Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 6/1 p. 19-23
  • Sila ay Halimbawa Para sa Amin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sila ay Halimbawa Para sa Amin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkatuto ng mga Katotohanan sa Bibliya
  • Pagpapayunir sa Australia
  • Inanyayahan sa Isang Banyagang Larangan
  • Pag-aasawa, Pagbabawal, at Digmaan
  • Ang Buhay sa mga Kampong Piitan
  • Ang Kalayaan at ang Pambihirang Muling Pagkikita
  • Bumalik sa Australia
  • Isang Pagpili na Hindi Ko Pinagsisihan
    Gumising!—1989
  • Ako’y Nagpapasalamat na Ako’y Nakaligtas
    Gumising!—1992
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Bahagi 3—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 6/1 p. 19-23

Sila ay Halimbawa Para sa Amin

AYON SA PAGKALAHAD NI CRAIG ZANKER

Kami ng aking maybahay, si Gayle, ay may walong taon nang mga payunir, buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nang huling anim, kami ay naglilingkod sa populasyong Aboriginal sa iláng na mga lugar sa Australia. Tinutularan lamang namin ang mainam na halimbawang ipinakita sa amin ng aking mga magulang at mga nuno.

HAYAAN ninyong ilahad ko sa inyo lalung-lalo na ang tungkol sa aking mga nuno. Sa tuwina’y mapagmahal naming tinatawag sila na Opa at Oma, ang katumbas sa wikang Olandes ng lolo at lola. Ang aking lolo, si Charles Harris, ay masigasig na naglilingkod pa rin sa Melbourne, na kung saan siya’y nanirahan nang halos 50 taon.

Pagkatuto ng mga Katotohanan sa Bibliya

Si Opa ay isinilang sa isang munting bayan sa Tasmania, ang islang estado ng Australia. Noong 1924, nang siya ay 14 anyos, bumili ang kaniyang tatay ng isang kaban ng magdaragat sa isang subasta. Iyon ay naging isang tunay na kabang-yaman, sa pananalitang espirituwal, sapagkat iyon ay may laman na mga aklat na isinulat ng unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, si Charles Taze Russell.

Waring hindi gaanong interesado sa mga aklat ang tatay ni Opa, subalit sinimulang basahin ni Opa ang mga iyon at agad nakilala na taglay ng mga iyon ang mahahalagang katotohanan ng Bibliya. Kaya sinimulan niyang hanapin ang mga International Bible Student, mga kinatawan ng mga tagapaglathala ng aklat na ngayon ay kilala bilang mga Saksi ni Jehova. Nais niyang makausap sila upang siya’y makatanggap ng higit pang paliwanag tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya na natututuhan niya.

Pagkatapos ng maraming pagtatanong natagpuan niya ang tatlong may edad nang mga babae na masigasig sa pagtuturo sa iba. Sila’y nagkaroon ng malaking impluwensiya sa batang si Charles. Sa wakas, noong 1930, siya’y nag-alay ng sarili sa Diyos na Jehova at nabautismuhan sa tubig. Siya’y nagbitiw sa kaniyang trabaho bilang isang magkakarne at naglakbay pahilaga patungo sa Sydney, na kung saan tinanggap niya ang atas bilang isang buong-panahong ebanghelisador.

Pagpapayunir sa Australia

Nang sumunod na ilang taon, kasali sa mga teritoryong pinangangaralan ni Charles ay ang tabing-dagat ng Sydney sa karatig-lunsod ng Bondi gayundin ang mga lugar ng sakahan sa estado ng New South Wales. Pagkatapos ay naatasan siyang maglingkod sa Perth, Western Australia, na libu-libong milya ang layo sa kabilang panig ng kontinente. Siya’y nagpatotoo nang may anim na buwan sa sentro ng komersiyo sa Perth, at pagkatapos, kasama ang dalawa pang payunir, siya’y naatasang gumawa sa mga lugar na malalawak at layu-layo ang mga naninirahan sa hilagang-kanlurang Australia.

