Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/1 p. 14-19
  • Mga Halimbawa ng Pagpapakumbaba na Dapat Tularan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Halimbawa ng Pagpapakumbaba na Dapat Tularan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Diyos na Jehova ay Mapagpakumbaba
  • Ang Halimbawa ni Kristo na Pagpapakumbaba
  • Ang Apostol na si Pablo, Isang Mainam na Halimbawa ng Pagpapakumbaba
  • Modernong mga Halimbawa
  • Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niyang Mapagpakumbaba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Si Jesus—Parisan ng Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/1 p. 14-19

Mga Halimbawa ng Pagpapakumbaba na Dapat Tularan

“Ang iyong pagpapakumbaba ay magpapadakila sa akin.”​—AWIT 18:35.

1. Anong katunayan ng pagpapakumbaba ang makikita sa isang dating presidente ng Samahang Watch Tower?

SI Joseph F. Rutherford ay may kahanga-hangang tindig, mahigit na anim na talampakan ang taas at tumitimbang ng mahigit na 200 libra. Makapangyarihan ang kaniyang tinig, na ginamit niya hindi lamang upang ipakilala ang pangalan ni Jehova sa paraang noo’y wala pang katulad kundi upang ilantad ang pandaraya ng mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan, anupat tinatawag niya ang kanilang relihiyon na “isang silo at pandaraya.” Subalit bagaman mabibisa ang kaniyang mga pahayag, pagka siya’y nanalangin kasama ng pamilyang Bethel sa punong-tanggapan, siya’y katulad lamang ng isang munting bata na nakikipag-usap sa kaniyang tatay, sa gayo’y pinatutunayan kapuwa ang kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang Maylikha at ang kaniyang pagpapakumbaba. Oo, siya’y mistulang isang munting bata na nagpapakumbaba.​—Mateo 18:3, 4.

2. Sa anong natatanging paraan ibang-iba ang mga lingkod ni Jehova sa mga tao sa sanlibutan?

2 Tiyak, lahat ng tunay na mga lingkod ng Diyos na Jehova ay mapagpakumbaba. Sa bagay na ito sila’y ibang-iba sa mga tao sa sanlibutan. Ngayon, higit kailanman, ito ay punô ng palalong mga tao. Ang nakatataas at ang makapangyarihang mga tao, ang mayaman at ang may pinag-aralan, at maging ang marami sa mga dukha at sa mga api sa ibang mga paraan ay mapagmataas.

3. Ano ang masasabi tungkol sa mga bunga ng pagmamataas?

3 Ang pagmamataas ang sanhi ng napakaraming alitan at karalitaan. Oo, lahat ng kaabahan sa sansinukob ay nagsimula dahilan sa may isang anghel na nagmataas, na ang ibig ay sambahin siya sa paraan na nauukol lamang sa Maylikha, ang Diyos na Jehova. (Mateo 4:9, 10) Isa pa, ang isang iyan, na ginawa ang sarili niya na Diyablo at Satanas, ay nagtagumpay sa paghikayat sa unang babae, si Eba, sa pamamagitan ng pagpukaw sa kaniyang pagmamataas. Kaniyang pinangakuan siya na kung kakanin niya ang ibinawal na prutas, siya’y matutulad sa Diyos mismo, na nakaaalam kapuwa ng mabuti at ng masama. Kung siya’y naging mapagpakumbaba, marahil kaniyang nasabi, ‘Bakit ba nanaisin kong maging katulad ng Diyos?’ (Genesis 3:4, 5) Kung ating isasaalang-alang ang abang kalagayan ng sangkatauhan, sa pisikal, mental, at moral, wala ngang maidadahilan ang mga tao kung tungkol sa pagmamataas! Hindi nga kataka-takang mababasa natin na kinapopootan ni Jehova ang “pagtataas ng sarili at ang kapalaluan”! (Kawikaan 8:13) Kapuna-puna ang pagkakaiba ng lahat ng mga palalo sa mga halimbawa ng pagpapakumbaba na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Ang Diyos na Jehova ay Mapagpakumbaba

4. Anong mga kasulatan ang nagpapakita na si Jehova ay mapagpakumbaba?

4 Ang Diyos na Jehova​—ang Kataas-taasan, ang Pansansinukob na Soberano, ang Haring walang-hanggan​—ay mapagpakumbaba. (Genesis 14:22) Posible nga kayang magkagayon? Oo, gayon nga! Sinabi ni Haring David, ayon sa nasusulat sa Awit 18:35: “Ang kalasag ng iyong pagliligtas at ang iyong sariling kanang kamay ay aalalay sa akin, at ang iyong sariling pagpapakumbaba ay magpapadakila sa akin.” Maliwanag, ang pagpapakumbaba ni Jehova ang binigyang kapurihan ni David sa paggawa sa kaniya, kay David, na dakila. Pagkatapos, mababasa natin sa Awit 113:6 na si Jehova “ay nagpapakababa sa pagmamasid sa langit at sa lupa.” Ang ibang mga salin ay kababasahan, “yumuyukod upang magmasid,” (New International Version) “minarapat na magmasid nang napakababa.”​—The New English Bible.

