Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 12/1 p. 20-23
  • Isang Daang Taóng Gulang at Masigla Pa Rin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Daang Taóng Gulang at Masigla Pa Rin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabago ng Saloobin
  • Pagharap sa mga Pagsubok
  • Isang Sorpresang Pagdalaw
  • Pananagumpay sa Pangungulila
  • Kaligayahan Kong Maglingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
    Gumising!—1995
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 12/1 p. 20-23

Isang Daang Taóng Gulang at Masigla Pa Rin

AYON SA PAGKALAHAD NI RALPH MITCHELL

Ang aking ama, isang lalaking may katamtamang taas, ay isang Metodistang mángangarál. Siya’y iniaatas tuwing ikalawa o ikatlong taon sa iba’t-ibang simbahan sa sunud-sunod na mga bayan na karamiha’y maliliit, kasali na ang Asheville, North Carolina, E.U.A., kung saan ako’y isinilang noong Pebrero 1895. Kaya lumaki akong may malaking kaalaman sa Sangkakristiyanuhan.

NATATANDAAN ko pa na ako’y inaakay bilang isang bata patungo sa “bangkô ng mga namimighati” sa mga revival meeting upang mapuspos ng banal na espiritu​—upang “magtamo ng relihiyon,” gaya ng tawag nila dito. Sinabi sa akin na ikumpisal ko ang aking mga kasalanan, sundin ang Sampung Utos, at magpakabuti. Sa gayon ay tutungo ako sa langit kapag ako’y namatay. ‘Kung gayon,’ ang sabi ko sa aking sarili, ‘sa palagay ko’y tutungo ako sa impiyerno dahil hindi ako gayong kabuti para tanggapin sa langit.’ Akala ko noo’y yaong mga nasa edad lamang​—lalo na ang mga mángangarál​—​ang nakaaabot sa mga pamantayan ng Bibliya.

Subalit kahit noong bago pa ako magtin-edyer, napansin ko na ang pagpapaimbabaw sa relihiyon. Halimbawa, isasakripisyo ng aking ama ang materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya para lamang paglaanan nang malaking halaga ng salapi ang pondo ng obispo sa idaraos na pangkalahatang pagpupulong. Umasa siya na pangyayarihin nitong siya’y maatasan sa mas malaking simbahan. Natatandaan ko ang isang lokal na mángangarál na isa ring magsasakáng nagtatanim ng bulak. Sabik siyang makakuha ng prominenteng posisyon, kaya ipinagbili niya ang sandaang paldó ng bulak at nagtungo sa pagpupulong na may dalang maraming salapi. Nang wari’y nalikom na nila ang lahat ng salaping handang ibigay ng mga dumalo​—halos binubuo ng mga mángangarál​—ang nagtatanim-ng-bulak na mángangarál na ito ay biglang tumayo at sumigaw: “Ito lamang ba ang ibibigay ninyo sa inyong obispo? Bawat mángangarál na nagbigay ng limang dolyar, tutumbasan ko iyon ng sampung dolyar!” Mahigit sa sanlibong dolyar ang nalikom, at inatasan ng obispo ang lalaking ito na maging punong elder ni itay. Hindi ko mapaniwalaan na ang gayong paghirang ay nanggaling sa Diyos. Buhat noon ay nag-alinlangan na ako tungkol sa anumang may kinalaman sa relihiyon.

Ako ay tinawag sa hukbo nang masangkot ang Estados Unidos sa unang digmaang pandaigdig. Malinaw pa rin sa alaala ko nang marinig kong mangaral ang kapelyan ng hukbo sa amin na mga sundalo hinggil sa tapat na pakikipaglaban alang-alang sa aming bansa, at ito’y nagpasidhi lamang sa aking pagkasuya sa relihiyon. Ang mga tunguhin ko ay ang makaligtas, magtapos sa pag-aaral, at pagkatapos ay mag-asawa. Wala nang puwang ang relihiyon sa aking mga plano sa hinaharap.

Pagbabago ng Saloobin

Noong 1922, umibig ako sa isang kabataang babae na nagngangalang Louise. Natuklasan ko na siya’y isang debotong Katoliko, at nang magpasiya kaming pakasal, nais niya ng Katolikong kasalan. Buweno, hindi ko nais ang anumang relihiyosong seremonya, kaya sumang-ayon siya na kami’y pakasal sa isang gusaling pambayan sa New York City.

