Inalalayan Ako ni Jehova sa Isang Bilangguan sa Disyerto
AYON SA PAGKALAHAD NI ISAIAS MNWE
Walang paglilitis, at wala naman akong nagawang krimen. Gayunman, ako’y hinatulan na gumawa ng mabigat na trabaho sa isang kolonya ng mga preso sa kalagitnaan ng Aprika sa nakapapasong Sahara Desert. Ang lalong nagpalubha ng kaso, wala sa aking mga kaibigan ang nakababatid kung nasaan ako. Ito’y nangyari mahigit na walong taon na ngayon, noong tag-init ng 1984. Payagan ninyong ipaliwanag ko kung papaano ako napalagay sa mahirap na kalagayang iyan.
NOONG 1958, nang ako’y 12 anyos pa lamang, ang aking kuya ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang aking ama at ina ay nagpatuloy na sumamba sa mga diyos ng tribo ng Estado ng Abia, Nigeria, ang lugar na kinatitirhan namin.
Noong 1968, ako’y umanib sa hukbo ng Biafra. Samantalang nasa literal na dako ng labanan, pinag-isipan ko ang pagkawalang kinikilingan ng mga Saksi ni Jehova, at ako’y nanalangin sa Diyos na tulungan ako. Aking ipinangako na kung kaniyang loloobin na ako’y makaligtas sa digmaan, magiging isa ako sa kaniyang mga Saksi.
Pagkatapos ng digmaan ay kumilos ako nang madalian upang tupdin ang aking pangako. Ako’y nabautismuhan noong Hulyo 1970 at karaka-rakang lumahok sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Pagdating ng panahon ako ay hinirang bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano. Hindi nagtagal ay tumanggap ako ng isang paanyaya buhat sa tanggapang sangay sa Nigeria na gampanan ang isang atas misyonero sa isang karatig na bansa na kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi kinikilalang legal. Tinanggap ko iyon, at pagdating ng Enero 1975, ako ay patungo na roon, nasa akin na ang aking pasaporte.
Inaresto
Noong 1978, ako’y naatasang dumalaw sa mga Saksi sa buong bansa. Yamang sila’y kakaunti, ako’y naglakbay sa malalayong lugar, dinadalaw ang lahat ng mga lunsod na kung saan may mga kongregasyon, pati na rin yaong mga lugar na may mga taong interesado. Malimit na ako’y tinatanong sa mga checkpoint ng pulisya. Makalawa, sa loob ng apat na araw bawat pagkakataon, ako’y pinigil at tinanong tungkol sa ating gawain.
Pagkatapos, noong Hunyo 1984, samantalang kami’y naghahanda para sa ministeryo sa larangan isang araw ng Linggo, isang palakaibigang opisyal ang nagpabatid sa amin na ang pulisya ay nagsisikap na arestuhin ang mga Saksi ni Jehova. Makaraan ang isang linggo, si Djagli Koffivi, na taga-Togo, at ako ay inaresto. Kami’y dinala sa kuwartel ng pulisya at ipinag-utos sa amin na isiwalat ang mga pangalan ng lahat ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod. “Kung hindi ninyo ibibigay sa amin ang mga pangalan,” anila, “kayo’y hindi namin pawawalan.”
“Kayo ang pulisya,” ang tugon ko. “Trabaho ninyo na hanapin ang mga taong ibig ninyo. Ako’y hindi ninyo ahente.” Kami’y nagtalo ng mga 30 minuto, at kami’y pinagbantaan ng pulisya na gugulpihin. Gayunman, hindi namin ibinigay sa kanila ang mga pangalan ng aming mga kapatid na Kristiyano. Nang magkagayo’y nagpasiya sila na kumpiskahin ang aking malawak na koleksiyon ng mga aklat na reperensiya sa Bibliya.
Samantalang Nakakulong
Pagkatapos na bumalik sa istasyon ng pulisya na taglay ang mga aklat, ang mga iyon ay aming diniskarga ni Djagli. Samantalang kami’y nagdidiskarga, isang papel ang nahulog buhat sa aking Bibliyang may malalaking letra. Iyon ay isang programa sa isang pandistritong kombensiyon na kinalilimbagan ng mga pangalan ng lahat ng Kristiyanong matatanda sa bansa. Dagling pinulot ko iyon at isinilid sa aking bulsa. Gayunman, ako’y nakita ng isa sa mga pulis at iniutos sa akin na ibigay ko iyon sa kaniya. Mangyari pa, ako’y lubhang nangilabot.
