Bakit Dapat Mong Ibigin ang Iyong Kapuwa?
ANG buhay na walang-hanggan ay depende sa ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Binanggit iyan sa isang pag-uusap halos 2,000 taon na ngayon ang lumipas.
Isang lalaking Judio na may kaalaman sa Kautusang Mosaico ang nagtanong kay Jesu-Kristo: “Sa pamamagitan ng paggawa ng ano magmamana ako ng buhay na walang-hanggan?” Si Jesus ay tumugon: “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Papaano mo babasahin?” Sa pagsipi sa Kautusan, sinabi ng lalaki: “ ‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas at nang iyong buong isip,’ at, ‘ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ ” “Tama ang sagot mo,” ang sabi ni Jesus. “Patuloy na gawin mo ito at ikaw ay magkakamit ng buhay.”—Lucas 10:25-28.
Pagkasabi niyan, ang nag-usisa kay Jesus ay nagtanong: “Sino nga ba ang aking kapuwa?” Sa halip na tumugon nang tuwiran, inilahad ni Jesus ang isang ilustrasyon tungkol sa isang lalaking Judio na ninakawan, binugbog, at iniwan na halos patay na. Sádarating naman ang dalawang Judio—ang una ay isang saserdote at pagkatapos ay isang Levita. Kapuwa sila nagmasid sa kalagayan ng kanilang kapuwa Judio ngunit hindi gumawa ng anuman upang tulungan siya. Isang Samaritano ang sumunod na dumaan. Udyok ng pagkaawa, nilinis niya ang mga sugat ng nasaktang Judio, dinala siya sa isang bahay-tuluyan, at naglaan para sa pag-aasikaso sa kaniya roon.
Tinanong ni Jesus ang nag-usisa sa kaniya: “Sino sa tatlong ito sa palagay mo ang ginawa ang sarili niya na isang kapuwa ng taong pinagsamantalahan ng mga mandarambong?” Maliwanag, iyon ay ang maawaing Samaritano. Sa gayo’y ipinakita ni Jesus na hindi inaalintana ng tunay na pag-ibig sa kapuwa ang mga balakid na likha ng pagkakaiba ng pinagmulang lahi.—Lucas 10:29-37.
Walang Pag-ibig sa Kapuwa
Sa ngayon ay lumalala ang pagkakapootan sa pagitan ng mga taong kabilang sa iba’t ibang lahi. Halimbawa, ang mga bagong-Nazi sa Alemanya ay kamakailan may itinulak sa lupa na isang tao at niyapakan ng kanilang mabibigat na bota, anupat nabali ang halos lahat ng kaniyang tadyang. Pagkatapos ay sinabuyan siya ng napakatapang na alak at sinindihan upang siya’y masunog. Inatake ang lalaking hinayaang mamatay sapagkat napagkamalan siyang isang Judio. Sa isang pangyayaring walang kaugnayan, isang bahay malapit sa Hamburg ang hinagisan ng bomba upang matupok, at tatlong katao na lahing Turko ang natupok—isa sa kanila ay isang sampung-taóng-gulang na batang babae.
Sa Balkans at sa dako pa roon sa gawing silangan, libu-libong buhay ang nasasawi sa mga digmaan na ang sanhi ay pagkakaiba ng lahi. Ang iba’y namatay sa mga sagupaan ng mga taong may iba’t ibang lahi sa Bangladesh, India, at Pakistan. At sa Aprika, ang mga alitan ng iba’t ibang tribo at iba’t ibang lahi ang sanhi ng pagkasawi ng marami pang iba.
Marami ang nangingilabot sa gayong karahasan at sila’y hindi gagawa ng ikapipinsala ng kanilang kapuwa. Ang totoo, sa malalaking demonstrasyon sa Alemanya ay sinumpa ang karahasan na nagmumula sa pagkakaiba ng lahi. Gayunman, sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “May paniwala ang mga miyembro ng halos lahat ng kultura ng daigdig na ang kanilang sariling paraan ng pamumuhay ang mas nakahihigit kahit na sa may malalapit na kaugnayan sa kanila.” Ang ganiyang mga paniwala ay nakahahadlang sa pag-ibig sa kapuwa. Mayroon bang magagawa tungkol dito, lalo na yamang sinabi ni Jesus na ang buhay ay depende sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: Jules Pelcog/Die Heilige Schrift
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Ang Mabuting Samaritano/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.