William Tyndale—Isang Taong may Pangarap
Si William Tyndale ay isinilang sa Inglatera “sa mga hangganan ng Wales,” malamang na sa Gloucestershire, bagaman hindi matiyak ang eksaktong lugar at petsa. Noong Oktubre 1994, ipinagdiwang ng Inglatera ang ika-500 anibersaryo ng kapanganakan ng lalaking “nagbigay sa atin ng ating Bibliyang Ingles.” Dahil sa akdang ito si Tyndale ay ipinapatay. Bakit?
NAGPAKADALUBHASA si William Tyndale sa pag-aaral ng Griego at Latin. Noong Hulyo 1515, samantalang hindi pa lumalampas sa edad na 21, tumanggap siya ng Master of Arts degree sa Oxford University. Pagsapit ng 1521 siya ay isa nang ordenadong paring Romano Katoliko. Ang Katolisismo sa Alemanya noong panahong iyon ay nasa kalituhan dahil sa gawain ni Martin Luther. Subalit ang Inglatera ay nanatiling isang bansang Katoliko hanggang sa wakas ay kumalas si King Henry VIII sa Roma noong 1534.
Bagaman Ingles ang karaniwang wika noong panahon ni Tyndale, lahat ng edukasyon ay sa wikang Latin. Iyon din ang wika ng simbahan at ng Bibliya. Noong 1546 muling ipinahayag ng Council of Trent na ang ikalimang-siglong Latin Vulgate ni Jerome ang siyang tanging gagamitin. Gayunman, ang mga edukado lamang ang makababasa niyaon. Bakit ipagkakait sa mga mamamayan ng Inglatera ang Bibliya sa wikang Ingles at ang kalayaan na basahin iyon? “Isinalin din ni Jerome ang Bibliya sa kaniyang sariling wika: bakit hindi natin maaaring gawin din iyon?” ang katuwiran ni Tyndale.
Isang Hakbang ng Pananampalataya
Kasunod ng kaniyang pamamalagi sa Oxford at malamang pagkatapos ng karagdagang pag-aaral sa Cambridge, tinuruan ni Tyndale ang kabataang mga anak na lalaki ni John Walsh sa loob ng dalawang taon sa Gloucestershire. Sa panahong ito ay pinagyaman niya ang hangarin na isalin ang Bibliya sa Ingles, at tiyak na nagkaroon ng pagkakataon na pasulungin ang kaniyang kakayahan sa pagsasalin sa tulong ng bagong teksto sa Bibliya ni Erasmus na may magkatapat na tudling sa Griego at Latin. Noong 1523, iniwan ni Tyndale ang pamilyang Walsh at naglakbay patungo sa London. Layunin niya na humingi ng permiso kay Cuthbert Tunstall, ang obispo ng London, para sa kaniyang salin.
Kailangan ang pahintulot ni Turnstall dahil kasali sa mga probisyon ng isang sinodo noong 1408 sa Oxford, na kilala bilang ang Konstitusyon ng Oxford, ang pagbabawal sa pagsasalin o pagbabasa ng Bibliya sa karaniwang wika, maliban nang may pahintulot ang obispo. Dahil sa pagtatangkang labagin ang pagbabawal na ito, maraming lumilibot na mángangarál na kilala bilang mga Lollard ang sinunog bilang mga erehe. Ang mga Lollard na ito ay bumabasa buhat sa Bibliya ni John Wycliffe at namamahagi nito, isang saling Ingles buhat sa Vulgate. Nadama ni Tyndale na dumating na ang panahon upang isalin ang mga kasulatang Kristiyano buhat sa Griego tungo sa isang bago, tunay na bersiyon para sa kaniyang simbahan at para sa mga mamamayan ng Inglatera.
