Pinahahalagahan Mo ba ang Bibliya?
MAHIGIT na 200 taon na ngayon ang lumipas, si Mary Jones ay isinilang sa Llanfihangel, isang malayong nayon sa Wales malapit sa baybaying Atlantico. Ang kaniyang mga magulang ay mga dukhang manghahabi—napakadukha upang mag-ari ng isang Bibliya. Subalit kanilang ikinintal sa kanilang anak ang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng paglalahad sa kaniya ng mga kuwento sa Bibliya at pag-uulit sa mga tekstong natatandaan nila. Malimit na binabasa ni Mary ang Bibliyang Welsh ng isang kapitbahay at siya’y nagsimulang mag-ipon ng maliit na halagang makakaya niya, anupat determinadong bumili ng sarili niyang kopya.
Noong taóng 1800, nang si Mary ay 16, nabalitaan niya na may ilang Bibliyang Welsh na ipinagbibili sa isang lugar na 40 kilometro ang layo sa munting bayan ng Bala. Palibhasa’y may lakas ng loob, ipinasiya niyang maglakad patungo roon. Ito’y ginawa niya, anupat naglakad sa mga burol nang nakayapak lamang. Gayunman, pagdating niya roon, nabili na ang lahat ng kopya. Napag-alaman din ni Mary na totoong maliit ang naipon niyang pera.
Lubhang naantig ang damdamin ng lokal na pastor dahil sa kaalaman at pag-ibig ni Mary sa Bibliya. Nang makitang siya’y napaluha dahil sa kabiguan matapos ang lahat ng kaniyang pagsisikap, may kabaitang ibinigay ng pastor kay Mary ang kaniyang sariling kopya, na ang sabi: “Basahin mo itong mabuti, pag-aralan nang buong sikap, pakaingatan ang sagradong mga salita sa iyong alaala, at mamuhay ka nang ayon sa mga turo nito.”
Ang kuwentong ito nang malaunan ay inilahad sa isang pulong ng Committee of the Religious Tract Society of London. Doon ay napagpasiyahang maglaan ng mga salin ng Bibliya hindi lamang sa mga taga-Wales kundi sa buong daigdig. Ang payak na pasimulang ito ang pinagmulan ng una sa maraming samahan ng Bibliya noong ika-19 na siglo. Mula noon, naging malimit na ang paglabas ng mga kopya ng Bibliya sa wikang banyaga.
Sa ngayon, ang Watch Tower Bible and Tract Society, na naging isang korporasyon noong 1884, ay naglilimbag ng mga Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa mahigit na 200 wika. Sa buong daigdig, nakapamahagi ito ng 72 milyong kopya ng modernong-wikang New World Translation of the Holy Scriptures. Isinalin buhat sa orihinal na Hebreo at Griego, ang New World Translation ay makukuha ngayon nang buo o ang isang bahagi sa 18 na wika at sa kasalukuyan ay isinasalin sa 12 na karagdagan pang mga wika.
Ngayong ang Bibliya’y halos maaari nang makuha ng lahat, papaano mo minamalas iyon? Pinahahalagahan mo ba ang Bibliya? Mayroon ka bang isang kopya na iyong pinakaíingat-ingatan at binabasa?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Buhat sa aklat na The Story of Mary Jones and Her Bible