Isang Pagpili na Hindi Ko Pinagsisihan
PINUNIT ng hangin ang mga layag mula sa palo ng bapor, at walang lubag na tinatangay kami ng agos sa mapanganib na mga bato. Para bang ilang minuto na lamang at ang aming bapor ay mababagbag.
Disyembre 1937 noon, at kami’y naglalayag mula sa Indonesia patungong Australia sakay ng Lightbearer, isang 16 metro, dalawang-palong yate. Sa loob ng tatlong taon ang yate ay ginamit upang dalhin ang mensahe ng Kaharian ng Diyos sa mga isla ng Indonesia.
Nang ang lahat ay para bang wala nang pag-asa, naalaala ng segundo kapitan na nabasa niyang ang auxiliary na mga makina ay karaniwang mas malakas sa paatras na kambiyo. Dali-daling iniatras niya ang makina, at sa aming pagkabigla at malaking ginhawa, gumana ito! Kami’y nailayo sa mga bato sa tamang panahon!
Iyan ay mahigit ng 50 taon ang nakalipas. Papaanong ako lamang ang babaing nakasakay sa Lightbearer?
Napilitang Gumawa ng Pagpili
Noong 1926, nang ako ay 16 anyos, natutuhan ko mula sa aking lola ang tungkol sa kahanga-hangang mga pangako ng isang bagong sanlibutan. Di nagtagal ibinahagi ko ang mabubuting bagay na ito sa iba sa pamamagitan ng pangangaral sa bahay-bahay na malapit sa aming tahanan sa Perth, Australia. Nagalit ang tatay ko sapagkat nakikita niyang ito’y nakasisira sa aming katayuan sa lipunan. Noong 1929, ang taon na ako ay nabautismuhan, pinilit ako ni Itay na gumawa ng pagpili alin sa ihinto ko ang aking gawaing pagpapatotoo o umalis ng bahay.
Mahal na mahal ko ang aking pamilya, at bagaman alam kong hahanap-hanapin ko ang aking mga magulang, dalawang kapatid na babae, at anim na mga kapatid na lalaki, umalis ako ng bahay at sinubok ko ang mga kagalakan ng pagpapayunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministeryo.
Mahihirap ng Karanasan ng 1930’s
Sandaling panahong ako’y naglingkod sa palibot ng Perth, ang kabisera ng Western Australia. Subalit dumating ang paanyaya na ako’y sumama sa isang pangkat ng mga payunir na gumagawa sa liblib na mga bahagi ng bansa.
Kung minsan ang aming buhay ay mahirap, sapagkat madalas na wala kaming matulugan maliban sa aming mga tolda sa iláng. Ang pandaigdig na pagbagsak ng ekonomiya ay humampas sa Australia noong maagang 1930’s, at maraming magsasaka ang hirap na hirap sa buhay. Kaya ipinasasakamay namin ang mga literatura na kapalit ng mga itlog, karne, o gulay.
Noong 1933 ang aming pangkat ng mga payunir ay pumahilaga. Habang kami’y papalapit sa gitnang disyerto ng Australia, lumiliit ang mga punungkahoy at mas bansot, at ang mabababang palumpon ay nagbibigay-daan sa buhangin. Subalit ang gantimpala naman nito ay na pagkatapos ng kahit kaunting ulan, nariyan ang milya-milyang ligaw na mga bulaklak. Kung minsan basta ihihinto namin ang kotse at mamasdan na may taimtim na pagpapahalaga ang bigay-Diyos na kagandahan sa paligid natin.
Upang marating ang ibang bukirin, kailangang hubarin namin ang aming mga sapatos at medyas at tawirin ng lakad na painut-inot ang mga ilog at mga sapa. Sinusundan namin ang mga taong gumugupit ng balahibo ng kanilang tupa, nag-aararo, naggagatas, o nagluluto. Karaniwan na, yaong nakikilala namin sa ganitong paraan ay nagbibigay sa amin ng pagkakataon na makausap sila nang matagal. Hindi nila matanggihan ang isa na tumawid sa tumataas na tubig ng sapa upang magtungo sa kanilang bukirin!
