50 Taon ng Bigóng Pagsisikap
“KAMING MGA BAYAN NG UNITED NATIONS AY DETERMINADONG iligtas ang susunod na mga salinlahi buhat sa salot ng digmaan, na dalawang ulit na nagdulot sa yugto ng ating buhay ng di-maubos-maisip na dalamhati sa sangkatauhan, at patibaying-muli ang pagtitiwala sa mga saligang karapatang pantao, sa dignidad at halaga ng pagkatao, sa pantay-pantay na karapatan ng mga lalaki at mga babae at ng mga bansa maliliit man o malalaki, . . . ”—Pambungad sa saligang-batas ng United Nations.
OKTUBRE 24, 1995 ang siyang ika-50 anibersaryo ng United Nations. Lahat ng 185 miyembrong Estado sa kasalukuyan ay nakatalaga sa orihinal na mga simulain at tunguhin ng organisasyon gaya ng nakasaad sa saligang-batas na iyan: upang panatilihin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan; upang pigilin ang mga pagsalakay na nagbabanta sa kapayapaan ng daigdig; upang pasiglahin ang pagkakaibigan ng mga bansa; upang ipagsanggalang ang mga saligang kalayaan ng lahat ng bayan nang walang pagtatangi batay sa lahi, kasarian, wika, o relihiyon; at upang matamo ang pandaigdig na pagtutulungan sa paglutas ng mga suliranin sa ekonomiya, sa lipunan, at sa kultura.
Sa loob ng 50 taon ang organisasyon ng United Nations ay gumawa ng kapansin-pansing pagsisikap upang pairalin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Masasabi pa nga na maaaring nahadlangan nito ang ikatlong digmaang pandaigdig, at hindi na naulit ang lansakang pagpuksa ng buhay ng tao sa pamamagitan ng bombang nuklear. Milyun-milyong bata ang pinaglaanan ng United Nations ng pagkain at gamot. Iyon ay nakatulong sa pinaghusay na pamantayan ng kalusugan sa maraming bansa, anupat naglalaan, bukod pa sa ibang bagay, ng tubig na mas ligtas inumin at ng imyunisasyon laban sa mapanganib na mga sakit. Milyun-milyong refugee ang tumanggap din ng makataong tulong.
Bilang pagkilala sa mga nagawa nito, limang beses na nakatanggap ng Nobel Peace Prize ang organisasyon ng United Nations. Gayunman, ang nakapaghihinagpis na katotohanan ay na hindi pa rin tayo nabubuhay sa isang sanlibutan na walang digmaan.
Kapayapaan at Katiwasayan—Di-naabot na mga Tunguhin
Pagkatapos ng 50 taóng pagsusumikap, ang kapayapaan at katiwasayan ay nananatiling di-naabot na mga tunguhin. Sa isang kamakailang talumpati sa United Nations General Assembly, ipinahayag ng presidente ng Estados Unidos ang kaniyang pagkasipahayo sa pagsasabi na “ang siglong ito na lipos ng pag-asa at pagkakataon at tagumpay ay isa ring panahon ng matinding pagkawasak at kawalang-pag-asa.”
Habang papatapos na ang 1994, ganito ang sabi ng The New York Times: “Halos 150 digmaan o maliliit na labanan ang nagaganap na siyang ikinamamatay ng libu-libong tao—mas maraming sibilyan kaysa sa mga sundalo sa karamihan ng mga kalkulasyon—at daan-daang libo ang nagiging mga refugee.” Iniulat ng United Nations Department of Public Information na sapol noong 1945 mahigit na 20 milyon katao ang nawalan ng kanilang buhay sanhi ng armadong mga labanan. Sinabi ng embahador ng E.U. sa United Nations na si Madeleine Albright na ang “panrehiyong mga labanan ay mas makahayop ngayon sa maraming paraan.” Ang mga paglabag sa karapatang pantao at pagtatangi-tangi ay laman ng balita sa araw-araw. Maraming bansa ang waring nagtitiis sa halip na makipagkaibigan sa isa’t isa.
Inamin ni Sir David Hannay, embahador ng Britanya sa United Nations, na “ang United Nations sa tuwina, hanggang sa mga taon ng 1980, ay halos malapit na sa pagiging isang marangal na kabiguan.” Ang sekretaryo-heneral ng United Nations, si Boutros Boutros-Ghali, ay nagpahayag ng kalungkutan sa bagay na may lumalaking kawalang-interes at panghihinawa sa gitna ng mga miyembrong Estado hinggil sa mga operasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan. Naging konklusyon niya na para sa maraming miyembro, “ang United Nations ay hindi siyang numero unong prioridad.”
