Kailangan ng Sangkatauhan ang Kaalaman ng Diyos
“Mauunawaan mo ang takot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.”—KAWIKAAN 2:5.
1. Bakit masasabi na ang puso ng tao ay isang obra maestra ng banal na inhinyeriya?
HUMIGIT-KUMULANG 5,600,000,000 puso ng tao ang tumitibok ngayon sa lupa. Araw-araw, ang iyong puso ay tumitibok nang 100,000 ulit at bumobomba ng katumbas ng 7,600 litro ng dugo sa pamamagitan ng 100,000-kilometrong sistema ng pagdaloy ng dugo sa iyong katawan. Wala nang iba pang kalamnan ang nagtatrabaho nang husto kaysa sa obra maestrang ito ng banal na inhinyeriya.
2. Papaano ninyo ilalarawan ang makasagisag na puso?
2 Mayroon din namang 5,600,000,000 makasagisag na puso na umaandar sa lupa. Sa makasagisag na puso naroroon ang ating mga emosyon, motibo, ang ating mga hangarin. Iyon ang luklukan ng ating kaisipan, ng ating unawa, ng ating kalooban. Ang makasagisag na puso ay maaaring maging mapagmataas o mapagpakumbaba, malungkot o masaya, nabubulagan o naliwanagan.—Nehemias 2:2; Kawikaan 16:5; Mateo 11:29; Gawa 14:17; 2 Corinto 4:6; Efeso 1:16-18.
3, 4. Papaano naaabot ang mga puso taglay ang mabuting balita?
3 Nababasa ng Diyos na Jehova ang puso ng tao. Ganito ang sabi ng Kawikaan 17:3: “Ang dalisayang palayok ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto, ngunit si Jehova ang mánunurì ng mga puso.” Gayunman, sa halip na bumabasa lamang ng bawat puso at nagpapahayag ng kahatulan, ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga Saksi upang abutin ang puso ng mga tao taglay ang mabuting balita. Ito ay kasuwato ng mga salita ni apostol Pablo: “ ‘Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya? Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila? Gaya ng nasusulat: ‘Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ”—Roma 10:13-15.
4 Nakalulugod kay Jehova na suguin ang kaniyang mga Saksi sa mga hangganan ng lupa upang ‘ipahayag ang mabuting balita ng mabubuting bagay’ at hanapin yaong may mga pusong tumutugon. Tayo ngayon ay may bilang na mahigit sa 5,000,000—may katumbasan na 1 Saksi para sa humigit-kumulang 1,200 katao sa lupa. Hindi madali ang pagpapaabot ng mabuting balita sa bilyun-bilyong tao sa lupa. Subalit pinangangasiwaan ng Diyos ang gawaing ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at kaniyang inaakay ang mga tapat-puso. Kaya, napatutunayang totoo ang hula na nakaulat sa Isaias 60:22: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sariling kapanahunan nito.”
5. Ano ang kaalaman, at ano ang masasabi tungkol sa karunungan ng sanlibutan?
5 Ang panahong iyan ay ngayon, at isang bagay ang maliwanag—bilyun-bilyon dito sa lupa ang nangangailangan ng kaalaman. Karaniwan, ang kaalaman ay ang pagiging pamilyar sa mga katotohanan na tinamo sa pamamagitan ng karanasan, pagmamasid, o pag-aaral. Ang sanlibutan ay nakapagtipon ng maraming kaalaman. Ang pagsulong ay natamo sa mga larangan gaya ng transportasyon, pangangalaga ng kalusugan, at komunikasyon. Ngunit makasanlibutang kaalaman nga ba ang talagang kailangan ng sangkatauhan? Tunay na hindi! Ang sangkatauhan ay patuloy na sinasalot ng pagdidigmaan, paniniil, sakit, at kamatayan. Ang karunungan ng sanlibutan ay malimit na napatunayang katulad na katulad ng mga buhanging tinatangay ng hangin sa isang maunos na disyerto.
