Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 8/1 p. 21-25
  • Si Jehova, ang Aking Pinagtitiwalaan Mula Pa sa Kabataan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova, ang Aking Pinagtitiwalaan Mula Pa sa Kabataan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Unang Karanasan sa Espirituwal
  • Umunlad ang Espirituwal na Gana
  • Espirituwal na Pagsulong sa Burma
  • Isang Saksing May Tibay-Loob
  • Pagtakas sa India
  • Kung Papaano Naalis ang Pagbabawal
  • Bumalik sa Burma na Sinalanta ng Digmaan
  • Kami’y Tumira sa Australia
  • Kagalakan sa Pag-aani sa India
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Sinasapatan ni Jehova ang Bawat Kailangan Ko
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ang Diyos ay ‘Gumagawa ng mga Dakilang Bagay’​—Kung Paano Ko Ito Nalaman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • ‘Hinog na ang Aanihin’ sa Burma
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 8/1 p. 21-25

Si Jehova, ang Aking Pinagtitiwalaan Mula Pa sa Kabataan

INILAHAD NI BASIL TSATOS

Ang taon ay 1920; ang lugar, ang mga burol ng Arcadia sa magandang Peloponnisos, Gresya. Ako’y nakaratay sa banig, may malubhang sakit na trangkaso Espanyola na lumalaganap noon sa daigdig.

TUWING tutunog ang kampana sa simbahan, natatalos ko na iyon ay nagbabalita ng pagkamatay ng isa pang biktima. Ako na kaya ang susunod? Mabuti naman, ako’y gumaling, ngunit milyun-milyon ang hindi nalunasan. Bagaman noon ako ay walong taóng gulang lamang, ang nakatatakot na karanasang ito ay buháy na buháy pa rin sa aking alaala.

Mga Unang Karanasan sa Espirituwal

Makalipas ang kaunting panahon, si Lolo ay namatay. Pagkatapos ng libing, natatandaan kong si Inay ay lumapit sa aming dalawa ng kapatid kong babae sa balkonahe ng aming tahanan. Marahil sinisikap niyang mapagaan ang aming pamimighati, kaya sinabi niya nang marahan: “Buweno, mga anak, lahat tayo ay tatanda at mamamatay.”

Bagaman kaniyang sinambit iyon nang malumanay, ang mga sinabi niya ay nakagulo sa aking isip. ‘Anong lungkot! Hindi makatarungan!’ ang naisip ko. Subalit kapuwa kami natuwa nang isusog ni Inay: “Pero pagparito uli ng Panginoon, bubuhayin niya uli ang mga patay, at tayo’y hindi na mamamatay!” Ah, iyon ay nakaaaliw!

Mula noon ako’y totoong nagkainteres na malaman kung kailan maaaring dumating ang maligayang panahong iyon. Nagtanong ako sa marami, subalit walang sinumang nakapagsabi sa akin, ni, kung tungkol sa bagay na iyan, walang sinuman ang waring interesado man lamang na pag-usapan ang bagay na iyan.

Isang araw nang ako’y mga edad 12, ang aking ama ay tumanggap ng isang aklat buhat sa kaniyang kapatid na naninirahan sa Estados Unidos. Iyon ay may pamagat na The Harp of God, inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Binasa ko ang titulo ng mga paksang nilalaman, at napangiti ako nang may kagalakan nang makita ang kabanatang “Ang Pagbabalik ng Ating Panginoon.” Binasa ko iyon na taglay ang malaking interes, subalit ako’y nasiraan ng loob nang walang binanggit na taon ng pagbabalik. Gayunman, ipinakita ng aklat na hindi na malayo iyon.

Pagkatapos ay nag-aral ako sa haiskul at naging totoong abala sa aking pag-aaral. Ngunit, paminsan-minsan ang aking tiyuhin sa Amerika ay nagpapadala ng mga sipi ng Ang Bantayan, na natutuwa akong basahin. At, bawat Linggo, ako’y dumadalo sa Sunday school, na kung saan malimit dalawin ng obispo at siya’y nakikipag-usap sa amin.

Sa isang natatanging Linggo, galit na galit ang obispo at ang sabi: “Mga bisita ang nagkakalat sa ating lunsod ng lathalain ng erehes.” Pagkatapos ay itinaas niya ang isang sipi ng Ang Bantayan at sumigaw: “Kung kayo’y makakasumpong sa tahanan ng mga publikasyong kagaya nito, dalhin ninyo sa simbahan, at susunugin ko.”

