“Ako ay Mahalaga kay Jehova!”
SA ‘MAPANGANIB na panahong ito na mahirap pakitunguhan,’ maraming tapat na lingkod ni Jehova ang nagbabata ng patuloy na pakikipagbaka sa damdamin ng kawalang-halaga. (2 Timoteo 3:1) Hindi ito kataka-taka, sapagkat isa sa “mga tusong gawa” ni Satanas ay ang ipadama sa atin na tayo’y hindi minamahal, kahit na ng ating Maylalang! (Efeso 6:11, talababa [sa Ingles]) Angkop naman, ang Abril 1, 1995, na labas ng Ang Bantayan ay may dalawang artikulo para sa pag-aaral ng kongregasyon na pinamagatang “Mahalaga Kayo sa Paningin ng Diyos!” at “Mag-udyukan sa Pag-ibig at sa Maiinam na Gawa—Papaano?” Ang mga artikulong ito ay dinisenyo upang ipaalaala sa atin na pinahahalagahan ni Jehova ang ating pagsisikap. Ang sumusunod ay ilang komento ng pagpapahalaga na natanggap:
“Ngayon lamang sa 27 taon ng aking pagiging isang Saksi ni Jehova na ako’y lubhang naapektuhan ng isang magasin. Hindi ko mapigil ang aking pag-iyak—gayon na lamang ang ginhawang idinulot sa akin ng mga artikulong ito. Ngayon ay nadarama kong ako’y totoong minamahal ni Jehova. Para bang isang mabigat na pasanin ang naalis sa aking mga balikat.”—C. H.
“Apat na beses kong binasa ang magasing ito sa isang araw. Nasiyahan ako sa paraan ng pagsasabi ng artikulo na ikaw ay naturuan ng kasinungalingan kung ikaw ay naniniwala na ikaw ay walang halaga. Gagamitin ko ang artikulong ito sa pagpapastol at sa pangangaral sa bahay-bahay.”—M. P.
“Naging mahusay si Satanas sa pagpapadama maging sa mga umiibig kay Jehova na sila’y walang halaga at di-kaibig-ibig. Ang paalalahanan ng uring ‘tapat na alipin’ na mahal na mahal tayo ni Jehova at pinahahalagahan niya ang lahat ng mumunting bagay na ginagawa natin para sa kaniya ay isa sa lubhang nakapagpapatibay na nabasa ko. Maraming taon nang nadarama ko ang mga tinukoy ninyo sa mga artikulong ito. Hindi ko kailanman nadamang karapat-dapat ako sa pag-ibig ni Jehova, kaya sinikap kong gumawa nang higit at higit pa sa paglilingkod sa kaniya upang makamit ko ang pag-ibig na iyon. Ngunit ang nag-udyok sa akin ay ang pagkadama ng kasalanan at kahihiyan. Kaya gaano man karaming oras ang gugulin ko sa ministeryo, o gaano man karaming tao ang matulungan ko, nadama kong hindi pa sapat iyon. Ang nakikita ko lamang ay yaong aking kakulangan. Ngayon kapag naglilingkod ako kay Jehova nang dahil sa pag-ibig, naguguniguni kong siya’y ngumingiti at ako’y ipinagmamalaki niya. Lalo nitong pinayayabong ang aking pag-ibig sa kaniya at inuudyukan ako na gumawa ng higit pa. Ngayon ay gayon na lamang ang aking kagalakan sa paglilingkuran kay Jehova.”—R. M.
“Tunay na ito ang pinakamaiinam, lubhang nakapagpapatibay, oo, mahuhusay na artikulong umaantig-puso na aking nabasa kailanman! Ako’y 55 taon nang bumabasa ng Ang Bantayan, at marami nang isyu ang namumukod-tangi. Subalit nahigitan ng isyung ito ang anumang tinaglay na natin upang pawiin ang ating mga agam-agam, akala, at pangamba na tayo’y ‘walang halaga’ at ‘di-kaibig-ibig’ at hindi kailanman makagagawa ng sapat upang ‘matamo’ ang pag-ibig ni Jehova. Taglay ng Bantayan na ito ang uri ng espirituwal na tulong na kailangang-kailangan ng ating mga kapatid. Layunin ko na gamitin nang paulit-ulit ang mga artikulong ito kapag nagpapastol.”—F. K.
“Para sa sinuman sa atin na nakikipagpunyagi sa mababang pagtingin sa sarili, o kaya’y sa pagkamuhi sa sarili, napakahirap na magtipon ng lakas upang makapagpatuloy sa katotohanan. Gayon na lamang kalalim ang pagdamay at pang-unawa na masasalamin sa artikulong ito, iyon ay mistulang pagpapahid ng nakagiginhawa, nakapagpapagaling na panghaplas, doon mismo sa puso. Anong laking kaaliwan na makabasa ng gayong mga salita sa Ang Bantayan at matiyak na si Jehova ay nakauunawa! Salamat sa pagpapaalaala sa amin na hindi sinisikap ni Jehova na pakilusin ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagkadama ng kasalanan, kahihiyan, o takot. Kahit na ang aking nagagawa sa pangangaral ay lubhang nabawasan kamakailan dahil sa mga suliranin sa pananalapi at mga suliranin sa kalusugan ng aming pamilya, nakadarama pa rin ako ng kasiyahan sa nagagawa ko. Ako’y nagiging mas maligaya sa paglilingkod kapag ang nag-uudyok sa akin ay pag-ibig.”—D. M.
