Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 1/1 p. 28-31
  • Nasumpungan Ko ang Kayamanang Walang Katulad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nasumpungan Ko ang Kayamanang Walang Katulad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kasaysayan ng Aking Pamilya
  • Pagkasumpong ng Tunay na Kayamanan
  • Pagdayo ng Pangangaral Kasama ni Itay
  • Pagharap sa Sari-saring Pagsubok
  • Ministeryo sa Adelaide
  • Isang Edukasyong Tumagal Nang Habambuhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Mula sa Pagiging Pulis Tungo sa Pagiging Kristiyanong Ministro
    Gumising!—1993
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Nag-iisa Ngunit Hindi Pinabayaan Kailanman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 1/1 p. 28-31

Nasumpungan Ko ang Kayamanang Walang Katulad

INILAHAD NI FLORENCE WIDDOWSON

Habang gumagabi, ipinasiya naming magkamping malapit sa isang lawa. Hindi ito ang pinakamainam na dako para magkamping ang dalawang babae, ngunit naisip namin na ligtas naman na tumigil kami roon nang isang gabi. Samantalang ako’y abala ng pagtatayo ng tolda, si Marjorie ay naghanda ng aming hapunan.

KATATAPOS ko lamang ibaon ang pinakahuling talasok ng tolda nang mapansin kong may kumilos malapit sa isang maitim na tuod ng punungkahoy. “Nakita mo ba ang paggalaw ng tuod na iyon?” ang tanong ko kay Marjorie.

“Hindi,” ang kaniyang tugon, na medyo nalilito.

“Buweno, talagang gumalaw iyon,” ang inihiyaw ko. “Ibigay mo sa akin ang kaserola!”

Kinuha ko iyon, at samantalang pasan-pasan ko ang palakol, patungo na ako sa may lawa. Nang halos nasa tabi na ako ng tuod, isang lalaki ang lumabas mula sa likod niyaon.

“Ang tubig po ba sa lawa ay maaaring inumin?” ang pautal na tanong ko.

“Hindi, hindi puwede,” ang padaskol na sagot niya, “pero kung ibig mo ng maiinom na tubig, ikukuha kita.”

Agad namang tinanggihan ko ang kaniyang alok, at lumuwag ang aking dibdib nang siya’y biglang tumalikod at lumayo. Samantalang nanginginig, ako’y dali-daling bumalik at sinabi ko kay Marjorie ang nangyari. Agad-agad naming tiniklop ang tolda, nag-impake, at lumisan. Nang bandang huli, nabalitaan namin na kalalaya lamang ng lalaking iyon mula sa bilangguan.

Bagaman ang mga naghahanap ng mahuhukay na mina ay kalimitan nagkakampamento roon sa mga distrito ng minahan ng ginto ng Australia noong 1937, kami naman ay naiibang uri ng mga humahanap ng mamimina. Kami’y naghahanap ng mga tao na mahalaga sa Diyos.

Kasaysayan ng Aking Pamilya

May sandaang taon na ang nakalipas, ang aking ama ang panday sa munting nayon ng Porepunkah sa estado ng Victoria. Ako’y isinilang doon noong 1895, at lumaki ako kasama ng apat na nakatatandang mga kapatid na lalaki malapit sa Ovens River, sa may paanan ng Mount Buffalo. Ang mga magulang ko ay palagiang dumadalo sa Union Church, at ako’y dumadalo naman sa Sunday school, na kung saan superintendente ang aking ama.

Noong 1909, si Inay ay inatake sa puso sa panahon ng isang matinding bagyo at namatay sa mga bisig ng aking ama. Pagkatapos, maaga noong 1914, isa sa aking mga kapatid na lalaki ang umalis ng bahay, at makalipas ang mga ilang oras, siya ay ibinalik sa amin​—patay na. Siya ay nagpatiwakal. Lalong sumidhi ang aming kalungkutan dahil sa turo ng simbahan na naghihintay sa kaniya ang impiyerno, yamang ang pagpapatiwakal ay sinasabing isang kasalanang walang-kapatawaran.

Sa dakong huli ng taóng iyon sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, at dalawa sa aking mga kapatid na lalaki ang nagsundalo para sa pagseserbisyo sa ibayong-dagat. Ang nakapangingilabot na mga balita ng pagbububo ng dugo at pagdurusa ang nag-udyok sa aming anim na kabataang babae, kasama ang aking ama, na magsimula ng pag-aaral ng aklat ni Juan sa Bibliya.