5. Anong mga pangyayari ang nagpapatotoo na si Jehova ay mapagpakumbaba?

5 Ang Diyos na Jehova ay tunay na nagpakababa sa paraan ng pakikitungo kay Abraham, anupat pinayagan si Abraham na magtanong tungkol sa Kaniyang katuwiran sa pagpapanukala na wasakin ang balakyot na mga lunsod ng Sodoma at Gomora.a (Genesis 18:23-32) At nang ipahayag ni Jehova ang kaniyang iniisip na lipulin ang bansang Israel​—minsan dahil sa idolatriya, nang isa pang pagkakataon dahil sa paghihimagsik​—sa bawat pagkakataon ay nakipagkatuwiranan si Moises kay Jehova na para bang siya ay nakikipag-usap lamang sa isang tao. Sa tuwina’y tumugon si Jehova nang may pagsang-ayon. Nagpapakita ito ng pagpapakumbaba para sa Kaniya na ipagkaloob ang mga pakiusap ni Moises tungkol sa Kaniyang bayang Israel. (Exodo 32:9-14; Bilang 14:11-20) Ang iba pang mga halimbawa ng mapakumbabang pakikitungo ni Jehova sa mga tao depende sa uri ng tao, wika nga, ay makikita sa kaniyang kaugnayan kay Gideon at kay Jonas, na nakasulat sa Hukom 6:36-40 at Jonas 4:9-11.

6. Anong katangian ni Jehova ang nagsisiwalat pa rin ng kaniyang pagpapakumbaba?

6 Sa katunayan, hindi kukulangin sa siyam na beses, sinasabing si Jehova ay “mabagal sa pagkagalit.”b Ang pagiging matiisin ni Jehova, mabagal sa pagkagalit, sa pakikitungo sa di-sakdal na mga taong nilalang sa buong nakalipas na libu-libong taon ay isa pang patotoo ng kaniyang pagiging mapagpakumbaba. Ang mapagmataas na mga tao ay mayayamutin, madaling magalit, malayung-malayo sa mapagbata. Tunay ngang walang katuwiran ang pagmamataas ng di-sakdal na mga tao kung ihahambing sa pagpapakumbaba ni Jehova! Yamang tayo’y sinabihan na ‘maging tagatulad ng Diyos gaya ng minamahal na mga anak,’ tayo’y dapat na maging mapagpakumbabang gaya niya na mapagpakumbaba.​—Efeso 5:1.

Ang Halimbawa ni Kristo na Pagpapakumbaba

7, 8. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagpapakumbaba ni Jesu-Kristo?

7 Ang ikalawang lubhang kapuna-punang halimbawa ng pagpapakumbaba para tularan natin ay binabanggit sa 1 Pedro 2:21: “Sapagkat, sa ganitong pamumuhay kayo tinawag, dahil si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.” Malaon pa bago siya naparito sa lupa bilang isang tao, inihula tungkol sa kaniya sa Zacarias 9:9: “Humiyaw ka nang matagumpay, Oh anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari mismo ang napaparoon sa iyo. Siya’y matuwid, oo, nagliligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno.” Kung si Jesus ay naging mapagmataas, maaari sanang tinanggap niya ang alok ng Diyablo na ibibigay ang lahat ng kaharian sa sanlibutan kapalit ng isang gawang pagsamba. (Mateo 4:9, 10) Ipinakita rin niya ang kaniyang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay kay Jehova ng lahat ng kapurihan ukol sa kaniyang turo, na nagsasabi: “Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga iyon, at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama ay gayon ko sinasalita ang mga bagay na ito.”​—Juan 8:28.