Ang tono ng kaniyang boses ay nakabalisa sa akin, ngunit lalo na ang kaniyang espiritu ng paghihiganti. Dahil dito, hindi ko sinunod ang kaniyang kahilingan. Gayunman, sinulatan ko ang aking tiyuhin at sinabihan na huwag na siyang magpadala ng anumang publikasyon ng Watch Tower. Gayunman, ako’y patuloy na nagbulay-bulay tungkol sa pagbabalik ni Kristo.

Umunlad ang Espirituwal na Gana

Nang sumapit ang bakasyon sa tag-araw, inilabas ko ang aking maleta upang mag-impake ng aking mga damit. Doon sa ilalim ay may tatlong pulyetong nilimbag ng Samahang Watch Tower. Noon ko lamang napansin ang mga ito. Ang isa ay pinamagatang Nasaan ang mga Patay?

‘Mukhang magandang basahin iyan,’ naisip ko. Bagaman naaalaala ko pa ang babala ng obispo, ako’y nagpasiyang buong ingat na basahin ang mga pulyeto upang makasumpong ng mali na inaakala kong nilalaman niyaon. Kumuha ako ng isang lapis at maingat na nagsimula ng aking paghahanap. Sa laki ng aking ipinagtaka, lahat ng nasa mga pulyeto ay waring makatuwiran, at bawat pangungusap ay may mga kasulatang binanggit upang masuri ng mambabasa ang Bibliya.

Yamang wala kaming Bibliya, ibig kong alamin kung ang mga kasulatang binanggit ay mali ang pagkakapit upang makatugon sa layunin ng mga sumulat. Kaya sumulat ako sa aking tiyuhin at humiling na padalhan ako ng isang sipi ng isang buong Bibliya. Agad namang ginawa niya iyon. Binasa ko iyon nang makalawang beses tuluy-tuloy, at bagaman maraming bagay roon na hindi ko maintindihan, ang mga aklat ng Daniel at Apocalipsis ay nakatawag ng aking pansin. Ibig kong maunawaan ang mga bagay na inihula nito, subalit walang sinuman na maaaring makatulong sa akin.

Huminto ako ng pag-aaral noong 1929, at hindi nagluwat ang aking tiyuhin sa Amerika ay nagpadala uli sa akin ng mga sipi ng Ang Bantayan. Unti-unting nasiyahan ako ng pagbabasa at hiniling sa kaniya na padalhan ako niyaon nang regular. Nagsimula na rin akong makipag-usap sa iba tungkol sa pag-asa sa hinaharap na natututuhan ko sa mga magasin. Subalit noon ay malaki ang ipinagbago ng aking buhay.

Espirituwal na Pagsulong sa Burma

Ang nakababatang mga kapatid na lalaki ng aking ina ay naging mga dayuhan sa Burma (ngayon ay Myanmar), at nagpasiya ang pamilya na kung ako’y sasama sa kanila, madaragdagan ang aking mga karanasan at marahil magbubukas sa akin ng mga pagkakataon para sa negosyo. Ang Silangan ay sa tuwina nakabighani sa akin, kaya totoong nagalak ako sa pag-asang makapunta roon. Sa Burma, patuloy na tumanggap ako ng Ang Bantayan buhat sa aking tiyuhin, ngunit kailanman ay hindi ko nakilalang personal ang mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.

Isang araw ako ay tuwang-tuwa na makasumpong ng isang patalastas sa Ang Bantayan tungkol sa mga aklat na Light, dalawang tomo na nagpapaliwanag ng aklat ng Apocalipsis sa Bibliya. Bukod dito, napag-alaman ko na ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya sa Burma ay nasa ilalim ng pangangalaga ng sangay sa India ng Samahang Watch Tower na nasa Bombay. Agad na sumulat ako upang hilingin na padalhan ako ng mga aklat na Light, at humiling din na magpadala ng mga Estudyante ng Bibliya mula sa India upang mangaral sa Burma.

Dumating agad ang mga aklat na ipinadala sa pamamagitan ng koreo, at makalipas ang mga isang linggo, dinalaw ako ng lokal na mga Estudyante ng Bibliya na taga-Burma. Natuwa ako nang malaman ko na mayroon silang isang maliit na grupo na naroon sa lugar na tinitirahan ko sa Rangoon (ngayon ay Yangon), ang kabisera ng Burma. Inanyayahan nila ako na dumalo sa kanilang regular na klase sa pag-aaral sa Bibliya at sumama rin sa kanila sa pangangaral sa bahay-bahay. Sa simula ay medyo bantulot ako subalit hindi nagtagal at nagalak naman ako na ang aking kaalaman sa Bibliya ay maibahagi sa mga Buddhista, Hindu, at mga Muslim, at gayundin sa naturingang mga Kristiyano.