Ang teritoryo ng tatlong ito​—sina Arthur Willis, George Rollsten, at Charles​—ay makaapat ng laki ng Italia! Layu-layo ang mga naninirahan, ang kabukiran ay iláng, at matindi ang init. Kung minsan ay kailangang maglakbay ng mahigit sa 500 kilometro sa pagitan ng mga rantso, na tinatawag na mga cattle station. Sira-sira na ang sasakyang ginagamit nila, kung ihahambing sa pamantayan noong 1930, ngunit sila’y may matibay na pananampalataya at matinding determinasyon.

Sala-salabat ang mga bakas ng mga kamelyo sa makikitid, baku-bakong mga daan, at saanman ay nakakalat ang pinong alikabok (tinatawag na bulldust) na tumatakip sa mapanganib na mga tuod ng mga punungkahoy. Hindi kataka-taka na ang mga muwelye ng kotse ay kadalasang nasisira. Ang ehe sa hulihan ay makalawang nabali, at ang gulong ay nabutas nang maraming beses. Malimit na ang mga payunir ay gumagawa ng mga lining buhat sa mga lumang gulong at ikinakabit ang mga ito sa loob ng nagagamit pang gulong sa pamamagitan ng mga tornilyo upang makapagpatuloy sa kanilang paglalakbay.

Nang ako’y isa pa lamang binatilyo, tinanong ko si Opa kung ano ang nagpalakas-loob sa kanila upang magpatuloy sa ilalim ng gayong kahirap na mga kalagayan. Ipinaliwanag niya na sa kanilang pagkakabukod sa mga tao ay naroroon ang pagkamalapit kay Jehova. Ang kung minsan ay pisikal na kahirapan, aniya, ay naging espirituwal na pagpapala.

Samantalang hindi nagpapahiwatig ng kataasan o ng pagkamatuwid-sa-sarili, si Opa ay nagpahayag ng pagtataka sa labis na pagkabahala ng maraming tao sa pagtatamo ng materyal na mga ari-arian. “Ang buhay,” paalaala niya sa akin, “ay mas mainam na tahakin nang kakaunti lamang ang dala-dalahan. Kung si Jesus ay handang matulog sa labas kapag kinakailangan, kung gayon ay dapat na maging maligaya tayo na gayundin ang gawin kung hinihiling ng atas sa atin.” (Mateo 8:19, 20) At, totoo naman, ganoon ang ginawa niya at ng kaniyang mga kasama.

Inanyayahan sa Isang Banyagang Larangan

Noong 1935, si Opa ay tumanggap ng isang bagong atas sa pangangaral​—ang magpatotoo sa mga pulo ng South Pacific. Kasama ang anim pang tripulante, siya’y naglayag sakay ng 16 na metrong bangkang de layag na Lightbearer na pag-aari ng Samahang Watch Tower.

Minsan, samantalang nasa Coral Sea sa gawing hilaga ng Australia, nasira ang isa pang makina ng Lightbearer. Noon ay walang kahangin-hangin, kaya sila’y napasadsad maraming milya ang layo buhat sa lupa. Bagaman may panganib na lumubog ang kanilang sasakyan sa Great Barrier Reef, si Opa ay humanga sa lubos na katahimikan. “Ang dagat ay mistulang isang batis,” isinulat niya sa kaniyang talaarawan. “Hindi ko malilimutan kailanman ang paglubog ng araw gabi-gabi sa kalmadong dagat na iyon. Napakaganda ng tanawin anupat iyon ay nakaukit sa aking alaala sa lahat ng panahon.”

