Isang Sanlibutan na Walang Digmaan—Kailan?
NAGKABISA ang Karta ng United Nations noong Oktubre 24, 1945. Iyon ang pinakakumpletong estratehiya para sa pandaigdig na kapayapaan na dinisenyo kailanman ng mga tao. Kasama ang 51 orihinal na miyembrong mga Estado, ang United Nations ay naging pinakamalaking pandaigdig na organisasyon sa kasaysayan ng daigdig. Gayundin, sa kauna-unahang pagkakataon, isang pandaigdig na organisasyon ang may kontrol sa isang hukbo upang magpatupad ng kapayapaan at katiwasayan at magpairal ng isang sanlibutan na walang digmaan.
Sa ngayon, dahil sa ito ay may 185 miyembrong mga Estado, ang United Nations ay higit na makapangyarihan kailanman. Bakit, kung gayon, nabigo ang pinakamakapangyarihang pandaigdig na organisasyon sa kasaysayan na lubusang isakatuparan ang mararangal na layunin nito?
Relihiyon—Isang Malaking Hadlang
Isang malaking suliranin ay ang papel na ginagampanan ng relihiyon sa mga pangyayari sa sanlibutan. Totoo, sapol nang itatag ang United Nations, ipinangako na ng mga pangunahing relihiyon sa sanlibutan ang kanilang suporta sa organisasyong iyan. Sa pagtukoy sa ika-50 anibersaryo nito, bumanggit si Pope John Paul II tungkol sa United Nations bilang “ang pinakamahusay na kasangkapan sa pagtataguyod at pagpapanatili ng kapayapaan.” Kaisa niya sa damdamin ang pandaigdig na komunidad ng mga pinunong relihiyoso. Subalit ang mataktikang ugnayang ito sa pagitan ng relihiyon at pamahalaan ay hindi makapagkukubli sa katotohanan na ang relihiyon ay naging isang hadlang at suliranin sa United Nations.
Sa loob ng mga siglo ang relihiyon ay gumanap ng isang pangunahing papel sa pagtataguyod o pagsuporta sa nasyonalistikong pagkakapootan, mga digmaan, at paglipol ng lahi. Sa nakaraang mga taon, samantalang nagkukubli sa likod ng relihiyosong kataimtiman, pinatay ng mga tao ang kanilang kapuwa tao. Ang terminong “paglilinis ng lahi” ay malaganap na ginamit hinggil sa digmaan sa Balkans. Gayunman, ang marahas na pagkapoot na taglay ng marami roon para sa isa’t isa ay salig sa kinaaanibang relihiyon sa halip na sa lahi, yamang karamihan sa kanila ay may parehong lahing pinagmulan. Oo, kailangang tanggapin ng relihiyon ang malaking pananagutan sa pagdanak ng dugo sa dating Yugoslavia, at hindi nagawang mapahinto iyon ng United Nations.
Angkop lamang, sinabi kamakailan ng isang propesor ng relihiyon sa isang kolehiyo na “sa isang sanlibutan pagkatapos ng malamig na digmaan na may lumalagong relihiyosong kapusukan, ang pagsusuri sa relihiyon at paglipol ng lahi ay maaaring isa sa mga dapat unahin, sa kabila ng pagkabalisang lilikhain nito.” Maliwanag sa ngayon ang isang bagong kabatiran kung papaano hinahadlangan ng relihiyon ang mga pagsisikap para sa pandaigdig na kapayapaan.
Isang deklarasyon sa UN noong 1981 ang nagsasaad ng ganito: “Nababahala sa mga kapahayagan ng di-pagpaparaya at ng pag-iral ng pagtatangi may kinalaman sa relihiyon o paniniwala na umiiral pa rin sa ilang panig ng daigdig, Nagpasiya na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang para sa mabilis na pagpawi sa gayong di-pagpaparaya sa lahat ng anyo nito at mga kapahayagan at upang hadlangan at labanan ang pagtatangi batay sa relihiyon o paniniwala.”
Kasuwato ng kanilang deklarasyon, idineklara ng United Nations ang 1995 upang maging ang Taon Ukol sa Pagpaparaya. Subalit, kung magiging makatotohanan tayo, posible kaya kailanman na matamo ang kapayapaan at katiwasayan sa isang sanlibutan na nababahagi dahil sa relihiyon?
Ang Hinaharap ng Relihiyon
Ang isang hula sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay naglalaan ng sagot. Bumabanggit ito tungkol sa makasagisag na “dakilang patutot” na nakaupo bilang “isang reyna” at may “isang kaharian sa mga hari sa lupa.” Ang patutot na ito ay namumuhay sa “walang-kahihiyang luho” at may kaugnayan sa mga pamahalaan sa sanlibutan. Ang mga pamahalaang ito ay inilalarawan bilang “isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop,” na sa ibabaw niya ay maginhawang nakasakay ang patutot. (Apocalipsis 17:1-5, 18; 18:7) Kilala bilang ang “Babilonyang Dakila,” ang makapangyarihan at mahalay na babaing ito ay isinunod sa pangalan ng sinaunang Babilonya, ang pinagmulan ng idolatrosong relihiyon. Angkop naman, ang patutot ay kumakatawan ngayon sa lahat ng relihiyon sa sanlibutan, na nakikisali sa mga gawain ng mga pamahalaan.
