Ang Paraan ni Jehova ang Pinakamagaling na Paraan ng Pamumuhay
INILAHAD NI ERKKI KANKAANPÄÄ
SAPOL pa noong ako’y isang bata, ang aking tunguhin ay maglingkod sa sangay sa Pinlandiya ng mga Saksi ni Jehova, o Bethel kung tawagin. Kaya nang tanungin ako ng isang naglalakbay na tagapangasiwa noong tag-araw ng 1941, “Ano nga ang mga plano mo para sa hinaharap?” Ang tugon ko: “Sa tuwina ay nais ko pong maglingkod sa Bethel.”
“Mabuti pa’y kalimutan mo na ang mga pangarap na iyan; kailanman ay hindi ka aanyayahan doon,” aniya. Sa simula ako ay totoong nasiraan ng loob, ngunit pagkatapos ay ipinasiya kong ipaubaya na lamang ang bagay na iyon kay Jehova. Mga ilang buwan ang nakaraan, tumanggap ako ng isang paanyaya na maglingkod sa Bethel.
Ako ay isang mahiyain, 17-anyos na binatilyong probinsiyano nang tumimbre ako sa tanggapang sangay sa Helsinki sa isang napakaginaw, maaliwalas na araw ng Nobyembre noong 1941. Di-nagtagal at ako’y tinanggap ni Kaarlo Harteva, ang tagapangasiwa ng sangay. Noon ang sangay ay nangangasiwa sa 1,135 Saksi sa Pinlandiya.
Isang Pamanang Kristiyano
Noong 1914 ang aking ama ay nakakuha ng isang sipi ng publikasyon ng Watch Tower na The Divine Plan of the Ages. Subalit, hindi nagtagal noon at ang unang digmaang pagdaigidig ay sumiklab, at hindi niya nakuhang mabasa iyon.
Ang pagpupunyagi ng Pinlandiya na makamit ang pambansang kasarinlan ay lumikha ng mga suliranin. Dalawang malalakas na grupo—ang mga Puti at ang mga Pula—ang itinatag. Ang mga Puti ay kumakatawan sa mga kapitalista at sa mga nakaririwasa, samantalang ang mga Pula ay kumakatawan sa mga manggagawa. Ang aking ama ay nagsikap na huwag kumampi sa anumang panig, lubusang lumayo sa magkapuwa grupo. Gayunman, siya’y itinala ng magkabilang panig bilang kahina-hinala.
Gaya ng nangyari na nga, si Itay ay makalawang nahatulan ng kamatayan, una ng mga Puti at pagkatapos ay ng mga Pula. Minsan nang isang lalaki ang paslangin at ang salarin ay hindi mahuli, sampung mga lalaking kabataan kasali na ang aking ama, ang hinatulan ng kamatayan. Isa sa mga guro ng aking ama, na isang kagawad ng hurado, ang nagrekomenda na siya’y ipuwera, at iyon naman ay ipinagkaloob. Yaong siyam na kabataan ay pinatay.
Sa isa pang pagkakataon si Itay ay muling inilibre sa sintensiyang kamatayan. Pagkatapos niyan ay minabuti niyang magtago sa ilalim ng lupa, sa literal na paraan! Siya at ang kaniyang kapatid ay humukay ng isang taguan, na kung saan doon sila tumira hanggang sa matapos ang digmaan. Upang sila’y makapanatiling buháy, ang kanilang nakababatang kapatid na lalaki ang nagbigay sa kanila ng panustos na pagkain at inumin.
Nang matapos na ang digmaan noong 1918, si Itay ay nag-asawa at nagtayo ng tahanan malapit sa hinukay na taguang iyon. Nang malaunan ay nakilala kong mainam kung ano iyon, yamang nagsilbing laruan iyon para sa akin. Sinabi sa akin ni Itay na malimit siyang nananalangin doon samantalang nagtatago sa ilalim ng lupa. Kaniyang ipinangako sa Diyos na kung sakaling matututo siya kung papaano maglilingkod sa Kaniya, iyon ang gagawin niya.
Di nagluwat pagkatapos na pakasal, si Itay ay nagpasiyang magdala ng mababasa samantalang nagbibiyahe patungo sa kaniyang negosyo. Sa attic, kaniyang nasumpungan ang The Divine Plan of the Ages na kaniyang nabili mga taon na noon ang lumipas. Kaniyang binuklat iyon sa kabanatang “Ang Araw ni Jehova” at binasa iyon. Patuloy na sinabi niya sa kaniyang sarili: ‘Ito ang katotohanan, ito ang katotohanan.’ Nang pababa na siya sa attic, sinabi niya sa aking ina: “Natagpuan ko na ang tunay na relihiyon.”