Nakatutuwa naman, bago sila mapadpad sa batuhan, bumalik ang hangin, at sila’y naglayag nang ligtas patungo sa Port Moresby, Papua New Guinea, na kung saan ipinakumpuni nila ang makina. Mula sa Port Moresby sila’y naglayag patungong Thursday Island at pagkatapos patungong Java, isang malaking isla ng Indonesia. Si Opa ay tinubuan ng matimyas na pag-ibig sa bansang ito na inilarawan na “isang kuwintas ng mga perlas na nakabitin sa kahabaan ng ekwador.” Noon, ang Indonesia ay isang kolonya ng mga Olandes, kaya ang lolo ay natuto kapuwa ng wikang Olandes at Indonesian. Gayunman, ang iniaalok niyang literatura sa kaniyang gawaing pangangaral ay nasa limang wika: Olandes, Indonesian, Intsik, Ingles, at Arabe.

Si Opa ay lubhang matagumpay sa pagpapasakamay ng mga literatura sa Bibliya. Minsan si Clem Deschamp, na nangangasiwa noon sa bodega ng Watch Tower sa Batavia (ngayon ay Djakarta), ay ipinatawag upang humarap sa isang opisyal na Olandes na masugid na nagmamasid sa aming pangangaral. “Ilan ba ang mga tauhan mo sa East Java?” ang tanong ng opisyal.

“Iisa lamang po,” ang tugon ni Brother Deschamp.

“Inaasahan mo bang paniniwalaan ko iyan?” ang sigaw ng opisyal. “Tiyak na marami kang manggagawa roon, batay sa dami ng inyong literatura na naipamahagi sa lahat ng dako!”

Nadama ni Opa na iyon ang isa sa pinakakasiya-siyang papuring nakamit niya sa kaniyang buhay. Ngunit talagang karapat-dapat iyon sa kaniya, yamang karaniwan nang siya’y nakapagpapasakamay ng mula 1,500 hanggang 3,000 piraso ng literatura bawat buwan.

Pag-aasawa, Pagbabawal, at Digmaan

Noong Disyembre 1938, napakasal si Opa sa isang dalagang taga-Indonesia na nagngangalang Wilhelmina, na siyang naging lola ko. Si Oma, o lola, ay mabait, mahinhin, masipag, at malumanay magsalita. Alam ko, sapagkat siya ang pinakamatalik kong kaibigan noong ako ay bata pa.

Pagkatapos na sila’y makasal nagpatuloy sina Opa at Oma sa kanilang pagpapayunir nang magkasama. Nang panahong iyon ang ibang tripulante ng Lightbearer ay alinman sa nagsipangalat na sa ibang panig ng daigdig o nagsiuwi na. Subalit ang Indonesia ay itinuring ni Opa na kaniyang tahanan, at siya’y desididong mamalagi roon.

Habang papalapit ang Digmaang Pandaigdig II, ang pamahalaang Olandes na namamahala sa Indonesia, at kumikilos sa udyok ng panggigipit buhat sa klero, ay nagsimulang magpairal ng paghihigpit sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, hanggang sa wakas ay ipagbawal ang aming gawain. Kaya naging mahirap ang pangangaral, na Bibliya lamang ang ginagamit. Sa halos bawat bayan na dinalaw nina Opa at Oma, sila’y kinaladkad sa harap ng mga opisyal at pinagtatatanong. Sila’y pinakitunguhan na mistulang mga kriminal. Hindi nagtagal pagkatapos na magkaroon ng pagbabawal, nabilanggo ang bayaw ni Oma dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad. Namatay siya sa isang bilangguang Olandes.

Nanirahan sina Opa at Oma sa isang trak na kinabitan ng bagon upang maging tirahan. Samantalang ginagamit ang mobile home na ito, sila’y nangaral sa buong Java. Noong 1940, samantalang nagbabanta ang pagsalakay ng hukbong Hapones, sila’y pinagpala sa pagkakaroon ng isang anak na babae, na siyang naging aking ina. Ang sanggol ay pinanganlan nila ng Victory, kuha sa pamagat ng pahayag ng presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society na si J. F. Rutherford, mga dalawang taon na ang nakaraan. Sila’y patuloy na nagpayunir hanggang sa pagsilang ng sanggol.