Pagkasumpong ng Tunay na Kayamanan

Si Ellen Hudson ay may isang kopya ng aklat na The Time Is at Hand, ni Charles Taze Russell. Ang kasiglahan niya tungkol doon ay nakaimpluwensiya sa mga iba pa sa amin sa grupo. Nang kaniyang mapansin na ang aklat ay isa lamang sa isang serye ng anim na tomo na pinamagatang Studies in the Scriptures, lumiham siya sa International Bible Students Association sa Melbourne at humiling na padalhan siya ng natitira pang mga aklat. Nagkaisa ang aming grupo na gamitin ang unang tomo, ang The Divine Plan of the Ages, sa aming lingguhang mga pag-aaral.

Gunigunihin ang kagalakan namin ni Itay nang matuklasan namin na wala palang maapoy na impiyerno. Nawala ang takot na ang aking kapatid ay pinarurusahan sa apoy ng impiyerno. Napag-alaman namin ang katotohanan na ang mga patay ay walang malay, parang natutulog, at hindi namumuhay saanmang dako samantalang dumaranas ng pagpapahirap. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-14) Ang ilang kaugnay sa aming grupo sa pag-aaral ng Bibliya ay nagpasiyang pumaroon sa aming mga kapitbahay upang ipangaral ang mga katotohanan na aming natututuhan. Kami’y naglakad sa pagpunta sa kalapit na mga bahay, subalit gumamit kami ng mga bisikleta at isang may dalawang gulong na karuwaheng hila ng isang kabayo upang marating ang mga bahayan sa kabukiran.

Ang unang karanasan ko sa pagbabahay-​bahay ay noong Armistice Day, Nobyembre 11, 1918. Tatlo kami buhat sa aming grupo sa pag-aaral ang naglakbay ng 80 kilometro sa bayan ng Wangaratta upang mamahagi ng tract na Peoples Pulpit. Pagkalipas ng mga taon, samantalang gumaganap ng isang atas ng pangangaral sa isa sa nakabukod na mga lugar, naranasan ko yaong binanggit sa pasimula.

Noong 1919, dumalo ako sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Melbourne. Doon, noong Abril 22, 1919, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Ang espirituwal na piging ay nagpatindi ng aking pagpapahalaga sa espirituwal na kayamanan ng Kaharian ng langit at sa makalupang organisasyon ni Jehova.​—Mateo 13:44.

Hindi ako agad umuwi pagkatapos ng kombensiyon kundi tinanggap ko ang paanyaya na sumama kay Jane Nicholson, isang buong-panahong mangangaral, para sa isang buwang pagpapatotoo. Ang aming atas ay sa mga pamayanang sakahan at bakahan sa may tabi ng King River. Mga ilang taon lamang ang nakalilipas, ang bulubunduking lugar na ito ang pinagkunan ng mga eksena sa pelikulang The Man From Snowy River.

Noong 1921 tumanggap kami ng napakainam na pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na The Harp of God. Nang simulan ni Itay na gamitin iyon bilang isang aklat-aralin para sa kaniyang klase sa Sunday school, maraming magulang ang tumutol at hiniling na siya’y magbitiw. Agad naman niyang ginawa iyon. Nang malaunan tinanggap namin ang pulyetong Hell, taglay ang nakasasabik na mga katanungan sa pabalat na, “Ano ba Iyon? Sino ang mga Naroroon? Sila ba’y Makalalabas Pa Roon?” Ganiyan na lamang ang katuwaan ni Itay sa malinaw na patotoo sa Bibliya tungkol sa paksa kung kaya agad sinimulan niya ang pamamahagi sa bahay-bahay ng mga sipi niyaon. Nakapagpasakamay siya ng daan-daan niyaon sa aming nayon at karatig na mga bahayan sa kabukiran.

Pagdayo ng Pangangaral Kasama ni Itay

Sa wakas, si Itay ay bumili ng isang kotse upang madalhan ang mga tao sa ibang lugar ng pabalita ng Kaharian. Bilang isang panday, siya’y mas sanay sa mga kabayo, kaya ako ang nagmaneho ng kotse. Sa pasimula, kami’y nagpapalipas ng gabi sa mga otel. Hindi nagtagal at ito’y naging magastos, kaya nagsimula kaming matulog sa mga tolda.

Inayos ni Itay ang upuan ng kotse sa harap upang iyon ay mailatag at makatulog ako sa kotse. Kami’y nagtayo ng isang maliit na tolda upang doon matulog si Itay. Pagkatapos magkamping nang mga ilang linggo, kami’y bumabalik sa Porepunkah, at doon ay binubuksan uli ni Itay ang kaniyang pandayan. Kami’y laging nanggigilalas na sa tuwina’y maraming mga parokyanong nagbabayad ng kanilang kuwenta upang matustusan ang gastos sa aming susunod na paglalakbay para mangaral.

Maraming taong nahihilig sa katuwiran ang mainam ang tugon sa aming mga pagdalaw at sa wakas ay tumanggap ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Ngayon ay mayroon nang pitong kongregasyon na may kani-kanilang Kingdom Hall sa lugar na unang-unang pinaglingkuran ng aming munting grupo sa Porepunkah. Oo, sino ang manghahamak sa “araw ng maliliit na bagay”?​—Zacarias 4:10.