Ang obispong si Tunstall ay isang taong marunong na may malaking nagawa upang patibaying-loob si Erasmus. Bilang katibayan ng kaniyang sariling kakayahan, isinalin ni Tyndale para sa pagsang-ayon ni Tunstall ang isa sa mga talumpati ni Isocrates, isang mahirap na tekstong Griego. Malaki ang pag-asa ni Tyndale na matatamo niya ang pakikipagkaibigan at pagtangkilik ni Tunstall at na tatanggapin nito ang kaniyang alok na isalin ang Kasulatan. Ano ang gagawin ng obispo?
Tumanggi—Bakit?
Bagaman si Tyndale ay may liham ng pagpapakilala, ayaw siyang tanggapin ni Tunstall. Kaya kinailangang sumulat si Tyndale na humihingi ng isang panayam. Kung pumayag man si Tunstall na makausap si Tyndale ay hindi alam, ngunit ang sagot niya ay, ‘Masikip na sa aking bahay.’ Bakit sadyang di-pinansin ni Tunstall si Tyndale?
Ang pagrerepormang ginagawa ni Luther sa kontinente ng Europa ay nagdudulot ng malaking pagkabahala sa Simbahang Katoliko, na may mga epekto sa Inglatera. Noong 1521, naglathala si King Henry VIII ng isang matinding salaysay na nagtatanggol sa papa laban kay Luther. Bilang pasasalamat ay ipinagkaloob ng papa kay Henry ang titulong “Tagapagtanggol ng Pananampalataya.”a Aktibo rin ang Kardinal ni Henry na si Wolsey, anupat sinira ang mga aklat ni Luther na inangkat sa ilegal na paraan. Bilang isang Katolikong obispo na tapat sa papa, sa hari, at sa kaniyang kardinal, nadama ni Tunstall ang obligasyon na pigilin ang anumang kaisipan na maaaring kumikiling sa rebeldeng si Luther. Si Tyndale ang pangunahing pinaghinalaan. Bakit?
Noong kasama niya ang pamilyang Walsh, walang-takot na nagsalita si Tyndale laban sa kawalang-alam at pagkapanatiko ng lokal na klero. Isa sa kanila si John Stokesley na nakakilala kay Tyndale sa Oxford. Nang dakong huli ay hinalinhan niya si Cuthbert Tunstall bilang obispo ng London.
Ang pagsalansang kay Tyndale ay makikita rin sa isang pakikipagharap sa isang may mataas-na-tungkuling klerigo na nagsabi: “Mas mabuti sa amin ang walang batas ng Diyos kaysa walang batas ng papa.” Sa di-malilimutang mga salita, ganito ang tugon ni Tyndale: ‘Sinasalungat ko ang Papa at ang lahat ng kaniyang batas. Kung pahihintulutan ng Diyos ang aking buhay nang maraming taon pa, pangyayarihin ko na ang isang batang nag-aararo ay makaalam nang higit tungkol sa Kasulatan kaysa sa iyo.’
Si Tyndale ay kinailangang humarap sa administrador ng diyosesis ng Worcester sa maling paratang na erehiya. “Ako’y seryosong pinagbantaan niya, at nilait ako,” ang nagunita ni Tyndale nang maglaon, at sinabi pang siya’y tinratong parang “isang aso.” Subalit walang ebidensiya upang hatulan si Tyndale ng erehiya. Naniniwala ang mga istoryador na lahat ng ito ay palihim na ipinabatid kay Tunstall upang impluwensiyahan ang kaniyang desisyon.
Pagkatapos gugulin ang isang taon sa London, sa wakas ay nasabi ni Tyndale: “Walang lugar sa palasyo ng aking panginoon sa London upang isalin ang bagong Tipan, ngunit gayundin . . . walang dako sa buong Inglatera upang magawa iyon.” Tama siya. Sa kapaligiran ng panunupil na sanhi ng gawain ni Luther, sinong manlilimbag sa Inglatera ang mangangahas na mag-imprenta ng Bibliya sa Ingles? Kaya noong 1524, tinawid ni Tyndale ang English Channel, upang hindi na bumalik pa.