Maaga noong 1942, sina Opa, Oma, at Victory ay sakay ng pangkargadang barkong Olandes pabalik galing sa Borneo nang marinig ang isang malakas na putok ng baril buhat sa isang barkong panggera ng Hapón. Namatay ang lahat ng ilaw, at nagsigawan ang mga tao. Sa ganitong paraan dumating ang digmaan sa buhay ng aking pamilya. Bagaman sila’y ligtas na nakabalik sa daungan, lumusob ang mga Hapones sa Java pagkaraan lamang ng ilang araw, at ipinagbigay-alam ng isang opisyal na Olandes sa mga sundalong Hapones ang kinaroroonan nina Opa at Oma.

Nang sila’y matagpuan ng mga Hapones, sila’y inalisan ng kanilang mga ari-arian, kinuha pati na ang mga laruan ng munting si Victory, at dinala sila sa dalawang magkaibang kampong piitan. Si Victory ay pinayagang makasama ni Oma, at hindi na sila nakita pa ni Opa sa sumunod na tatlo at kalahating taon.

Ang Buhay sa mga Kampong Piitan

Sa panahon ng kaniyang pagkakulong, si Opa ay inilipat sa sunud-sunod na bayan​—mula sa Surabaja hanggang sa Ngawi, hanggang sa Bandung, at sa katapus-tapusan sa Tjimahi. Ang patuloy na paglipat na ito ay upang pigilin ang anumang pagtatangka ng isang organisadong plano sa pagtakas. Ang karamihan ng mga preso ay Olandes, may kahalong ilang Britano at ilang Australiano. Samantalang nasa mga kampo, natutuhan ni Opa ang pagbabarbero, isang kasanayan na ginagamit pa rin niya paminsan-minsan. Ang tanging aklat relihiyoso na pinayagan siyang taglayin ay ang Bibliya​—ang kaniyang King James Version.

Samantala, sina Oma at Victory ay inililipat-lipat din sa mga kampo. Sa mga kampong ito ang mga babae ay sinasabihan ng komandante ng kampo upang maglingkod sa labas para sa “mga serbisyong panlipunan.” Subalit, sa ilang kadahilanan, si Oma ay hindi napili kailanman. Nang bandang huli ay napag-alaman niya na inilalabas ang mga babae upang magsilbing mga prostitute para sa mga sundalong Hapones.

Yamang hindi gusto ng mga sundalong Hapones ang mga batang babae, si Victory ay palaging binibihisan ni Oma ng damit na panlalaki at ginugupit nang maikli ang kaniyang buhok. Ang pangalang Victory ay pinagmulan ng malaking gulo nang ibig malaman ng komandante ng kampo ang kahulugan ng pangalan​—Victory para sa Imperial Japanese Army o Victory para sa mga Amerikano?

“Victory para sa Kaharian ng Diyos laban sa lahat ng makalupang mga pamahalaan!” ang may pagmamalaking tugon ng aking lola.

Bilang parusa sa pagtangging sabihing, “Victory para sa Imperial Japanese Army,” si Oma at ang kaniyang limang-taóng-gulang na anak ay sapilitang pinatayo nang tuwid at handa sa loob ng walong oras sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Walang lilim, walang tubig, hindi uupo, hindi yuyukyok. Subalit sa tulong ni Jehova ay nakatagal sila sa kakila-kilabot na parusang ito.

Isang taon pagkatapos na makulong si Oma, sinabi sa kaniya ng komandante ng kampo na namatay na ang kaniyang asawa! Malungkot na inilagay niya ang larawan ni Opa sa ilalim ng kaniyang luma at sira nang maleta at siya’y nagpatuloy, sa kabila ng kaniyang pamimighati.

Mahirap ang buhay sa kampong piitan. Ang pang-araw-araw na rasyon para sa bawat tao ay isang tasang balinghoy para sa almusal, 190 gramo ng tinapay na gawa sa sago para sa pananghalian, at para sa hapunan, isang tasang kanin na may sopas na gulay. Dahilan sa gayong kapus-na-kapos na rasyon, pangkaraniwan na ang malnutrisyon, at araw-araw ay may mga biktima ng disinterya na namamatay.

