Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Nararating ang Malalayong Pamayanan sa Greenland
SA LOOB ng maraming dekada ay ginamit na ng mga Saksi ni Jehova ang mga magasing Bantayan at Gumising! sa pangangaral ng mabuting balita. Ang mga lathalaing ito ay dumadakila sa karunungan ni Jehova ayon sa ipinahahayag sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang mga ito’y nagmamasid sa mga pangyayari sa daigdig na may kaugnayan sa hula ng Bibliya, at ikinakapit ng mga ito ang makatuwirang payo ng Bibliya sa mga suliranin sa kasalukuyan.—Santiago 3:17.
Noong 1994, ang mga Saksi sa Greenland ay gumawa ng pantanging pagsisikap na mag-alok ng Ang Bantayan at Gumising! sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Sa panahon ng tag-araw, sila’y gumawa ng mga kaayusan na dalawin ang pinakamalalayong pamayanan sa Greenland. Isang grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian ang naglakbay sakay ng bangka nang mahigit na 4,000 kilometro sa baybaying kanluran patungo sa Qaanaaq (Thule), anupat narating ang ilan sa mga pamayanang nasa pinakadulong hilaga ng globo. Ang kanilang biyahe ay tumagal nang pitong linggo. Sa silangang baybayin, isang mag-asawang Saksi ang nakarating sa pamayanan ng Ittoqqortoormiit at sa unang pagkakataon ay sistematikong nangaral doon ng mabuting balita.
Maaga nang taóng iyon, sa buwan ng Abril, 7,513 sipi ng Ang Bantayan at Gumising! ang naipamahagi sa mga taga-Greenland. Ibig sabihin niyan, sa katamtaman, bawat isa sa 127 mamamahayag ng Kaharian ay nakapamahagi ng 59 na magasin—1 magasin para sa bawat 7 mamamayan. Nang buwan na iyon, ang Gumising! ay nagtampok ng isang serye ng mga artikulo sa ilalim ng pabalat na titulong “Kanser sa Suso—Pangamba ng Bawat Babae.” Isang Saksi, na nakapamahagi ng 140 magasin, ang nag-iwan ng mga sipi ng Gumising! na iyon sa isang reporter sa telebisyon. Makalipas ang dalawang araw, isang programa sa pagbabalita sa telebisyon ang nagtampok ng mga artikulo sa kanser sa suso. Ang magasin ay ipinakita ng reporter sa telebisyon, anupat nagpakita ng mga ilang pahina habang pinupuri niya ang kalidad ng pagkasalin sa Greenlandic. Kaniya ring itinampok ang mga praktikal na mungkahi na ibinigay ng Gumising! bilang panghadlang na pangangalaga sa kalusugan.
Ang Saksi na unang nakapamahagi ng mga magasin sa reporter ay kinapanayam sa programa ring iyon sa TV. Sinagot niya ang ilang tanong tungkol sa mga Saksi ni Jehova at binanggit ang malawakang pamamahagi ng mga magasin sa buwang iyon. Siya’y nagkomento rin tungkol sa praktikal na karunungang masusumpungan sa Bibliya at binanggit na ang gayong makatuwirang payo ay makatutulong sa atin na harapin ang mga suliranin sa ngayon.
Ang programa ay nagtapos sa pamamagitan ng isang panayam sa presidente ng Greenlandic Cancer Society. Binanggit niya na ngayon lamang siya nakakita ng gayong kainam at nakapagtuturong materyal sa paksang ito sa kaniyang wika. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang lahat ng mga interesado sa paksang kanser sa suso na basahin ang mga artikulo sa Gumising! Sinabi niya na may mabuting dahilan na magpasalamat sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang pangunguna.
Gaya sa Greenland, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay patuloy na nangangaral ng mabuting balita “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23; Gawa 1:8) Sa paggamit ng literatura sa Bibliya, kasali na Ang Bantayan at Gumising!, tinutulungan nila ang lahat ng uri ng tao na harapin ang kasalukuyang mga suliranin at bigyan sila ng pag-asa para sa isang mas magandang hinaharap.
[Mapa sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Qaanaaq (Thule)
Ittoqqortoormiit
Nuuk (Godthåb)