Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 1/15 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Kaparehong Materyal
  • Matalinong Payo sa Pag-aasawa at Pananatiling Walang Asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Samantalahin ang Iyong Pagiging Walang Asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ang Pagiging Walang Asawa sa mga Panahong Mahirap ang Kabuhayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Walang Asawa at Kontento sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 1/15 p. 31

Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa

Ano ang maaaring gawin ng isang Kristiyano kung siya ay hindi makatagpo ng isang nababagay na maging asawa?

Bagaman debotong mga Kristiyano, maaari pa rin tayong malumbay kung taimtim na umaasa tayo sa isang bagay na hindi naman aktuwal na nangyayari. Ang ating mga damdamin ay malinaw na ipinahahayag sa Kawikaan 13:12, na nagsasabi: “Ang pag-asang nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Ganito ang nadama ng ilang Kristiyano na ibig mag-asawa ngunit hindi makatagpo ng isang nababagay na maging asawa. Lalong totoo ito sa mga tinukoy ni apostol Pablo na mga “nagniningas ang pita.”​—1 Corinto 7:9.

Sinangkapan ni Jehova ang mga tao ng pagnanasang makasumpong ng isang tunay na kapupunan buhat sa di-kasekso. Kung gayon, di-kataka-taka na magkaroon ng gayong matinding damdamin ang maraming Kristiyanong walang asawa. (Genesis 2:18) Ang normal na mga damdaming ito ay maaaring lalong mapusok sa mga kultura na lubhang nagpapahalaga sa pag-aasawa (o pag-aasawa pagdating sa isang takdang edad) o kung ang mga Kristiyanong walang asawa ay napalilibutan ng maliligayang mag-asawa sa kongregasyon. Gayunman, hindi mabuti na mabalisa nang matagal tungkol sa bagay na ito. Kaya papaano pakikitunguhan ng taimtim na mga Kristiyano ang ganiyang kalagayan nang hindi labis na nababahala?

Ang pakikitungo rito ay hindi madali, at hindi ito dapat pakitunguhan ng iba na para bang ito’y isang kalabisan o isa lamang munting bagay na nakaliligalig. Ngunit sa kalakhang bahagi, ang pananagumpay o paglutas sa gayong kalagayan ay depende sa mga hakbang na maaaring gawin ng taong walang asawa.

Tayo’y makasusumpong ng pinakasusi sa ganitong praktikal na simulain ng Bibliya: “Lalong maligaya ang magbigay kaysa tumanggap.” (Gawa 20:35) Sinabi iyan ng taong walang asawa na si Jesu-Kristo, at batid niya ang kaniyang sinabi. Ang pagtulong sa iba na udyok ng isang motibong walang pag-iimbot ay isang mabuting patakaran na tutulong kaninuman sa atin upang mapagtagumpayan ang damdamin na bunga ng pag-asang nagluluwat. Ano ba ang ibig sabihin nito kung tungkol sa Kristiyanong walang asawa?

Magsikap na gumawa ng kabutihan para sa iyong sariling pamilya at sa iba sa kongregasyon, at maging lalong aktibo ka sa ministeryo. Ang payong ito ay hindi lamang isang paraan ng pagsasabing, ‘Magsipag ka, at malilimutan mo rin ang pagnanasang mag-asawa.’ Hindi. Yamang okupado ka sa mabubungang tunguhing Kristiyanong ito, marahil ay masusumpungan mo na ikaw ay naging ‘matatag sa iyong puso, na may kapamahalaan sa iyong sariling kalooban’ at magagamit mo ang iyong kasalukuyang mga kalagayan sa kapaki-pakinabang na paraan.​—1 Corinto 7:37.

Ang ilan na may matinding hangaring mag-asawa ay napadala rito. Sila’y lumabis hanggang sa pag-aanunsiyo pa sa mga pahayagan tungkol sa paghahanap ng mapapangasawa. Gayumpaman, mas mabuti na higit na pahalagahan ang makukuhang mga pakinabang buhat sa panahon na ang isa’y walang asawa.​—Pakitingnan ang mga artikulong “Walang Asawa Ngunit Walang Kulang sa Paglilingkod sa Diyos” at “Di-Pag-aasawa​—​Isang Kasiya-siyang Paraan ng Buhay” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1987, at “Ang Pag-aasawa ba Lamang ang Tanging Susi sa Kaligayahan?” sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 1992.

Manalangin kay Jehova sa paghingi ng tulong na makapagtiyaga sa kalagayan ng pagkawalang-asawa. (Filipos 4:6, 7, 13) Napatunayan ng maraming Kristiyanong walang asawa na sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang panahon upang mag-aral at magbulay-bulay sa Salita ng Diyos at dumalo at makibahagi sa mga pulong Kristiyano, sila’y nagtamasa ng higit pang ‘kaginhawahan sa kanilang kaluluwa,’ gaya ng ipinangako ni Jesus sa mga sumusunod sa kaniya. (Mateo 11:28-30) Ito’y tumulong sa kanila na mapaunlad ang espirituwalidad, upang sila’y maging lalong mabubuting asawang lalaki o asawang babae kung balang araw ay makatagpo sila ng nababagay na asawa.

Huwag kalilimutan na nauunawaan ni Jehova ang kalagayan ng lahat ng walang asawa na naglilingkod sa kaniya. Batid niya marahil na hindi ang iyong kasalukuyang mga kalagayan ang ibig mong kalagyan. Ang ating maibiging Ama sa langit ay may kabatiran din sa kung ano ang pinakamabuti sa iyo na magdudulot ng walang-hanggang espirituwal at emosyonal na kapakinabangan. Pagkatapos ay mababatid mo ito nang may katiyakan: Sa matiyagang paghihintay kay Jehova at pagkakapit sa mga simulain ng kaniyang Salita sa araw-araw na pamumuhay, matitiyak mo na kaniyang sasapatan ang iyong pinakamahalagang mga pangangailangan sa paraan na ukol sa iyong walang-hanggang ikabubuti.​—Ihambing ang Awit 145:16.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share