Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 9/15 p. 5-6
  • Paninibugho ang Halos Nagwasak ng Aking Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paninibugho ang Halos Nagwasak ng Aking Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Dinaraig ng Pag-ibig ang Di-nararapat na Paninibugho
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Paano Ko Maaalis ang Paninibugho?
    Gumising!—1985
  • Mapanibughuin, Paninibugho
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mapanibughuin Ukol sa Dalisay na Pagsamba kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 9/15 p. 5-6

Paninibugho ang Halos Nagwasak ng Aking Buhay

TALAGANG nagsimula akong ligaligin ng paninibugho nang magpakasal ako sa aking pangalawang asawa, si Mark.a Kaming dalawa ay kinailangang mag-asikaso ng ilang anak buhat sa naunang pag-aasawa at makitungo sa kani-kaniyang dating asawa. Kung minsan ay talagang napakahirap ang kalagayan. Kailanma’t may alitan sa loob ng pamilya, waring hindi ako pinapanigan ni Mark. Nadama ko tuloy na iniibig pa rin niya ang dati niyang asawa. Sa halip na pigilin ang aking paninibugho, hinayaan kong ito ang sumupil sa aking buhay. Nababagabag ako sa tuwing naririyan ang dating asawa ni Mark.

Palagi kong binabantayan si Mark, pinagmamasdan ko pa man din ang kaniyang mga mata kung saan siya nakatingin. Binibigyan ko ng kahulugan ang kaniyang mga nakikita. Kung minsan ay hayagan ko siyang pagbibintangan na siya’y umiibig pa rin sa kaniyang dating asawa. Minsan siya ay totoong naligalig anupat siya’y tumayo at nilisan ang isang Kristiyanong asamblea. Nakadama ako ng pagkakasala sa harap ni Jehova. Ginawa kong miserable ang buhay ng aking pamilya sapagkat nang bandang huli ay naapektuhan din ang mga bata. Naiinis ako sa aking sarili dahil sa aking ginagawa, pero anumang pagsisikap ang gawin ko, hindi ko talaga mapigil ang aking paninibugho.

Sa halip na tulungan ako, si Mark ay nagsimulang gumanti. Kapag pinagbibintangan ko siya, sisigawan naman niya ako, “Selos, nagseselos ka lang.” Sinasadya pa man din niyang pagselosin ako. Marahil iniisip niya na lulunasan nito ang aking paninibugho, pero lumala lamang ang mga bagay-bagay. Nagsimula siyang tumingin sa ibang babae, anupat sinasabi pa kung gaano sila kaganda. Dahil dito ay nadama kong ako’y lalong mababa at di-kailangan. Umabot sa punto na lumitaw sa akin ang isa pang nakasusuklam na damdamin​—​ang pagkapoot. Noon ay gulung-gulo ako anupat gusto ko nang mawala siya at ang kaniyang pamilya sa aking buhay.

Kapag sinasabi ng Bibliya na ang “paninibugho ay kabulukan sa mga buto,” gayung-gayon nga ito. (Kawikaan 14:30) Nagsimula nang maapektuhan ang aking kalusugan. Nagkaroon ako ng mga ulser sa tiyan na natagalan bago gumaling. Patuloy na ginawa kong miserable ang aking buhay sa pamamagitan ng paghihinala sa lahat ng ginagawa ni Mark. Maghahanap ako sa kaniyang mga bulsa, at kung may masumpungan akong mga numero ng telepono, tatawagan ko upang malaman kung sino ang sasagot. Hiyang-hiya ako sa sarili ko, anupat umiiyak dahil nahihiya ako kay Jehova. Pero hindi ko mapigil ang sarili ko. Ang sarili ko ang aking pinakamahigpit na kaaway.

Naapektuhan ang aking espirituwalidad hanggang sa puntong hindi ko na magawang manalangin. Iniibig ko si Jehova at talagang nais kong gawin kung ano ang tama. Alam ko ang lahat ng teksto hinggil sa mga asawang lalaki at babae, pero hindi ko maikapit ang mga ito. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, ayaw ko nang mabuhay, sa kabila ng katotohanan na mayroon akong mahuhusay na anak.