Ang sangay sa India ay nagpadala sa Rangoon ng dalawang buong-panahong ministro (tinatawag na mga payunir), sina Ewart Francis at Randall Hopley. Kapuwa sila tubong Inglatera ngunit naglilingkod na sa India nang maraming taon. Ako’y kanilang lubhang pinatibay-loob, at noong 1934, ako’y nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.

Isang Saksing May Tibay-Loob

Dumating ang panahon na ang sangay sa India ay nagpadala ng higit pang mga payunir sa Burma. Dalawa sa kanila, sina Claude Goodman at Ron Tippin, ang dumalaw sa isang istasyon ng tren at nakipag-usap kay Sydney Coote, ang engkargado sa istasyon. Kaniyang tinanggap ang mga aklat, binasa, at sumulat sa kaniyang ate na may asawa na, si Daisy D’Souza, sa Mandalay. Siya man ay nawili ng pagbabasa sa mga aklat at humingi ng iba pa.

Si Daisy, na naging isang Katoliko sa gawa, ay isang taong pambihira ang tibay ng loob. Sinimulan niyang dalawin ang kaniyang mga kapitbahay at sabihin sa kanila ang mga bagay na kaniyang natututuhan. At nang dalawin siya ng pari ng parokya, na nagtanong kung bakit huminto na siya ng pagsisimba, ipinakita niya na hindi sinusuhayan ng Bibliya ang mga bagay na itinuturo ng pari, tulad halimbawa ng isang nagniningas na impiyerno.

Sa wakas, tinanong siya ng pari: “Pagkaraan ng lahat ng mga taóng ito ng pagtuturo sa kanila tungkol sa isang nagniningas na impiyerno, papaano ko ngayon sasabihin sa kanila na wala ng gayong lugar? Walang sinuman na magnanais pang magsimba.”

“Kung ikaw ay isang tapat na Kristiyano,” ang tugon ni Daisy, “tuturuan mo sila ng katotohanan, anuman ang kahinatnan.” Pagkatapos ay isinusog pa niya: “Kung hindi mo sila tuturuan, ako ang magtuturo!” At gayon nga ang kaniyang ginawa.

Sina Dick at Daisy at ang kanilang dalawang nakatatandang mga anak na babae ay nabautismuhan sa Rangoon kasabay ko. Makalipas ang tatlong taon, noong 1937, napangasawa ko ang pangalawa nilang anak na babae, si Phyllis.

Pagtakas sa India

Ang mga hukbong Hapones ay lumusob sa Burma noong Digmaang Pandaigdig II, at bumagsak ang Rangoon noong Marso 8, 1942. Ang mga sibilyang banyaga ay napilitang lumabas nang mabilisan patungo sa India. Daan-daan ang nagsikap na tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa mga gubat, ngunit marami ang nangamatay nang sila’y naglalakbay na. Nagkataong nakilala ko nang personal ang opisyal na nangangasiwa sa paglikas, kaya nakabili ako ng mga tiket sa isa sa huling mga barkong pangkargada na lumisan sa Rangoon patungo sa Calcutta. Ang paglisan sa aming bahay at madaliang pag-iiwan sa aming mga ari-arian ay naging isang malungkot na sandali para sa lahat sa amin. Ang Burma ay okupado ng mga Hapones mula 1942 hanggang 1945.

Kapos na kami sa pera nang kami’y dumating sa India, at hindi madaling makakita ng trabaho. Ang resulta nito ay isang pagsubok sa pananampalataya. May nakilala akong isang opisyal na taga-Britanya na nag-alok sa akin ng isang kapaki-pakinabang na trabahong sibilyan, ngunit may kasamang paglilingkod bilang bahagi ng militar. Sa tulong ni Jehova, nagawa kong tanggihan ang alok at sa gayo’y nagpatuloy na isang may malinis na budhing Kristiyano. (Isaias 2:2-4) Sa ibang mga paraan din, naramdaman namin ang mapagmahal na kamay ni Jehova.

Kami’y tumira sa New Delhi, ang kabisera ng India, na kung saan halos imposibleng makakuha ng matutuluyan. Gayunpaman, nakatagpo kami ng isang maluwang na apartment doon mismo sa sentro ng lunsod. Ito’y may malaking silid-pahingahan na may sariling pasukan, at nang sumunod na ilang mga taon ang silid na ito ay nagsilbing Kingdom Hall para sa Delhi Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, dahilan sa pagbabawal noong 1941 sa lahat ng publikasyon ng Samahang Watch Tower sa India, hindi kami nakakuha ng mga literatura sa Bibliya.

