Walang-hanggang Pagpaparusa—Bakit Isang Nakababalisang Doktrina?
“Nabalitaan kong inyong pinaalis ang inyong pastor. Ano ba ang pagkakamali?”
“Buweno, laging niyang sinasabi sa amin na kaming lahat ay pupunta sa impiyerno.”
“Ano naman ang sinasabi ng bagong pastor?”
“Ang bagong pastor ay nagsasabi rin na kami’y pupunta sa impiyerno.”
“Kaya ano pa ba ang pagkakaiba?”
“Buweno, ang pagkakaiba ay nang sabihin iyon ng unang pastor, para bang kaniyang ikinatutuwa pa iyon; subalit nang sabihin iyon ng bagong pastor, para bang nasisiraan siya ng loob.”
BILANG isa ito sa mga ilustrasyon sa isang aklat, ang kuwentong ito ay nagpapakita na maraming nagtuturo ng Bibliya, at mga nagsisimba, ang hindi palagay-loob kung tungkol sa doktrina ng impiyerno. Sa isang malaki-laking konteksto, pinagtitibay din nito ang binanggit ng teologong si Clark H. Pinnock ng Canada: “Sa lahat ng mga artikulo ng teolohiya na lumigalig sa budhi ng tao sa loob ng daan-daang taon, sa palagay ko ay iilan lamang ang lumikha ng lalong malaking kabalisahan kaysa sa tinatanggap na interpretasyon ng impiyerno bilang walang-hanggang may kamalayang pagpaparusa sa katawan at kaluluwa.”
Nasasangkot ang Moral
Kung gayon, bakit marami ang naliligalig tungkol sa mga tanawin ng isang impiyerno na ipinakikilala sa Sangkakristiyanuhan? (Tingnan ang kahon.) Binabanggit ni Propesor Pinnock: “Ang idea na ang isang buhay na nilalang ay daranas ng pagpapahirap ng katawan at ng isip sa panahong walang-hanggan ay lubhang nakaliligalig, at ang kaisipan na ito’y ipinadaranas sa kanila sa pag-uutos ng Diyos ay sumisira ng aking paniniwala tungkol sa pag-ibig ng Diyos.”
Oo, ang turo tungkol sa walang-hanggang pagpaparusa ay isang suliranin na kinasasangkutan ng moral. Halimbawa, ang taimtim na mga Kristiyano ay nagbubulay-bulay sa mga tanong na ibinangon ng teologong Katoliko na si Hans Küng: “Ang Diyos ba ng pag-ibig . . . ay walang-katapusang magmamasid sa walang-hanggan, walang-pag-asa, walang-awa, walang-pag-ibig, malupit na pagpapahirap na ito sa katawan at sa isip ng kaniyang mga nilalang?” Ipinagpapatuloy ni Küng: “Siya ba ay isang walang-pusong maniningil ng pautang? . . . Ano ba ang ating iisipin sa isang taong sinapatan ang kaniyang pagnanasang maghiganti nang walang-awa at walang-katapusan?”a Oo, papaano ngang ang Diyos na nagsasabi sa atin sa Bibliya na iibigin natin ang ating mga kaaway ay makapagpaparusa nang walang-hanggan sa kaniyang mga kaaway? (1 Juan 4:8-10) Hindi kataka-taka, ang ilang tao ay nanghihinuha na ang kalikasan ng impiyerno ay talagang hindi katugma ng kalikasan ng Diyos, na ang doktrinang ito ay walang kabuluhan kung moral ang pag-uusapan.
Marami pang naniniwala rito ang nagtatangkang patahimikin ang kanilang budhi sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga tanong na ito. Subalit sa pag-iwas sa mga tanong na ito, naroon pa rin ang mga suliranin na likha nito. Kaya harapin natin ang isyu. Ano ba ang nasasangkot na moral sa doktrinang ito? Sa Criswell Theological Review, sumulat si Propesor Pinnock: “Ang walang-hanggang pagpaparusa ay hindi mapapayagan kung sa punto de vista ng moral sapagkat inilalarawan nito ang Diyos na isang uhaw-sa-dugong halimaw na nagpapaandar ng isang walang katapusang Auschwitz para sa mga biktima na hindi man lamang niya pinapayagang mamatay.” Ang kaniyang tanong: “Papaanong ang sinumang may habag ay matatahimik sa pagninilay-nilay sa gayong idea [ang kinamulatang doktrina ng impiyerno]? . . . Papaano magagawang ipakilala ng mga Kristiyano ang isang diyos na gayong kalupit at mapaghiganti?”
Nagpapakita ng masamang impluwensiya ng doktrinang ito sa asal ng tao, may ganitong komento si Pinnock: “Ang ipinagtataka ko pa ay kung anong mga kalupitan ang mga nagawa ng mga taong naniwala sa isang Diyos na nagpaparusa sa kaniyang mga kaaway?” Siya’y nagtatapos: “Hindi ba ito isang lubhang nakababagabag na idea na nangangailangang pag-isipan pa nang higit?” Oo, kung pinararatangan ang Diyos ng ganiyang kalupitan, hindi nga katakatakang ang sensitibong mga nagsisimba ay gumagawa ng muling pagsusuri sa apoy ng impiyerno. At ano ang kanilang nakikita? Isa pang suliranin na napapaharap sa idea ng walang-hanggang pagpaparusa.