Naging malaking pampatibay-loob sa akin ang matatanda sa Kristiyanong kongregasyon at sinikap nilang matulungan ako sa abot ng kanilang makakaya. Ngunit nang banggitin nila ang tungkol sa aking paninibugho, ikinaila ko iyon dala ng kahihiyan, palibhasa’y ayaw kong aminin na iyon ang aking problema.

Nang dakong huli, nahulog ang aking katawan nang gayon na lamang anupat ako ay kinailangang dalhin sa ospital para maoperahan. Nang ako’y naroroon ay natanto ko na hindi maaaring magpatuloy nang ganito ang aking buhay. Nagpasiya kami ni Mark na maghiwalay sa loob ng tatlong buwan upang pag-aralan ang aming situwasyon nang hindi labis na nasasangkot ang damdamin. Sa panahong iyon ay may magandang nangyari. Lumabas sa magasing Gumising! ang isang artikulong may pamagat na “Tulong sa Adultong mga Anak ng Alkoholiko.”b

Alam ninyo, ang aking ina ay isang alkoholiko. Bagaman hindi naman ako inabuso sa pisikal, ang aking mga magulang ay hindi kailanman nagpakita ng pisikal na pagmamahal sa isa’t isa at sa akin. Wala akong matandaan na niyakap ako ng aking ina o kaya’y sinabi sa akin na ako’y minamahal niya. Kaya ang totoo ay lumaki ako na hindi talaga alam kung papaano magmahal o, kasinghalaga nito, kung papaano mahalin.

Madalas sabihin sa akin ng aking ina ang tungkol sa mga relasyon ng aking ama at na hindi niya siya mapagkatiwalaan. Kaya sa palagay ko ay lumaki akong hindi nagtitiwala sa mga lalaki sa pangkalahatan. Dahil sa pagpapalaki sa akin, lagi kong nadarama na ako ay nakabababa sa iba, lalo na sa ibang babae. Ang pagbabasa ng artikulong iyon sa Gumising! ay nakatulong sa akin na masakyan ang kahulugan ng mga bagay na ito. Sa unang pagkakataon, naunawaan ko ang ugat ng aking suliranin sa paninibugho.

Ipinakita ko ang artikulo ng Gumising! sa aking asawang si Mark, at nakatulong din iyon sa kaniya na higit akong maunawaan. Di-nagtagal at nagagawa na naming sundin ang payo ng Bibliya para sa mga mag-asawa na nagbabalak maghiwalay. Nagkasundo kami. (1 Corinto 7:10, 11) Ngayon ay mas mainam ang aming pagsasama higit kailanman. Magkasama naming ginagawa ang mga bagay-bagay, lalo na ang mga gawaing Kristiyano. Naging mas maunawain si Mark. Halos araw-araw ay sinasabi niya sa akin kung gaano niya ako kamahal, at ngayon ay talagang pinaniniwalaan ko iyon.

Tuwing malalaman ko na magkikita kami ng dating asawa ni Mark, nananalangin ako kay Jehova ukol sa lakas, na hinihiling sa kaniya na tulungan akong gumawi sa paraan ng isang maygulang na Kristiyano. At naging mabisa iyon. Maging ang pagkainis ko sa kaniya ay unti-unting nawawala. Hindi na ako nag-iisip ng negatibong mga bagay o hinahayaan ko man na matangay ako ng aking guniguni.

Nakadarama pa rin ako ng di-nararapat na paninibugho. Tanging ang sakdal na buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ang lubusang makapag-aalis nito sa akin. Samantala, natutuhan kong supilin ang paninibugho, sa halip na hayaang ito ang sumupil sa akin. Oo, halos wasakin ng paninibugho ang aking buhay, subalit salamat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, ako ngayon ay totoong maligaya, at nakabalik na sa normal ang aking kalusugan. Muli na naman akong nagtataglay ng matibay na kaugnayan sa aking Diyos, si Jehova.​—Isinulat.

[Mga talababa]

a Binago ang pangalan.

b Tingnan ang Gumising! ng Mayo 22, 1992, pahina 8-12.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share