Halos karaka-rakang nagsimula si Itay na mangaral sa iba tungkol sa bagay na kaniyang natutuhan, unang kinausap ang kaniyang mga kamag-anak at mga kapitbahay. Pagkatapos ay nagsimula siyang magbigay ng mga pahayag pangmadla. Hindi nagtagal at may sumamang iba sa kaniya na tagaroon sa kanilang lugar. Pagkatapos na makasama ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, si Itay ay nabautismuhan noong 1923. Nang kaming mga anak ay maisilang na—sa wakas ay naging apat kami—hindi nagtugot si Itay na turuan kami. Sa katunayan, pagkatapos na matatag ang isang kongregasyon, kami’y kinailangang dumalo sa bawat pulong.
Mga Alaala Noong Una
Ang maagang pangyayari na natatandaan ko pa ay isang asamblea na isinaayos sa aming sariling kongregasyon noong 1929, nang ako’y limang taóng gulang. Maraming tao ang nagkatipon buhat sa mga karatig na mga kongregasyon, at isang kinatawan buhat sa tanggapang sangay ang naroroon din. Noong mga kaarawang iyon ay isang kaugalian, kahit na lamang sa Pinlandiya, na ang mga bata ay pagpalain sa mga asamblea. Kaya ang mga bata ay pinagpala ng kapatid na taga-Bethel, gaya ng ginawa ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo. Hindi ko malilimot iyan.—Marcos 10:16.
Ang isa pang maagang pangyayari na natatandaan ko ay ang pagtanggap sa pangalang mga Saksi ni Jehova noong 1931. Ang aking ama, palibhasa’y alam niya ang kahalagahan ng okasyon, ay taimtim na binasa sa kongregasyon ang patalastas tungkol sa ating bagong pangalan.
Buhat sa natatandaan ko pa noong nakaraan, ako’y kasa-kasama ng aking ama sa pangangaral. Sa simula, nakikinig lamang ako sa kaniya, ngunit sa bandang huli ay ako na ang gumagawang mag-isa ng gawaing iyan. Noong 1935, nang dalawin kami ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, naparoon ako sa lahat ng aming mga kapitbahay at inanyayahan sila na dumalo sa pulong. Inalukan ko rin sila ng mga pulyeto, at ang mga ito ay tinanggap ng ilang mga tao.
Ang Paaralan at ang Isang Mahalagang Pasiya
Kaming apat na bata ang tanging nag-aaral doon na Saksi ang mga magulang, at malimit na kami’y tinutuya dahilan sa hindi kami sumasali sa mga ibang kabataan sa asal na labag sa pagka-Kristiyano. Bagaman sinubok ng aking mga kamag-aral na akitin akong manigarilyo, hindi ko ginawa iyon kailanman. Kami ay pakutya ring tinawag na mga Russellites (si Russell ang unang pangulo ng Watch Tower Society) o Hartevalites (si Harteva bilang tagapangasiwa ng sangay sa Pinlandiya). Nakatutuwang sabihin na may ilang mga kabataan na tumuya sa amin noong una ang sa wakas ay naging mga Saksi.
Ako’y hinimok ng aking guro na magpatuloy sa aking pag-aaral, at minsan ay pinag-isipan ko ring maging isang inhinyero. Subalit noon ay may isang kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova sa Pori noong tagsibol ng 1939, na gumawa ng isang malaking pagbabago sa aking buhay. Kami ng aking bunsong kapatid na si Tuomo, ay nag-alay ng aming sarili kay Jehova at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig sa kombensiyong iyon noong Mayo 28, 1939. Pagkatapos, maaga noong Setyembre, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II.
Ang mga kalagayan sa Europa ay nagbago nang malaki. Ang situwasyon sa pagitan ng Pinlandiya at Unyon Sobyet ay naging maselan. Idiniin ng aking ama na palapít nang palapít ang Armagedon at kami’y hinimok na magpayunir. Kaya, noong Disyembre 1940, kami ng aking kapatid ay nagsimulang magpayunir sa hilagang Pinlandiya.
Pagpapayunir at Paglilingkod sa Bethel
Samantalang nagpapayunir, kami’y namuhay sa kalakhang bahagi ng panahon kasama ni Yrjö Kallio. Siya’y isang kapatid na lalaki na, mga 30 taon bago pa noon, ay naging isang Estudyante ng Bibliya sa Pennsylvania sa Estados Unidos. Si Yrjö ay may labis na kasiglahan ng puso, at ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang bigyan kami ng kaayaayang kapaligiran. Ang kaniyang kapatid sa laman, si Kyösti Kallio, ay nagsilbi bilang pangulo ng Pinlandiya mula 1937 hanggang 1940. Sinabi sa amin ni Yrjö na ang kaniyang kapatid ay nabigyan niya ng isang lubusang patotoo, na nagpaliwanag sa kaniya na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa para sa pagkakaroon ng mabuting pamahalaan at ng walang-hanggang pambuong-daigdig na kapayapaan.