Ang Impiyerno at ang Katarungan
Marami na nag-iisip tungkol sa kinamulatan nilang doktrina ng impiyerno ang may paniwala na waring inilalarawan nito ang Diyos bilang kumikilos nang walang katarungan, kaya ito’y nakasisira sa kanilang likas na sentido ng katarungan. Sa anong paraan?
Masusumpungan mo ang isang kasagutan sa pamamagitan ng paghahambing ng doktrina ng walang-hanggang pagpaparusa sa pamantayan ng katarungan na ibinigay ng Diyos: “Mata sa mata, ngipin sa ngipin.” (Exodo 21:24) Para walang pagtatalo, ikapit sa doktrina ng apoy sa impiyerno ang kinasihang kautusan na ibinigay sa sinaunang Israel, isang batas ng pagsingil sa eksaktong katumbas. Anong konklusyon ang malamang na mahinuha mo? Na yaon lamang mga makasalanan na dahilan ng walang-hanggang pagpaparusa ang karapat-dapat sa katumbas na walang-hanggang pagpaparusa—walang hanggang pagpaparusa sa walang-hanggang pagpaparusa. Subalit yamang ang maaari lamang gawin ng mga tao (gaano man kasamâ) ay may hangganang pagpaparusa, ang pagsesentensiya sa kanila ng walang-hanggang pagpaparusa ay lumilikha ng pagiging di-tumbas sa pagitan ng kanilang nagawang mga krimen at ng walang-hanggang parusa sa apoy ng impiyerno.
Sa simpleng pangungusap, ang sentensiya ay magiging napakabigat. Iyon ay makaibayong “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Kung isasaalang-alang na sa mga turo ni Jesus ay ipinayo niya ang idea ng hindi paghihiganti, marahil ay aaminin mo na mahihirapan ang tunay na mga Kristiyano na makita ang pagkamakatarungan ng walang-hanggang pagpaparusa.—Mateo 5:38, 39; Roma 12:17.
Ipinagmamatuwid ang Doktrina
Sa kabila nito, maraming naniniwala rito ang nagsisikap na ipagmatuwid ang doktrina. Sa papaano? Ang Britanong awtor na si Clive S. Lewis ang nangungusap para sa karamihan ng mga tagapagtanggol nito sa kaniyang aklat na The Problem of Pain: “Walang doktrina na aking malugod na aalisin sa Kristiyanismo kaysa rito, kung iyon ay kaya kong gawin. Subalit ito’y may ganap na suporta ng Kasulatan at, lalong higit, ng sariling pananalita ng Ating Panginoon.” Sa gayon, tinatanggap ng mga tagatangkilik nito na kakila-kilabot ang walang-hanggang pagpaparusa, subalit kasabay nito, sila’y naniniwala na ang doktrina ay kailangang tanggapin sapagkat inaakala nilang itinuturo iyon ng Bibliya. Pansinin ang sinabi ng teologong si Pinnock: “Sa kanilang pag-amin na ito’y di-nakalulugod, sila’y umaasang mapatutunayan ang kanilang walang-pagbabagong katapatan sa Bibliya at ang pagiging bayani nila dahil sa paniniwala sa gayong kakila-kilabot na katotohanan dahilan sa itinuturo iyon ng Kasulatan. Tila ibig nilang palabasin na nakataya ang kawalang-pagkakamali ng Bibliya. Subalit gayon nga kaya?”
Marahil ikaw man ay magtatanong kung dahil nga sa katapatan sa Bibliya ay wala ka ng magagawa kundi ang tanggapin ang doktrinang ito. Ano bang talaga ang sinasabi ng Bibliya?
[Talababa]
a Eternal Life?—Life After Death as a Medical, Philosophical, and Theological Problem, pahina 136.
[Kahon sa pahina 5]
TATLONG PAGLALARAWAN NG MAGKAKATULAD NA KAISIPAN
Ang Westminster Confession of Faith, na tinatanggap ng maraming Protestante, ay nagsasabi na ang mga hindi paroroon sa langit ay “ibubulid sa walang-hanggang pagpapahirap, at parurusahan ng walang-hanggang pagkapuksa.” “Sa Kristiyanismo ng Romano Katoliko,” paliwanag ng The Encyclopedia of Religion, “ang impiyerno ay ipinagpapalagay na isang kalagayan ng walang-katapusang kaparusahan . . . na may taglay . . . na paghihirap sa apoy at iba pang mga parusa.” Isinusog pa ng ensayklopedyang ito na ang “Kristiyanismo ng Silangang Orthodox” ay naniniwala sa “turo na ang impiyerno ay isang dako ng walang-hanggang apoy at parusa na naghihintay sa mga isinumpa.”—Tomo 6, pahina 238-9.