Pag-aasawa at Banyagang mga Larangan
Noong 1935 si Clem Deschamp, isang binatang payunir na tumulong sa pagbubukas ng gawaing pangangaral sa Java, ang pinakamataong isla sa Indonesia, ay dumating sa Perth patungo sa isang kombensiyon sa Sydney. Madalas siyang makibahagi sa gawaing pagpapatotoo na kasama ng aming grupo ng mga payunir. Ako’y 25 anyos, at siya naman ay 29. Sa palagay ko siya ay matangkad, maitim, at guwapo. Pagkatapos lubusang makilala ang isa’t isa, naisip namin: ‘Ano pa ang mas mabuting paraan upang paglingkuran si Jehova kundi ang paglikuran siya na magkasama?’ Kaya kami ay nagpasiyang magpakasal at pagkatapos ay dumalo sa kombensiyon sa Sydney bilang mag-asawa. Gayon na lamang ang kaligayahan ko.
Pagkatapos ng kombensiyon, kami ay inatasang magpayunir sa Melbourne. Nang dakong huli ng taóng iyon, si Clem ay naatasan bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa buong estado ng Victoria, at kami’y nagkapribilehiyong dalawin ang lahat ng kongregasyon sa estadong iyon. Pagkatapos kami ay tuwang-tuwa nang si Clem ay anyayahang pangasiwaan ang gawaing pangangaral sa Indonesia. Kami’y naglayag sa kanlurang baybayin ng Australia, sa wakas noong Hunyo 1936 kami ay dumating sa Surabaja, isa sa malalaking lungsod ng Java.
Indonesia—Ibang Daigdig
Sa isang panig ng daan ay mga kotseng Cadillac, mga lalaking nakasuot ng mga amerikanang puti, at ang damit naman ng mga babae ay maraming rapol. Sa kabilang panig ng daan ay ang may takip na mga bagon na hila-hila ng kalabaw—kadalasan nang ang nagpapatakbo ay tulóg sa bagon. May magagandang katawan na mga babae na suot ang makukulay na mga sarong at mga lalaking nagdadala ng mga basket ng pagkain at mga gamit na yari sa tanso na pinipinggá nila sa kanilang mga balikat. Sila’y nagmamadali sa kanilang kakatwa at animo’y tumatalbog gayunma’y kaladkád na mga hakbang.
Tumawag kami ng isang taksi at nagtungo kami sa tahanan ng isang tao na nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian nang si Clem ay nasa Surabaja noon. Isang lalaking malaki, nadaramtan ng puting bata na sa isip ko’y parang si Moises ang bukas-kamay na sumalubong sa amin, gaya ng mga patriarka noong una. Ang gayong init at sigla ay nagpangyari sa akin na madama ko na ako’y talagang tinatanggap.
Ang aming maybisita ay dating milyunaryo, subalit dahil sa pagbagsak ng halaga ng asukal, siya ay nagkaroon ng suliranin sa pananalapi. Sa kabila nito, ang kaniyang kasiglahan sa buhay ay walang takot, at mainit niyang tinanggap ang katotohanan ng Bibliya. Dumoon kami na kasama niya sa loob ng maikling panahon bago kami nagtungo sa kabisera, ang Batavia, ngayo’y tinatawag na Djakarta. Doon ay hinalinhan ni Clem sa tungkulin si Frank Rice, na noo’y lumipat sa French Indochina.
Isang Kahali-halinang Atas
Natuto kaming magpatotoo sa wikang Olandes at Malay, nangangaral sa malalaking bahay gayundin sa mga kalipumpon ng mga kubong tinatawag na mga kampong. Habang kami’y nangangaral sa mga nayong ito, kung minsan mga hanggang 50 bata na nadaramtan nang bahagya, punit-punit na damit ay sumusunod sa amin sa bahay-bahay. Maraming aklat ang naipamahagi mula sa isang dulo ng Java hanggang sa kabilang dulo.
Ang yateng Lightbearer ay ginamit sa pangangaral sa maraming isla ng Indonesia, pati na sa Celebes at Borneo. Habang kami’y pumapasok sa bawat maliit na daungan, patutugtugin ng tripulante ang ponograpo at patutugtugin ang isa sa mga lektyur ni J. F. Rutherford, noo’y presidente ng Samahang Watch Tower. Gunigunihin ang pagkagulat ng nabubukod na mga nayong Malay sa pagkakita sa isang malaking yate na dumarating sa kanilang daungan at saka marinig ang isang malakas, mapuwerang tinig na nanggagaling sa himpapawid. Daig pa nito ang isang flying saucer sa pagkuha ng interes.