Habang lumalakad ang panahon, ang aking hangarin na maging isang miyembro ng pamilyang Bethel ay tumindi. Nakatutuwa naman, sa kabila ng paalaala ng naglalakbay na tagapangasiwa na huwag akong patuloy na umasa, ang aking aplikasyon na maglingkod sa Bethel ay tinanggap. Ang unang trabaho ko roon ay ang magsilbing pinaka-utusan. Ngunit, hindi nagtagal at binigyan ako ng pribilehiyo na magtrabaho sa pabrika. Doon ay nagtrabaho ako sa maraming departamento, kasali na ang aming munting pressroom at Shipping Department.
Sa Pananatiling Walang Pinapanigan
Noong 1942, sa edad na 18, ako’y tinawag para sa pagseserbisyo sa hukbo. Palibhasa’y tinanggihan ko iyon, nakaranas ako ng mahahabang sesyon na ako’y pinagtatanong, sa dalawang pagkakataon ay may isang baril pang nakatutok sa akin. Sa ibang mga panahon naman ay dumanas ako ng pisikal na karahasan. At, sa mga sandali ng pag-uusisa sa akin, doon ako inilagay sa isang walang pampainit na selda ng bilangguan na kung saan napakaginaw.
Sa wakas, noong Enero 1943, dumating ang panahon ng paggagawad ng sentensiya sa akin at sa iba pang mga Saksi. Ang opisyal ng hukbo na nagharap sa amin ng mga katanungan ay nag-utos na kami’y mabilanggo nang di-kukulangin sa sampung taon. Ang ibig ng kapelyan ng hukbo ay isang lalong mabigat na sentensiya, na humihiling sa isang liham ng ‘sentensiyang kamatayan o pagpapadala sa mga traidor na ito sa Rusya bilang manggagalugad na mga parakaylista [halos tiyak na ang kamatayan], na parusang karapat-dapat sa kanila.’
Isang kunwang paglilitis ang isinaayos. Ako’y tinawag sa harap ng hukuman at binigyan ng sentensiyang kamatayan. Datapuwat, ito’y isa pang pagsisikap na manakot, yamang sa dakong huli ng araw na iyon ako’y tinawag muli sa harap ng hukuman at senintensiyahan ng tatlo at kalahating taon sa piitan. Ang sentensiya ay aking inapela, at iyon ay ginawang dalawang taon na lamang.
Sa bilangguan, kapos ang pagkain, at may mahahalay na pagbabanta buhat sa ibang mga preso. Makalawang inatake ako ng mga bakla, ngunit mabuti naman at ako’y nakatakas. Isa sa kanila ang nagbanta na papatayin ako kung hindi ako papayag sa kanilang kahilingan. Subalit gaya ng ginawa ko sa lahat ng pagsubok sa akin, ako’y nanawagan kay Jehova at kaniyang tinulungan ako. Sa totoo, ang banta ng preso ay hindi isang biru-birong bagay, sapagkat siya’y nakapatay na. Pagkatapos na siya’y palayain, ang taong iyon ay gumawa ng isa pang pamamaslang at muling ibinalik sa bilangguan.
Walang alinlangan na dahilan sa kilala ang mga Saksi ni Jehova na mapagkatitiwalaan kung kaya di-nagtagal at ako’y ginawang isang bilanggong katiwala. Ang trabaho ko ay magbigay ng mga rasyon ng pagkain sa ibang mga preso, at ako’y pinayagan na malayang makapagparoo’t parito sa looban ng bilangguan. Kaya naman, ako’y hindi lamang nagkaroon ng sapat na pagkain para sa aking sarili kundi nagawa ko ring tingnan na ang aking mga kapatid na Kristiyano ay pinangangalagaang mabuti. Isang kapatid ang tumaba pa nga samantalang nasa bilangguan, isang pambihirang pangyayari dahil sa kasalatan sa pagkain!
Ako’y pinalaya sa bilangguan noong Setyembre 1944, kasabay ni Brother Harteva. Ang pagkapalaya sa akin ay nangangahulugan ng pagbabalik sa paglilingkod sa Bethel. Naisip ko sa aking sarili: ‘Ang pagtatrabahong puspusan nang 16 na oras maghapon sa Bethel ay lalong higit na kanais-nais kaysa buhay sa bilangguan.’ Magmula noon ay hindi ako tumatanggi sa trabaho!
