Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Nagpupunta sa Shiloh—Ang mga Batang Mabubuti at Masasama
PAGKA naiisip mo ang mga siyudad, bayan, o mga lugar sa Lupang Pangako, mayroon ka bang naiisip na litaw na mga lalaki at mga babae? Marahil ay gayon nga, sapagkat karamihan ng mga pagsasalaysay ng Bibliya ay tungkol sa mga adulto. Subalit kumusta naman ang mga bata noong panahong lumipas? Iyo bang naguguniguni sila sa larawan?
Ang tanawin sa itaas ay makatutulong sa atin na magtutok ng pansin sa mga salaysay na tungkol sa mga kabataan, na ang ilan sa kanila ay maiinam na halimbawa para sa mga Kristiyano at sa iba pang nagsilbing babalang halimbawa. Ang pabilog na burol sa gitna ay waring ang kinaroroonan ng Shiloh.a
Marahil ay naaalaala mo pa na nang pumasok sa Lupang Pangako ang Israel, ang tabernakulo ng Diyos ay unang inilagay nila sa Gilgal malapit sa Jericho. (Josue 4:19) Subalit nang ang lupain ay pinagparte-parte, ang sagradong toldang ito—ang pinakasentro ng pagsamba ng Israel—ay inilipat sa Shiloh mula rito. (Josue 18:1) Ito’y humigit-kumulang 30 kilometro sa gawing hilaga ng Jerusalem sa kabundukan ng Ephraim. Mga lalaki at mga babae sa buong Israel ang naglakbay patungong Shiloh; pulu-pulutong na mga tao ang nakapagtitipon sa libis sa timog kung saan malamang na itinayo ang tabernakulo. (Josue 22:12) Maguguniguni mo ba ang mga bata na nagpupunta rito?
Ganoon ang ginawa ng iba. Ang pinakalitaw na halimbawa na alam natin ay ang batang si Samuel. Ang kaniyang mga magulang, sina Elkana at Ana, ay namuhay sa isang bayan sa itaas ng mga burol sa kanluran. Sa taun-taon sila ay nagpupunta rito, marahil may dala silang ibang mga bata na mga anak ni Elkana sa ibang asawa niya. Sa wakas ay pinagpala naman ni Jehova si Ana at binigyan ng isang anak na lalaki na pinanganlang Samuel. Nang sumapit ang panahon siya ay dinala ng kaniyang mga magulang upang manirahan sa Shiloh upang siya’y makapaglingkod sa tabernakulo kasama ng mataas na saserdoteng si Eli.—1 Samuel 1:1–2:11.
Ang bata ay maraming gawaing dapat gampanan sa bayan ng Diyos, at tiyak na nagkaroon siya ng maraming pagkakataon upang maglakad-lakad sa karatig na mga burol. (1 Samuel 3:1, 15) Ang ilan sa mga ito ay hagdan-hagdan at punô ng mga punong olibo gaya ng makikita sa larawan sa pahina 9. Pansinin ang maliit na batong bantayang-moog. Bukud-bukod na mga magsasaka o mga pastol ang nagbabantay buhat sa gayong bantayang-moog, subalit maguguniguni mo na ang batang si Samuel ay umaakyat para magmasid-masid din naman. (Ihambing ang 2 Cronica 20:24.) Ito’y isang napakainam na lugar na mapagtatanawan sa maiilap na hayop.
Noon, may maraming punungkahoy kaysa ngayon, maging mga gubat man na galaan ng mababangis na hayop. (Josue 17:15, 18) Nabatid natin ito buhat sa isang pangyayaring naganap nang si Eliseo ay maging pangunahing propeta ng Diyos. Si Eliseo ay naglalakbay mula sa Jerico patungo sa Bethel, kaya siya ay narito sa lugar na ito, mga 16 na kilometro sa timog ng Shiloh. Anong pagtanggap ang gagawin sa kaniya ng mga taga-Bethel na naging sentro na ng pagsamba sa isang gintong baka? (1 Hari 12:27-33; 2 Hari 10:29) Waring ang mga adulto ay laban sa propeta ni Jehova, at ang kanilang saloobin ay waring humawa na sa kanilang mga supling.
Ang 2 Hari 2:23, 24 ay nagbibigay-alam sa atin na isang tropa ng mga kabataan ang tumuya sa propeta ng Diyos: “Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo! Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo!” Bilang tugon naman, sila’y “isinumpa ni [Eliseo] sa pangalan ni Jehova. At noon din ay lumabas ang dalawang osong babae buhat sa gubat at pinagluray-luray ang apatnapu’t dalawang bata na kabilang sa kanila.” Ang gayong kulay kayumangging mga oso ng Syria ay napakababangis pagka nagulat o pagka ang kanilang maliliit na anak ay waring nanganganib. (2 Samuel 17:8; Kawikaan 17:12; 28:15) Ang mga ito ay ginamit ng Diyos upang ipatupad ang banal na katarungan laban sa mga lumalapastangan sa kaniyang kinatawan at sa gayo’y kanilang nilalapastangan si Jehova mismo.
Yamang ang isang bata ay baka makasagupa ng gayong maiilap na hayop sa kaburulan sa palibot ng Shiloh dapat tumulong ito sa atin na lalo pang pahalagahan ang pananampalataya na ipinakita ng mga magulang ni Samuel sa pagdadala roon sa kaniya upang maglingkod sa tabernakulo.
Ang isa pang tunay na mananamba ay mas maaga rito na nagpakita ng nakakatulad na pananampalataya at debosyon—si Hukom Jepte. Siya’y doon nanirahan sa maburol na lupain ng Gilead sa may silangan ng Jordan. Palibhasa’y masigasig sa panig ni Jehova laban sa kaaway na mga Ammonita, ipinanata ni Jepte na ang unang-una sa kaniyang mga kasambahay na lalabas upang sumalubong sa kaniya ay iaalay kay Jehova. Ang kaniyang anak na dalaga ang siyang lumabas. Kaya ang kaniyang bugtong na anak ay dinala niya sa santuwaryo ng Diyos sa Shiloh, at doon ito nanirahan at naglingkod nang may katapatan sa loob ng maraming taon.—Hukom 11:30-40.
Ang tapat na debosyon na ipinakita ni Samuel at ng anak ni Jepte doon sa may lugar ng Shiloh ay tunay na isang mainam na kaibahan sa negatibong halimbawa ng 42 delingkuwente na tumuya sa propeta ni Jehova sa lugar ding ito.—Ihambing ang 1 Corinto 10:6, 11.
[Talababa]
a Para sa mas malaking larawan, tingnan ang 1992 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Safari Zoo, Ramat-Gan, Tel Aviv