Kung Papaano Naalis ang Pagbabawal

Isang araw ng Linggo noong 1943, ang mga dumalo sa mga serbisyo sa mga simbahan sa Delhi ay tumanggap ng isang leaflet na pinirmahan ng 13 klerigo ng iba’t ibang relihiyon. Ito’y nagbabala: “MGA MAMAMAYAN NG DELHI MAG-INGAT SA MGA SAKSI NI JEHOVA.” Ang paratang ay na ipinagbawal tayo sa India sa mga kadahilanang pulitikal.

Taglay ang pagsang-ayon ng tanggapang sangay sa Bombay, kami’y dagling naglimbag at namahagi ng isang leaflet na nagbubunyag sa klero. Yamang ako ang punong tagapangasiwa, ang aking pangalan at direksiyon ay nakalimbag sa ibaba ng leaflet na may matitinding pananalita. Hindi nagtagal pagkatapos, nang kami ni Margrit Hoffman ay matuklasan ng pulisya na namamahagi ng leaflet, kami’y dinakip at ibinilanggo. Gayunman, hindi nagtagal at kami ay pinawalan pagkatapos na magpiyansa.

Nang malaunan, samantalang nagsasagawa ng kaniyang ministeryo, si Margrit ay dumalaw sa tahanan ni Sir Srivastava, isang kilalang ministro sa gabinete ng viceroy ng India. Siya’y tinanggap ng may kagandahang-loob ni Sir Srivastava, at sa kanilang pag-uusap, sinabi niya rito na ang ating literatura ay di-makatarungang ipinagbawal sa India. Nang araw na iyon nagkataong nakilala rin ni Margrit ang isang kagawad ng parlamento buhat sa estado ng Madras. Siya’y nasa lunsod upang dumalo sa isang pulong ng parlamento. Binanggit sa kaniya ni Margrit ang kawalang katarungan ng pagbabawal sa ating literatura, at ipinangako ng kagawad na ihaharap ang suliranin na iyon sa darating na pagpupulong.

Noon, ako ay isang physiotherapist sa isang lokal na ospital. Buweno, si Sir Srivastava ay nagkataong dumanas ng isang kapinsalaan, at ako’y sinugo ng ospital upang tingnan kung matutulungan siya ng physiotherapy. Nakita kong si Sir Srivastava ay isang taong may magandang kalooban, at sa aming pagkukuwentuhan, sa di-sinasadya’y nabanggit ko na kami ni Miss Hoffman ay pansamantalang pinalaya dahil sa piyansa. Ipinaliwanag ko na dahilan sa panggigipit ng klero kung kaya ang aming literatura sa Bibliya ay ibinawal sa mga kadahilanang pulitikal subalit kami ay lubusang walang kinalaman sa pulitika. Ang aming kinatawan ng sangay, si Edwin Skinner, ang patuloy ko, ay humiling ng pakikipagpanayam upang ipaliwanag ang aming posisyon, ngunit siya’y tinanggihan.

Dalawang araw makalipas, sinabi sa akin ni Sir Srivastava: “Si Mr. Jenkins [ang opisyal ng gobyerno na hindi sang-ayon sa ating gawain] ay magreretiro na pagkalipas ng mga ilang araw, at ang hahalili sa kaniya ay si Sir Francis Mudie. Hilingin mo kay Mr. Skinner na siya’y pumarito, at ipakikilala ko siya kay Sir Francis.”

Ang pulong ay isinaayos ni Sir Srivastava gaya ng kaniyang ipinangako. Sa pulong, sinabi ni Sir Francis Mudie kay Brother Skinner: “Wala akong maipapangako sa iyong anuman, pero titingnan ko kung ano ang magagawa.” Yamang ang parlamento ay nakatakdang magbukas mga ilang araw na lamang, si Brother Skinner ay nagpaiwan upang makita ang kalalabasan. Tapat sa kaniyang sinabi, ang kagawad ng parlamento na taga-Madras ay tumayo at nagtanong: “Totoo ba na ang mga publikasyon ng Watch Tower Bible and Tract Society ay ibinawal sa mga kadahilanang pulitikal?”