Nagpapatuloy ang salaysay sa pagsasabi na, pagsapit ng panahon, ilalagay ng Diyos sa puso ng militar na mga elemento ng mabangis na hayop na ito ay dapat nang kumilos. Ang mga ito “ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy.” (Apocalipsis 17:16)a Sa gayon ang Diyos na Jehova mismo ang mangunguna sa pamamagitan ng pagmamaneobra sa makapangyarihang mga bansa tungo sa isang kampanya na alisin ang huwad na relihiyon. Ang pandaigdig na relihiyosong sistema, pati na ang mararangyang templo at mga dambana nito, ay lubusang wawasakin. Kung magkagayon ay mawawala na sa kanilang landas ang relihiyosong hadlang sa pagtatatag ng kapayapaan at katiwasayan. Ngunit kahit na sa panahong iyon, magkakaroon kaya ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa lupa?
Likas na Di-kasakdalan ng Tao
Mayroon bang anumang garantiya na ang pag-aalis sa relihiyon ang magbubukas ng daan tungo sa isang sanlibutan na walang digmaan? Wala. Patuloy na haharap ang United Nations sa isang kakatwang situwasyon. Sa isang panig, ibig ng mga tao ng kapayapaan at katiwasayan. Subalit, sa kabilang panig, ang mga tao rin ang siyang pinakamalaking banta sa kapayapaan at katiwasayan. Ang poot, pagmamapuri, egotismo, kaimbutan, at kawalang-alam ay mga katangian ng tao na siyang ugat ng lahat ng alitan at digmaan.—Santiago 4:1-4.
Inihula ng Bibliya na sa ating panahon ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri.”—2 Timoteo 3:1-4.
Inamin ni Sekretaryo-Heneral Boutros Boutros-Ghali na “ang sanlibutan ay dumaranas ng isang sosyal at moral na krisis na, sa maraming lipunan, nasa napakalawak na antas.” Hindi kaya ng anumang diplomatikong pagmamaneobra na hadlangan ang nakapipinsalang mga katangian ng likas na di-kasakdalan ng tao.—Ihambing ang Genesis 8:21; Jeremias 17:9.
Si Jesu-Kristo—Ang Prinsipe ng Kapayapaan
Maliwanag, walang-kakayahan ang United Nations na pairalin ang pandaigdig na kapayapaan. Ang mga miyembro at tagapagtangkilik nito ay pawang di-sakdal na mga tao, sa kabila ng kanilang matatayog na layunin. Sinasabi ng Bibliya na “hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Isa pa, nagbababala ang Diyos: “Huwag mong ilagak ang iyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang nauukol na kaligtasan.”—Awit 146:3.
Inihuhula ng Bibliya kung ano ang gagawin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Ganito ang sabi ng Isaias 9:6, 7: “May isang bata na ipinanganak sa atin, may isang anak na ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay mapupunta sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Sa kasaganaan ng kaniyang pamamahala bilang prinsipe at sa kapayapaan ay walang wakas.”
Ang mga bansa ng sanlibutan ay nanghihimagod na sa 50 taon ng bigong mga pagsisikap. Malapit na nilang lipulin ang tulad-patutot na relihiyosong mga organisasyon. Kung magkagayon si Jesu-Kristo, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” at ang kaniyang hukbo ng makalangit na mga mandirigma ang siyang pupuksa sa lahat ng pamahalaan ng tao at lilipol sa lahat ng tumatanggi sa soberanya ng Diyos. (Apocalipsis 19:11-21; ihambing ang Daniel 2:44.) Sa pamamagitan nito ay paiiralin ng Diyos ang isang sanlibutan na walang digmaan.
[Talababa]
a Para sa malalim na pag-aaral ng hula ng Apocalipsis tungkol sa Babilonyang Dakila, tingnan ang mga kabanata 33 hanggang 37 ng aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 7]
ANG KRISTIYANONG PANGMALAS SA UNITED NATIONS
Sa hula ng Bibliya, ang mga pamahalaan ng tao ay malimit na isinasagisag ng mababangis na hayop. (Daniel 7:6, 12, 23; 8:20-22) Kaya naman, sa loob ng maraming dekada ay ipinakilala ng magasing Bantayan ang mababangis na hayop sa Apocalipsis kabanata 13 at 17 bilang ang mga makasanlibutang pamahalaan sa ngayon. Kasali rito ang United Nations, na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 17 bilang isang matingkad-pulang hayop na may pitong ulo at sampung sungay.
Gayunman, hindi binibigyang-dahilan ng maka-Kasulatang paninindigang ito ang anumang anyo ng kawalang-paggalang sa mga pamahalaan o sa kanilang mga opisyal. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon. Samakatuwid siya na sumasalansang sa awtoridad ay naninindigan laban sa kaayusan ng Diyos; yaong mga naninindigan laban dito ay tatanggap ng hatol sa kanilang mga sarili.”—Roma 13:1, 2.
Kasuwato nito, ang mga Saksi ni Jehova, na nag-iingat ng mahigpit na neutralidad sa pulitika, ay hindi nakikialam sa mga pamahalaan ng tao. Hindi sila nagpapasimuno ng paghihimagsik o nakikibahagi sa pagsuway sa pamahalaan. Sa halip, kinikilala nila na ang ilang anyo ng pamahalaan ay kailangan upang pairalin ang batas at kaayusan sa lipunan ng tao.—Roma 13:1-7; Tito 3:1.
Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang organisasyon ng United Nations kagaya ng pangmalas nila sa iba pang lupon ng pamahalaan sa sanlibutan. Kinikilala nila na ang United Nations ay patuloy na umiiral sa pagpapahintulot ng Diyos. Kasuwato ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-uukol ng nararapat na paggalang sa lahat ng pamahalaan at sinusunod ang mga ito hangga’t ang gayong pagsunod ay hindi humihiling na sila’y magkasala laban sa Diyos.—Gawa 5:29.