Laganap ang Pagkatakot sa mga Patay
Matagal nang lumubog ang araw. Ikaw ay pauwi na nang medyo gabi na kaysa ibig mo. Nang sa iyong paglalakad ay mapadaan ka sa lokal na sementeryo, naging mas mabilis ang tibok ng iyong puso. Dahil sa katahimikan ng madilim na gabi ay napupukaw ang iyong pansin kahit na sa bahagyang ingay. Bigla kang nakarinig mula sa malayo ng isang matinis, nakagugulat na ingay. Binilisan mo ang iyong paglakad—bumibilis din ang iyong pulso—habang patungo ka sa kanlungan ng iyong tahanan.
NAKADAMA ka na ba ng pagkabahala kapag ikaw ay nasa sementeryo o malapit doon? Kung gayon, maaaring ikaw ay naimpluwensiyahan ng isang relihiyosong idea na palasak sa buong daigdig—na ang espiritu ng mga patay ay maaaring makatulong o makapinsala sa mga buháy.
Maraming mapamahiing kaugalian ang nabuo bunga ng paniniwala na ang mga patay ay nangangailangan ng tulong ng mga buháy o na maaari nilang saktan ang mga buháy kung sila’y hindi mapapayapa. Halimbawa, sa ilang bansa sa Latin Amerika, kaugalian na ng marami ang magtayo ng isang munting tirahan na may krus sa lugar na kinamatayan ng isang tao dahil sa isang aksidente. Ang mga tao ay nagsisindi ng mga kandila at naglalagay doon ng mga bulaklak sa pagsisikap na magpakita ng interes o tumulong sa kaluluwa o espiritu ng taong namatay. Sa ilang kaso, kumakalat ang mga ulat tungkol sa “makahimalang” mga kasagutan sa mga panalangin, kung kaya ang mga tao ay nagsisimulang pumaroon nang madalas sa dako ng animita, ang munting tirahan ng kaluluwa o espiritu ng taong namatay. Doon sila’y gumagawa ng mga manda, o mga pangako, na kung tutulungan sila ng taong namatay upang magawa o matanggap ang isang bagay—maaaring isang makahimalang paggaling—ipakikita nila ang kanilang utang-na-loob sa isang natatanging paraan. Sa kabilang dako, maaaring iulat na ang kaluluwa ng isang tao ay lumilitaw sa kadiliman ng gabi, anupat tinatakot yaong mga naroroon. Karaniwan nang sinasabi na ang gayong mga kaluluwa ay mga penando, na ginagalit ang mga buháy dahil sa nakaraang mga pangyayari.
Sa maraming lupain ang mga tao ay nagsisikap na payapain ang “espiritu” ng mga namatay. Mararangyang kapistahan ang ginaganap, naghahandog ng mga hain, nagpapahayag ng nakagiginhawang mga salita—pawang sa pagsisikap na hadlangan ang paghihiganti buhat sa espiritu ng taong namatay. Inaakala na ang panunuyò sa espiritu ay magbubunga ng mga gantimpala at mga pagpapala para sa mga naiwan.
“Marami ang naniniwala na walang pangyayari ang nagaganap nang ‘pangkaraniwan o sa natural na paraan,’” ang sabi ng isang ulat mula sa Aprika. “Anumang insidente—maging iyon man ay pagkakasakit, kasakunaan, di-pag-aanak, kahirapan sa kabuhayan, labis na pag-ulan o sikat ng araw, mga aksidente, di-pagkakasundo ng pamilya, kamatayan—ay inaakalang kagagawan ng di-nakikitang mga espiritu na may taglay na kapangyarihang nakahihigit sa tao.” Ganito ang sabi ng isa pang ulat: “Naniniwala ang mga tao na ang espiritu ng kanilang mga ninuno ay may dako sa langit at palaging nagbabantay sa kanilang mga naiwan sa lupa. Ang mga ninuno ay pinaniniwalaang nagtataglay ng mga kapangyarihang higit sa karaniwan, na magagamit nila upang pagpalain at ipagsanggalang ang kanilang mga kamag-anak sa lupa o kaya’y parusahan sila, depende sa pagpaparangal o kapabayaan ng mga kamag-anak sa mga namatay.”
Subalit ang gayon ba ay kasuwato ng Salita ng Diyos? Ano ang opinyon mo?
[Larawan sa pahina 4]
Isang “Animita” sa Chile