Isang Mayaman, Kasiya-siyang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
INILAHAD NI LEO KALLIO
Noon ay taóng 1914, at isang magandang araw sa bandang dulo ng tag-araw ang natatapos noon sa aming karatig-lunsod ng Turku, isang lunsod sa Pinlandya. Biglang-bigla, ang katahimikan ay binasag ng mga balita ng pagsiklab ng isang malaking digmaan. Hindi nagtagal at ang mga kalye ay napunô ng mga taong nagbubulay-bulay ng kahulugan ng mga pangyayari. Ang seryosong mga mukha ng mga adulto ay nag-udyok sa amin na mga bata na magtaka kung ano nga ba ang mangyayari. Ako noon ay siyam na taóng gulang, at naalaala ko pa nang ang mapayapang laro ng mga bata ay nauwi sa mga laro sa digmaan.
BAGAMAN hindi napasangkot ang Pinlandya sa Digmaang Pandaigdig I (1914-1918), ang bansa ay sinalanta ng giyera sibil noong 1918. Ang mga magkakamag-anak at dating magkakaibigan ay humawak ng sandata laban sa isa’t isa dahil sa nagkakaibang mga paniwala sa pulitika. Ang aming pamilya na may pito katao ay nakaranas ng pagkakapootang ito. Ang aking ama, na tuwiran kung magpahayag ng kaniyang mga opinyon, ay inaresto at sinintensiyahan ng pitong taon sa bilangguan. Nang bandang huli siya ay pinawalang-sala, subalit noon ay napinsala na ang kaniyang kalusugan.
Ang aming pamilya ay dumanas ng gutom at sakit sa kakila-kilabot na panahong ito. Tatlo sa aking nakababatang mga kapatid na babae ang namatay. Ang kapatid na lalaki ng aking ama, na naninirahan sa lunsod ng Tampere, ay nakabalita tungkol sa aming paghihirap at inanyayahan ang aking ama at ina at kaming dalawang natitirang anak upang pumisan sa kaniya.
Makalipas ang ilang taon, samantalang naninirahan pa rin sa Tampere, ako ay may nakilalang isang kaakit-akit na babae na nagngangalang Sylvi. Kami ay may parehong karanasan. Namatay ang kaniyang ama sa giyera sibil, at pagkatapos isang matalik na kaibigan ng kaniyang pamilya, si Kaarlo (Kalle) Vesanto buhat sa bayan ng Pori, ang umampon sa kaniya, sa kaniyang nakatatandang kapatid na babae, at sa kaniyang ina. Siya’y gumawa ng mga kaayusan upang ang ina ni Sylvi ay makapagtrabaho at makapag-aral ang mga batang babae. Nang bandang huli si Sylvi ay lumipat sa Tampere upang magtrabaho, at doon kami nagkakilala.
Isang Gabi na Bumago sa Aking Buhay
Noong 1928, naging katipan ko si Sylvi, at isang araw kami ay naglakbay patungo sa Pori upang dalawin si Kalle Vesanto at ang kaniyang pamilya. Wala nang iba pang pangyayari ang lubhang nakaapekto sa aking buhay. Si Kalle ay naging may-ari at mangangarera ng pangyagyag na mga kabayo ngunit iniwan na niya ang gayong hanapbuhay. Sila ng kaniyang maybahay ay naging masigasig na mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Inilalarawan ng 1990 Yearbook of Jehovah’s Witnesses kung papaano siya umupa ng mga lalaki upang ipinta ang mga salitang “Angaw-angaw na Nabubuhay Ngayon ang Hindi na Mamamatay Kailanman” sa isang dingding sa labas ng kaniyang bahay na may dalawang palapag. Ang mga letra ay may sapat na laki upang mabasa buhat sa mabilis na mga tren na dumaraan.
