“Yamang Taglay Namin ang Ministeryong Ito . . . , Hindi Kami Nanghihimagod”
AYON SA PAGLALAHAD NI RONALD TAYLOR
Noong tag-araw ng 1963, nasumpungan ko ang aking sariling nakikipaglaban sa bingit ng kamatayan. Habang ako’y nagtatampisaw sa dalampasigan, napatapak ako sa isang madayang hukay at biglang napahagis sa napakalalim na tubig. Palibhasa’y di-marunong lumangoy, halos malunod na ako mga ilang metro lamang ang layo sa pampang. Tatlong ulit na akong lumubog at nakainom na ng napakaraming tubig-dagat nang isang kaibigan ang makapansin sa aking kalagayan at hinatak niya ako patungo sa pampang. Salamat na lamang sa maagap na artificial respiration, nakaligtas ako.
HINDI lamang ito ang unang pagkakataon na napagkilala ko ang kahalagahan ng hindi panghihimagod kailanman—kahit na waring wala nang pag-asa. Sa murang edad, kinailangan kong ipaglaban ang aking namimingit na buhay sa espirituwal.
Noon ay panahon ng malulungkot na araw ng ikalawang digmaang pandaigdig nang una kong marinig ang Kristiyanong katotohanan. Isa ako sa libu-libong mga bata na inilikas mula sa London upang matakasan ang mga panganib ng pambobomba. Yamang ako’y 12 taóng gulang lamang, hindi gaanong naging makahulugan sa akin ang digmaan; halos parang isa lamang itong pakikipagsapalaran.
Isang may edad nang mag-asawa sa Weston-super-Mare, timog-kanluran ng Inglatera, ang nag-alaga sa akin. Di-nagtagal pagdating ko sa bahay ng mag-asawa, ilang ministrong payunir ang nagsimulang dumalaw sa amin. Iyon ay ang pamilya Hargreaves; lahat silang apat—sina Reg, Mabs, Pamela, at Valeri—ay mga special pioneer. Tinanggap ng aking kinikilalang mga magulang ang katotohanan, at pagkatapos na pag-aralan ang aklat na The Harp of God, nagpasiya rin akong paglingkuran si Jehova. Pagkalipas lamang ng anim na linggo, ako’y inanyayahang makibahagi sa gawaing pangangaral.
Nagugunita ko pa ang unang araw na iyon sa paglilingkod sa larangan. Walang kuskos-balungos, ako’y binigyan ng ilang buklet at sinabihan: “Diyan sa panig na iyan ng kalye ka gagawa.” At sa ganiyan ko naranasan ang aking unang araw ng pangangaral. Nang panahong iyon, malimit na kami’y nangangaral sa pamamagitan ng paggamit ng mga ponograpo na may mabibisang sermon. Ang pinakamasayang sandali sa akin ay kapag nadadala ko ang ponograpo sa bahay-bahay at napatutugtog ang mga isinaplakang mga pahayag. Itinuturing ko iyon na isang tunay na pribilehiyo na mapakinabangan ako sa ganoong paraan.
Madalas akong nagpapatotoo sa paaralan, at natatandaan kong nakapaglagay ako sa isang punong-guro ng isang set ng mga aklat tungkol sa mga tema ng Bibliya. Sa edad na 13, ako’y nabautismuhan sa isang karatig na asamblea sa Bath. Ang isa pang kombensiyon sa panahon ng digmaan na dî ko malilimutan kailanman ay yaong idinaos sa Leicester noong 1941 sa De Montfort Hall. Umakyat ako sa plataporma upang tanggapin ang aking kopya ng aklat na Children, na naglalaman ng isang personal na mensahe mula kay Brother Rutherford, na presidente noon ng Samahang Watch Tower. Ang nakapagpapasiglang pahayag na ibinigay sa lahat ng kabataang naroroon ay nagpatibay sa aking pagnanais na paglingkuran si Jehova magpakailanman.