Sari-saring mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
Noong dakong huli ng 1944, nakilala ko si Margit, isang magandang kabataang payunir, na tumugon nang ipakita kong ako’y interesado sa kaniya, at kami’y ikinasal noong Pebrero 9, 1946. Nang unang taon namin bilang mag-asawa, ako’y naglingkod sa Bethel samantalang si Margit naman ay naglingkod sa Helsinki bilang isang payunir. Pagkatapos noong Enero 1947 kami’y naatasan sa gawaing pansirkito.
Sa gawaing paglalakbay, malimit na kami’y nakikituloy sa mga pami-pamilya at umuokupa sa isang kuwarto kasama nila. Batid namin na ang kanilang inilaan sa amin ay yaong pinakamagaling na maipagkakaloob nila, at kailanman ay hindi kami nagreklamo. Ang mga sirkito ay maliliit noong mga araw na iyon, at ang ibang mga kongregasyon ay walang bautismadong mga Saksi kahit isa!
Noong 1948 kami’y inanyayahan na bumalik sa paglilingkod sa Bethel. Makalipas ang dalawang taon si Wallace Endres ay dumating sa Pinlandiya galing sa Estados Unidos, at hindi nagtagal pagkatapos ay inatasan siya bilang tagapangasiwa ng sangay. Masiglang hinimok niya kami na magpatuloy ng pag-aaral ng Ingles, na ginawa namin. Sa gayon, kami’y inanyayahan na mapabilang sa ika-19 na klase ng mga misyonero ng Watchtower Bible School of Gilead na nagsimula sa South Lansing, New York, noong Pebrero 1952.
Pagkatapos ng gradwasyon kami’y muling inatasang bumalik sa Pinlandiya. Gayunman, bago kami lumisan sa Estados Unidos, ako’y sinanay ng pagtatrabaho sa mga palimbagan sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
Nang kami’y bumalik na sa Pinlandiya, kami’y inatasan sa gawaing paglalakbay, subalit noong 1955 kami’y inanyayahan na bumalik sa sangay sa Pinlandiya. Nang taóng iyon ako’y naging tagapangasiwa ng pabrika, at dalawang taon ang nakalipas, noong 1957, ako’y inatasan na tagapangasiwa ng sangay. Magmula noong 1976, ako’y nagsilbing coordinator ng Komite ng Sangay sa Pinlandiya.
Nakatutuwa naman, kapuwa ang aking ama at ina ay nanatiling tapat kay Jehova hanggang sa kanilang kamatayan. Sa paglakad ng panahon, mahigit na isang daan sa mga kamag-anak ni Itay ang naging mga Saksi. At magpahanggang sa araw na ito, ang aking kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at ang kani-kanilang mga pamilya ay pawang naglilingkod kay Jehova, isa sa aking mga kapatid na babae ang payunir.
Isang Mayaman, Kapaki-pakinabang na Buhay
Ang mga taon ay pulos gawain at higit pang gawain, ngunit ang gawain, yamang ito’y gawain ng Diyos, ay mayaman at kapaki-pakinabang nga. (1 Corinto 3:6-9) Ang aking buhay sa anumang paraan ay hindi pawang kaginhawahan at kaalwanan. Nagkaroon din naman ng mga suliranin at mga kahirapan. Maagang-maaga sa buhay, natalos kong ikaw ay kailangang matuto na dumisiplina sa iyong sarili. Hindi mo laging magagawa ang anumang gusto mo. Kadalasan ako’y itinutuwid, at unti-unting natutuhan ko ang tamang paraan ng pamumuhay.
Halimbawa, ang mga pagsubok at mga kakapusan na dinanas noong panahon ng digmaan ay nagturo sa akin na mamuhay ng walang mga luho. Natuto akong kilanlin kung ang isang bagay ay talagang kinakailangan o hindi. Taglay ko pa rin ang ugaling pagtatanong sa aking sarili kung kailangan ko ito o iyon. At pagkatapos pagka natalos ko na hindi lubhang mahalaga pala, hindi ko binibili iyon.
Ang patnubay na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay maliwanag na makikita. Nagkaroon ako ng kagalakan na masaksihan ang pagdami ng mga Saksi ni Jehova sa panahon ng paglagi ko sa sangay sa Pinlandiya mula sa 1,135 hanggang sa mahigit na 18,000! Oo, nakikita ko na ang aking gawain ay pinagpala, ngunit batid ko na ito ay pinagpala dahilan sa ang gawain at ang kapakanan nito ay kay Jehova, hindi atin. (1 Corinto 3:6, 7) Maaga sa buhay ang pinili ko ay ang paraan ni Jehova, at talaga namang napatunayan na ito ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay.
[Larawan sa pahina 23]
Si Erkki Kankaanpää ngayon, kapiling ang kaniyang maybahay na si Margit