Ang papel ay inilagay sa ibabaw ng mesa sa silid na pinagdadalhan namin ni Djagli ng mga aklat. Nang ako’y bumalik na taglay ang aking susunod na kargada, naparoon ako sa mesa, kinuha ko ang papel, at isinilid iyon sa aking bulsa. Pagkatapos ay sinabi kong ibig kong magbawas. Isang pulis ang nakasubaybay sa akin sa pagparoon ko sa palikuran. Pagkatapos na ako’y makapasok at maisara ang pinto, pinagpunit-punit ko ang papel at pinahuho sa inodoro.
Nang malaman ng mga pulis ang nangyari, sila’y galit na galit. Subalit natatakot naman sila na gumawa ng anuman tungkol doon, yamang ang mga opisyal na nakatataas sa kanila ay magpaparatang na sila’y pabaya dahil sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na mapagpunit-punit ang papel. Pagkatapos na kami’y kulungin na may 17 araw, isang inspektor ng pulisya ang nagsabi sa amin na tipunin na ang aming mga gamit dahil lilipat kami sa ibang lugar. Naglagay kami ng ilang damit sa isang plastik bag, at sa ilalim ay nagsilid ako ng isang maliit na Bibliya na ipinuslit para sa amin ng isang dalaw.
Nagawa naming ipaálam sa mga Saksi na kami ay inililipat ngunit hindi namin alam kung saan. Maaga kinabukasan, Hulyo 4, 1984, kami ay ginising ng inspektor ng pulisya. Kami’y hinalughog at sinabihan na alisin sa bag ang mga damit at bitbitin iyon. Subalit nang marating ko na ang huling damit, sinabihan ako na puwede ko ng ibalik sa bag ang mga damit, kaya hindi natuklasan ang Bibliya.
Isang Bilangguan sa Disyerto
Ang pulisya ang naghatid sa amin sa airport, at doon ay sumakay kami sa isang eroplano ng militar. Makalipas ang ilang oras kami ay sumapit sa isang bayan na may humigit-kumulang 2,000 mamamayan, at may isang bilangguan sa malapit. Iyon ay mga 650 kilometro ang layo sa pinakamalapit na bayan. Kami’y kinuha sa eroplano at dinala sa bilangguan at inilagay sa ilalim ng awtoridad ng superintendente ng bilangguan. Walang isa man sa aming pamilya o mga kaibigan ang nakababatid kung saan kami dinala.
Ang bayan na pinagdalhan sa amin ay isang oasis sa disyerto ng Sahara. Naroon ang mga palumpong, mga ilang punungkahoy, at mga gusali na may mga dingding na tuyong putik. Makakakuha ng tubig kung maghuhukay lamang ng isang metro o isang metro at kalahati pababa. Gayunman, isang 31-taóng-gulang na katutubo sa lugar na iyon ang nagsabi sa amin na minsan lamang niya nakitang umulan doon sa buong buhay niya! At ang lugar ay labis-labis na mainit. Isang preso ang nagsabi na ang isang termometro sa kuwartel ng mga preso ay nagrehistro minsan ng 60° Centigrade! Isang malakas na hangin ang patuluyang humihihip, may dalang buhangin na nagpapahapdi ng balat at nagpapasakit ng mata.
Sinumang dumarating sa lugar na iyan ay nakatatalos na siya’y nasa pinaka-obra at pinakapangit na klase ng sentrong parusahan ng bansang yaon. Ang bilangguan ay napalilibutan ng matataas na pader na nagbigay ng kaunting proteksiyon buhat sa hangin at sa araw. Gayunman, ang mga pader ay hindi na kailangan upang maiwasan ang pagtakas, yamang wala namang mapupuntahang iba. Sa labas ng oasis, walang isa mang punungkahoy, walang-wala, upang magsilbing lilim sa kaninuman na ibig makatakas.
Bago kami pumasok, kami ay kinapkapan ng superintendente ng bilangguan. Kaniyang sinabihan kami na alisin ang lahat ng laman ng aming bag. Isa-isang inilabas ko ang mga damit. Nang ang natitira na lamang ay isang kamisadentro na itinakip sa Bibliya, ipinakita ko ang loob ng bag upang makita niya ang damit sa loob at sinabi ko: “Ito lamang ang pinayagan kami na dalhin.” Pagkatapos maniwala, kaniyang pinapunta kami sa looban. Wala na kaming ibang publikasyon kundi ang Bibliya.
Ang Buhay sa Bilangguan
Lahat-lahat, mayroong mga 34 na preso. Sila ang pinakabatikan at pinakamapanganib na mga kriminal sa bansa. Marami ang mamamatay-tao na itinuring na hindi na magbabago pa. Lahat kami ay natulog sa dalawang malalaking selda na pinaghiwalay ng isang bukás na paliguan. Sa paliguan ay may isang bariles na walang takip na ginagamit na palikuran. Bagaman tuwing umaga ito’y inaalisan ng laman ng mga preso, waring lahat ng langaw sa disyerto ay pumupunta roon upang magpakabusog sa malamig at maruming bariles na iyon.