Ang Impluwensiya ng Media
Bagaman waring makapangyarihan ang United Nations, ang mga pagsisikap nito ay madalas na biguin ng pulitika at ng media. Walang kapangyarihan ang United Nations kung hindi ito sinusuportahan ng mga miyembro nito. Ngunit kung walang pagsang-ayon ng publiko, ang United Nations ay hindi susuportahan ng maraming miyembro ng UN. Halimbawa, ayon sa The Wall Street Journal, dahil sa “kahindik-hindik na kabiguan sa Somalia at Bosnia ay napapaniwala ang maraming Amerikano na ang organisasyon ay hindi lamang isang pag-aaksaya, kundi sa totoo ay isang panganib pa nga.” Ang saloobing ito ng publiko ang nakahikayat naman sa ilang pulitikong Amerikano na imungkahi ang pagbabawas ng pinansiyal na suporta ng E.U. sa United Nations.
Hindi nag-aatubili ang mga organisasyon sa pagbabalita kung tungkol sa matinding pagpuna sa United Nations. Ang mga pananalitang gaya ng “lubusang kawalang-kakayahan,” “nakapagpapabigat,” “walang-saysay,” at “paralisado” ay malayang ginagamit kapag inilalarawan ang iba’t ibang bahagi ng mga operasyon ng UN. Sinabi kamakailan ng The Washington Post National Weekly Edition na “ang United Nations ay nananatiling isang mabagal na burukrasya na nagpupumilit na makibagay sa totoong daigdig.”
Isa pang pahayagan ang sumipi kay Sekretaryo-Heneral Boutros Boutros-Ghali na nagpapahayag ng kaniyang pagkasiphayo sa lansakang pagpapatayan sa Rwanda. Sabi niya: “Iyon ay isang kabiguan hindi lamang para sa United Nations; iyon ay isang kabiguan para sa pandaigdig na komunidad. At lahat tayo ay may pananagutan sa kabiguang ito.” Sinabi naman ng isang popular na news-special sa telebisyon noong 1993 na ang United Nations “ay nabigong pahintuin ang pinakamalaking banta sa kapayapaan—ang paglaganap ng nuklear na mga armas.” Bumanggit ang programa sa TV tungkol sa isang United Nations na “naging pulos salita lamang sa nakaraang mga dekada.”
Ang laganap na damdaming ito ng pagkabigo ay lubhang ikinababahala ng mga opisyal ng United Nations at nakadaragdag sa kanilang pagkasiphayo. Subalit sa kabila ng pagkasiphayo, sa ika-50 anibersaryo ng United Nations, marami ang waring may panibagong positibong pangmalas at umaasa sa isang magandang pasimula. Bagaman inaamin ang mga pagkukulang ng United Nations, inulit ni Embahador Albright ang damdamin ng marami nang sabihin niya: “Kailangang huminto na tayo ng pagsasalita tungkol sa pinagdaanan natin, at dapat nating pag-usapan ang tungkol sa ating patutunguhan.”
Oo, saan patungo ang daigdig? Magkakaroon pa kaya ng isang sanlibutan na walang digmaan? Kung gayon, anong papel ang gagampanan doon ng United Nations? Isa pa, kung ikaw ay may takot sa Diyos, dapat mong itanong, ‘Anong papel ang gagampanan doon ng Diyos?’
[Kahon sa pahina 4]
BIGONG MGA PAGSISIKAP
Hindi maaaring umiral ang kapayapaan at katiwasayan hangga’t may digmaan, karalitaan, krimen, at katiwalian. Inilabas kamakailan ng United Nations ang sumusunod na estadistika.
Mga Digmaan: “Sa 82 armadong labanan sa pagitan ng 1989 at 1992, 79 ay sa mga lokal na lugar, karamihan ay hinggil sa lahi; 90 porsiyento ng mga nasawi ay mga sibilyan.”—United Nations Department of Public Information (UNDPI)
Mga Armas: “Tinataya ng ICRC [International Committee of the Red Cross] na mahigit sa 95 na mga maypagawaan sa 48 bansa ang may produksiyon na 5 hanggang 10 milyong bomba para sa mga tauhan ng militar bawat taon.”—United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR)
“Sa Aprika, may humigit-kumulang 30 milyong bomba na nakakalat sa mahigit na 18 bansa.”—UNHCR
Karalitaan: “Sa buong daigdig, isa sa bawat lima katao—mahigit na isang bilyon lahat-lahat—ang nabubuhay sa labis na karalitaan, at tinatayang 13 milyon hanggang 18 milyon ang namamatay taun-taon sanhi ng karalitaan.”—UNDPI
Krimen: “Ang naiulat na krimen ay tumaas sa pandaigdig na aberids na 5 porsiyento bawat taon sapol noong mga taon ng 1980; sa EUA lamang, may 35 milyong krimen ang nagaganap taun-taon.”—UNDPI
Katiwalian: “Nagiging palasak na ang katiwalian sa publiko. Sa ilang bansa ang halaga ng mga pandaraya sa pananalapi ay tinatayang katumbas ng 10 porsiyento ng kabuuang lokal na produkto ng bansa sa isang taon.”—UNDPI