Nang gabing iyon kami ni Kalle ay nag-usap hanggang sa madaling araw ng kinabukasan. “Bakit? Bakit? Bakit?” ang tanong ko, at ipinaliwanag naman iyon ni Kalle. Literal na natuto ako ng saligang mga katotohanan sa Bibliya sa loob lamang ng magdamag. Isinulat ko ang mga tekstong nagpapaliwanag ng iba’t ibang turo. Nang bandang huli, nang ako’y makauwi na, kumuha ako ng isang notebook at isinulat ko ang lahat ng teksto nang salita por salita. Dahil sa hindi ko pa kabisado ang Bibliya, ginamit ko ang notebook na ito upang magpatotoo sa mga taong nasa lugar ng konstruksiyon na aking pinagtatrabahuhan. Samantalang ibinubunyag ko ang mga turo ng huwad na relihiyon, malimit na inuulit ko ang mga salita ni Kalle: “Mga pare, talagang kayo’y nadaya!”
Ibinigay sa akin ni Kalle ang direksiyon ng isang maliit na bahay sa Tampere na kung saan mga 30 Estudyante ng Bibliya ang nagdaraos ng kanilang mga pulong. Doon ako ay nakayukyok sa isang sulok malapit sa pinto sa tabi ni Brother Andersson, ang may-ari ng bahay. Hindi palagian ang aking pagdalo, subalit nakatulong ang panalangin. Nang dumaranas ng malubhang suliranin sa trabaho, minsan ay nanalangin ako ng ganito: “Pakisuyo, Oh Diyos, kung ako’y tutulungan mo na mapagtagumpayan ang mga suliraning ito, ako’y nangangako na dadalo sa bawat pulong.” Subalit ang mga bagay-bagay ay patuloy na lumubha. Nang magkagayo’y natanto ko na ako’y nagbibigay ng mga kondisyon kay Jehova, kaya binago ko ang aking panalangin at ginawang ganito: “Anuman ang mangyari, ako’y nangangakong dadalo sa bawat pulong.” Nang magkagayon ay nalutas ang aking mga suliranin, at ako’y naging regular sa pagdalo sa mga pulong.—1 Juan 5:14.
Ang Aming Ministeryo Nang Maagang mga Taon
Noong 1929, kami ni Sylvi ay napakasal, at noong 1934 ay kapuwa namin sinagisagan ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang mga panahong iyon sa aming ministeryo ay nagdadala kami ng ponograpo at mga plaka sa mga tahanan ng mga tao at nagtatanong nang may kabaitan kung maaari kaming magpatugtog ng walang-bayad na pahayag sa Bibliya. Kadalasan ay agad kaming inaanyayahan ng mga tao upang pumasok, at pagkatapos na mapakinggan nila ang isinaplakang pahayag, sila’y nakikipag-usap at tumatanggap ng ilan sa aming literatura.
Sa pahintulot ng mga awtoridad, pinatugtog namin ang mga pahayag na ito sa Bibliya sa pamamagitan ng mga amplifier sa mga parke. At sa mga karatig-lunsod ay ikinakabit namin ang mga loudspeaker sa isang bubong o sa ibabaw ng isang tsimenea. Kung minsan naman ay pinatutugtog namin ang mga ito sa tabi ng look na kung saan nagtitipon ang mga tagaroon sa malalaking grupo. Dinadala namin ang mga amplifier sa isang bangka at marahang gumagaod kami sa may dalampasigan. Kung mga araw ng Linggo ay sumasakay kami sa bus upang magsagawa ng kampanya sa kabukiran, taglay ang aming mahalagang mga amplifier at maraming literatura.
Isang Pagbabago na Sumubok sa Aming Pananampalataya
Noong 1938, ako’y pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir, subalit ako’y nagpatuloy na magtrabaho bilang isang kantero. Nang sumunod na tagsibol ay tumanggap ako ng isang paanyaya buhat sa tanggapang pansangay ng Samahan upang maging isang naglalakbay na ministro, na ngayo’y tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito. Ang pagpapasiya na tanggapin iyon ay hindi madali dahil sa ako’y masayang naglilingkod kasama ng aming kongregasyon sa Tampere. Isa pa, may sarili kaming bahay; may anim-na-taóng-gulang na anak na lalaki, si Arto, na noo’y malapit nang pumasok sa paaralan; at si Sylvi naman ay maligaya sa kaniyang trabaho bilang isang katulong sa talyer. Subalit, pagkatapos na kumunsulta kami sa isa’t isa, tinanggap ko ang karagdagang pribilehiyong ito sa paglilingkuran sa Kaharian.—Mateo 6:33.
