Ang mga Nagtapos sa Gilead ay Nakasusumpong ng “Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay”
NOONG Linggo, Marso 6, 1994, ang pamilyang Bethel sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova at ang mga panauhin ay nagtipon para sa isang masayang okasyon—ang pagtatapos ng ika-96 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Sa kaniyang panimulang pahayag, ang chairman ng programa na si Karl F. Klein, na naglilingkod sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng halos dalawang dekada, ay nagsabi sa 46 na estudyante: “Sinabi ni Jesus na may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. Magiging gayundin sa inyong atas sa pagmimisyonero—habang kayo’y higit na nagbibigay, kayo’y lalong magiging maliligaya.”—Gawa 20:35.
Mga Salitang Pamamaalam na May Paalaala
Sumunod ang isang serye ng mga pahayag para sa mga estudyante. Si Leon Weaver, isang miyembro ng Service Department Committee, ay tumalakay ng temang “Ang Pagbabatá ay Lumuluwalhati kay Jehova.” Lahat tayo ay nakaharap sa mga pagsubok. (2 Corinto 6:3-5) “Kapag tayo’y nasa kagipitan,” sabi ni Brother Weaver, “napakadaling umasa sa ating mga sarili.” Subalit, ipinaalaala niya sa mga estudyante: “Anumang mga pagsubok na karaniwan sa mga tao ang mapaharap sa inyo, interesado roon si Jehova. Hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo.”—1 Corinto 10:13.
“Mahalin sa Tuwina ang Inyong Atas” ang pamagat ng sumunod na pahayag, na ibinigay ni Lyman Swingle ng Lupong Tagapamahala. Hindi palaging pinili ng mga Israelita kung saan sila maninirahan at kung ano ang gagawin nila. Bawat tribo ay pinagkalooban ng isang bahagi ng lupain, at ang mga Levita ay inatasan ng espesipikong mga tungkulin upang ganapin. Gayundin naman, ang marami na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa ngayon—tulad ng mga misyonero at mga miyembro ng pamilyang Bethel—ay hindi nagpapasiya sa kanilang sarili kung saan sila maninirahan at kung ano ang kanilang magiging gawain. Ano kung makadama ang isa ng di-katiyakan tungkol sa kaniyang atas? “Kung kayo’y tumitinging mabuti sa Punong Ahente ng ating pananampalataya, si Jesus, at isinasaalang-alang nang maingat ang kaniyang halimbawa, hindi kayo manghihimagod,” sabi ni Brother Swingle.—Hebreo 12:2, 3.
Si Leonard Pearson, ng Watchtower Farms Committee, ang sumunod sa paksang “Manatiling Nakapokus.” Sinabi niya: “Maaari kayong magkaroon ng pinakamahusay na kamera, ng pinakamagandang tanawin, ng isang tamang-tamang kapaligiran, ngunit di pa rin sapat ang resulta—kung ang inyong kamera ay hindi nakapokus.” Tulad ng mga lente na may malawak na anggulo, dapat makasali sa ating pangmalas ang isinasagawang pambuong-daigdig na pangangaral. Hindi natin dapat kalimutan ang kabuuang larawan. “Yaong mga nakapokus sa kanilang sarili ay hindi magiging maligaya sa kanilang mga atas,” sabi ni Brother Pearson. “Yaong mga nakapokus kay Jehova at sa gawain na kaniyang ibinigay sa kanila ang siyang magtatagumpay.”
“Napakaraming Dapat Ipagpasalamat” ang pamagat ng sumunod na pahayag, na ibinigay ni John E. Barr, na isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala. “Huwag iwala ang inyong damdamin ng pagpapasalamat kay Jehova,” ang paalaala ni Brother Barr sa mga estudyante. “Ito ang isa sa pinakadakilang mga pinagmumulan ng pagkakontento, anuman ang atas ninyo.” Isang mapagpasalamat na saloobin ang nag-udyok kay David upang sumulat: “Ang mga pising panukat mismo ay nahulog sa akin sa nakasisiyang mga dako. Totoo, ang aking sariling pag-aari ay napatunayan kong nakalulugod.” (Awit 16:6) “Kayo ay may gayong isang mahalagang pag-aari sa pagkadama ng pagiging malapít kay Jehova sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay,” sabi ni Brother Barr. “Hindi kailanman aalisin ni Jehova ang kaugnayang iyan mula sa inyo hangga’t patuloy ninyong minamalas iyon bilang isang nakalulugod na bagay na ipinagpapasalamat ninyo.”