Nang maglaon, udyok ng mga klero, ang pagsalansang ng mga autoridad sa ating gawain ay nagbunga ng pagsasara ng lahat ng daungan sa Indonesia sa mga pagdalaw ng Lightbearer. Kaya ipinasiya na ang bapor ay dapat na ibalik sa Australia. Yamang sabik na sabik kaming makabalik sa Sydney para sa dalaw ni Brother Rutherford, kami’y naglakbay pauwi sakay ng bapor. Noon nangyari na muntik nang mababag ang aming bapor.
Nakapagpapasiglang Dalaw ni Rutherford
Bumungad sa mga ulong-balita ng pahayagan: “Hindi Ipinagamit sa mga Saksi ni Jehova ang Sydney Town Hall—Hindi Pinayagang Lumapag si Hukom Rutherford.” Mangyari pa, siya ay nakalapag, subalit sa kabila ng maraming pagsisikap, hindi ipinagamit ang Town Hall ng Sydney. Mabuti naman at hindi ipinagkaloob ang pahintulot, yamang 4,000 lamang ang kayang paupuin sa Town Hall na hindi sapat ang laki.
Lahat ng di-makatarungang pagsalansang laban sa atin ay nagkaroon ng magandang resulta! Napukaw nito ang napakalaking interes, anupa’t 25,000 mga tao ang dumalo sa miting na idinaos sa malaking Sydney Sports Ground. Tuwang-tuwa sa karanasan, kami’y sabik na sabik na bumalik sa aming atas misyonero.
Nakatutuwang Pagpapatotoo sa Sumatra
Agad-agad pagkabalik namin sa Indonesia, ipinasiya ni Clem na ang isla ng Sumatra ay dapat na muling patotohanan. Kaya kami ni Clem, kasama si Henry Cockman, isa pang Australyano, ay gumawa bilang isang pangkat, na nangangaral sa mga kabundukan at sa mga palayan ng isla. Tumira kami sa mga otel na tinutuluyan ng mga naglalakbay. Bagaman ang aming mga tinutuluyan ay komportable, ang iba ay hindi.
Samantalang nagpapatotoo sa isang nayon na binubuo halos ng maliliit na tindahang Intsik, kami’y nakapagpasakamay ng isang buong karton ng mga aklat na Intsik sa loob halos ng isang oras. Iilan lamang mga babaing puti ang nakita ng mga nagbabantay sa tindahan, at wala isa man ang dumalaw sa kanilang hamak na mga negosyo. Kung baga ito ang dahilan kung bakit ako ay nakapagpapasakamay ng isang aklat sa bawat tindahan, hindi ko alam, subalit ako’y nakapagpasakamay ng napakaraming aklat anupa’t ginugol nina Clem at Henry ang karamihan ng kanilang panahon sa pagdadala ng bagong suplay ng mga aklat mula sa kotse para sa akin.
Sa isa namang nayon pabalik ako sa kotse upang kumuha ng higit pang literatura, nang makita kong ito’y napaliligiran ng mga taong nagsisigawan at nagkukukumpas. Para bang may kaguluhan. Nagmadali ako ng pagtungo roon, na lubhang nababahala, at nagulat akong makita si Clem, na nakatayo na ang kalahati ng katawan ay nasa loob ng kotse, mabilis na ipinamamahagi ang mga magasin sa abot kaya niya. Ang mga abuloy ay ipinapasa-pasa sa ulo ng isang tao tungo sa isa pa, at pagkatapos ay ipaaabot naman ni Clem ang magasin sa isa na nagbigay ng barya. Isa itong kahanga-hangang tanawin, ang mga tao’y talagang nakikipag-agawan upang makakuha ng literatura.
Isang gabi ay dumating kami sa maliit na bayan ng Banko. Yamang ang balsa na tumatawid sa ilog ay hindi na nagbibiyahe, kumuha kami ng matutuluyan sa lokal na tuluyan ng panauhin. Sinabihan kami ng may-ari na maligo kami kaagad, na waring isang pambihirang kahilingan mula sa gayong magalang na mga tao. Tinanong ni Clem kung may panahon pa ba kaming uminom muna, subalit hinimok kami ng may-ari na maligo kaagad, yamang ang paliguan ay nasa labas.