Sa Europa at Panibagong mga Suliranin
Taglay ang kaniyang pinakaiingatang mga aklat, nakasumpong si Tyndale ng kanlungan sa Alemanya. Dala-dala niya ang £10 na may kabaitang ibinigay ng kaibigan niyang si Humphrey Monmouth, isang maimpluwensiyang mangangalakal sa London. Ang regalong ito ay halos sapat na nang mga panahong iyon upang maipalimbag ni Tyndale ang Griegong Kasulatan na binabalak niyang isalin. Nang dakong huli ay dinakip si Monmouth dahil sa pagtulong kay Tyndale at sa diumano’y pakikiayon kay Luther. Pagkatapos pagtatanungin at ibilanggo sa Tower of London, pinalaya lamang si Monmouth matapos makiusap kay Kardinal Wolsey para sa kapatawaran.
Kung saan mismo nagtungo si Tyndale sa Alemanya ay hindi alam. Ipinakikita ng ilang ebidensiya na ito’y sa Hamburg, kung saan maaaring gumugol siya ng isang taon. Nakausap kaya niya si Luther? Hindi ito tiyak, bagaman ang paratang laban kay Monmouth ay nagsasabi na nakausap niya. Isang bagay ang tiyak: naging lubhang abala si Tyndale sa pagsasalin ng Griegong Kasulatan. Saan kaya niya maipalilimbag ang kaniyang manuskrito? Ipinagkatiwala niya ang atas na ito kay Peter Quentell sa Cologne.
Lahat ay maayos naman hanggang sa nalaman ng mananalansang na si John Dobneck, na kilala rin bilang si Cochlaeus, ang nangyayari. Ang kaniyang mga natuklasan ay agad na inireport ni Cochlaeus sa isang matalik na kaibigan ni Henry VIII na karaka-raka namang nakagawa ng paraan upang maipagbawal ang paglilimbag ni Quentell ng salin ni Tyndale.
Tumakas si Tyndale at ang kaniyang katulong, si William Roye, upang iligtas ang kanilang buhay, na dala-dala ang mga pahina ng Ebanghelyo ni Mateo na naimprenta na. Naglayag sila sa ilog Rhine patungo sa Worms, kung saan tinapos nila ang kanilang gawa. Dumating ang panahon na 6,000 kopya ng unang edisyon ng New Testament ni Tyndale ang nailimbag.b
Tagumpay—Sa Kabila ng Pagsalansang
Ang pagsasalin at paglilimbag ay isang suliranin. Ibang bagay naman ang pagdadala ng mga Bibliya sa Britanya. Determinado ang mga ahente ng Simbahan at sekular na awtoridad na pigilin ang paglululan patawid sa English Channel, ngunit ang matulunging mga mangangalakal ang siyang sagot. Nakatago sa mga paldó ng tela at iba pang kalakal, ang mga tomo ay ipinuslit sa mga dalampasigan ng Inglatera at nakarating sa Scotland. Lumakas ang loob ni Tyndale, ngunit nagsisimula pa lamang ang kaniyang pakikipaglaban.
Noong Pebrero 11, 1526, si Kardinal Wolsey, kasama ang 36 na obispo at iba pang matataas na pinuno ng simbahan, ay nagtipon malapit sa St. Paul’s Cathedral sa London “upang makitang sinusunog ang malalaking basket na punô ng mga aklat.” Kasali sa mga ito ang ilang kopya ng mahalagang salin ni Tyndale. Sa unang edisyong ito, mayroon na lamang dalawang kopya ang natitira ngayon. Ang tanging kumpleto na nalalabi (kulang lamang ang pahina ng titulo) ay nasa British Library. Nakapagtataka, ang isa, na may nawawalang 71 pahina, ay natuklasan sa St. Paul’s Cathedral Library. Kung papaano iyon napunta roon, walang nakaaalam.