Sa gayon ay gumugol ako ng dalawang maliligayang taon na sumusulong sa katotohanan kasama ng aking kinikilalang mga magulang. Ngunit sa edad na 14, kinailangan kong bumalik sa London at magsimulang magtrabaho para sa aking ikabubuhay. Bagaman ako’y napabalik-muli sa aking tunay na pamilya, kinailangan ko ngayong tumayo sa aking sariling mga paa ukol sa espirituwal, yamang wala isa man sa bahay ang may kapareho kong paniniwala. Di-nagtagal ay inilaan ni Jehova ang tulong na aking kailangan. Tatlong linggo lamang pagdating ko sa London, isang brother ang dumalaw upang humingi ng pahintulot sa aking ama na maisama ako sa Kingdom Hall sa lugar na iyon. Ang kapatid na iyon ay si John Barr, na ngayo’y miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y naging isa sa aking espirituwal na “mga ama” sa panahon ng maselang na mga taóng iyon ng pagiging tin-edyer.—Mateo 19:29.
Nagsimula akong dumalo sa Paddington Congregation, na nagtitipon sa Craven Terrace sa tabi ng London Bethel Home. Yamang ako’y isang espirituwal na ulila, isang may-edad nang pinahirang brother, si “Tatang” Humphreys, ay inatasan na siyang mangalaga sa akin. Tunay na isang malaking pagpapala na makasama ng maraming pinahirang mga kapatid na lalaki at babae na naglilingkod sa kongregasyong iyon. Kaming may makalupang pag-asa—na tinatawag na mga Jonadab—ay kakaunti lamang. Sa katunayan, ako lamang ang nag-iisang “Jonadab” sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na aking dinadaluhan. Bagaman hindi ako gaanong nagkaroon ng pakikipagsamahan sa mga kasing-edad ko, ang mahalagang pakikisalamuha sa maygulang na mga kapatid ay nagturo sa akin ng maraming kapaki-pakinabang na mga aral. Marahil ang pinakamahalaga rito ay ang di-pagtalikod kailanman sa paglilingkod kay Jehova.
Noong mga panahong iyon, iniuukol namin ang buong dulong sanlinggo sa gawaing pangangaral. Naatasan akong siyang mag-asikaso sa “kotseng may loudspeaker,” na sa totoo’y isang traysikel na inayos upang makabitan ng mga gamit sa sound at ng isang baterya ng kotse. Tuwing Sabado, nagtatraysikel ako at pumupunta sa iba’t ibang kanto, na doo’y nagpapatugtog kami ng musika at pagkatapos ay pinatutugtog naman ang isa sa mga pahayag ni Brother Rutherford. Ginagamit din ang mga araw ng Sabado para sa gawain sa lansangan dala ang aming mga bag ng magasin. Ang mga araw ng Linggo ay iniuukol namin sa gawaing pagbabahay-bahay, na nag-aalok ng mga buklet at pinabalatang mga aklat.
Ang aking pakikisama sa masisigasig na nakatatandang mga kapatid ay nagpaningas ng aking pagnanais na magpayunir. Ang pagnanais na ito’y lalong napatibay nang makinig ako sa mga pahayag tungkol sa pagpapayunir sa mga pandistritong kombensiyon. Ang isa sa kombensiyong nagkaroon ng malaking epekto sa aking buhay ay ang ginanap sa Earl’s Court, London, noong 1947. Pagkaraan ng dalawang buwan, nagpatala ako sa paglilingkod bilang payunir, at nagpunyagi akong mapanatili ang espiritu ng pagpapayunir mula noon. Ang kagalakang natatamo ko mula sa pagdaraos ng sumusulong na mga pag-aaral sa Bibliya ay naging dahilan upang muli kong sabihin na ito talaga ang tamang desisyon.