Ang tanging pagkain namin ay ang sorghum. Ito ay ginigiling ng isang preso, pinakukuluan, at tinatakal sa mga pinggan na pagkatapos ay siyang inilalabas, tig-iisa sa tinutulugang banig ng bawat preso. Ang pagkain ay hindi natatakpan. Pagsapit ng panahon na kami’y nakauwi na galing sa trabaho, mayroon nang daan-daang langaw na nakadapo sa bawat pinggan ng nilutong sorghum. Pagka binuhat na namin ang aming mga pinggan, saka maingay na magliliparan ang mga langaw. Sa unang dalawang araw, wala kaming kinaing anuman. Sa wakas, sa ikatlong araw, pagkatapos bugawin ang mga langaw at alisin ang makapal na pang-ibabaw, saka namin kinain ang nilutong sorghum. Kami’y dumalangin na ingatan sana ni Jehova ang aming kalusugan.
Kami’y nagtrabaho sa init ng araw, binabakbak ang mga pader ng looban ng lumang bilangguan at nagtatayo ng mga bagong pader. Iyon ay labis na mahirap na trabaho. Kami’y nagtrabaho nang tuluy-tuloy mula 6:00 n.u. hanggang tanghali, may kaunting pagkain, pagkatapos ay nagtrabaho hanggang 6:00 n.h. Walang mga araw na kami’y bakante. Kami’y hindi lamang nakaranas ng hirap sa tag-init kundi sa taglamig kami’y nahirapan sa ginaw. At kami’y pinahirapan din ng malulupit na guwardiya.
Pananatiling Malakas sa Espirituwal
Kami ni Djagli ay nagbasa ng Bibliya nang palihim, at aming pinag-usapan ang aming natutuhan. Hindi kami makabasa nang hayagan sapagkat kaypala’y kukunin ang Bibliya at kami’y mapaparusahan. Isang preso na pinasimulan kong aralan ng Bibliya ang may ilawang de gas na ipinagamit din niya sa akin. Malimit na ako’y gumigising nang ala-una o alas-dos ng madaling araw at nagbabasa hanggang mga ala-singko ng umaga. Sa ganiyan ay nabasa ko ang buong Bibliya nang tuluy-tuloy.
Kami’y nangaral sa ibang mga preso, at isa sa kanila ang nagbalita sa punong bantay ng tungkol sa amin. Sa di-inaasahan, binigyan ng bantay ang preso ng magasing Gumising! na taglay niya, at iyon ay ipinasa naman sa amin ng preso. Paulit-ulit na binasa ko iyon. Ang aming pagbabasa at pangangaral ay tumulong upang kami’y manatiling malakas sa espirituwal.
Pakikipagtalastasan sa Aming mga Kaibigan
Kami’y hindi pinahintulutan na sumulat o magpadala ng mga sulat. Gayumpaman, isang taong naging palakaibigan sa amin ang nagsabing kaniyang tutulungan kami. Noong Agosto 20, mga anim na linggo pagkatapos na dumating kami, lihim na sumulat ako ng dalawang liham, isa sa embahada ng Nigeria at ang isa pa ay sa mga kaibigang Saksi. Ito’y ibinaon ko sa buhangin at ang lugar ay tinandaan ko ng isang malaking bato. Nang maglaon, ang aking kaibigan ay dumating at hinukay iyon.
Mga linggo ang lumipas at wala akong balitang anuman. Unti-unting nawalan ako ng pag-asa na ang mga liham ay naihatid. Subalit ang mga ito ay nakalusot pala, at ang aming mga kapuwa Saksi ay nagpatuloy ng pakikibaka upang kami’y mapalaya. Ang Ministri ng mga Suliraning Panlabas ng Nigeria ay naging interesado rin sa bagay na iyan at itinanong sa gobyerno sa bansang kinabibilangguan ko kung bakit ako ibinilanggo nito sa gayong piitan.
Samantala, nang umaga ng Nobyembre 15, 1984, kami’y dinala upang gumawa ng kaunting paglilinis. Ako’y dinala ng mga guwardiya sa palikuran ng isang paaralang-sekondarya na ginamit ng mga tao nang kung ilang linggo bagaman iyon ay barado. Iyon ay punung-puno ng dumi. Ang trabaho ko, sabi ng mga guwardiya, ay linisin iyon. Ang tanging kagamitang dala ko ay ang aking mga kamay. Samantalang pinag-iisipan ko kung papaano gagawin ang nakapandidiring trabahong ito, dumating ang punong bantay at sinabi na ibig daw akong makita ng punò ng distrito sa lugar na iyon.