Noong 1931, kami ni Itay ay nagbiyahe nang halos 300 kilometro sa napakasamang mga daan upang dumalo sa isang pantanging pagpupulong, na kung saan aming tinanggap ang ating bagong pangalan, na “Mga Saksi ni Jehova.” Kapuwa kami nagalak sa pambihirang pangalang ito mula sa Kasulatan. (Isaias 43:10-12) Tayo’y ipinakilala nito nang mas malinaw kaysa di-gaanong mapagkakakilanlang pangalan na “International Bible Students,” na pagkakakilanlan sa amin magpahanggang noon.

Isang araw samantalang nagpapatotoo sa bayan ng Bethanga, nakilala ko ang lokal na ministro ng Church of England. Siya’y nagalit at sinimulang tuntunin ang maraming aklat na naipasakamay namin, at hiniling na ibigay sa kaniya ng mga tao ang kanilang mga aklat. Pagkatapos ay nagsagawa siya ng pangmadlang panununog ng mga aklat sa gitna ng bayan. Subalit taliwas sa kaniyang inaasahan ang naging bunga ng kasuklam-suklam na gawang ito.

Pagkatapos na ipaalam ko sa tanggapang pansangay ng Samahan ang nangyari, isang hayagang liham ang nilimbag na tumutuligsa sa ginawa ng klerigo. Gayundin, nagsaayos ng mga sasakyang punô ng mga Saksi upang mamahagi ng liham sa buong distrito. Nang kami ni Itay ay muling dumalaw sa bayan, nakapagpasakamay kami ng lalong maraming aklat kaysa noong una. Ang mga taong bayan ay sabik na malaman kung ano ang nilalaman ng “ibinabawal” na literatura!

Ang unang tumanggap sa katotohanan ng Bibliya sa hilagang-silangan ng Victoria bilang resulta ng aming pangangaral ay si Milton Gibb. Sa pagitan ng aming mga pagdalaw, kaniyang lubusang pinag-aralan ang lahat ng publikasyon ng Samahan na iniwanan namin sa kaniya. Sa isa sa aming mga pagdalaw-muli, kami’y sinorpresa niya sa pagsasabing: “Ako ngayon ay isa na sa inyong mga alagad.”

Bagaman ikinatuwa ko ang kaniyang pasiya, ipinaliwanag ko: “Hindi, Milton. Hindi ka maaaring maging isa sa aking mga alagad.”

“Kung gayon, ako’y isa sa mga alagad ni Rutherford [ang pangulo noon ng Samahang Watch Tower].”

Muling sinabi ko: “Hindi, hindi ka isa sa mga alagad ni Rutherford, kundi inaasahan kong isa sa mga alagad ni Kristo.”

Napatunayang si Milton Gibb ay isa lamang sa maraming mahahalagang kayamanan na ginugulan ko ng napakaraming taon sa paghahanap. Siya at ang dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki ay Kristiyanong matatanda, at ang iba pang miyembro ng kaniyang sambahayan ay aktibo sa kongregasyon.

Pagharap sa Sari-saring Pagsubok

Sa kabila ng pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia noong Enero 1941, nagpatuloy kami sa pangangaral, na Bibliya lamang ang ginagamit. Pagkatapos ang aking pagpapayunir, o buong-panahong ministeryo, ay sandaling napahinto nang ako’y pauwiin upang alagaan ang aking ama na malubhang-malubha noon. Nang malaunan, ako ay nagkasakit din at nangailangan ng isang mahalagang operasyon. Nangailangan ng ilang panahon ang pagsasauli sa aking dating kalusugan, ngunit naranasan ko ang katotohanan ng pangako ng Diyos: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Muling pinaalalahanan ako ng isang sister na Kristiyano, na ang sabi: “Tandaan mo, Flo, ikaw ay hindi kailanman nag-iisa. Makakaya mo ang lahat sapagkat sa tuwina’y kasama mo si Jehova.”

Nang magkagayo’y dumating ang huling yugto ng pagkakasakit ng aking mahal na ama na tumagal nang 13 linggo. Noong Hulyo 26, 1946, siya’y binawian ng buhay. Tinamasa niya ang kalubusan ng buhay, at ang kaniyang pag-asa’y makalangit. (Filipos 3:14) Kaya sa edad na 51, ako’y nag-iisa, palibhasa’y kasa-kasama ko si Itay sa karamihan ng mga taon ng aking kabataan. Pagkatapos ay nakilala ko ang aking magiging kabiyak. Ikinasal kami noong 1947 at nagsimulang magpayunir nang magkasama. Subalit ang maligayang panahong ito ay hindi nagtagal, sapagkat siya ay na-stroke noong 1953 at naging isang baldado.

