isa’t Isa”

Para sa ating pinakamabuting kapakanan, kung gayon, ang Kasulatan ay nagpapayo: “Magpasakop kayo sa isa’t isa sa takot kay Kristo.” Pag-ukulan ng maibiging paggalang ang isa’t isa; huwag humadlang o makipagkompetensiya. Ang teksto ay nagpapatuloy: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.”​—Efeso 5:21-23.

Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo sa Efeso 5:21, 22 ay nagpapahiwatig ng kusang pagpapasakop, hindi sapilitang pagpapasakop. At ang pagpapasakop ay alang-alang sa Panginoon, hindi lamang para sa pagkakasuwato ng pag-aasawa. Ang pinahirang kongregasyon ni Kristo ay nagpapasakop nang kusa at may kagalakan kay Kristo. Kapag gayon din ang ginagawa ng asawang babae sa kaniyang asawa, kung gayon ang pag-aasawa ay malamang na maging maligaya at matagumpay.

Binabanggit din ng Kasulatan: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo [ng asawang lalaki] ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili,” nang sagana. (Efeso 5:33; 1 Pedro 3:7) Dapat isaisip ng asawang lalaki na siya man ay dapat na magpasakop sa kaniyang ulo, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.” Oo, ang lalaki ay dapat na magpasakop sa mga turo ni Kristo. Si Kristo naman ay nagpapasakop sa kaniyang ulo: “Ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.” Kaya nga, ang lahat ay may ulo maliban kay Jehova. At siya man ay sumusunod sa kaniyang sariling mga batas.​—1 Corinto 11:3; Tito 1:2; Hebreo 6:18.

Ang pagpapasakop ng Kristiyano ay timbang at kapaki-pakinabang sa kapuwa sekso. Ito’y nagdudulot ng pagkakaisa at pagkakontento sa pag-aasawa na tanging ang ating maibiging Maylikha lamang ang makapaglalaan.​—Filipos 4:7.

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Leslie’s

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share