8 Angkop naman na masasabi niya sa kaniyang mga tagapakinig: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y matuto sa akin, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mateo 11:29) At anong inam na halimbawa ng pagpapakumbaba ang ipinakita niya sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa ng kaniyang mga apostol noong huling gabing siya’y kasama nila bilang isang tao! (Juan 13:3-15) Angkop na angkop, sa Filipos 2:3-8, si apostol Pablo ay nagpapayo sa mga Kristiyano na magkaroon ng “kababaangloob,” anupat binabanggit si Jesu-Kristo bilang isang halimbawa: “Manatili kayo sa ganitong kaisipan na taglay rin ni Kristo Jesus, na, bagaman siya’y nasa anyong Diyos, hindi niya pinag-isipan na mang-agaw, samakatuwid nga, upang makapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubaran niya ng kaluwalhatian ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao na, siya ay nagpakababa at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.” Nang mapaharap sa pinakamalaking kagipitan sa kaniyang buhay, mapakumbabang nanalangin siya sa kaniyang Ama: “Huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ayon sa ibig mo.” (Mateo 26:39) Tunay, upang tayo’y maging mga tagatulad kay Jesu-Kristo, na sumusunod na maingat sa kaniyang mga yapak, tayo’y kailangang maging mapagpakumbaba.

Ang Apostol na si Pablo, Isang Mainam na Halimbawa ng Pagpapakumbaba

9-12. Sa anong mga paraan nagpakita si apostol Pablo ng mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba?

9 Sumulat si apostol Pablo: “Maging tagatulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) Tinularan ba ni apostol Pablo si Jesu-Kristo sa pagiging mababang-loob, sa gayo’y binibigyan tayo ng isa pang halimbawa ng pagpapakumbaba upang tularan? Tiyak na gayon nga. Unang-una, mapakumbabang kinilala niya na siya’y isang alipin ni Jesu-Kristo. (Filipos 1:1) Sinabi niya sa matatanda sa Efeso ang tungkol sa kaniyang ‘pagpapaalipin sa Panginoon na taglay ang malaking kababaangloob at mga luha at mga pagsubok na napaharap sa kaniya sa pamamagitan ng mga pakana ng mga Judio.’ (Gawa 20:17-19) Kung siya’y hindi naging mapagpakumbaba, hindi niya maisusulat kailanman ang mga salitang nasa Roma 7:18, 19: “Nalalaman ko na sa akin, samakatuwid, sa aking laman, ay hindi nananahan ang anumang bagay na mabuti . . . Sapagkat ang mabuti na aking ibig ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko ibig ay siya kong ginagawa sa tuwina.”

10 Isa pa ring nagpapakita ng pagpapakumbaba ni Pablo ay yaong kaniyang isinulat sa mga Kristiyano sa Corinto, gaya ng nakatala sa 1 Corinto 2:3: “Ako’y napariyan sa inyo nang may kahinaan at may takot at may malaking panginginig.” May pagpapakumbabang tinutukoy ang kaniyang nakalipas na pamumuhay bago naging isang Kristiyano, siya’y sumulat: “Dati akong isang mamumusong at mang-uusig at isang taong magaspang. . . . Naparito sa sanlibutan si Kristo Jesus upang iligtas ang mga makasalanan. Pangunahin na ako sa mga ito.”​—1 Timoteo 1:13, 15.

11 Ang isa pa ring nagpapakita ng kaniyang pagpapakumbaba ay ang pagkilala niya na ang Diyos na Jehova ang pinagmulan ng lahat ng kaniyang tagumpay sa kaniyang pagsisikap. Siya’y sumulat tungkol sa kaniyang ministeryo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago niyaon; anupat walang anuman ang nagtatanim ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago niyaon.” (1 Corinto 3:6, 7) Kaniya ring hiniling sa kaniyang mga kapatid na siya’y ipanalangin upang makapagbigay siya ng isang mabuting patotoo, gaya ng ating mababasa sa Efeso 6:18-20: “Patuloy na manalangin . . . para sa akin, upang bigyan ako ng kakayahang magsalita . . . upang sa ganito ay magsalita ako tungkol [sa banal na lihim ng mabuting balita] nang may katapangan gaya ng nararapat kong salitain.”

12 Ipinakita rin ni Pablo ang kaniyang pagpapakumbaba sa paraan ng kaniyang pakikipagtulungan sa ibang mga apostol: “Sina Santiago at Cefas at Juan . . . ay nagbigay sa akin at kay Bernabe ng kanang kamay ng pakikisama, upang kami’y pumaroon sa mga bansa, ngunit sila ay sa mga tinuli.” (Galacia 2:9) Ipinakita pa rin niya ang kaniyang pagkasabik na makipagtulungan sa matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasama sa apat na kabataang lalaki sa templo at pagbabayad sa kanilang mga gastusin habang tinutupad nila ang isang panata.​—Gawa 21:23-26.