Palibhasa’y buo ang loob, ipinagpatuloy ni Tyndale ang paglalabas ng mga bagong edisyon ng kaniyang salin, na sistematikong kinumpiska at sinunog ng mga klerigong Ingles. Pagkatapos ay binago ni Tunstall ang kaniyang pamamaraan. Nakipagkasundo siya sa mangangalakal na nagngangalang Augustine Packington na bilhin ang anumang aklat na isinulat ni Tyndale, kasali na ang New Testament, upang masunog ang mga ito. Ito’y ipinakipag-usap kay Tyndale, na nakipagkasundo naman kay Packington. Ganito ang sabi ng Chronicle ng Halle: “Napunta sa obispo ang mga aklat, napunta kay Packington ang pasasalamat, at napunta kay Tyndale ang salapi. Pagkaraang mailimbag ang higit pang Bagong Tipan, ang mga ito’y biglang nagdagsaan sa Inglatera.”
Bakit gayon na lamang ang pagsalansang ng klero sa salin ni Tyndale? Samantalang waring nilalambungan ng Latin Vulgate ang sagradong teksto, ang pagkasalin ni Tyndale buhat sa orihinal na Griego sa unang pagkakataon ay naghatid ng mensahe ng Bibliya sa wikang naiintindihan ng mga mamamayang Ingles. Halimbawa, minabuti ni Tyndale na isalin ang Griegong salitang a·gaʹpe bilang “pag-ibig” sa halip na “kawanggawa” sa 1 Corinto kabanata 13. Iginiit niya ang “kongregasyon” sa halip na “simbahan” upang bigyang-diin ang mga sumasamba, hindi ang mga gusali ng simbahan. Subalit ang pinakamatinding dagok para sa mga klero ay dumating nang palitan ni Tyndale ng “matanda” ang “pari” at gamitin ang “magsisi” sa halip na “magpenitensiya,” sa gayo’y hinuhubaran ang klero ng kanilang hawak na kapangyarihan bilang pari. Ganito ang sabi ni David Daniell hinggil dito: “Wala roong purgatoryo; walang ipinaririnig na kumpisal at penitensiya. Gumuho ang dalawang haligi ng kayamanan at kapangyarihan ng Simbahan.” (William Tyndale—A Biography) Iyan ang hamon na iniharap ng salin ni Tyndale, at lubusang sinasang-ayunan ng modernong mga iskolar ang kawastuan ng kaniyang pagpili ng mga salita.
Antwerp, Pagkakanulo, at Kamatayan
Sa pagitan ng 1526 at 1528, si Tyndale ay lumipat sa Antwerp, kung saan nadarama niyang siya’y ligtas sa gitna ng mga mangangalakal na Ingles. Doon ay isinulat niya ang The Parable of the Wicked Mammon, The Obedience of a Christian Man, at ang The Practice of Prelates. Ipinagpatuloy ni Tyndale ang kaniyang pagsasalin at siya ang kauna-unahang gumamit ng pangalan ng Diyos, na Jehova, sa isang saling Ingles ng Hebreong Kasulatan. Ang pangalan ay lumilitaw nang mahigit sa 20 ulit.
Hangga’t nananatili si Tyndale sa kaniyang kaibigan at tagapagtangkilik na si Thomas Poyntz sa Antwerp, siya ay ligtas mula sa mga intriga ni Wolsey at ng kaniyang mga espiya. Napabantog siya dahil sa pangangalaga niya sa mga maysakit at mga dukha. Nang maglaon, buong katusuhang nakuha ng Ingles na si Henry Phillips ang tiwala ni Tyndale. Bunga nito, noong 1535, si Tyndale ay ipinagkanulo at dinala sa Vilvorde Castle, sampung kilometro sa gawing hilaga ng Brussels. Doon siya ay ikinulong nang 16 na buwan.