Naiisip na namin na duda siya sa aming personal na kalinisan nang ipaliwanag niya: “Ito ay bansa ng mga tigre, at karamihan ng gabi sa pagkagat ng dilim, ang mga tigre ay aaligid-aligid sa labas.” Kami’y nakatayo sa dakong tanggapan kung saan anim na mga balat ng tigre ang nakadispley. Ang mga balat ay buo pa, nakakabit pa rin ang pagkalalaking ulo ng maringal na mga nilikhang ito. Hindi na kailangan pang sabihin, agad kaming naligo, at marahil ito ang pinakamabilis na paligo na nagawa ko!
Nang makabalik kami sa Djakarta, sinalakay ni Hitler ang Poland upang simulan ang Digmaang Pandaigdig II. Ang pulitikal na tensiyon sa Indonesia ay matindi.
Tumindi ang Pagsalansang sa Aming Gawain
Karamihan sa ating literatura ay ipinagbawal, at kung ang mga autoridad ay may makikitang anumang ipinagbabawal na aklat, kinukumpiska nila ito. Minsan iginiit ng isang opisyal ng pulis na siyasatin ang mga karton ng mga aklat na nakasalansan sa may upuan sa likuran ng aming kotse. Kami’y nanlumo, sapagkat katatanggap pa lamang namin ng bagong padalang ipinagbabawal na aklat na Enemies. Siniyasat niya nang husto ang lahat ng karton sa itaas na salansan subalit wala siyang natagpuang ipinagbabawal na aklat.
Nang sisimulan na niyang siyasatin ang mga karton sa ilalim na salansan kung saan naroroon ang mga aklat na Enemies, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ang opisyal at si Clem ay tumakbo sa kalapit na silungan, kapuwa nabasa kahit na sa maikling distansiyang iyon. Subalit ang malakas na buhos ng ulan ay biglang huminto na gaya ng biglang pagbuhos nito, kaya ang opisyal ay bumalik agad at ipinagpatuloy ang pagsisiyasat sa mga karton. Isip-isipin ang kaniyang pagkabigo at si Clem naman ay hindi makapaniwala nang minsan pa ang ipinagbabawal na literatura ay hindi natuklasan!
Hindi ako nangahas na sabihin ang “himalang” ito hanggang sa kami ay nakalayo na roon—inilipat ko ang dalawang salansan ng mga karton, inilalagay ang mga karton ng mga aklat na Enemies sa ibabaw na mga salansan na nasiyasat na ng opisyal. Kaya wala siyang kaalam-alam na ang mga karton ding iyon ang kaniyang nasiyasat nang makalawa!
Sa simula ang dahilang ibinigay sa pagbabawal sa ating mga publikasyon ay na ito ay anti-Hitler. Pagkaraang masakop ng Alemanya ang Holland, si Hitler ay nawalan ng pabor sa mga opisyal na Olandes. Kaya tinanong namin kung maaari bang ilabas ang aming naunang mga publikasyon, at ang mga ito ay inilabas. Subalit ang kalayaang isagawa ang aming gawaing pangangaral nang walang hadlang ay hindi nagtagal.
Nakaupo ako’t nagmamakinilya sa opisina isang umaga nang ang mga pinto ay bumukas at pumasok ang tatlong opisyales na mga Olandes na bihis na bihis sa kasuotang militar—may balahibo sa kanilang mga sombrero, espada, at mga medalya. Maaga rito ang gawain ay ipinagbawal sa Australia, at ngayon ito ay bawal na sa Indonesia. Noong Nobyembre 1941 iminungkahi ng Samahan na ang lahat ng mga misyonero ay magbalik sa Australia, at gayon nga ang ginawa namin.
Nakakapanibagong maupo sa mga pulong at marinig ang Ingles na hindi namin narinig sa loob ng mga taon! Isa pang pagbabago ang naganap nang kami’y pagpalain ng isang magandang anak na lalaki. Pagkatapos nito si Clem ay inanyayahan sa Perth upang asikasuhin ang bodega ng Samahan, kung saan ang mga literatura ay ipinadadala sa lahat ng estado sa Western Australia, at kami’y nagpatuloy sa pagpapayunir.
