Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ang Salita ng Diyos ay May Lakas
“ANG salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Ang mga salitang ito ay napatunayang totoo nang maraming beses kapag ang mga taong nadadaya ng huwad na relihiyon ay napapahantad sa mga katotohanan ng Bibliya. Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan buhat sa Dominican Republic, ang lakas ng Bibliya ay makapagpapabago ng buhay ng mga tao at ito’y nagbibigay ng pag-asa.
Dinalaw ng mga Saksi ni Jehova ang isang prominenteng babaing Katoliko na namatayan kamakailan ng dalawang maliliit na anak. Siya’y punung-punô ng pagdadalamhati at sa araw-araw ay nananangis dahil sa kaniyang trahedya. Ipinakita sa kaniya ng mga Saksi kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa Juan 5:28, 29 tungkol sa pag-asa na pagkabuhay-muli. Pagkatapos ng higit pang pakikipagtalakayan sa mga Saksi, hindi lamang siya nakasumpong ng kaaliwan sa pag-asa na pagkabuhay-muli kundi natanto niya na dinadaya siya ng kaniyang relihiyosong mga lider na Katoliko.
Hindi siya nag-aksaya ng panahon sa pagbibitiw mula sa Iglesya Katolika, at siya’y tumanggap ng isang regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, ang kaniyang asawa ay hindi sumang-ayon sa kaniyang mga pangmalas. Yamang ito rin ay isang totoong prominenteng Katoliko, isinaayos nito na ang kaniyang asawa ay dalawin ng kilalang pulitikal at relihiyosong mga kaibigan sa pagtatangkang himukin siya laban sa kaniyang landasin at ibalik siya sa Katolisismo. Nang malaunan ay nagbanta ang lalaki na siya ay makikipagdiborsiyo, na minsan pa nga ay ipinaalam sa kaniyang mga kamag-anak at mga kapuwa miyembro sa simbahan na sila ay magdidiborsiyo.
Subalit nabigo ang kaniyang pamamaraan. Sa kabaligtaran, ang babae ay lalo pang naging determinado na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Dahilan sa kaniyang pagsulong sa espirituwal at pagpapaunlad ng maiinam na katangiang Kristiyano, ipinasiya ng kaniyang asawa na makisama sa kaniya sa halip na makipagdiborsiyo. Isang araw ay pumayag pa siya na suriin ang mga babasahin sa Bibliya na pinag-aaralan ng kaniyang maybahay—ngunit sa isang kondisyon. Ibig niyang gamitin ang kaniyang sariling bersiyong Katoliko ng Bibliya.
Sa kaniyang pagkamangha, sa tulong ng mga babasahin buhat sa mga Saksi ni Jehova, siya’y nagsimulang matuto ng bagong mga bagay nang tuwiran mula sa kaniyang Bibliya. Natanto niya na tama ang piniling landasin ng kaniyang maybahay, at di-nagtagal ay handa na siyang sundin ang halimbawa nito. Oo, nakita niya ang pangangailangan na gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang sariling buhay. Ang isang mahirap na hamon ay ang paghinto sa kaniyang bisyong paninigarilyo. Pagkatapos mabasa ang Hulyo 8, 1989, isyu ng magasing Gumising! na may pabalat na titulong “Kamatayang Ipinagbibili—Sampung Paraan Upang Ihinto ang Paninigarilyo,” siya ay determinadong ihinto ang di-maka-Kasulatang bisyong ito. Kapalit ng kinaugaliang pakete ng sigarilyo na kalimitang nasa kaniyang bulsa, sinimulan niyang dalhin ang isyung iyan ng Gumising! Tuwing madarama niya ang pagnanais na manigarilyo, binabasa niya ang mga artikulo tungkol sa paninigarilyo. Naging mabisa ang paraang ito! Pagkatapos basahin ang mga artikulo nang maraming beses, nagawa niyang huminto sa paninigarilyo.
Sa ngayon ang mag-asawa ay naglilingkod kay Jehova bilang bautisadong mga ministro. Kapag ipinahihintulot ng mga kalagayan, ang lalaki ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro, na nag-aalay ng karamihan ng kaniyang panahon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at siya ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Siya at ang kaniyang maybahay ay umaasa sa pagkabuhay-muli kung saan maaari nilang salubungin ang kanilang mga anak na bubuhaying-muli sa isang bagong sanlibutan. Oo, ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay buháy at may lakas!