Lubhang naapektuhan ang pagsasalita ng aking asawa, at naging halos imposible na makipag-usap sa kaniya. Iyan ang pinakamahirap na bahagi ng pag-aalaga sa kaniya. Tunay na napakalaki nga ng kaigtingan sa isip na likha ng pagsisikap na maunawaan ang kaniyang pinaghihirapang sabihin. Bagaman kami ay naninirahan sa isang nabubukod na lugar na walang malapit na kongregasyon, hindi kami pinabayaan ni Jehova sa mahihirap na taóng iyon. Ako’y patuloy na umalinsabay sa lahat ng pinakabagong impormasyon tungkol sa organisasyon, gayundin sa patuloy na paglalaan ng espirituwal na pagkain sa mga magasing Bantayan at Gumising! Noong Disyembre 29, 1957, namatay ang aking mahal na asawa.

Ministeryo sa Adelaide

Minsan pang ako’y nag-iisa. Ano kaya ang dapat kong gawin? Ako kaya’y tatanggaping muli bilang isang buong-panahong ministro pagkaraang huminto nang halos limang-taon? Ako’y tinanggap, kaya ipinagbili ko ang aking tahanan at muling nagpasimula ng pagpapayunir sa Adelaide, kabiserang lunsod ng Timog Australia. Nang panahong iyon ay kailangan doon ang mga payunir, at ako’y naatasang umugnay sa Prospect Congregation.

Yamang ako’y nag-aalala tungkol sa pagmamaneho sa trapiko ng lunsod, ipinagbili ko ang aking kotse at nagsimulang gumamit uli ng bisikleta. Ginamit ko iyon hanggang sa ako’y 86 na taóng gulang, anupat nakilala ako sa lugar na iyon bilang “ang munting babae sa bisikletang kulay asul.” Nang magtagal ako ay naging nerbiyosa sa trapiko; ang gulong sa harap ng aking bisikleta ay waring umuugang palagi. Ang huling pagkakataon na naging dahilan upang huminto ako ng pamimisikleta ay nangyari isang hapon nang ako’y mabangga sa isang bakod na halaman. ‘Ito ang huling pagkakataon,’ wika ko sa aking sarili, at ako’y bumalik sa paggamit ng aking dalawang paa sa paglalakad.

Mga ilang taon ang nakalipas, samantalang dumadalo sa isang pandistritong kombensiyon, ang mga binti ko ay nagsimulang manghina, at sa dakong huli’y naoperahan ako nang dalawang beses sa mga kasukasuan ng aking balakang. Patuloy na sana ang aking paggaling pagkatapos na maoperahan hanggang sa isang malaking aso ang dumaluhong sa akin anupat ako’y nabuwal. Kaya kinailangan ko pang magpagamot, at mula noon ay nangailangan ako ng isang walker upang ako’y makalakad. Ang aking isip ay totoong aktibo pa rin. Ito’y gaya ng sabi ng isang kaibigan: “Waring ang iyong may edad nang katawan ay hindi makaalinsabay sa iyong masiglang isip.”

Sa paglakad ng mga taon, nasaksihan ko ang paglago, paglawak, at paghahati-hati ng mga kongregasyon sa Adelaide. Pagkatapos, noong 1983, nang ako’y 88, lumisan ako sa Adelaide upang mamuhay na kasama ng isang pamilya sa Kyabram sa estado ng Victoria, na kung saan gumugol ako ng sampung maliligayang taon. Ako’y nakalalabas pa rin sa ministeryo sa larangan; isinasama ako ng mga kaibigan sa kongregasyon upang dalawin namin yaong mga regular na kumukuha sa akin ng mga magasin. Ang mga taong ito ay may kabaitang lumalapit sa aming sasakyan upang sila’y makausap ko.

Sa pagbubulay-bulay ng aking mahigit na 98 taon ng pamumuhay, nagugunita ko pa nang buong pagmamahal ang maraming tapat na kasama kong pumuri kay Jehova, lalo na ang aking kahanga-hangang ama. Sa wari ko’y mas mahaba ang aking buhay kaysa lahat ng mga tapat na naging kasama ko sa ministeryo ng pagpapayunir. Subalit anong laking kagalakan ang naghihintay sa akin pagka muling nakasama yaong mga katulad kong may pag-asang magkamit ng gantimpalang buhay sa makalangit na Kaharian ng Diyos, tunay na isang kayamanang walang katulad!

[Larawan sa pahina 28]

Ako’y nabautismuhan noong Abril 22, 1919

[Larawan sa pahina 31]

Maligaya pa rin sa paglilingkod kay Jehova habang ako’y sumasapit na sa ika-100 taon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share