Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nasiyahan kami sa pag-aaral ng mga hula ni Daniel ayon sa pagkatalakay sa “Ang Bantayan.” Subalit, bakit ang mga petsa para sa tatlo at kalahating panahon sa Apocalipsis 11:3 ay naiiba sa aklat na “Kasukdulan ng Apocalipsis”?
Totoo, Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1993, ay gumawa ng isang maliit na pagbabago kung tungkol sa petsa ng modernong-panahong katuparan ng Apocalipsis 11:3. Bakit?
Tingnan muna natin ang Apocalipsis 11:2, na sa dulo nito ay bumabanggit ng “apatnapu’t dalawang buwan.” Ipagpatuloy natin sa Apoc 11 talata 3: “Ang aking dalawang saksi ay pangyayarihin kong manghula nang isang libo dalawang daan at animnapung araw na nadaramtan ng telang-sako.” Kailan ito natupad?
Buweno, matagal nang kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na ang hulang ito ay natupad sa pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano pagkatapos ng “itinakdang panahon ng mga bansa” (ang mga Panahong Gentil) noong 1914. (Lucas 21:24; 2 Corinto 1:21, 22) Tungkol dito, ganito ang komento ng Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!a (1988) sa pahina 164: “May isang takdang panahon ng tatlo at kalahating taon na kung saan ang mahihirap na karanasang sinapit ng bayan ng Diyos ay nakakatugma ng mga pangyayaring inihula rito—pasimula sa pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig sa huling bahagi ng 1914 at nagpapatuloy hanggang sa pagpapasimula ng taóng 1918.”
Pansinin na ang iminungkahing petsa ay ang “pasimula ng pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig sa huling bahagi ng 1914 [hanggang] sa pagpapasimula ng taóng 1918.” Ito ay nakakatugma ng petsa na kadalasang inihaharap, tulad ng sa “Then is Finished the Mystery of God,” pahina 261-4, (1969).b
Subalit, Ang Bantayan ay nagtutok ng pansin sa mga hula sa Daniel, na isang aklat na makalawang ulit bumabanggit ng isang yugto na katumbas ng binanggit nang dakong huli sa Apocalipsis—3 1/2 taon, o 42 buwan. Upang maging espesipiko, sinasabi ng Daniel 7:25 na ang mga banal ng Diyos ay liligaligin “sa loob ng isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon,” o 3 1/2 panahon. Nang malaunan, ang Daniel 12:7 ay humula ng “isang takdang panahon, mga takdang panahon at kalahati,” o 3 1/2 panahon, na ang kasukdulan ay pagka “natapos na mapagputul-putol ang kapangyarihan ng banal na bayan.”
Kaya taglay natin ang mga hula na may kaugnayan sa isang katumbas na yugto sa Daniel 7:25, Daniel 12:7, at Apocalipsis 11:2, 3, gayundin sa Apocalipsis 13:5. Ipinakikita ng ating mga publikasyon na lahat ng ito ay natupad noong yugto ng 1914-18. Subalit sa pagtalakay nang bukod sa mga hulang ito, ang mga petsa para sa pagsisimula at para sa pagtatapos ay nagkakaiba nang bahagya.
Gayunman, Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1993, ay nagtanong: “Papaano natupad ang lahat ng magkakatulad na hulang ito?” Oo, ang mga hula tungkol sa 3 1/2 panahon na binanggit sa Daniel 7:25, Daniel 12:7, at Apocalipsis 11:3 ay tinatanggap bilang “magkakatulad na hula.” Kung gayon, ang mga ito ay magkakatugma hinggil sa pagpapasimula at pagtatapos ng mga ito.
Hinggil sa pagtatapos, ipinakita ng magasin kung papaanong ang panliligalig sa mga pinahiran ng Diyos (Daniel 7:25) ay umabot sa kasukdulan noong Hunyo 1918 nang si J. F. Rutherford at ang iba pang mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society ay “sinintensiyahan ng matagal na pagkabilanggo dahil sa maling paratang.” Ang pangyayaring iyan ay tunay ngang isang ‘pagtatapos sa pagpuputul-putol ng kapangyarihan ng banal na bayan,’ gaya ng binanggit sa Daniel 12:7.
Ang pagbilang mula noong Hunyo 1918 ay magdadala sa atin sa Disyembre 1914 bilang pagpapasimula ng 3 1/2 panahon. Sa huling buwang iyan ng 1914, natutuhan ng mga pinahiran ng Diyos sa lupa ang temang kasulatan para sa dumarating na taon: “ ‘Mangyayari bang inuman ninyo ang aking saro?’—Mateo 20:20-23.” Ganito ang babala ng artikulo na nagpapatalastas nito: “Hindi natin alam maaaring magkaroon ng isang naiibang pagsubok, ang saro ng pagdurusa o kahihiyan, para sa tapat na mga tagasunod ng Kordero sa panahon ng 1915!” Gaya ng inihula ng Daniel 7:25 para sa yugtong ito ng 3 1/2 panahon, ‘ang panliligalig ay bumangon at nagpatuloy laban sa mga banal ng Isang Kataas-taasan.’ Ang mga bansa ay nasangkot sa Digmaang Pandaigdig I, anupat pinangyari nitong maging madali para sa kanila na isagawa ang di-makatuwirang panliligalig. Ang konklusyon ay: Lahat ng tatlong magkakatulad na hula—Daniel 7:25, 12:7, at Apocalipsis 11:3—ay natupad sa 3 1/2 taon, o 42 buwan, mula noong Disyembre 1914 hanggang Hunyo 1918.
Ipinaliliwanag nito ang bahagyang pagkakaiba sa petsa ng katuparan ng Apocalipsis 11:3. Ang pagbabagong ito ay isang bagay na maisasaisip natin kapag pinag-aaralan at ginagamit natin sa hinaharap ang aklat na Kasukdulan ng Apocalipsis.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.