Isang Kastilang Nobya at Isang Kastilang Atas
Noong taóng 1957, habang nagpapayunir pa rin sa Paddington Congregation, nakilala ko ang isang magandang sister na Kastila na nagngangalang Rafaela. Pagkaraan ng ilang buwan, kami’y nagpakasal. Ang aming tunguhin ay ang magpayunir na magkasama, ngunit pumunta muna kami sa Madrid upang makilala ko ang mga magulang ni Rafaela. Iyon ay isang pagdalaw na nagpabago sa aking buhay. Samantalang kami’y nasa Madrid, si Brother Ray Dusinberre, ang tagapangasiwa ng sangay ng Espanya, ay nagtanong sa akin kung nais naming maglingkod sa Espanya, na doo’y kailangang-kailangan ang makaranasang mga kapatid na lalaki.
Papaano namin matatanggihan ang gayong paanyaya? Kaya, noong 1958 magkasama naming pinasimulan ang aming buong-panahong paglilingkod sa Espanya. Nang panahong iyon ang bansa ay nasa ilalim ng pamamahala ni Franco, at ang aming gawain ay hindi legal na kinikilala, anupat totoong nagpahirap sa gawaing pangangaral. Isa pa, hirap na hirap akong matutuhan ang wikang Kastila sa unang dalawang taon. Minsan pa, ito’y isa na namang halimbawa ng di-panghihimagod, bagaman hindi rin miminsan akong napaiyak dahil sa lubusang pagkabigo na hindi ko man lamang makausap ang mga kapatid sa kongregasyon.
Ang pangangailangan sa mga tagapangasiwa ay totoong napakalaki anupat kahit hindi ako halos makapagsalita ng Kastila, sa loob lamang ng isang buwan ay pinangangalagaan ko na ang isang maliit na grupo. Dahil sa lihim na kalagayan ng aming gawain, inorganisa kami sa maliliit na grupo na binubuo ng mula 15 hanggang 20 mamamahayag, na humigit-kumulang ay gumagawang gaya ng isang maliit na kongregasyon. Sa pasimula, nakakanerbiyos na mangasiwa sa mga pulong, yamang hindi ko naman palaging naiintindihan ang mga sagot ng mga tagapakinig. Gayunman, ang aking asawa ay nakaupo sa likod, at kapag napansin niyang ako’y nalilito, lihim siyang tumatango sa akin upang ipaalam na tama ang sagot.
Wala akong likas na kakayahang matuto ng mga wika, at hindi lamang miminsang inisip ko na bumalik na sa Inglatera, na doo’y magagawa ko ang lahat ng bagay na mas madali. Gayunpaman, sa simula pa lamang, ang pag-ibig at pakikipagkaibigan ng ating mahal na mga kapatid na Kastila ay sapat na upang itumbas sa aking mga pagkabigo sa wika. At biniyayaan ako ni Jehova ng natatanging mga pribilehiyo na nagpaging mukhang makabuluhan naman ang lahat. Noong 1958, inanyayahan akong dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa New York bilang delegado mula sa Espanya. Pagkatapos noong 1962, tumanggap ako ng napakahalagang pagsasanay sa Kingdom Ministry School na inorganisa para sa amin sa Tangier, Morocco.
Ang isa pang suliranin na aking kinaharap, bukod sa wika, ay ang patuloy na pag-aalala na baka ako hulihin ng pulis. Bilang isang dayuhan, alam kong kapag ako’y nahuli ay awtomatikong palalayasin ako sa bansa. Upang mabawasan ang peligro, gumagawa kaming magkakapareha. Habang ang isa’y nangangaral, ang isa naman ay nagbabantay sa anumang panganib. Pagkadalaw sa isa o dalawang pinto, malimit ay sa pinakaitaas ng isang apartment, pupunta naman kami sa dalawa o tatlong kanto papalayo at dadalaw sa dalawa o tatlong iba namang bahay. Ginagamit naming mabuti ang Bibliya, at may dala lamang kaming ilang buklet na nakasingit sa aming amerikana upang ialok sa mga interesado.