Nang ako’y dumating, sinabi ng punò ng distrito na kamakailan siya ay nakipag-usap sa pangulo ng bansa, na nakabalita ng aking kalagayan. Ipinaliwanag ng pangulo na kung ibibigay ko ang mga pangalan ng mga Saksi ni Jehova sa bansa, ako ay pawawalan karaka-raka at makauuwi na sakay ng susunod na eroplano. Muling sinabi ko na kung ibig nilang mahuli ang mga Saksi ni Jehova, trabaho ng pulisya na hanapin sila. Sinabi ng punò ng distrito na dapat kong seryosong pag-isipan ang alok nila. Kaniya raw bibigyan ako ng apat o limang araw upang pag-isipan ito. Pagkatapos ay pinayagan na akong makaalis, at ang mga guwardiya naman ang naghatid sa akin sa bilangguan at, salamat, hindi sa palikuran!
Makalipas ang limang araw pinatawag ako ng puno ng distrito at itinanong kung ano ang aking napagpasiyahan. Sinabi ko na ang tanging dahilan kung bakit ako nakukulong sa kanilang bilangguan ay sapagkat nagpatotoo ako tungkol sa tunay na Diyos at wala akong ginawang masama. Ipinaliwanag ko na mayroon akong isang legal na pasaporte at residence permit. Lahat ng aking mga papeles ay wasto, at kailanma’t ako’y naglakbay sa anumang lunsod, laging nakikipag-alam ako sa pulisya upang siguruhin na lahat ay nasa ayos. Yamang wala naman akong ginawang anumang krimen, ako’y nagtanong: “Bakit ako pinarurusahan? Kung ayaw nila na ako’y dumito sa bansa, bakit hindi ako idineporta? Bakit ako hinatulang mabilanggo sa lugar na ito?”
Ako’y nagpahayag ng mga 15 minuto. Nang ako’y matapos, hiniling sa akin na isulat ang kasasabi-sabi ko lamang, at sinabihan ako na ang aking mga komento ay ihaharap sa pangulo. Binigyan ako ng papel, at sumulat ako ng apat na pahina.
Nakalaya sa Wakas!
Hindi na ako nakarinig ng anupaman tungkol sa bagay na iyan hanggang Enero 1985, mga pitong buwan pagkatapos na ako’y mabilanggo. Sa pagkakataong iyan, ang punong bantay ay dumating at tinanong ako kung ako’y sumulat ng isang liham sa embahada ng Nigeria. “Opo,” ang tugon ko.
“Bakit mo ginawa iyon? Bakit hindi mo ipinaalam sa akin?” ang tanong niya.
Sinabi ko sa kaniya na wala naman siyang kaugnayan sa bagay na iyon. Subalit tiniyak ko sa kaniya na hindi ako sumulat ng anumang laban sa kaniya, yamang wala siyang anumang kinalaman sa aking pagkabilanggo. “Kahit ang aking ina ay hindi alam kung nasaan ako,” ang sabi ko. Pagkatapos ay ibig niyang malaman kung papaano ko ipinadala ang liham, ngunit ako’y tumangging sabihin sa kaniya.
Kinabukasan ang mga guwardiya ay naghanda na gamitin ang isang Land Rover at sinabi sa akin na kami ni Djagli ay ililipat. Kami’y dinala sa labas, hinubaran, at kinapkapan. Una rito ay ibinigay ko ang aking Bibliya sa isang preso na aking inaaralan sapagkat alam ko na sasamsamin iyon ng mga guwardiya kung kanilang matagpuan iyon sa akin. Sinabi sa amin ng taong ito na pagka siya’y nakalaya na, siya’y magiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Aming idinadalangin na sana nga ay magkatotoo iyon.
Hindi natagalan pagkatapos, ako’y idineporta sa Nigeria, at noong Pebrero 1985, ay muli akong nagpatuloy sa aking ministeryo bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa bansang iyon. Sapol noong 1990, ako’y naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng distrito sa Nigeria. Si Djagli ay naglilingkod ngayon bilang isang tapat na Saksi sa Côte d’Ivoire.
Buhat sa karanasang ito, tuwirang natutuhan ko na ang Diyos na Jehova ay makaaalalay sa atin sa ilalim ng pinakamahigpit na panggigipit. Paulit-ulit na aming nasaksihan na kami’y binibigyan niya ng proteksiyon sa bilangguan. Ang aming paglaya ay nagkintal sa akin ng katotohanan na alam ni Jehova hindi lamang kung nasaan ang kaniyang mga lingkod at ano ang kanilang dinaranas kundi batid din niya kung papaano ililigtas sila sa gitna ng pagsubok.—2 Pedro 2:9.