Sa simula wala kaming mga pagtatalo tungkol sa relihiyon. Basta niliwanag ko lamang sa kaniya na wala akong tiwala sa relihiyon at na magkakasundo kami hangga’t hindi ito pinag-uusapan. Nang maglaon, sa pagitan ng mga taóng 1924 at 1937, nagkaanak kami​—nang sunud-sunod, hanggang sa nagkaroon kami ng limang lalaki at limang babae! Nais ni Louise na mag-aral ang mga anak namin sa Katolikong paaralan. Ayaw ko naman silang magkaroon ng anumang uri ng relihiyosong pagsasanay, kaya kami ay nagtalo tungkol doon.

Maaga nang 1939 ay may nangyari na lubusang nagpabago sa aking pangmalas sa relihiyon. Dalawa sa mga Saksi ni Jehova, sina Henry Webber at Harry Piatt, ay dumating sa aking bahay sa Roselle, New Jersey. Madaling nahalata na nais nilang makipag-usap tungkol sa isang paksang hindi ako interesadong pag-usapan​—relihiyon. Ako’y nag-aalinlangan pa rin dahil sa bagay na sinabi ng kapelyan ng hukbo, ‘Makipaglaban alang-alang sa inyong bansa,’ samantalang ang mga relihiyonista naman sa lugar namin ay nagsasabi, ‘Huwag kang papatay.’ Ano ngang pagpapaimbabaw! Akala ko’y maitutuwid ko ang dalawang Saksing ito. “May sasabihin ako sa inyo,” ang sabi ko sa kanila. “Kung tunay ang inyong relihiyon, kung gayon ay huwad lahat ang iba pa. At sakali namang ang isa sa mga ito ang tunay, kung gayon ang lahat, lakip na ang sa inyo, ay huwad. Iisa lamang ang maaaring maging tunay na relihiyon.” Ang nakapagtataka, sumang-ayon sila sa akin!

Pagkatapos, hiniling nilang kunin ko ang aking Bibliya at buksan ito sa 1 Corinto 1:10. Doon ay nabasa ko: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pag-iisip at isa lamang paghatol.” (King James Version) Ako’y pinag-isip ng kasulatang ito. Kasabay nito, natatakot ako na baka sinisikap ng dalawang lalaking ito na isangkot ako sa isang uri ng kulto. Gayunman natutuhan ko ang isang bagay​—na hindi dapat magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga Kristiyano. Marami pa akong katanungan sa aking isipan. Halimbawa, Ano ang nangyayari sa kaluluwa pagkamatay? Anong inam sanang ipakipag-usap ang tanong na iyan sa kanila! Subalit, naisip ko, iyan ay maaaring lumikha ng malaking sigalutan sa tahanan may kinalaman sa relihiyon.

Nang magkagayon ay sinabi ng isa sa dalawang lalaki: “Nais naming bumalik at makipag-usap muli sa iyo sa susunod na linggo.” Mataktika kong sinikap na paalisin sila, subalit biglang nagsalita ang aking asawa. “Ralph,” sabi niya, “nais nilang malaman kung kailan sila makababalik.” Ito’y nakabigla sa akin, yamang siya’y isang saradong Katoliko! Gayunman, naisip ko, ‘Baka naman makasusumpong kami ng ilang bagay na mapagkakasunduan may kinalaman sa relihiyon.’ Kaya ako’y sumang-ayon na magbalik sina Henry Webber at Harry Piatt nang sumunod na Biyernes.

Ganiyan ako nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hindi nagtagal pagkatapos nito, inanyayahan akong daluhan ang isang kombensiyon sa Madison Square Garden sa New York City. Tandang-tanda ko pa ang pahayag ni Joseph F. Rutherford na “Government and Peace,” binigkas noong Hunyo 25, 1939. Isa ako sa 18,000 indibiduwal na naroroon. Ang totoo, 75,000 ang nakarinig sa lektiyur, kapag isasama mo yaong mga iniugnay sa pamamagitan ng internasyonal na kawing na ginagamit ang mga radyo-teleponong linya.

Gayunpaman ang mga bagay-bagay ay hindi naging madali. Ang mga tagasunod ng paring Katoliko na si Charles Coughlin ay nagbantang guguluhin ang asamblea, at totoo nga, sa kalagitnaan ng lektiyur ni Brother Rutherford, daan-daang galít na mga tao ang nagsimulang mangantiyaw at magsisigaw ng mga pamanság na gaya ng, “Heil Hitler!” at “Viva Franco!” Totoong malakas ang pagkakaingay anupat ang kaguluhan ay maririnig sa mga linya ng telepono! Inabot ng mga 15 minuto bago nasugpo ng mga tagahatid ang panggugulo. Habang nangyayari ito, si Brother Rutherford, na hindi natatakot, ay patuloy na nagsasalita samantalang ang paulit-ulit na palakpakan ng mga tagapakinig ay nagbigay sa kaniya ng pampatibay-loob.