“Katatapos ko lamang na basahin ang ‘Mahalaga Kayo sa Paningin ng Diyos!’ Napaluha ako sa bawat parapo. Ako’y galing sa isang pamilya na salat sa pag-iibigan. Ako’y minaliit, tinuya, at pinagtawanan. Kaya, sa kabataan pa lamang ay nadama kong ako’y walang halaga. Taglay ko pa rin ang alaala ng lumipas na gumugupo sa akin kapag dumaranas ako ng matinding suliranin. Nang huminto ako ng paglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon, nadama kong ako’y isa na namang kabiguan—sa Diyos, sa aking pamilya, at sa aking mga kapatid sa kongregasyon. Ang damdaming ito ay hindi agad-agad na napapawi, subalit ang napapanahong artikulong ito ay tumulong sa akin na muling maging timbang. Ginawa nitong maaliwalas ang aking pangmalas.”—D. L.
“Salamat sa artikulong ‘Mahalaga Kayo sa Paningin ng Diyos!’ Ako’y nakikipagpunyagi sa pagkadama ng matinding poot sa sarili at kawalang-halaga, na nag-uugat sa pag-abuso sa akin nang ako’y bata pa. Angkop na angkop malasin ang pilipit na kaisipang ito bilang isang tusong gawa ni Satanas mismo. Makasisira pa nga ito sa hangarin ng isa na mabuhay. Talagang kailangan kong magsumikap araw-araw upang tanggihan ang kasinungalingan na ako’y di-kaibig-ibig. Hindi ninyo marahil matatalos kung gaano kahalaga sa akin ang artikulong ito.”—C. F.
“Sa ngayon ang mga kapatid ay lalo nang tumutugon sa kaisipan na si Jehova ay nagpapahalaga sa mga gawang udyok ng pag-ibig sa halip na sa pamimilit o panggigipit. Ang pagsasaalang-alang sa magiliw at mapagmahal na personalidad ni Jehova, sa interes niya sa kaniyang bayan bilang mga indibiduwal, at sa maibiging paraan ng pagbibigay niya ng kaniyang sarili ay nakagiginhawa at nakagaganyak. Dahil dito, marami ang nagpahayag ng pagpapahalaga nang matanggap namin ang artikulong ‘Mahalaga Kayo sa Paningin ng Diyos!’ Waring ito’y nagbubukas ng daan para sa marami na magpaunlad ng mas personal na kaugnayan kay Jehova. Ibig namin ng aking maybahay na pasalamatan ang pamamaraan at pagkasensitibo na ipinahayag sa nakaraang mga magasin na Bantayan. Sinisikap naming ikapit ang marami sa mga puntong ito sa aming pagdalaw sa mga kongregasyon.”—Buhat sa isang naglalakbay na tagapangasiwa.
“Ako’y isang masugid na mambabasa sa loob ng halos 30 taon, ngunit ngayon lamang ako nakabasa ng nakapagpapasigla, at nakapagpapatibay nang gayon na lamang. Ang mabibisa, mahusay ang pagkakapit na mga kasulatan ay tumulong sa akin na bunutin ang mga kasinungalingan na nakabaon sa aking damdamin, anupat lalo akong napapalapit kay Jehova. Maraming taon na naglingkod ako kay Jehova dahil sa pagkadama ng kasalanan. Nasa isip ko lamang ang pagkaunawa sa pantubos at sa pag-ibig ng Diyos. Salamat sa gayong mga artikulo na nagpapamalas ng malalim na unawa at malasakit. Ako’y umaasang makabasa pa ng maraming tulad nito.”—M. S.
“Sa aking 29 na taón sa katotohanan, hindi ko maalala kung kailan ang isang artikulo ay umantig nang gayon na lamang sa aking damdamin at pagtanaw ng utang na loob. Bagaman ako’y pinalaki sa pagmamahal at pag-aaruga ng isang pamilya, hindi ko kailanman nadama na ako’y nararapat na mabuhay, bukod pa sa maglingkod kay Jehova. Pagkatapos ng artikulong ito, ako’y lumuhod, at kasabay ng matinding mga hikbi ay pinasalamatan ko si Jehova. Pahahalagahan ko magpakailanman ang artikulong ito. Babaguhin ko na ang pangmalas ko sa aking sarili sapagkat nauunawaan ko na ngayon na ako ay mahalaga kay Jehova.”—D. B.