Ang sumunod na nagsalita ay ang instruktor sa Gilead na si Jack Redford, tungkol sa temang “Papaano Ninyo Gagamitin ang Inyong Dila?” Anong pinsala ang nagagawa ng walang-pakundangang pananalita! (Kawikaan 18:21) Papaano masusupil ang dila? “Kailangan munang sanayin ninyo ang inyong isip,” ang sagot ni Brother Redford, “sapagkat naaaninaw sa dila ang isip at ang puso.” (Mateo 12:34-37) Naglaan si Jesus ng isang napakahusay na halimbawa; ginamit niya ang kaniyang dila upang dakilain ang pangalan ni Jehova. “Sa ngayon ay may isang taggutom sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova,” ang sabi ni Brother Redford sa klase. “Alam ninyo ang mga salitang iyon. Taglay ninyo ‘ang dila ng mga naturuan.’ Kaya palaging ang inyong dila ay patnubayan nawa ng isang isip at isang puso na lubusang naaalay kay Jehova.”—Isaias 50:4.
Ang kahalagahan ng panalangin ay idiniin sa pahayag na “Kayo ba’y Lumalakad na Gaya ng Nasa Harap ni Jehova?” Ganito ang binanggit ni Ulysses Glass, ang tagapagrehistro ng paaralan: “Kung ang isang ama ay puspusang nagtatrabaho upang masuportahan ang kaniyang pamilya ngunit hindi kailanman nakikipag-usap sa kanila at hindi kailanman nagpapahayag ng pagmamahal, maaaring manghinuha ang kaniyang pamilya na ang kaniyang motibo ay isa lamang di-kanais-nais na tungkulin sa halip na pag-ibig. Gayundin naman sa atin. Maaaring abala tayo sa paglilingkod sa Diyos. Subalit kung hindi naman tayo nananalangin, kung gayon ay naaalay lamang tayo sa isang gawain sa halip na sa isang maibiging Ama sa langit.”
Si Theodore Jaracz, ng Lupong Tagapamahala, ay nagsalita tungkol sa temang “Kung Bakit Napakarami ang Nakikisama sa Bayan ni Jehova.” Bawat taon daan-daang libo ang humuhugos sa organisasyon ni Jehova. (Zacarias 8:23) Ano ang nagpapakilala sa mga Saksi ni Jehova bilang bayan ng Diyos? Una, tinatanggap nila ang buong Bibliya bilang ang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Ikalawa, sila ay walang pinapanigan sa pulitika. (Juan 17:16) Ikatlo, sila’y nagpapatotoo sa pangalan ng Diyos. (Juan 17:26) Ikaapat, sila’y nagpapakita ng pag-ibig na may pagsasakripisyo-sa-sarili. (Juan 13:35; 15:13) Taglay ang mga pagkakakilanlang ito, ating may lakas ng loob na ‘maipahahayag nang malawakan ang mga kamahalan ng isa na tumawag sa atin mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’—1 Pedro 2:9.
Pagkatapos ng nakapupukaw na mga pahayag na ito, lahat ng 46 na estudyante ay tumanggap ng kanilang mga diploma. Sila ay idinestino sa 16 na mga lupain sa buong globo.
Isang Naiibang Programa sa Hapon
Nang bandang hapon ay pinangasiwaan ni Donald Krebs ng Bethel Committee ang isang pinaikling Pag-aaral ng Bantayan. Pagkatapos ay iniharap ng mga estudyante ang isang programang pinamagatang “Ang Karunungan ay Humihiyaw Nang Malakas sa Mismong Lansangan.” (Kawikaan 1:20) Kanilang isinadula ang nakasisiyang mga karanasan nila sa pagpapatotoo sa mga lansangan at sa mga lugar ng negosyo. Tunay, pinagpapala ni Jehova yaong may lakas ng loob na mangaral sa impormal na paraan. “Ibig kong isipin na tayo’y parang mga karit sa kamay ng mga manggagapas na anghel,” sabi ng isang nagtapos. “Samantalang mas matalas ang ating mga kakayahan, magagamit tayo ng mga anghel na iyon sa higit pang gawain.” (Ihambing ang Apocalipsis 14:6.) Kasali rin sa programa ng mga estudyante ang isang pagpapalabas ng mga slide na nagdala sa mga naroroon sa isang nakapagtuturong paglilibot sa Bolivia, Malta, at Taiwan—tatlo sa mga lupain na pinagdalhan sa mga nagtapos sa klaseng ito.