Nang nakakulong si Opa, siya’y nagkasakit ng pellagra at nutritional edema (sakit na sanhi ng pagkagutom). Halos mamatay rin si Oma, yamang malimit na ibinibigay niya kay Victory ang kaniyang pagkain upang ang bata ay huwag mamatay ng gutom. Ang kalupitan at gutom ay laging naroroon. Sila’y nakaligtas lamang dahil sa pananatiling malapít sa kanilang Diyos, si Jehova.

Tandang-tanda ko ang isa sa paboritong kasabihan ni Opa: “Ang kalayaan ay ang pagiging kasuwato ng Banal na Isa, si Jehova.” Sa gayon, itinuring ni Opa ang kaniyang sarili na malaya sa tunay na diwa kahit na nagtitiis ng malupit na pagkabilanggo. Ang pag-ibig na taglay nila ni Oma para kay Jehova ay nakatulong sa kanila na ‘pagtiisan ang lahat ng bagay.’ (1 Corinto 13:7) Ang malapít na kaugnayang iyan sa Diyos ang sinisikap naming mapanatili ngayon ni Gayle.

Ang Kalayaan at ang Pambihirang Muling Pagkikita

Sa wakas, ang Digmaang Pandaigdig II ay natapos noong 1945. Di-nagluwat pagkatapos sumuko ng Hapón, si Opa ay ibiniyahe sakay ng tren. Habang naglalakbay mula sa Djakarta patungong Bandung, ang tren ay pinahinto ng mga sundalong Indonesian. Bagaman ang pakikipaglaban sa mga Hapones ay tapos na, nakikipaglaban pa rin ang mga Indonesian upang makamit ang kasarinlan buhat sa mga Olandes. Ganiyan na lamang ang pagtataka ni Opa sa biglaang pagkuha sa kaniya sa tren anupat nakalimutan niyang magsalita ng Ingles at sa halip ay nagsimulang magsalita sa wikang Olandes. Para sa mga Indonesian, ang Olandes ay wika ng kaaway, at ang kaaway ay kailangang patayin.

Mabuti na lamang, samantalang kinakapkapan ng mga sundalo si Opa, nakita nila ang kaniyang lisensiya sa pagmamaneho sa Australia, na tuluyan na niyang nakalimutan. Nakatutuwa naman, hindi nakikipagdigma ang mga Indonesian sa Australia. Magpahanggang sa araw na ito, ang pagkatuklas sa lisensiya na nagpapatunay sa kaniyang pagkamamamayang Australiano ay itinuturing ni Opa na pagkilos ng Diyos, sapagkat sa mismong hintuang iyon, mga ilang oras lamang ang nakalipas, pumatay ang mga sundalo ring iyon ng 12 Olandes na dumaraan doon sakay ng tren.

Di-nagtagal pagkatapos ng pangyayaring ito, sina Oma at Victory ay naghihintay ng mga sasakyan na maglilipat sa kanila buhat sa mga lugar na sinalanta ng digmaan. Samantalang sila’y nakaupo sa tabi ng daan, walang-humpay ang pagdaan ng mga trak na may sakay na mga sundalo at mga sibilyan. Biglang-bigla, sa walang anumang kadahilanan, huminto ang mga trak. Nagkataon naman na si Oma ay tumingin sa hulihan ng pinakamalapit na trak, at doon, sa labis na pagtataka, nakaupo ang isang lalaking halos buto’t balat na agad niyang nakilala. Iyon ay ang kaniyang asawa! Walang mga salita ang makapaglalarawan ng nadama nila sa kanilang muling pagkikita.