Pagkalipas ng isang taon sa Madrid, naatasan kami sa Vigo, isang malaking lunsod sa hilagang-kanluran ng Espanya, na doo’y wala man lamang mga Saksi. Humigit-kumulang sa loob ng isang buwan, iminungkahi ng Samahan na ang aking asawa muna ang siyang palaging magpatotoo—upang magmukhang kami’y namamasyal lamang bilang mga turista. Sa kabila ng disimuladong paraang ito, nakatawag pa rin ng pansin ang aming pangangaral. Hindi lumipas ang isang buwan at sinimulan na ng mga paring Katoliko na tuligsain kami sa radyo. Binabalaan nila ang mga miyembro ng kanilang parokya na may mag-asawang nagbabahay-bahay at nakikipag-usap tungkol sa Bibliya—isang aklat na halos ipinagbabawal ng batas nang panahong iyon. Ang “mag-asawang pinaghahanap ng batas” na binubuo ng isang dayuhan at ng kaniyang asawang Kastila, na siyang palaging nagsasalita!
Itinakda ng mga pari na kahit ang pakikipag-usap lamang sa mapanganib na mag-asawang ito ay isang kasalanan na patatawarin lamang kung ikukumpisal agad sa isang pari. At gaya ng dapat asahan, sa pagtatapos ng isang kasiya-siyang pakikipag-usap sa isang ginang, buong-pagpapaumanhing sinabi niya sa amin na dapat na siyang umalis upang mangumpisal. Nang umalis kami sa bahay nila, nakita namin siyang nagmamadaling umalis patungo sa simbahan.
Pagpapalayas
Makalipas lamang ang dalawang buwan mula nang kami’y dumating sa Vigo, nanunggab na agad ang pulis. Ang pulis na umaresto sa amin ay maawain naman at hindi na kami pinosasan habang patungo sa istasyon ng pulisya. Sa istasyon, may namukhaan kami, isang tagapagmakenilya na napatotohanan namin kamakailan lamang. Kitang-kita sa kaniya na siya’y nahihiya sa ginagawang pakikitungo sa amin na wari’y mga kriminal at nagmamadaling tiniyak sa amin na hindi siya ang nagdawit sa amin. Gayunman, kami’y pinaratangang nagdudulot ng panganib sa “espirituwal na pagkakaisa ng Espanya,” at pagkaraan ng anim na linggo ay pinalayas kami sa bansa.
Iyon ay isang balakid, subalit wala kaming intensiyon na manghimagod. Marami pang dapat isagawa sa Iberian Peninsula. Pagkaraan ng tatlong buwan sa Tangier, inatasan kami sa Gibraltar—isa pang di-nagagawang teritoryo. Gaya ng sabi ni apostol Pablo, kung pinahahalagahan natin ang ating ministeryo, patuloy tayong gagawa at gagantimpalaan tayo. (2 Corinto 4:1, 7, 8) Naging totoo ito sa aming kalagayan. Sa kauna-unahang bahay na aming dinalaw sa Gibraltar, nagsimula kami ng isang pag-aaral sa Bibliya sa buong pamilya. Di-nagtagal, nagdaraos na kami ng tig-17 pag-aaral bawat isa. Marami sa mga taong pinagdausan namin ng pag-aaral ang naging Saksi, at sa loob ng dalawang taon ay nagkaroon na ng isang kongregasyon na may 25 mamamahayag.
Ngunit, gaya sa Vigo, nagsimulang mangampanya ang klero laban sa amin. Pinaalalahanan ng obispong Anglikano sa Gibraltar ang hepe ng pulisya na kami’y “di-kanais-nais,” at ang kaniyang pang-iimpluwensiya ay nagbunga sa wakas. Noong Enero 1962 kami’y pinalayas sa Gibraltar. Saan naman kaya kami pupunta ngayon? Malaki pa rin ang pangangailangan sa Espanya, kaya bumalik kami roon, na umaasang nalimutan na ang aming nakaraang rekord sa pulisya.