Sumunod, kinapanayam sina Wallace at Jane Liverance—mga misyonero sa loob ng 17 taon. Noong Oktubre 1993 sila ay inanyayahan sa Watchtower Farms, kung saan si Brother Liverance ay naglilingkod ngayon bilang isa sa mga instruktor sa Gilead.
Sumunod ang isang apat-na-tagpong presentasyon, na pinamagatang “Paggalang sa mga Karapat-dapat sa mga Taon ng Kanilang Katandaan.” Habang nagkakaedad ang mga tao, ang pangamba na maging walang-silbi at pabayaan ay maaaring makabawas ng kanilang pagtitiwala sa sarili. (Awit 71:9) Ipinakita ng nakaaantig na pagtatanghal na ito kung papaanong lahat sa kongregasyon ay makasusuporta sa gayong tapat na mga matatanda na.
Pagkatapos ng pansarang awit at panalangin, lahat ng 6,220 dumalo sa Jersey City Assembly Hall at sa mas maliliit na mga bulwagan ay nakadama ng kaginhawahan. Ipinananalangin natin ang mga nagtapos sa kanilang bagong mga atas. Harinawang patuloy na tamasahin nila ang higit na kaligayahan na dulot ng pagbibigay.
[Kahon sa pahina 26]
Mga Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 9
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 16
Kabuuang bilang ng mga estudyante: 46
Katamtamang edad: 33.85
Katamtamang taon sa katotohanan: 16.6
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.2
[Kahon sa pahina 27]
Pinag-ukulan ng Pantanging Pansin ang Malta
PINIGIL ng Sangkakristiyanuhan ang katotohanan ng Bibliya sa Malta sa loob ng maraming taon. Ang huling mga misyonero ng Gilead na ipinadala roon, sina Frederick Smedley at Peter Bridle, ay nagtapos sa ikawalong klase noong 1947. Gayunman, sila’y inaresto at pinaalis sa Malta di-nagtagal pagkarating nila. Ganito ang ulat ng 1948 Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Ang dalawang misyonerong ito ay gumugol ng panahon sa mga hukuman at sa mga opisyal ng lupain na kasinlaki ng panahong ginugol nila sa pagganap ng kanilang ministeryal na mga tungkulin, dahilan lamang sa oposisyon ng Herarkiyang Romano Katoliko. Sinasabi ng mga pari na ang Malta ay para sa mga Katoliko at lahat ng iba pa ay kailangang umalis.” Ngayon, pagkalipas ng mga 45 taon, apat na misyonero buhat sa ika-96 na klase ng Gilead ang idinestino sa Malta.
[Larawan sa pahina 26]
Ika-96 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa nakatala sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula sa harap palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Ehlers, P.; Giese, M.; Sellman, S.; Zusperregui, J.; Rowe, S.; Jackson, K.; Scott, T. (2) Liehr, T.; Garcia, I.; Garcia, J.; Fernández, A.; Davidson, L.; Liidemann, P.; Gibson, L.; Juárez, C. (3) Fouts, C.; Pastrana, G.; Claeson, D.; Fernández, L.; Walls, M.; Dressen, M.; Pastrana, F.; Burks, J. (4) Burks, D.; Scott, S.; Jackson, M.; Mauray, H.; Juárez, L.; Zusperregui, A.; Brorsson, C.; Rowe, C. (5) Sellman, K.; Liidemann, P.; Davidson, C.; Mauray, S.; Walls, D.; Dressen, D.; Schaafsma, G.; Liehr, S. (6) Claeson, T.; Gibson, T.; Giese, C.; Ehlers, D.; Fouts, R.; Schaafsma, S.; Brorsson, L.