Isang Pagdalaw Muli sa Indonesia
Noong 1971 kami ni Clem ay nagbalik sa Java para sa isang kombensiyon. Oh, anong laking pagkakaiba! Sa isang bagay, hindi na ako 31; ako ay 61. Tuwang-tuwa kaming makilala ang marami na nakilala namin noon. Ipinagunita sa amin ng isang tao na siya ay binautismuhan ni Clem sa isang palayan nang siya ay 16 anyos. Ngayon sa gulang na 46 ay ipinakilala niya kami sa kaniyang mga apo. Pagkatapos ng kombensiyon kami’y natulog sa tahanan ng dating mga kaibigan. Ang lahat ay gaya rin ng dati—tumuloy kami sa bahay ring iyon, sa silid ding iyon, at sa kama ring iyon. Kahit na ang goldfish sa tubig ay gayon pa rin. Para ba kaming nakatulog at nagising pagkalipas ng 30 taon.
Ang Bandung, 96 kilometro sa kabundukan, ang tahanan ng iba pa naming mahal na mga kaibigan. Sinabi sa akin ng ina ng tahanan na siya’y galak na galak na makitang ako ay lumusog! Sinabi niya na siya’y nag-aalala noon na ang gayong kapayat na babae ay nagtatrabaho sa tropiko. Tumawa lamang ako sa pagkakaiba ng kultura may kinalaman sa aming opinyon tungkol sa kung gaano dapat kataba ang isang tao.
Habang ipinagpapatuloy namin ang aming sentimental na paglalakbay, sinabi sa amin ng isang kaibigan na marami sa mga aklat na naipamahagi sa mga Olandes noong mga panahong iyon ay nauwi sa segunda manong mga tindahan nang umalis ang mga Olandes at binili ng mga tao sa paghahanap nila ng mga mababasang materyal. Ang iba na nakakuha ng literatura sa ganitong paraan ay nagkaroon ng malalim na pagkaunawa sa Bibliya at nasiyahan silang pumasok sa gawaing pangangaral sa sandaling sila’y nakatagpo.
Sa isang dako ipinakita ng isang Saksi sa kaniyang ama ang mga katotohanan ng Bibliya na natutuhan niya. Gayunman, iginiit ng kaniyang ama na nasumpungan na niya ang tunay na relihiyon. Nakatipon na siya ng halos isang daang mga tao upang sumamba sa paraan na natuklasan niya. Isip-isipin ang pagtataka ng Saksi na makitang pinag-aaralan ng pangkat na ito ang literatura ng Samahang Watch Tower! Wala silang kabatiran na may pambuong-daigdig na organisasyong sumasamba na kay Jehova ayon sa kaniyang huwaran!
Maligaya sa Pagpili na Aking Ginawa
Mga 60 taon na ngayon mula nang ako’y mabautismuhan, at tinamasa ko ang kagalakan ng pagpapayunir sa 58 ng mga taóng iyon. Ang aking kasama sa buhay, si Clem, ay nagkasakit ng Parkinson’s disease at unti-unting nanghina at nawalan ng interes hanggang sa hirap na hirap siya kahit na sa pag-iral sa silyang de gulong. Payapa siyang namatay sa kaniyang pagtulog noong 1987. Natutuwa ako’t nakapagpahinga na siya, subalit pagkalaki-laki ng agwat. Labis akong nangungulila sa kaniya.
Ang pagpapayunir ay isa pa ring malaking kagalakan at nagdudulot sa akin ng labis na kaligayahan at kasiyahan. Ang buhay ay masyadong abala, at kailanma’t mayroon akong bakanteng panahon, maaari kong magiliw na gunitain ang mabungang buhay na pinagsaluhan namin ng aking mahal na asawa, si Clem. Tuwang-tuwa ako na ginawa ko ang pagpiling iyon 60 taon na ang nakalipas.—Gaya ng isinaysay ni Jean Deschamp.
[Larawan sa pahina 11]
Ang Lightbearer, Enero 1935
[Larawan sa pahina 13]
Kasama ni Clem nang kami’y mga bata pa
[Larawan sa pahina 15]
Ako ngayon