Nang magkagayo’y isa pang mahirap na panahon ang nagsimula. Sumiklab ang digmaan noong Nobyembre 30, 1939, nang lumusob sa Pinlandya ang mga tropang Sobyet. Ang digmaan, na tinawag na Digmaan sa Taglamig, ay tumagal hanggang Marso 1940, nang kinailangang sumang-ayon ang Pinlandya sa isang kasunduang pangkapayapaan. Waring maging ang kalikasan ay nakipagdigma, sapagkat magpahanggang noon ay iyon ang pinakamaginaw na taglamig na naaalaala ko. Ako’y namimisikleta papunta sa mga kongregasyon samantalang ang nakarehistro sa termometro ay mahigit na -30 digris Celcius!
Noong 1940 ay ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Pinlandya. Pagkatapos ay maraming kabataang mga Saksing Pinlandes ang ibinilanggo at napilitang manatili roon sa ilalim ng mga kalagayang di-makatao. Salamat naman, ako’y nakapaglingkod sa mga kongregasyon sa buong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, mula 1939 hanggang 1945. Ito’y kadalasan nangangailangang ako’y mapalayo kina Sylvi at Arto nang mga buwan. Bukod dito, nariyan ang palagiang panganib ng pagkaaresto sa pagganap ng isang gawaing labag sa batas.
Tiyak na ako’y isang kakatwang tanawin, palibhasa’y nakasakay sa isang bisikletang may kargadang maleta, isang bag ng literatura, at isang ponograpo at mga plaka. Ang isang dahilan kung bakit ako’y may dalang mga plaka ng ponograpo ay upang patunayan, sakaling maaresto, na ako’y hindi isang nag-iimbestigang parakaydista na nag-eespiya para sa mga Ruso. Alam mo, maipangangatwiran ko na kung ako’y isang parakaydista, disin sana’y nasira ang mga plaka sa mga pagtalon ko.
Gayunpaman, minsan samantalang dumadalaw sa isang pamayanan na binabalaan tungkol sa isang espiya, napagkamalan akong gayon ng isang pamilyang Saksi. Kumatok ako sa kanilang pinto isang madilim na gabi ng taglamig, at sila’y takot na takot na magbukas. Kaya nagpalipas ako ng magdamag sa isang kamalig, natatabunan ng dayami upang hindi tablan ng ginaw. Kinabukasan ay nalutas ang suliranin at nakilala kung sino nga ako, at masasabi ko, na sa nalalabing bahagi ng aking pagdalaw, nagpakita sa akin ng labis-labis na kagandahang-loob ang mga miyembro ng pamilya!
Nang panahon ng digmaan, kami lamang ni Brother Johannes Koskinen ang naglingkod sa mga kongregasyon sa sentral at hilagang Pinlandya. Bawat isa sa amin ay may malawak na lugar na pangangalagaan, mga 600 kilometro ang haba. Napakaraming kongregasyon ang kailangang dalawin namin kung kaya nakapamamalagi kami nang dalawa o tatlong araw lamang sa bawat kongregasyon. Bihirang nasa takdang oras ang mga tren, at ang mga bus ay kakaunti at siksikan anupat nakapagtataka na nakararating kami sa aming patutunguhan.
Bahagyang-bahagyang Pagkaligtas
Minsan, nang nagsisimula ang Digmaan sa Taglamig, naparoon ako sa tanggapang pansangay sa Helsinki at kumuha ng apat na mabibigat na karton ng bawal na literatura upang maibiyahe sa tren para maihatid sa mga kongregasyon. Samantalang nasa istasyon ng tren sa Riihimäki, tumunog ang alarma na nagpapahiwatig ng isang pagsalakay mula sa himpapawid. Isinuot ng mga sundalong nasa tren ang kanilang kasuutang pantaglamig, at sinabihan ang mga pasahero na lisanin agad-agad ang tren at tumungo sa isang nakatiwangwang na bukid katapat ng istasyon.
