Ang Bibliya ni William Tyndale Para sa mga Tao
ISANG araw noon ng Mayo ng taong 1530.a Sa patyo ng simbahan ng St. Paul sa London ay siksikan ang mga tao. Imbis na doon magkulumpunan sa tindahan ng mga tagabenta ng aklat at magbalitaan at magtsismis na gaya ng dati, ang karamihang iyon ng mga tao ay makikitang naliligalig. Isang sunog ang nagngangalit sa gitna ng plasa. Ngunit hindi iyon isang karaniwang apoy lamang. Sa nagngangalit na apoy, may mga lalaking nagtatapon ng basket-basket na mga aklat. Iyon ay pagsusunog ng mga aklat!
Hindi rin naman karaniwang mga aklat ang sinusunog. Iyon ay mga Bibliya—ang “Bagong Tipan” at Pentateuch ni William Tyndale—ang mga unang nalimbag sa Ingles. Kataka-taka, ang mga Bibliyang iyon ay sinusunog dahil sa pag-uutos ng Obispo ng London, si Cuthbert Tunstall. Sa katunayan, siya’y gumugol ng malaki-laki ring halaga sa pagbili ng lahat ng mga sipi na masumpungan niya. Ano nga kaya ang masama sa mga Bibliyang iyo? Bakit kaya ginawa iyon ni Tyndale? At bakit pinaghirapan pa ng mga awtoridad na mailigpit iyon?
Ang Bibliya—Isang Saradong Aklat
Sa maraming panig ng daigdig ngayon, may kadalian na bumili ng isang Bibliya. Subalit dati’y hindi ganiyan. Kahit na sa Inglatera noong ika-15 at may pasimula ng ika-16 na siglo, ang Bibliya ay itinuturing na pag-aari ng simbahan, isang aklat na babasahin tangi lamang sa pangmadlang mga serbisyo at walang ibang magpapaliwanag kundi ang mga pari. Datapuwat, ang binabasa noon ay karaniwan nang kinukuha sa Bibliyang Latin, na hindi maintindihan ng karaniwang mga tao ni kaya nilang bilhin. Kaya naman, ang alam nila sa Bibliya ay yaon lamang mga istorya at mga leksiyon sa moral na binabanggit ng mga klerigo.
Ngunit hindi lamang ang karaniwang mga tao ang ignorante sa Bibliya. Ayon sa ulat, noong panahon ng paghahari ni Haring Edward VI (1547-53), nasumpungan ng isang obispo ng Gloucester na sa 311 mga klerigo, 168 ang hindi alam ulitin ang Sampung Utos at 31 ang hindi alam kung saan makikita iyon sa Bibliya. Apatnapu ang hindi alam ang Panalangin ng Panginoon at humigit-kumulang 40 ang hindi alam kung sino ang nagbigay nito. Totoo, si John Wycliffe ay nakapaglabas ng isang Bibliya sa Ingles noong 1384, at mga paraphrase (pakahulugan) ng sari-saring bahagi ng Kasulatan, gaya baga ng Mga Ebanghelyo at ng Mga Awit, ang umiiral sa wikang iyon. Gayunman, ang Bibliya sa katunayan ay isang saradong aklat.
Dahilan sa ganitong mga kalagayan si Tyndale ay naging disididong palaganapin ang Bibliya sa mga taong Ingles ang wika. “Natatalos kong imposible na ang mga tao’y patatagin sa anumang katotohanan,” ang isinulat niya, “maliban sa kung ang Kasulatan ay malinaw na nasasaksihan ng kanilang mga mata sa kanilang inang wika.”
Subalit sa pagsasalin ng Bibliya sa Ingles, pinukaw ni Tyndale ang poot ng mga maykapangyarihan. Bakit? Sapagkat sing-aga ng 1408 isang konseho ng mga klerigo ang nagpulong sa Oxford, Inglatera, upang magpasiya kung ang karaniwang mga mamamayan ay papayagan na magkaroon ng kopya ng Bibliya sa kanilang sariling wika para sa personal na gamit nila. Ang isang bahagi ng disisyon ay ganito: “Aming iniuutos nga at itinatalaga, na mula ngayon walang di-awtorisadong sinuman na magsasalin sa Ingles o sa anumang ibang wika ng anumang bahagi ng banal na Kasulatan . . . at ang parusa ay ang pagtitiwalag, hanggang sa ang nasabing salin ay aprobahan ng obispo ng diocese, o ng isang probinsiyal na konseho ayon sa hinihingi ng pagkakataon.”
Mahigit na isang siglo ang nakalipas, si Obispo Tunstall ay sumunod sa dekretong ito sa pagsunog sa Bibliya ni Tyndale, kahit na mas maaga pa roon ay sinikap ni Tyndale na aprobahan iyon ni Tunstall.b Sa opinyon ni Tunstall, ang salin ni Tyndale ay mayroong mga 2,000 kamalian at kung gayo’y “nakapepeste, iskandaloso, at sumisira sa simpleng mga pag-iisip.” Subalit ito ba’y maidadahilan ng obispo upang ipangatuwiran ang kaniyang pagsunog sa mga iyon? Si Tyndale kaya ay talagang isang mahinang tagapagsalin, na kulang ng kinakailangang pagkadalubhasa sa Hebreo, Griego, at Ingles? Gaano bang kainam na tagapagsalin si Tyndale?