Ngayon ako ay talagang nagtataka. Bakit magsusulsol ng gayong katinding pagkapoot ang isang paring Katoliko laban sa mga Saksi ni Jehova? Napag-isip-isip ko na tiyak na mayroong mahalagang bagay sa ipinangangaral ni Rutherford​—isang bagay na hindi nais ng mga klerigo na marinig ng mga taong tulad ko. Kaya ipinagpatuloy ko ang pag-aaral ng Bibliya at ako’y sumulong. Sa wakas, noong Oktubre ng 1939, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ang ilan sa aking mga anak ay nabautismuhan nang sumunod na taon, at nabautismuhan naman ang aking asawa, si Louise, noong 1941.

Pagharap sa mga Pagsubok

Di-nagtagal pagkatapos kong tanggapin ang katotohanan, ang aking ina ay namatay, at kinailangang bumalik ako sa North Carolina para sa kaniyang libing. Nadama ko na hindi ko madadaluhan ang serbisyo na idaraos sa loob ng simbahang Metodista at pagkatapos ay magtaglay pa rin ng malinis na budhi. Kaya tumelepono ako sa aking ama bago magbiyahe at hiniling sa kaniya na huwag munang alisin sa punerarya ang kabaong. Siya’y sumang-ayon, subalit nang dumating ako, patungo na sila sa simbahan, kung saan ako’y inakala nilang tiyak na sasama sa kanila.

Buweno, hindi ako sumama, at ito’y nakaligalig sa aking pamilya. Bagaman kami ng aking kapatid na si Edna ay malapít sa isa’t isa, ayaw na niyang makipag-usap sa akin pagkatapos ng libing ni Inay. Maraming beses ko siyang sinulatan, ngunit hindi niya sinagot ang mga ito. Kapag dumarating sa New York si Edna tuwing tag-araw upang daluhan ang teachers’ courses sa City College, sinisikap kong makipagkita sa kaniya. Subalit tinatanggihan niya ako, anupat sinasabing siya ay abala. Nang bandang huli ay huminto na ako, yamang waring ginugulo ko lamang siya. Maraming taon ang lumipas bago ako nakabalita mula sa kaniya.

Dahil sa kanilang pagtangging sumaludo sa watawat, anim sa aking mga anak ang pinaalis sa paaralan noong 1941, gaya ng maraming iba pang bata sa Estados Unidos at Canada. Upang maabot ang legal na kahilingan sa edukasyon, nagsaayos ang mga Saksi ng kanilang sariling mga paaralan na tinawag na mga Kingdom School. Ang dako ng paaralan na pinasukan ng aking mga anak ay nasa isang dating otel sa Lakewood, New Jersey. Nasa unang palapag ang Kingdom Hall, kalakip na ang silid-aralan, isang kusina, at isang dakong kainan. Ang silid-tulugan ng mga batang babae ay naroroon sa ikalawang palapag, at ang silid-tulugan ng mga batang lalaki ay nasa ikatlong palapag naman. Ito’y isang mainam na paaralan. Karamihan sa mga bata na nanunuluyan doon ay umuuwi lamang tuwing dulo ng sanlinggo. Yaong mas malalayo ang tirahan ay umuuwi naman tuwing ikalawang linggo.

Sa mga unang taon ko sa katotohanan, marubdob ang aking hangaring maging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ebanghelisador ng mga Saksi ni Jehova. Sa kombensiyon noong 1941 sa St. Louis, Missouri, isang kapatid na lalaki sa programa ang naglahad kung papaano siya nakapagpayunir samantalang nagpapalaki ng 12 anak. Naisip ko, ‘Kung siya’y nakapagpapayunir na may 12 anak, maaari akong magpayunir na may 10.’ Gayunpaman, ang aking kalagayan ay hindi nagpahintulot sa akin na pasimulan ang pagpapayunir hanggang sa pagkaraan ng 19 na taon. Sa wakas, noong Oktubre 1, 1960, nasimulan ko ang aking paglilingkod kay Jehova bilang isang regular pioneer.