Ipinakiusap ko sa mga sundalo na dalhin ang aking mga karton, anupat sinabi ko sa kanila ang kahalagahan ng mga ito. Apat sa kanila ang pumasan ng bawat karton, at kami’y tumakbo ng mga 200 metro sa ibabaw ng nababalutan-ng-niyebeng bukid. Kami’y dumapa sa lupa, at may sumigaw sa akin: “Hoy, sibilyan, huwag kang kikilos! Kung sakaling makakita ng anumang kilos ang mga bombardero, huhulugan nila tayo ng bomba.” Ganiyan na lamang ang kagustuhan kong makita iyon kaya maingat na tumingala ako, anupat 28 eroplano ang nabilang ko!
Biglang yumanig ang lupa dahil sa sumasabog na mga bomba. Bagaman hindi binomba ang istasyon, tinamaan ang tren na sinakyan namin. Lubhang nakalalagim na tanawin ang nawasak na tren at napilipit na riles! Kinabukasan ay ipinagpatuloy ko ang aking paglalakbay dala ang mga karton, at ang mga sundalo ay nagpatuloy sakay ng ibang tren. Isa sa kanila ang naging Saksi pagkatapos ng digmaan, at sinabi niya sa akin na nang maglaon ay pinag-usapan ng mga sundalo ang tungkol sa pambihirang sibilyan na may dalang mga karton.
Makalipas ang ilang panahon si Brother Koskinen, habang naglalakbay upang maglingkod sa maliit na kongregasyon sa Rovaniemi sa hilagang Pinlandya, ay inaresto bago nakababa sa tren. Siya’y dinala sa bilangguan, na kung saan siya’y nakaranas ng napakasamang pagtrato. Nang sumapit ang panahon upang paglingkuran ko ang kongregasyong iyon, gumawa ako ng mga kaayusan upang bumaba sa tren sa maliit na istasyon ng Koivu. Doon ay isinaayos ni Sister Helmi Pallari na ako’y makapagpatuloy sa paglalakbay sakay ng isang kariton na ginagamit sa pagbibiyahe ng gatas. Isang tagumpay ang aking pagdalaw sa Rovaniemi Congregation. Subalit, nakaranas ako ng mga suliranin nang ako’y paalis na.
Sa aming pagpunta sa istasyon ng tren, ako at ang aking kasama ay napaharap sa dalawang tauhan ng militar na nagsusuri sa mga dokumento ng lahat ng dumaraan. “Huwag mo silang tingnan. Basta tumingin ka nang diretso,” ang sabi ko. Lumakad kami sa pagitan nila na parang hindi namin sila nakikita. Nang magkagayo’y hinabol nila kami. Sa wakas, sa istasyon ng tren, nagawa kong maiwasan sila sa karamihan at tumalon paakyat sa isang umaandar na tren. Punúng-punô ng nakabibiglang mga bagay ang gawaing paglalakbay noong mga araw na iyon!
Minsan ako’y inaresto at dinala sa lupon sa pangangalap ng mga sundalo. Ang intensiyon ay upang ipadala ako sa larangan ng labanan. Subalit nagkaroon ng tawag sa telepono, at ang opisyal ng hukbo na kakapanayam sana sa akin nang mga sandaling iyon ang siyang sumagot. Naririnig ko ang tinig sa kabilang dulo na sumisigaw: “Bakit patuloy kang nagpapadala rito ng mga lalaking ito na may sakit, walang silbi? Pinababalik lang namin sila. Kailangan namin ang mga lalaking kaya ang trabaho!” Salamat na lamang, may dala akong sertipiko ng isang doktor na nagsasaad ng tungkol sa naging karamdaman ko. Nang ipakita ko ito, pinayagan akong umalis at sa gayo’y naipagpatuloy ko ang aking paglilingkod sa mga kongregasyon!