Kung sino ang umupa kay Phillips ay hindi matiyak, ngunit ang daliri ng paghihinala ay tuwirang nakaturo kay Obispo Stokesley, na noo’y abalang-abala sa pagsunog ng mga “erehe” sa London. Sa kaniyang banig ng kamatayan noong 1539, si Stokesley ay “nagsaya na sa kaniyang tanang buhay ay naipasunog niya ang limampung erehe,” sabi ni W. J. Heaton sa The Bible of the Reformation. Kasali sa bilang na iyan si William Tyndale, na binigti bago sinunog sa madla ang kaniyang katawan noong Oktubre 1536.
Tatlong prominenteng teologo buhat sa Katolikong Louvain University, kung saan nakatala si Phillips, ang nasa komisyon na naglitis kay Tyndale. Tatlong klerigong tauhan ng simbahan buhat sa Louvain at tatlong obispo kasama na ang iba pang matataas na pinuno ang naroroon din upang hatulan si Tyndale ng erehiya at hubaran ng kaniyang katungkulan bilang pari. Lahat ay nagsaya sa kaniyang pagpanaw sa edad na mga 42.
“Si Tyndale,” sabi ng biyograpo na si Robert Demaus mahigit na sandaang taon na ang nakararaan, “sa tuwina ay kapansin-pansin dahil sa kaniyang walang-takot na katapatan.” Kay John Frith, na kaniyang kamanggagawa na sinunog sa London ni Stokesley, ganito ang isinulat ni Tyndale: “Kailanman ay hindi ko binago ang isang pantig sa salita ng Diyos na laban sa aking budhi, ni gagawin ko man iyon sa araw na ito, kahit na lahat ng nasa lupa, maging iyon man ay kaluguran, karangalan, o kayamanan, ay ibibigay sa akin.”
Kaya sa gayon ibinigay ni Tyndale ang kaniyang buhay para sa pribilehiyong maipagkaloob sa mga mamamayan ng Inglatera ang isang Bibliya na madali nilang mauunawaan. Anong laking halaga na kaniyang ibinayad—ngunit isa ngang walang-katumbas na kaloob!
[Mga talababa]
a Di-nagtagal at ang Fidei Defensor ay itinatak sa mga barya ng kaharian, at hiniling ni Henry na ipagkaloob ang titulong ito sa kaniyang mga kahalili. Sa ngayon ito ay lumilitaw sa palibot ng ulo ng soberano sa mga baryang Britano bilang Fid. Def., o kaya’y F.D. lamang. Kapansin-pansin, nang maglaon ang “Tagapagtanggol ng Pananampalataya” ay inilimbag sa pag-aalay kay King James sa King James Version ng 1611.
b Hindi tiyak ang bilang na ito; sinasabi ng ilang awtoridad na iyon ay 3,000.
[Kahon sa pahina 29]
NAUNANG MGA SALIN
ANG panawagan ni Tyndale ukol sa isang salin ng Bibliya sa wika ng karaniwang mga tao ay makatuwiran at may batayan. Isang salin sa Anglo-Saxon ang ginawa noong ikasampung siglo. Ang inilimbag na mga Bibliya na isinalin buhat sa Latin ay malayang naipamahagi sa Europa noong bandang katapusan ng ika-15 siglo: Aleman (1466), Italyano (1471), Pranses (1474), Czech (1475), Olandes (1477), at Catalan (1478). Noong 1522, inilathala ni Martin Luther ang kaniyang New Testament sa Aleman. Ang itinatanong lamang ni Tyndale ay kung bakit hindi pinahihintulutan na gawin ang gayon sa Inglatera.
[Picture Credit Lines sa pahina 26]
Ang Bibliya sa larawan: ©The British Library Board; William Tyndale: Sa may-kabaitang pahintulot ng Prinsipal, mga Kagawad at Iskolar ng Hertford College, Oxford