Ang maaraw na lunsod ng Seville ang aming bagong tahanan. Doon ay nagkaroon kami ng kagalakan sa malapit na pakikisama sa isa pang mag-asawang payunir, sina Ray at Pat Kirkup. Bagaman ang Seville ay isang lunsod na may kalahating milyong naninirahan, mayroon lamang 21 mamamahayag, kaya napakalaki ng gawain. Sa ngayon ay may 15 kongregasyon na may 1,500 mamamahayag. Pagkaraan ng isang taon nagkaroon kami ng isang magandang sorpresa; naanyayahan kaming maglingkod sa paglalakbay na gawain sa lugar ng Barcelona.
Ang gawaing pansirkito sa isang bansang ang gawain natin ay hindi legal na kinikilala ay medyo naiiba. Linggu-linggo ay dinadalaw namin ang maliliit na grupo, na karamihan sa mga ito’y iilan lamang ang may kakayahang mga kapatid na lalaki. Kailangan ng masisipag na brother na ito ang lahat ng pagsasanay at pag-alalay na maibibigay namin. Minahal namin ang atas na ito! Pagkatapos na magugol namin ang ilang taon sa mga lugar na may kakaunti lamang kung mayroon mang Saksi, tuwang-tuwa kami sa pagdalaw sa napakarami namang iba’t ibang kapatid. Isa pa, mas madali ang gawaing pangangaral sa Barcelona, at maraming tao ang nagnanais na makipag-aral ng Bibliya.
Pakikipaglaban sa Panlulumo
Gayunman, makalipas lamang ang anim na buwan, biglang nagbago ang aking buhay. Ang aming unang pagbabakasyon sa tabing-dagat ay kamuntik nang naging isang trahedya nang maganap ang aksidenteng inilarawan ko kanina. Madali akong nakabawi sa pisikal mula sa malaking takot ng muntik nang pagkalunod, subalit ang pangyayari’y nag-iwan ng di-makatkat na marka sa aking sistema ng nerbiyos.
Sa loob ng ilang buwan, nagsikap akong magpatuloy sa gawaing pansirkito, ngunit sa wakas ay kinailangan kong bumalik sa Inglatera upang magpagamot. Makalipas ang dalawang taon lubusan na akong magaling at nakabalik sa Espanya, at doo’y muli na naman kaming nasa pansirkitong gawain. Gayunman, ito’y hindi nagtagal. Nagkasakit nang malubha ang mga magulang ng aking asawa, at kami’y umalis sa buong-panahong paglilingkod upang maalagaan sila.
Naging lalong mahirap ang buhay nang magkaroon ako ng ganap na nervous breakdown noong 1968. May mga pagkakataong inakala namin kapuwa ni Rafaela na hindi na ako gagaling pa. Para bang muli akong nalulunod, ngunit naiiba naman! Bukod sa nagiging dahilan upang ako’y mapuspos ng mga negatibong damdamin, inagaw pa rin ng panlulumo ang lahat ng aking lakas. Inaatake ako ng labis na panlalatâ, anupat napipilitan akong magpahinga maya’t maya. Sa pagkakataong ito hindi lahat ng kapatid ay nakaunawa sa uri ng problemang ito; mangyari pa alam kong ito’y nauunawaan ni Jehova. Naging isang malaking kasiyahan sa akin ang pagbabasa ng kahanga-hangang mga artikulo sa mga magasing Ang Bantayan at Gumising! na totoong nakauunawa at nakatutulong sa mga nanlulumo.
Sa mahihirap na panahong ito, patuloy na naging bukal ng pampatibay-loob ang aking asawa. Ang pagharap sa mga suliranin nang magkasama ay tunay na nakapagpapatibay ng buklod ng pag-aasawa. Pumanaw ang mga magulang ni Rafaela, at makalipas ang 12 taon, gayon na lamang ang pagbuti ng aking kalusugan anupat nadama naming makababalik na rin kami sa buong-panahong paglilingkod. Noong 1981, sa aming pagkabigla at katuwaan, naanyayahan kaming muli na maglingkod sa pansirkitong gawain.