Pagtulong sa Isang Paglilitis
Ang pagkahibang sa digmaan ay nagpatuloy, at inaresto ang aking kaibigan na si Ahti Laeste. Tinawagan ako ng kaniyang maybahay. Nang pumunta ako sa kanilang tahanan, nakasumpong ako sa kaniyang mga papeles ng isang dokumento mula sa lokal na pulisya na nagpapahintulot kay Ahti na iharap ang kaniyang isinaplakang mga pahayag sa pampublikong mga parke ng lunsod. Dumating kami sa hukuman taglay ang dokumento. Pagkatapos na mabasa nila ang demanda, iniabot ko ang dokumento kay Brother Laeste. Iniutos ng hukom sa isang sundalo na dalhin ang isang ponograpo at ang ilang isinaplakang mga pahayag sa Bibliya upang mapakinggan ng hukuman. Pagkatapos pakinggan ang bawat pahayag, sinabi ng hukom na wala naman siyang makitang anumang di-wasto sa mga sinabi.
Pagkatapos kami ni Ahti at ang kaniyang maybahay ay pinalabas sa pasilyo upang hintayin ang desisyon ng hukuman. Doon kami naghintay nang may pananabik. Sa wakas ay narinig namin ang isang tinig na ang sabi: “Ang akusado, pakisuyong pumasok sa bulwagan ng hukuman.” Si Brother Laeste ay pinawalang-sala! Kami’y punúng-punô ng pasasalamat kay Jehova habang kami’y nagpapatuloy sa aming gawain, sina Brother at Sister Laeste sa kanilang lokal na kongregasyon, at ako sa aking gawaing paglalakbay.
Natapos ang Digmaan—Nagpatuloy ang Aming Paglilingkuran
Inalis ang pagbabawal sa aming gawaing pangangaral nang matapos ang digmaan, at pinalaya ang mga kapatid buhat sa bilangguan. Sa maraming taon ng aking paglilingkuran, ako’y lubhang humanga sa papel na ginampanan ng mga kapatid na babaing Kristiyano sa gawaing pang-Kaharian at sa pagsuporta sa kani-kanilang asawa. Lalo nang napasasalamat ako sa mga pagsasakripisyo at pagsuporta ni Sylvi. Kaya naman, nakapagpatuloy ako sa gawaing paglalakbay nang may 33 taon tuluy-tuloy at pagkatapos ay naglingkod bilang isang special pioneer.
Pinatibay-loob namin ni Sylvi si Arto na magsimulang magpayunir pagkatapos niya ng pag-aaral, matuto ng Ingles, at mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos. Siya’y nagtapos sa Gilead noong 1953. Pagkatapos ay napakasal siya kay Eeva, at magkasama silang nakibahagi sa iba’t ibang anyo ng buong-panahong paglilingkuran, kasali na ang gawaing pansirkito, paglilingkuran sa Bethel, at pagiging mga special pioneer. Noong 1988 sila’y lumipat sa Tampere, ang lunsod na tinitirahan namin, upang tumulong sa pag-aalaga sa akin at kay Sylvi samantalang sila’y nagpapatuloy bilang mga special pioneer.
Kami ni Sylvi ay nagtamasa ng isang mayaman at pinagpalang buhay na punúng-punô ng mga alaala na magpapatibay-loob sa amin, bagaman ang aming lakas ngayon ay lubhang nabawasan na. Totoong kasiya-siya nga na pag-isipan ang paglago na aming nasaksihan. Nang ako’y nagsimulang dumalaw sa mga kongregasyon noong 1939, mayroong 865 mamamahayag ng Kaharian sa Pinlandya, subalit ngayon ay may mahigit na 18,000!
Hindi ko natalos noong 1938 nang magsimula ako sa buong-panahong ministeryo na pagkalipas ng 55 taon ay tatamasahin ko pa rin ang pagkakaroon ng bahagi rito. Sa kabila ng aming katandaan, kami’y nagpapatuloy dahil sa kapangyarihan ni Jehova, inaasam-asam ang ipinangakong gantimpala sa atin. Kami’y nagtitiwala sa mga salita ng salmista: “Si Jehova ay mabuti; ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang katapatan ay sa lahat ng sali’t salinlahi.”—Awit 100:5.
[Larawan sa pahina 21]
Sinagisagan nina Leo at Sylvi Kallio ang kanilang pag-aalay kay Jehova noong 1934
[Larawan sa pahina 23]
Isang kamakailang larawan nina Leo at Sylvi samantalang sila’y papalapit sa 60 taon ng naaalay na paglilingkuran