“Hindi, ang pagbabawal ay ginawa upang makapag-ingat,” ang tugon ni Sir Francis Mudie, “subalit ipinasya na ngayon ng gobyerno na pawalang-bisa ang pagbabawal.”

Anong nakagagalak na sandali iyon para sa amin nang aming marinig ang balitang iyon! Makalipas ang isang linggo, ang tanggapang sangay sa Bombay ay tumanggap ng isang liham na nagpapatunay na tapos na ang pagbabawal.

Bumalik sa Burma na Sinalanta ng Digmaan

Ang pamamahalang Britano ay bumalik sa Burma pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, at kaming sampung Saksi ay bumalik sa Rangoon mga ilang buwan ang nakalipas. Kami’y nagalak na makita uli ang ilang natitira pang lokal na mga Saksi. Ang bansa ay nasa isang nakalulungkot na kalagayan. Ang mga serbisyong pampubliko, kasali na ang elektrisidad at ang transportasyong publiko, ay putol. Kaya kami ay bumili sa militar ng isang dyip at nagamit namin sa paghahatid sa mga tao sa mga pulong na aming inorganisa agad-agad nang kami’y makabalik na.

Isang taong interesado ang nag-alok sa amin ng lupa, at sa tulong ng mga taong may kabaitan sa lugar na iyon, kami’y nagtayo ng isang malaking Kingdom Hall. Ang mga poste niyaon ay malalaking kawayan, ang mga dingding ay sawali, at may inatipan na bubong. Dito, noong Abril 1947, si Nathan H. Knorr, pangulo noon ng Samahang Watch Tower, at ang kaniyang kalihim, si Milton G. Henschel, ay nagbigay ng mga pahayag sa panahon ng kanilang pagdalaw sa Rangoon. Noon, kami ay may kabuuang 19 na Saksi sa buong Burma. Subalit ang pahayag pangmadla ni Brother Knorr, na ginanap sa New Excelsior Theatre, ay dinaluhan ng 287!

Kami’y Tumira sa Australia

Noong Enero 4, 1948, ang Burma ay tumanggap ng kasarinlan buhat sa Gran Britanya, at minabuti ng karamihan ng mga taga-Europa na lisanin ang bansa. Pagkatapos na isaalang-alang kasabay ng panalangin ang bagay na iyan, minabuti namin ni Phyllis na ipagsama ang aming anak na babae at lumipat sa Australia. Tumira kami sa Perth, ang kabisera ng Kanlurang Australia.

Ang paglisan muli sa Burma, at ngayon ay permanenteng pag-alis, ay isang napakalungkot na sandali para sa amin. Manaka-naka, nakakabalita kami buhat sa mahal na mga kaibigan doon, at ikinagagalak namin na malaman na ang gawaing pang-Kaharian ay patuloy na sumusulong sa bansang iyon.

Pasimula noong 1978, may apat na taon na natamo namin ang kagalakan ng paglilingkod sa lahat ng kongregasyong Griego ang wika sa pangunahing mga lunsod sa Australia. Ito’y nangahulugan ng malawakang pagbibiyahe, yamang ito’y mahigit na 4,200 kilometro buhat sa kanlurang baybayin hanggang sa silangang baybayin ng malaking bansang ito. Makalipas ang ilang panahon, ang klima, na nagkakaiba-iba sa iba’t ibang estado, ay naging dahilan ng paghina ng aming kalusugan. Kaya muli na naman kaming nanirahan sa Perth, na kung saan ako’y nagpatuloy na maglingkuran bilang isang matanda sa isa sa 44 na kongregasyon sa lunsod.

Sa paglakad ng mga taon, patuloy na lumabo ang aking paningin, at naging mahirap ang pagbabasa. Gayunman, sa kabila ng mga suliranin sa kalusugan, ang aming mga puso ay bata pa rin. Kapuwa kami naghihintay nang may pagtitiwala sa maligayang araw na makikita ng lahat ng nangatatakot kay Jehova ang kaningningan ng kaniyang pagsang-ayon na “sumisikat, na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak; at [kami] ay aktuwal na magsisilabas at magsisiluksong parang pinatabang mga guya.”​—Malakias 4:2.a

[Talababa]

a Noong Disyembre 13, 1992, samantalang ang talambuhay na ito ay tinatapos, si Brother Tsatos ay natulog sa kamatayan.

[Larawan sa pahina 24]

Ang aking pamilya kasama nina Brother Henschel at Knorr sa Burma (Myanmar) noong 1947

[Larawan sa pahina 25]

Si Basil Tsatos at ang kaniyang maybahay, si Phyllis, sa Australia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share