Napakalalaking teokratikong pagbabago ang naganap na sa Espanya mula nang dati naming karanasan sa naglalakbay na ministeryo. Malaya na ngayon ang pangangaral, kaya kinailangan kong isunod ang aking sarili sa panahon. Gayunman, ang minsan pang paglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito ay isang dakilang pribilehiyo. Ang aming pagpapayunir sa kabila ng mahihirap na kalagayan ay nagpangyari sa aming mapatibay-loob ang mga payunir na may mga suliranin. At madalas na natutulungan namin ang iba na makisama sa hanay ng mga payunir.
Makalipas ang 11 taón ng gawaing paglalakbay sa Madrid at Barcelona, muli na namang kinailangang magbago ng aming atas dahil sa aming humihinang kalusugan. Inatasan kami bilang mga special pioneer sa lunsod ng Salamanca, na doo’y magagamit ako bilang isang matanda. Agad na ipinadama sa amin ng mga kapatid sa Salamanca na kami’y kanilang tinatanggap. Makalipas ang isang taon isa pang krisis ang maglalagay sa pagsubok sa aming pagbabata.
Hindi maipaliwanag ang pagiging labis na anemiko ni Rafaela, at isiniwalat ng mga pagsusuri na siya’y may kanser sa colon. Ngayon ay ako naman ang dapat na maging malakas at magbigay sa aking asawa ng lahat ng pag-alalay na aking maibibigay. Sa pasimula ay hindi kami makapaniwala, kasunod ay takot. Maliligtasan kaya ito ni Rafaela? Sa mga sandaling katulad nito, ang lubusang pagtitiwala kay Jehova ang tumutulong sa amin upang magpatuloy. Natutuwa akong sabihin na naging tagumpay ang pagtistis kay Rafaela, at umaasa kaming huwag sanang umulit ang kanser.
Bagaman dumanas kami ng tagumpay at pagkabigo sa 36 na taóng ginugol namin sa Espanya, nakapagpapasigla ng puso ang mabuhay sa mga panahong ito ng espirituwal na pagsulong. Nakita namin ang maliit na grupo ng mga 800 mamamahayag noong 1958 na lumago tungo sa isang hukbo ng mahigit na 100,000 mamamahayag sa ngayon. Ang aming mga suliranin ay natakpan ng maraming kagalakan namin—ng pagtulong sa iba na tanggapin ang katotohanan at sumulong sa espirituwal, ng paggawang magkasama bilang mag-asawa, at ng pagkadama na nagamit namin ang aming buhay sa pinakamabuting paraan na magagawa.
Sinabi ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto: “Yamang taglay namin ang ministeryong ito ayon sa awa na ipinakita sa amin, hindi kami nanghihimagod.” (2 Corinto 4:1) Sa paglingon sa nakaraan, naniniwala akong may ilang dahilan sa aking buhay na humadlang sa akin upang manghimagod. Ang halimbawa ng tapat na pinahirang mga kapatid na nagmalasakit sa akin sa panahon ng aking paglaki ay naglaan ng isang mainam na pundasyon. Ang pagkakaroon ng isang asawang nakikibahagi sa magkaparehong tunguhin sa espirituwal ay isang kahanga-hangang tulong; kapag ako’y nanlulumo, pinatitibay ni Rafaela ang aking loob, at gayundin ang aking nagawa sa kaniya. Isang mahalagang katangian din ang pagiging mapagpatawa. Ang pakikipagtawanan sa mga kapatid—at pagtawa sa aming sarili—sa papaano man ay nakababawas sa aming mga problema.
Ngunit higit sa lahat, ang pagbabata sa harap ng mga pagsubok ay nangangailangan ng lakas ni Jehova. Palagi kong nagugunita ang mga salita ni Pablo: “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” Palibhasa’y nasa tabi namin si Jehova, walang dahilan para sa amin na manghimagod kailanman.—Filipos 4:13.
[Mga larawan sa pahina 23]
Sina Ronald at Rafaela Taylor noong 1958
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Pagpupulong sa ilalim ng pagbabawal sa Espanya (1969)