Ako ay Nagpakumbaba at Nakatagpo ng Kaligayahan
NOONG 1970, ako’y 23 anyos at ambisyoso. Sa aking pinagtatrabahuhan sa isang klub ng auto sa Ivrea, Italya, ako’y naatasan na maging punong-kawani. Ako’y desididong maging isang taong importante, Gayunman, ako ay totoong malungkutin at namamanglaw. Bakit?
Ang aking asawang lalaki ay nagpapalipas ng malaking panahon sa mga bar sa pagsusugal kasama ng kaniyang mga kaibigan, at sa akin niya ipinababalikat ang karamihan ng mga responsibilidad sa pamilya. Nagsimula sa amin ang di-pagkakaunawaan. Nag-aaway kami sa pinakamaliliit na mga bagay. Kaya naman, ang aking isip ay napunô ng negatibong mga kaisipan.
‘Walang sinumang talagang interesado sa iyo,’ malimit kong sabihin. ‘Gusto lamang nilang samantalahin ang iyong puwesto.’ Nasasabi ko sa aking sarili: ‘Walang Diyos sapagkat kung mayroon, hindi niya pahihintulutan ang ganitong karaming mga pagdurusa at kasamaan. Ang buhay ay wala kundi isang karera na patungo sa kamatayan.’ Hindi ko maintindihan kung bakit gayon.
Pasimula ng Isang Pagbabago
Isang araw noong 1977, dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang tumuktok sa aming pinto. Ang aking asawang lalaki, si Giancarlo, ang nag-anyaya sa kanila na tumuloy, at sila’y dumiretso sa sala upang makipag-usap. Ang layunin niya ay upang sila’y maging mga ebolusyunista na katulad niya, subalit sila ang bumago ng kaniyang kaisipan!
Hindi nagtagal at nagsimula si Giancarlo na gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang buhay. Siya’y naging lalong matiyaga, gumugugol ng higit na panahon at atensiyon sa akin at sa aming anak na babae. Sinikap niyang magpaliwanag sa akin tungkol sa mga bagay na kaniyang natututuhan, ngunit sa tuwina ay sinasarhan ko ang usapan sa pamamagitan ng isang mahayap na pangungusap.
Pagkatapos, isang araw nang dumalaw ang mga Saksi, ako’y naupo at talagang nakinig. Kanilang binanggit ang tungkol sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay at tungkol sa Kaharian ng Diyos, sa lupang Paraiso, at ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Ako’y natigilan! Hindi ako nakatulog ng sumunod na tatlong gabi! Ibig kong makaalam ng higit pa, subalit ang pagmamataas ang humadlang sa akin sa pagtatanong sa aking asawa. Pagkatapos, isang araw ay may katigasang sinabi niya sa akin: “Ngayon ikaw ay kailangang makinig. Nasa akin ang mga kasagutan sa lahat mong katanungan.” Nang magkagayo’y patuloy na ibinuhos niya sa akin ang mga katotohanan ng Bibliya.
Sinabi sa akin ni Giancarlo na Jehova ang pangalan ng Maylikha, na ang Kaniyang pangunahing katangian ay pag-ibig, na Kaniyang isinugo ang Kaniyang Anak bilang isang pantubos upang tayo’y magkaroon ng buhay na walang-hanggan, at pagkatapos mapuksa sa Armagedon ang mga balakyot, bubuhaying-muli ni Jesu-Kristo ang mga patay sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. Sinabi niya na ang mga bubuhaying-muli ay lálaki tungo sa kasakdalan ng isip at katawan at sila’y magkakaroon ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa lupa sa Paraiso.
Kinabukasan, unang-unang pagsama ko sa aking asawa sa Kingdom Hall. Pagkatapos sinabi ko sa kaniya: “Ang mga taong ito ay nag-iibigan. Ibig kong magpatuloy ng pagpunta rito sapagkat sila’y talagang maligaya.” Ako’y nagpasimulang dumalo nang palagian sa mga pulong, at pinagdausan ako ng isang pag-aaral sa Bibliya. Malimit na pinag-iisipan ko ang tungkol sa aking natututuhan at hindi nagtagal ay nakumbinsi ako na nasumpungan ko ang tunay na bayan ng Diyos. Noong 1979 sinagisagan naming mag-asawa ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo.
