Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ginagantimpalaan ni Jehova ang Isang Tapat na Kabataan
ANG tapat na mga kabataan ay pagkahala-halaga sa paningin ni Jehova. Ang sumusunod na karanasan ng isang tapat na kabataang lalaki ay dapat magpatibay-loob sa iba pang mga kabataan na manatili sa kanilang katapatan samantalang sila’y naglilingkod kay Jehova.
Sa Argentina isang 11-anyos na batang lalaki at ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ay nakipag-aral sa kanilang lola sa aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Karaka-raka, ang mga magulang ng mga bata ay sumalansang, at kanilang pinagbawalan ang mga bata na pumunta sa mga pulong sa Kingdom Hall. May panahon na, upang makadalo sa mga pulong, ang mga bata ay tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana ng banyo, lumundag sa may harapan, at mula roon ay umakyat sa pader tungo sa harapan ng kapitbahay at pagkatapos ay nagpatuloy hanggang sa makarating sa Kingdom Hall. Pagkatapos ay may nagsumbong sa kanilang ina na sila’y dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Sila’y pinagbantaan ng ina na gugulpihin, at dito’y nahintakutan ang bunso, na huminto ng pag-aaral. Ngunit ang mas matanda ay nagpatuloy. May limang taon na siya’y nakagawa ng paraan upang makadalo sa mga pulong nang hindi nalalaman ng kaniyang mga magulang.
Nang siya’y 16 na taóng gulang na, ibig niyang kumuha ng isang kurso sa hayskul na wala roon sa kanilang bayan. Kung siya’y mapapalayo sa kanilang tahanan magkakaroon siya ng higit na kalayaan na magpatuloy sa katotohanan. Pumayag naman ang kaniyang mga magulang na mapalayo siya, at lahat ay tumakbo nang maayos sa loob ng tatlong buwan. Pagkatapos ay nagsumbong ang prinsipal ng paaralan sa kaniyang mga magulang na ang kanilang anak ay ayaw sumaludo sa bandila o umawit ng pambansang awit. Sa harap ng prinsipal, ng kaniyang mga magulang, ng isang sekretaryo, isang abogado, at sampung propesor, ang binata ay nakapagbigay ng isang mahusay na pagpapatotoo kung bakit hindi maamin ng kaniyang budhi na gawin ang mga gawaing ito. (Exodo 20:4, 5) Galit na galit ang kaniyang mga magulang. Ang ina ay kumuha ng isang rebolber sa tangkang barilin ang lola, na kaniyang itinuturing na may kagagawan nito. Ngunit hindi niya matiyempuhan na ito’y nag-iisa.
Nang magtagal, sa mungkahi ng isang kaibigan ng pamilya at pagkatapos na sumang-ayon ang prinsipal ng paaralan, ipinasiya ng mga magulang na ipasok ang binata sa isang klinika para sa may kapansanan sa isip, sa pag-aakala nila na ang pagpapasok sa kaniya roon ay magpapatalikod sa kaniya sa kaniyang pananampalataya. Ang binata ay dinadala ng mga taga-klinika sa layong 100 kilometro sakay ng isang kotse at iniineksiyunan siya ng malalaking dosis ng insulin at iba pang mga gamot hanggang sa siya’y mawalan ng malay. Pagkagising niya, siya’y lubusang walang kamalayan sa paligid, walang nakikilalang sinuman, at dumaranas ng manaka-nakang pagkalimot. Pagkatapos ng maraming maingat na pagsusuri sa kaniya’y hindi nakasumpong ang mga doktor ng anumang sakit sa kaisipan. Subalit nagpatuloy ang klinika sa gayong panggagamot. Pagka siya’y nasa hustong malay, ang binata ay patuloy na nananalangin kay Jehova na huwag siyang pababayaan at sana’y bigyan siya ng lakas na makapagtiis. Siya’y kinalinga ni Jehova, at sa wakas siya’y pinalabas sa klinika.
Minsan tinanong ng prinsipal sa paaralan ang binata kung siya’y handang umurong. Nang kaniyang sabihing hindi, sinabihan ng prinsipal ang mga magulang na ibalik siya sa klinika dahilan sa siya’y mas nasisiraan ng bait kaysa rati. Siya’y dinala ng mga magulang sa isang bahay na tumatanggap ng mga mangangasera at ibinilin sa kasera na tiyakin na hindi siya pupunta sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nang makaalis na ang mga magulang, anong laking sorpresa para sa binatang iyon! Ang mga may-ari ng bahay-pangaserahang iyon ay mga Saksi ni Jehova! Sa wakas siya’y inilabas na ng mga magulang sa pinagpapagamutang klinika, kumbinsido na ang mga doktor ay nagsinungaling sa kanila. Samantala ang Korte Suprema ng Argentina ay humatol na ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring paalisin sa paaralan dahil sa di-pagsaludo sa bandila.
Ang mga pagsubok bang ito ay pinakinabangan ng tapat na kabataang ito? Oo. Sinabi niya: “Ako’y nakapagbigay ng isang malawakang patotoo sa mga doktor, propesor, kamag-aral, magulang, at mga kamag-anak, sa katunayan, sa buong siyudad. Ang aking mga magulang ay medyo umamo at nagkaroon ng isang lalong mabuting pagkakilala sa mga Saksi. Ngayon, pag lumilingon ako sa panahon ng aking pagkabata, nakikita ko ang ating kagila-gilalas at malumanay na Diyos sa pangangalaga sa isang tao na nananatiling tapat sa kaniya. Iyon ay kagayang-kagaya ng sinabi ng salmista sa Awit 27:10: ‘Sakaling iniwan ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, si Jehova mismo ang kakalinga sa akin.’ ”
Ang kabataang ito ay 23 taóng gulang na, may asawa, at masigasig na masigasig sa paglilingkod kay Jehova. Oo, ang umaalalay na lakas ni Jehova ay walang-hanggan.—Awit 55:22.