13. Ano ang dahilan at lubhang kapansin-pansin ang pagpapakumbaba ni Pablo?

13 Ang pagpapakumbaba ni Pablo ay lubhang kapansin-pansin pagka ating isinaalang-alang na siya’y ginamit ng Diyos na Jehova sa makapangyarihang mga gawa. Halimbawa, mababasa natin na “patuloy na gumawa ang Diyos ng pambihirang mga himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo.” (Gawa 19:11, 12) Higit sa riyan, siya’y binigyan ng makahimalang mga pangitain at mga paghahayag. (2 Corinto 12:1-7) Huwag din nating kaligtaan na siya’y kinasihan upang sumulat ng 14 sa 27 aklat (sa aktuwal ay mga liham) ng Kasulatang Griego Kristiyano. Lahat na iyan ay hindi nag-udyok sa kaniya na maging hambog, wika nga. Siya’y patuloy na nagpakumbaba.

Modernong mga Halimbawa

14-16. (a) Papaano isang mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba ang unang presidente ng Samahang Watch Tower? (b) Ang kaniyang halimbawa ay ibang-iba sa halimbawa nino?

14 Sa Hebreo 13:7, ating mababasa ang payo ni apostol Pablo: “Alalahanin yaong mga nangunguna sa inyo, na nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at sa pagdidili-dili ninyo ng kanilang pamumuhay ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” Sa pagsunod sa simulaing ito, maaari nating kuning isang halimbawa sa modernong panahon ang unang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, si Charles Taze Russell, na may pananampalataya na maaari nating tularan. Siya ba’y isang taong mapagpakumbaba? Tunay na gayon nga! Gaya ng lubhang kapansin-pansin, sa teksto ng kaniyang Studies in the Scriptures, anim na tomo ng mga 3,000 pahina, kahit minsan ay hindi niya binanggit ang kaniyang sarili. Ang mga publikasyon sa ngayon ng Watch Tower Bible and Tract Society ay sumusunod sa ganitong simulain sa hindi pag-akay ng pansin sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga manunulat ng mga artikulo.

15 Sa Watch Tower, minsan ay isinulat ni Russell na wala siyang alam sa tinatawag na “Russellism” at “Russellite,” mga termino na ginamit ng mga sumasalungat sa kaniya ngunit kaniya itong walang pasubaling tinanggihan. Isinulat niya: “Ang aming gawain . . . ay pagsama-samahin ang malaon nang nakakalat na kapi-kapirasong katotohanan at ihandog ang mga ito sa bayan ng Panginoon​—hindi bilang bago, hindi bilang aming sarili, kundi bilang sa Panginoon. . . . Ang gawain na nakalugod sa Panginoon upang gamitin ang aming kaunting talento ay hindi gaanong isang gawaing nagmumula sa amin kundi isang gawain na muling pagtatatag, pagsasaayos, pagtutugma-tugma.” Tunay, kaniyang ipinahayag ang damdamin ni apostol Pablo, na nasa 1 Corinto 3:5-7.

16 Ang kaniyang saloobin ay lubusang kasalungat naman ng kay Charles Darwin. Sa kaniyang unang edisyon ng The Origin of Species noong 1859, paulit-ulit na binanggit ni Darwin ang “aking” teoriya, anupat hindi pansin ang sinabi ng mga nauna pa sa kaniya tungkol sa ebolusyon. Isang kilalang manunulat noong siglong iyon, si Samuel Butler, ang umatake kay Darwin, anupat sinabing maraming iba pang nangauna na bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa ebolusyon; sa anumang paraan ay hindi iyon nagmula kay Darwin.

17. Ano pa ang mga halimbawa ng pagpapakumbaba ni Brother Rutherford?

17 Ang isa pang tapat na lingkod sa modernong panahon na lubhang ginamit ng Diyos na Jehova ay si Joseph F. Rutherford, na nabanggit na sa pasimula. Siya’y isang magiting na tagapagtaguyod ng katotohanan ng Bibliya at lalung-lalo na ng pangalan ni Jehova. Bagaman napatanyag bilang si Judge Rutherford, siya sa kalooban ay isang taong mapagpakumbaba. Halimbawa, minsan ay gumawa siya ng ilang dogmatikong mga pangungusap tungkol sa kung ano ang maaasahan ng mga Kristiyano noong 1925. Nang ang mga pangyayari ay hindi naman umalalay sa kaniyang mga inaasahan, mapakumbabang sinabi niya sa pamilya sa Brooklyn Bethel na siya pala’y nagkulang ng mabuting pagpapasiya. Isang pinahirang Kristiyano na malapít sa kaniya ang nagpatotoo na maraming beses na narinig niyang si Brother Rutherford ay humingi ng paumanhin na naaayon sa espiritu ng Mateo 5:23, 24, kapuwa sa publiko at sa pribado, dahil nasaktan ang isang kapuwa Kristiyano dahil sa ilang di-makatuwirang pananalita. Pagpapakumbaba ang kailangan upang ang isang nasa mahalagang tungkulin ay humingi ng paumanhin sa mga nasasakop niya. Nagpakita ng isang mainam na halimbawa si Brother Rutherford para sa lahat ng tagapangasiwa, maging sila man ay nasa isang kongregasyon, sa gawaing paglalakbay, o sa isa sa mga sangay ng Samahan.