Bumalik sa Australia

Nang bumalik sa Australia ang lolo kasama ang kaniyang pamilya noong 1946, pagkatapos manirahan sa Indonesia nang 11 taon, hindi naging madali para sa kanila ang buhay. Sila’y bumalik bilang mga takas ng digmaan​—hikahos, dumaranas ng malnutrisyon, at pinaghihinalaan ng maraming tagaroon. Sina Oma at Victory ay kinailangang magtiis dahil sa pagtatangi ng lahi laban sa mga dayuhang taga-Asia. Si Opa ay kinailangang puspusang magpagal nang mahahabang oras upang mapangalagaan ang kaniyang pamilya at paglaanan sila ng isang tahanan. Sa kabila ng mga kahirapang ito, sila’y nagtiis at nakaraos naman nang hindi nanghina ang kanilang espirituwalidad.

Ngayon, makalipas ang mahigit na 48 taon, si Opa ay naninirahan sa Melbourne, na kung saan siya’y masigasig na nakikibahagi pa rin sa ministeryo sa bahay-bahay. Nakita niya nang tanggapin ni Victory at ng kaniyang mga anak ang katotohanan, ialay ang kanilang buhay kay Jehova, at bawat isa ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod bilang payunir.

Si Des Zanker, na siyang naging aking ama, at si Victory ay nabautismuhan noong maagang mga taon ng 1950, at si Des ay naging isang miyembro ng pamilyang Bethel ng Australia noong 1958. Pagkatapos na napakasal siya kay Victory, na naglilingkod bilang isang special pioneer, sila’y nagpayunir nang sandali at pagkatapos ay inanyayahan sa ministeryo ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. At saka ako isinilang, at sila’y kinailangang huminto sa gawaing paglalakbay upang palakihin ako. Gayunman, pagkaraan ng 27 taon, si Itay ay nagpapayunir pa rin.

Maaga noong 1990, si Oma ay mapayapang namatay sa tahanan, sa mismong bahay na kinalakhan ng aking ina. Ako man ay pinalaki rin sa bahay na iyon sa Melbourne, gayundin ang aking nakababatang kapatid na lalaki at babae. Naging isang tunay na pagpapala para sa aming pamilya ang magkasama-sama sa isang bahay. Kung minsan ay siksikan nga, subalit wala akong natatandaan na nagdulot iyon ng pagkabahala. Kahit na noong unang apat na taon ng aming pagsasama, ang aking maybahay, si Gayle, ay nasanay na at nasiyahan doon. Nang sa wakas ay lumisan kami patungo sa aming bagong atas, ako’y napaluha. Ako’y tumanggap ng napakalaking suporta at pag-ibig sa bahay na iyon.

Gayunman, kami ngayon ni Gayle ay may dahilan upang labis na magalak, sapagkat nagagawa namin ang ginawa ng aking mga magulang at ng kanilang mga magulang na nauna sa kanila. Nang kami’y lumisan sa tahanan, nakasumpong kami ng kaaliwan sa dahilan ng aming pag-alis, na iyon ay upang gawin ang kalooban ni Jehova sa buong-panahong paglilingkuran. Sinisikap naming tularan ang mainam na halimbawa ng aming tapat na mga ninuno, na nakasumpong ng nakakatulad na kaaliwan nang gumagawa sa mga mahihirap na atas, nang dumaranas ng sukdulang karalitaan, at kahit na nang ikulong sa mga kampong piitan ng Hapones sa loob ng maraming taon.​—2 Corinto 1:3, 4.

Si Opa ay laging nakasumpong ng kaaliwan sa kinasihang mga salita ni Haring David kay Jehova: “Ang iyong maibiging-kabaitan ay mainam kaysa buhay.” (Awit 63:3) Sa tuwina’y naging matinding pagnanais ng aking lolo na walang-hanggang tamasahin ang maibiging-kabaitang iyan. Naisin ng kaniyang buong pamilya na makabahagi roon kasama niya.

[Larawan sa pahina 21]

Sina Oma at Opa Harris

[Larawan sa pahina 23]

Si Craig Zanker (sa likod), kasama ang kaniyang maybahay, mga magulang, at nakababatang kapatid na lalaki at babae

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share