Papaano Ka Makapananatiling Ligtas sa Mapanganib na Kapaligiran?
“LAGI na lamang akong natatakot. Takót ako kapag nasa elebeytor. Takót ako kapag nasa kotse. Takót ako kapag nasa aking apartment. Saanman ay may krimen. Lagi na lamang nananakawan ang mga tao,” sabi ni Maria. Nadarama mo ba ang gaya ng nadarama ng babaing ito na taga-Brazil, anupat natatakot sa iyong kapaligiran, lalo na sa kadiliman ng gabi?
Maaaring kapana-panabik na magbasa ng mga kuwentong detektib, pero sa totoong buhay ay madalas na hindi maligaya ang wakas. Maaaring di-nalutas ang krimen. O sa mga kaso ng pagpatay, may nawalan ng asawang lalaki, ama, o anak na lalaki, nawalan ng asawang babae, ina, o anak na babae. Dumarami ba ang mararahas na krimen sa inyong lugar? Naghahangad ka ba ng isang tahimik na pook na kung saan magiging ligtas ang iyong pamilya? O, kung wala kang pagpipilian kundi ang palakihin ang iyong mga anak sa isang lugar na palasak ang krimen, ano ang magagawa mo upang maging ligtas?
Totoo, marami pa ring mga lunsod na doo’y iilang krimen ang naiuulat. Sa maraming lupain, ang mga tao ay namumuhay pa rin sa katahimikan ng kabukiran o sa tiwasay na mga nayon. Subalit mabilis ang pagbabago maging sa mga lugar na dati’y itinuturing na ligtas sa krimen. Halimbawa, sa Brazil 50 taon na ang nakaraan, 70 porsiyento ng populasyon ang nakatira sa kabukiran. Ngayon ay 70 porsiyento ang naninirahan sa mga lunsod. Kasabay ng mga pagkakataong makapagtrabaho ay ang paglago ng mga suliranin sa lunsod, tulad ng krimen at karahasan. Naninirahan man sa isang mapanganib o hindi mapanganib na lugar, kailangan mo pa ring pumasok sa trabaho o sa paaralan o gumawa ng maraming bagay sa labas ng tahanan.
Sa pag-amin sa lumalaganap na “tanda ng pagkasindak,” binanggit ng isang hepe ng pulisya sa Rio de Janeiro na may malaking bahagi ang kawalang-katarungan sa lipunan at organisadong krimen. Inaakala rin niya na ang mga pahayagan at telebisyon ay nakapagdudulot ng malaganap na takot, “anupat sinisira ang loob ng mga mamamayan dahil sa nakalulungkot na mga balita.” Ang pag-aabuso sa droga, pagguho ng pamilya, at di-sapat na edukasyon sa relihiyon ay mga sanhi rin ng lumalagong katampalasanan. At ano ang maaasahan sa hinaharap? Ang patuloy kayang pagpapakita ng mararahas na eksena, anupat minamaliit iyon sa mga aklat at mga pelikula bilang libangan, ay magiging dahilan upang ang mga tao ay maging walang-malasakit sa iba? Ang mga lugar kaya na itinuturing na ligtas sa krimen ay maging mapanganib din?
Yamang ang karahasan ay hindi kanais-nais para sa biktima, matindi ang ating hangarin na maging ligtas. Hindi nga nakapagtataka na ang mga nababahalang mamamayan ay humihiling ng higit pang mga pulis sa mga lansangan at mas mabigat na mga sentensiya o maging ng hatol na bitay! Sa kabila ng mga panganib, ang ilan ay bumibili ng mga baril para maipagtanggol ang sarili. Ibig naman ng iba na ipagbawal ng mga awtoridad ang pagbebenta ng mga armas. Subalit sa kabila ng masamang balita na laganap ang krimen, hindi kailangang mawalan ng pag-asa. Sa katunayan, maraming naninirahan sa malalaking lunsod gaya ng Johannesburg, Mexico City, New York, Rio de Janeiro, at São Paulo ay hindi pa kailanman nanakawan. Suriin natin kung papaano nakatatagal ang mga tao sa isang mapanganib na kapaligiran.
Panatilihin ang Positibong Saloobin
Hinggil sa isang lugar na palasak ang krimen, nagkomento ang isang manunulat tungkol sa “kakayahan at tiyaga ng libu-libong taga-Brazil na kakikitaan ng dignidad at kagandahang-asal sa kabila ng mahirap na kalagayan ng pamumuhay.” Pagkatapos ng 38 taóng pamamalagi sa Rio de Janeiro, ganito ang sabi ni Jorge: “Iniiwasan ko ang ilang kalye at mga lugar at hindi ako nag-uusyoso. Iniiwasan ko ring maglakad sa kalye kung gabi at hindi ako nagpapakita ng labis na takot. Bagaman ako’y maingat, minamalas ko ang mga tao na wari bang sila’y matapat, anupat pinakikitunguhan sila nang may dignidad at paggalang.”
Oo, iwasan ang di-kinakailangang abala. Huwag makialam. Huwag ipagwalang-bahala ang bagay na ang sobrang takot ay makaaapekto sa nerbiyos, anupat maging ang mga taong may magandang asal ay napakikilos nang di-makatuwiran. Hinggil sa kaniyang trabaho sa isang mapanganib na lugar, ganito ang sabi ni Odair: “Sinisikap kong maging positibo, hindi ipinapasok sa aking isip ang takot sa masasamang bagay na maaaring mangyari dahil ito’y nagiging sanhi ng di-kinakailangang kaigtingan at pagkasindak. Sinisikap kong maging magalang sa lahat ng tao.” Bukod sa pagiging alerto at paglayo sa mga taong kahina-hinala, sinabi pa niya ang isang tulong upang masupil ang emosyon ng isa: “Higit sa lahat, nililinang ko ang tiwala sa Diyos na Jehova, inaalaala na walang nalilingid sa kaniyang paningin at anumang nangyayari ay pinahihintulutan niya.”
Gayunpaman, walang sinuman ang ibig na mabuhay sa takot. Isa pa, sino ang tututol na ang labis na takot at kaigtingan ay nakapipinsala sa emosyonal at pisikal na kalusugan? Kaya naman, anong pag-asa mayroon para sa mga nangangambang sila’y maaaring salakayin anumang oras? Yamang marami ang nababahala na lulubha pa ang krimen sa hinaharap, makikita pa kaya natin ang wakas ng karahasan? Inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na artikulo, “Kailan Kaya Magwawakas ang Takot?”