Si Tyndale—Isang Mahinang Tagapagsalin Ba?
Bagama’t ang pagkaunawa sa Hebreo at sa Griego noon ay hindi kagaya ngayon, ang unawa ni Tyndale sa mga wikang ito ay katulad na rin niyaong sa karamihan ng mga iskolar noong kaniyang kapanahunan. Ang nagbibigay ng katangian sa salin ni Tyndale ay ang bagay na hindi lamang kinunsulta niya ang Latin Vulgate at ang saling Aleman ni Luther. Siya’y kumunsulta sa orihinal na tekstong Griego na unang inilathala noong 1516 ni Erasmus. Hindi nakalimutan ni Tyndale ang kaniyang layunin: gawing madali para sa karaniwang tao na basahin ang Kasulatan, hanggang sa “bata na nag-aararo ng bukid.” Kaya naman ang kaniyang istilo at idioma ay simple at malinaw, ngunit mabisa. At ang kaniyang masiglang ritmo ay tiyak na mababanaag sa kagalakan na kaniyang naranasan sa paggawa ng gayon.
Kaya totoong masasabi na “si Tyndale ay isang tagapagsalin na ang pasiya ay may pambihirang kabutihan. Bagama’t nagtrabaho siya sa pambihirang mahihirap na kalagayan, at noong kaniyang kaarawan ay bagito pa ang kaalaman sa mga wika ng Bibliya, siya’y nakapaglabas ng mga salin na nagsilbing huwaran para sa lahat ng mga tagapagsalin sa Ingles na kasunod niya.”—The Making of the English Bible, ni Gerald Hammond, pahina 42, 43.
Isang Wastong Salin
Kung sa kawastuan si Tyndale ay nagtakda rin ng isang mataas na pamantayan. Halimbawa, sa pagsasalin buhat sa Hebreo, sinikap niya na maging literal hangga’t maaari samantalang namamalagi siya sa paggamit ng isang madali, na simpleng istilo sa Ingles. Siya ay maingat maging sa reproduksiyon ng kalubusan ng paglalarawan sa Hebreo na may madalas na pag-uulit-ulit ng salitang “at” na pinagkakabit-kabit ang sunud-sunod na sugnay sa isang pangungusap. (Tingnan ang Genesis kabanata 33 sa King James Version, na halos sinunod na lahat ang pananalita ni Tyndale.) Nagbigay siya ng matamang pansin sa konteksto at iniwasan ang pagdaragdag o pagbabawas sa orihinal na teksto, bagaman ang paraphrasing (pagpapakahulugan) ang ginagawa noong panahong iyon ng karamihan ng mga tagapagsalin.
Ang mga salitang ginamit ni Tyndale ay maingat na pinili at wasto. Halimbawa, ginamit niya ang “pag-ibig” sa halip na “pagkakawanggawa,” “kongregasyon” sa halip na “simbahan,” at “elder” sa halip na “pari” pagka iyon ay naaangkop. Ito ay nakagalit sa mga kritiko na katulad ni Sir Thomas More sapagkat binago nito ang mga salita na naging bahagi na ng tradisyon kung kaya dinadakila. Kung hinihingi ng orihinal na ulitin ang isang salita, maingat si Tyndale sa muling paggamit niyaon. Bilang halimbawa: Sa Genesis 3:15, makalawang ginagamit ng kaniyang salin ang ‘treading’ (pagyurak) na ginagawa ng binhi ng babae at ng ahas.c
Si Tyndale din ang nagpasok ng personal na pangalan ng Diyos, na Jehovah, sa Bibliyang Ingles. Bilang manunulat ay pinuna ni J. F. Mozley na ginamit ito ni Tyndale nang “mahigit na dalawampung beses sa kaniyang Matandang Tipan” na mga pagsasalin.
Kung pagbabalikan natin ang epekto ng pagpapagal ni Tyndale at ang kanilang nananatiling mga katangian, ganito ang modernong pagkakilala sa kaniyang salin: “Ang pagkamatapat, kataimtiman, at istriktong integridad ni Tindale, ang kaniyang simpleng pagkaprangka, ang kaniyang nakabibighaning simpleng mga pananalita, ang kaniyang mahinhing musika, ay nagbigay ng awtoridad sa kaniyang pangungusap na nakaimpluwensiya sa mga huling bersiyon. . . . Siyam-sa-ikasampu ng Awtorisadong Bagong Tipan [King James Version] ang kay Tindale pa rin, at ang pinakamagaling ay kaniya pa rin.”—The Bible in Its Ancient and English Versions, pahina 160.