18. Anong ipinahayag ng ikatlong presidente ng Samahan ang nagsisiwalat ng kaniyang kababaangloob?

18 Ang ikatlong presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, si Nathan H. Knorr, ay nagpakita rin na, bagaman siya’y prominente sa bayan ni Jehova, hindi niya nadama na siya’y mataas dahilan sa kaniyang posisyon. Bagaman siya’y nakahihigit sa iba sa kakayahang mag-organisa at sa pagsasalita sa madla, siya ay may malaking paggalang sa nagawa ng iba. Kaya naman, minsan ay dinalaw niya ang isang miyembro ng Writing Department sa kaniyang tanggapan at nagsabi: “Dito nagaganap ang pinakamahalaga at gayundin ang pinakamahirap na gawain. Kaya naman maliit lamang ang bahagi ko rito.” Oo, may pagpapakumbabang ikinakapit niya noon ang payo na nasa Filipos 2:3, na ‘may kababaangloob na ituring ng isang tao na ang iba’y nakahihigit sa kaniya.’ Kinikilala niya na bagaman ang pagiging presidente ng Samahan ay mahalaga, ang ibang gawain ay mahalaga rin. Pagpapakumbaba ang nagpadama sa kaniya ng gayon at maipahayag iyon nang buong linaw. Siya’y isa pang mainam na halimbawa upang tularan ng lahat, lalo na yaong nasa prominenteng posisyon ng pangangasiwa.

19, 20. (a) Anong halimbawa ng pagpapakumbaba ang ipinakita ng ikaapat na presidente ng Samahan? (b) Anong tulong ang ibibigay sa atin ng susunod na artikulo tungkol sa ating pagpapakumbaba?

19 Ang ikaapat na presidente ng Samahan, si Fred W. Franz, ay isa ring mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba. Bilang bise presidente ng Samahan sa loob ng mga 32 taon, siya ang sumulat ng marami sa mga artikulo para sa mga magasin at para sa mga programa sa kombensiyon; subalit tungkol dito ay nanatili siyang nasa likuran, hindi kailanman hinayaang sa kaniya mapatutok ang pansin. Isang nahahawig na sinaunang halimbawa ang maaaring banggitin. Nang magapi ni Joab ang mga Ammonita sa Rabbah, tiniyak niya na si Haring David ang nakatanggap ng papuri dahil sa tagumpay na iyon.​—2 Samuel 12:26-28.

20 Oo, maraming maiinam na halimbawa, noong nakaraan at ngayon, na nagbibigay sa atin ng mahuhusay na dahilan upang tayo’y maging mapagpakumbaba. Gayunman, marami pang mga dahilan upang tayo’y maging mapagpakumbaba, at ang mga ito pati na ang mga pantulong upang tayo’y maging mapagpakumbaba ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Ang “nagpapakababa” ay kadalasang ginagamit taglay ang kahulugan na “magkunwaring nakatataas.” Subalit ang pangunahing kahulugan nito​—at ang kahulugan nito sa New World Translation​—ay “magparaya,” “umurong sa mga pribilehiyo ng ranggo.”​—Tingnan ang Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary.

b Exodo 34:6; Bilang 14:18; Nehemias 9:17; Awit 86:15; 103:8; 145:8; Joel 2:13; Jonas 4:2; Nahum 1:3.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ba ang mga naging bunga ng pagmamataas?

◻ Sino ang nagpakita ng pinakamainam na halimbawa ng pagpapakumbaba?

◻ Ano ang nagpapakita kung sino ang ikalawang pinakadakilang halimbawa ng pagpapakumbaba?

◻ Anong mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba ang ipinakita ni apostol Pablo?

◻ Ano ang ating prominenteng mga halimbawa ng pagpapakumbaba sa modernong panahon?

[Larawan sa pahina 15]

Nagpakita si Jesus ng isang mainam na pagtatanghal ng pagpapakumbaba

[Larawan sa pahina 16]

Si Pablo ay isang mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba

[Larawan sa pahina 17]

Hindi inangkin ni Brother Russell ang kapurihan para sa mga bagay na kaniyang isinulat

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share