Ang Buong-Panahong Ministeryo
Sa isang pansirkitong asamblea nang bandang huli na ng taóng iyon, may pahayag na nagpapatibay-loob na lumahok sa buong-panahong pangangaral. Ako’y napukaw na sumali sa paglilingkurang iyan, at nanalangin ako kay Jehova tungkol sa bagay na iyan. Subalit nangyari na ako’y nagdalang-tao, at napahinto pansamantala ang aking mga plano. Sa sumunod na apat na taon, kami’y nagkaanak ng tatlo. Dalawa sa kanila, sa magkaibang pagkakataon, ang dinapuan ng pisikal na mga depektong nagsasapanganib ng buhay. Salamat naman, sa bawat kaso, sila’y gumaling na lubusan.
Ngayon naisip ko na hindi ko na ipagpapaliban pa ang aking mga plano para sa buong-panahong ministeryo. Nagbitiw ako sa aking sekular na trabaho upang lalong higit na makapagtutok ng pansin sa aking mga pananagutan bilang isang asawang babae at ina. Kaming mag-asawa ay nagplano na mamuhay sa kaunting kita, na nangangahulugan na hindi na kami bibili ng mga hindi kinakailangan sa buhay. Subalit, saganang pinagpala kami ni Jehova, kailanman ay hindi kami pinabayaan na mamuhay sa karukhaan o sa pangangailangan.
Noong 1984 ang aking anak na babae, na noon ay 15 anyos at kababautismo lamang, ay nagsimula sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Kasabay nito, ang aking asawa ay hinirang na isang matanda. Ako? Sa pagkadama kong hindi pa ako handang magpayunir, nagtakda ako ng tunguhing 30 oras isang buwan sa pangangaral. Naaabot ko iyon at ang sabi ko sa aking sarili: ‘Magaling! Marami ang iyong nagagawa.’
Subalit, muling naging problema ko ang kapalaluan. (Kawikaan 16:18) Laging nasa isip ko ang kagalingan ng aking nagagawa at na hindi ko na kailangan ang higit pang espirituwal na kaunlaran. Ang aking espirituwalidad ay nagsimulang umurong, at naiwala ko pa man din ang mabubuting katangian na nakamtan ko. Nang magkagayo’y tinanggap ko ang disiplina na kailangan ko.
Noong 1985 dalawang naglalakbay na tagapangasiwa at ang kani-kanilang maybahay ay naging mga panauhin namin sa kanilang pana-panahong pagdalaw sa aming kongregasyon. Sa pagmamasid sa mapagpakumbaba, mapagsakripisyo-sa-sariling mga Kristiyanong ito ako ay tunay na naakay na magbulay-bulay sa mga bagay-bagay. Nagsaliksik ako sa paksang pagpapakumbaba, na ginagamit ang mga publikasyon ng Watch Tower Society. Napag-isipan ko ang tungkol sa dakilang kapakumbabaan ni Jehova sa pakikitungo sa atin na mga taong makasalanan. (Awit 18:35) Batid ko na kailangang baguhin ko ang aking kaisipan.
Ako’y nagsumamo kay Jehova na tulungan ako na linangin ang pagpapakumbaba upang makapaglingkod ako sa kaniya sa paraan na ibig niya at akayin ako na gamitin ang mga kaloob na taglay ko sa kaniyang ikaluluwalhati. Sinulatan ko ang isang aplikasyon para sa pagpapayunir, at nagsimula akong maglingkod sa kaniya sa buong-panahong ministeryo noong Marso 1989.
Masasabi ko na ngayon na ako’y tunay na maligaya at ang aking pagpapakumbaba ang isang dahilan ng aking kaligayahan. Nasumpungan ko ang isang tunay na dahilan para mabuhay—ang pagtulong sa mga taong nangangailangan upang makilala na si Jehová, ang tunay na Diyos, ay hindi malayo sa mga humahanap sa kaniya.—Ayon sa pagkalahad ni Vera Brandolini.