Hindi Nawalang-kabuluhan ang Trabaho ni Tyndale
Upang makatakas buhat sa pag-uusig ng mga awtoridad, si Tyndale ay tumakas sa kontinente ng Europa upang doon ipagpatuloy ang kaniyang trabaho. Subalit siya’y nahuli rin sa wakas. Siya’y sinentensiyahan sa pagiging isang erehes, siya’y binigti at sinunog sa tulos noong Oktubre 1536. Ang kaniyang huling panalangin ay: “Panginoon, buksan mo ang mga mata ng Hari ng Inglatera.” Bahagya man ay hindi niya batid noon na magbabago ang kalagayan. Noong Agosto 1537, wala pang isang taon pagkamatay ni Tyndale, si Haring Henry VIII ay nagbigay ng awtorisasyon sa Bibliya na karaniwang kilala bilang ang Bibliya ni Mateo. Kaniyang ipinag-utos na ito’y malayang ipagbili at basahin sa kaniyang nasasakupang lupain.
Ano ba ang Bibliya ni Mateo? Ganito ang paliwanag ni Propesor F. F. Bruce: “Kung susuriin ay makikitang halos ito ang Pentateuch ni Tyndale, ang bersiyon ni Tyndale ng historikal na mga aklat ng Matandang Tipan hanggang sa 2 Cronica . . . ang bersiyon ni Coverdale ng ibang mga aklat ng Matandang Tipan at ang Apocrypha, at ang Bagong Tipan ng 1535 ni Tyndale.” Kaya, ang patuloy ng manunulat, “iyon ay isang mahalagang akto ng hustisya . . . na ang unang Bibliyang Ingles na napalathala sa utos ng hari ay yaong Bibliya ni Tyndale (kung sa narating ng salin ni Tyndale), bagama’t hindi pa nararapat iugnay rito ang pangalan ni Tyndale kung sa publiko.”
Mga ilan pang taon, ang pag-ikot ng gulong ay malulubos. Nang isang edisyon ng salin na kilala bilang ang Great Bible—isang rebisyon ng Bibliya ni Mateo—ang ilabas noong 1541 at iniutos na mapalagay sa bawat simbahan sa Inglatera, ang titulong pahina ay may ganitong pangungusap: “Oversene and perused at the comaundemet of the kynges hyghnes, by the ryghte reverende fathers in God Cuthbert bysshop of Duresme, and Nicholas bishop of Rochester.” Oo, ang ‘Obispo ng Durham’ na ito ay walang iba kundi si Cuthbert Tunstall, dating Obispo ng London. Siya na dating mahigpit na mananalansang sa trabaho ni Tyndale ay nagbibigay ngayon ng pagsang-ayon sa paglalabas ng Great Bible, isang salin na masasabing kay Tyndale.
Kinilala sa Wakas
Marahil ay kataka-taka ngayon na makabasa ng gayong alitan sa Bibliya at ng pagkapoot sa mga tagapagsalin nito. Subalit marahil ang lalong kapuna-puna ay, sa kabila ng kanilang pagsisikap, hindi nahadlangan ng mga mananalansang sa Salita ng Diyos na ito’y makarating sa mga karaniwang tao. “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta,” ang sabi ni propeta Isaias, “ngunit ang salita ng ating Diyos, ito’y mananatili magpakailanman.”—Isaias 40:8.
Si Tyndale at ang mga iba pa ay nagtrabaho samantalang nakapanunghay sa kanila ang anino ng kamatayan. Subalit dahilan sa pagsisikap na mabasa ng maraming tao sa kanilang sariling wika ang Bibliya, kanilang inilagay sa harap nila ang pag-asa, hindi ng kamatayan, kundi ng buhay na walang hanggan. Gaya ng sabi ni Jesu-Kristo: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung gayon, harinawang pakamahalin natin at puspusang pag-aralan ang Salita ng Diyos.
[Mga talababa]
a Mga pangyayaring katulad ng inilarawan dito ang naganap noong 1526 at sa iba pang mga panahon.
b Para sa higit pang detalye tungkol sa buhay at ginawa ni Tyndale, tingnan ang The Watchtower ng Enero 1, 1982, pahina 10-14.
c Maraming modernong mga tagapagsalin ang hindi nagbibigay pansin sa inuulit na pandiwa sa Hebreo rito na may katumbas na kahulugan. Kaya sa halip na “bruise [susugatan] . . . bruise [susugatan]” (New World Translation; Revised Standard Version), kanilang ginamit ang “crush [dudurugin] . . . strike [hahampasin]” (The Jerusalem Bible; New International Version), “crush [dudurugin] . . . bite [kakagatin]” (Today’s English Version), “tread [yuyurakan] . . . strike [hahampasin]” (Lamsa), o “crush [dudurugin] . . . lie in ambush [tatambangan]” (Knox).
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Mula sa isang lumang inukit sa Bibliothèque Nationale