Isang Sorpresang Pagdalaw

Noong 1975, tumelepono sa akin ang aking kapatid na si Edna. Ako ngayon ay 80 taóng gulang na, at sa loob ng 20 taon ay hindi ko siya nakita ni narinig man ang kaniyang tinig. Siya’y tumatawag buhat sa paliparan, at hiniling niya sa akin na tumungo roon at sunduin silang mag-asawa. Anong saya na makitang muli si Edna, subalit hindi pa iyon ang pinakamalaking sorpresa. Nang papauwi na, sinabi ng kaniyang asawa, “Mayroon kang nakumberte.” Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. Nang makarating na kami sa bahay, sinabi niyang muli, “Mayroon kang nakumberte rito.” Naunawaan kaagad ito ng aking asawa. Pagbaling sa aking kapatid, itinanong niya, “Edna, ikaw ba’y isa nang Saksi?” “Gayon na nga,” sagot ni Edna.

Papaano tinanggap ni Edna ang katotohanan? Buweno, noong 1972, sa pagsisikap na ayusin ang aming nasirang kaugnayan, pinadalhan ko siya ng regalong suskrisyon ng Ang Bantayan. Pagkaraan ng mga isang taon, nagkasakit si Edna at namalagi sa kaniyang tahanan. Naroroon pa rin sa ibabaw ng kaniyang mesa ang mga magasin na hindi pa inalis sa pagkakabalot. Dala ng pag-uusisa binuksan ni Edna ang isa at sinimulang basahin. Nang matapos niya ang magasin, nasabi niya sa kaniyang sarili, ‘Ito ang katotohanan!’ Nang dumalaw sa kaniyang tahanan ang mga Saksi ni Jehova, nabasa na niyang lahat ang buong salansan ng mga magasing Bantayan. Tumanggap siya ng isang pag-aaral sa Bibliya, at nang maglaon siya’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova.

Pananagumpay sa Pangungulila

Nang bandang huli ay nagkaroon ng diyabetis ang aking asawa, si Louise, at lumala ang kaniyang kondisyon hanggang sa siya ay pumanaw noong 1979, sa gulang na 82. Nang mamatay si Louise, namatay din ang isang bahagi sa akin. Ang mundo ko ay tumigil. Hindi ko alam ang gagawin. Wala akong plano para sa hinaharap, at talagang kailangang-kailangan ko ang pampatibay-loob. Pinalakas-loob ako ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, si Richard Smith, na ipagpatuloy ang aking gawaing pagpapayunir. Nasumpungan ko na ang aking pinakamalaking kaaliwan ay nanggagaling sa pag-aliw sa iba na namatayan ng mga mahal sa buhay.

Noong 1979 ang Samahang Watch Tower ay nag-oorganisa ng isang paglilibot sa Israel, kaya ako ay nagpatala. Ang paglalakbay na ito ay totoong nakapagpasigla sa akin, at nang ako’y makauwi, agad akong bumalik sa pagpapayunir. Bawat taon mula noon, ginawa kong tunguhin ang tumulong sa hindi pa naiaatas o madalang gawin na teritoryo na nasa iba pang bahagi ng bansa. Sa kabila ng aking katandaan, nagagawa ko pa ring makibahagi sa ganitong pribilehiyo.

Sa tantiya ko sa nagdaang mga taon, ako ay nagkaroon ng kagalakang matulungan ang mga 50 katao na makatahak sa daang patungo sa buhay. Karamihan sa aking mga anak ay nasa katotohanan. Dalawa sa aking mga anak na babae ang naglilingkod bilang mga regular pioneer. Isa pang anak na babae, si Louise Blanton, ay naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, kasama ang kaniyang asawa, si George, at ang isa sa aking mga anak na lalaki ay naglingkod na nang maraming taon bilang isang matanda.

Siyempre, dahil sa namanang di-kasakdalan buhat sa ating unang mga magulang, lahat tayo ay nagkakasakit at namamatay. (Roma 5:12) Ang aking buhay ay tiyak namang hindi malaya mula sa mga hapdi at kirot. Sa kasalukuyan ako ay pinahihirapan ng arthritis sa aking kaliwang binti. Kung minsan dinudulutan ako nito ng matinding kirot, subalit hindi nito nagawang patigilin ako sa aking pagiging aktibo. At idinadalangin ko na hindi sana nito magawang patigilin ako. Nais kong magpatuloy. Ang aking pinakamimithi ay ang makapagpatuloy sa pagpapayunir hanggang sa katapusan, anupat ginagawa ang lahat ng aking makakaya upang ipahayag ang pangalan at layunin ni Jehova.

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking anak na si Rita

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share