6. Hinggil sa dugo, papaano naiiba ang kaalaman ng Diyos sa makasanlibutang karunungan?
6 Upang ilarawan: Dalawang siglo na ang nakararaan, kaugalian nang bumaling sa pagpapaagas ng dugo bilang isang diumano’y lunas. Paulit-ulit na pinaagas ang dugo ni George Washington, ang unang presidente ng Estados Unidos, noong mga huling oras ng kaniyang buhay. Minsan ay sinabi niya: “Hayaan na ninyo akong mamatay nang tahimik; hindi na ako magtatagal.” Tama siya, sapagkat siya’y pumanaw nang araw ring iyon—Disyembre 14, 1799. Sa halip na pagpapaagas ng dugo, ang ipinagdiriinan ngayon ay ang pagsasalin ng dugo tungo sa katawan ng tao. Ang dalawang pamamaraang ito ay may kaakibat na nakamamatay na mga suliranin. Subalit noon pa man ay sinabi na ng Salita ng Diyos: “Patuloy na umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:29) Ang kaalaman ng Diyos ay palaging tama, maaasahan, napapanahon.
7. Papaano nagkakaiba ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan at ang makasanlibutang karunungan may kinalaman sa pagpapalaki ng anak?
7 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa ng di-maaasahang karunungan ng sanlibutan. Sa loob ng mga taon ay inirerekomenda ng mga sikologo ang pagiging maluwag sa pagpapalaki ng mga anak, ngunit isa sa mga tagapagtaguyod nito ay umamin nang dakong huli na ito ay isang pagkakamali. Minsan ay sinabi ng German Philological Association na ang pagiging maluwag ay “sa papaano man di-tuwirang may pananagutan sa mga suliranin natin ngayon sa mga kabataan.” Ang makasanlibutang karunungan ay maaaring magpabagu-bago na para bang hinahampas ng hangin, ngunit ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan ay hindi natitinag. Ang Bibliya ay nagbibigay ng timbang na payo hinggil sa pagsasanay ng anak. “Lapatan mo ng parusa ang iyong anak at dadalhan ka niya ng kapahingahan at bibigyan ng malaking kaluguran ang iyong kaluluwa,” sabi ng Kawikaan 29:17. Ang gayong disiplina ay ilalapat nang may pag-ibig, sapagkat sumulat si Pablo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”—Efeso 6:4.
“Ang Mismong Kaalaman ng Diyos”
8, 9. Papaano ninyo ipaliliwanag ang sinasabi ng Kawikaan 2:1-6 tungkol sa kaalaman na talagang kailangan ng sangkatauhan?
8 Bagaman si Pablo ay isang taong edukado, sinabi niya: “Kung iniisip ng sinuman sa inyo na siya ay marunong sa sistemang ito ng mga bagay, magpakamangmang siya, upang siya ay maging marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.” (1 Corinto 3:18, 19) Ang Diyos lamang ang makapaglalaan ng kaalaman na talagang kailangan ng sangkatauhan. Hinggil dito, sinasabi ng Kawikaan 2:1-6: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan sa iyong sarili ang aking mga utos, upang bigyang-pansin ng iyong tainga ang karunungan, upang iyong maikiling ang iyong puso sa kaunawaan; kung, bukod diyan, ay tumatawag ka ukol sa pagkaunawa mismo at naglalabas ka ng iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung iyong patuloy na hahanapin iyon na gaya ng pilak, at patuloy mong sasaliksikin iyon na gaya ng nakatagong kayamanan, sa kalagayang iyan ay mauunawaan mo ang takot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos. Sapagkat si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; mula sa kaniyang bibig ay naroroon ang kaalaman at kaunawaan.”
9 Yaong naganyak ng mabuting puso ay nagbibigay-pansin sa karunungan sa pamamagitan ng wastong paggamit sa bigay-Diyos na kaalaman. Ikinikiling nila ang kanilang puso sa kaunawaan, anupat maingat na isinasaalang-alang ang mga bagay na kanilang natututuhan. Sa katunayan, sila’y humihiling ng unawa, o ng kakayahan na makita kung papaanong ang mga pitak ng isang paksa ay nauugnay sa isa’t isa. Ang mga may matuwid na puso ay gumagawa na para bang sila’y naghuhukay ng pilak at naghahanap ng natatagong kayamanan. Ngunit anong malaking kayamanan ang nasusumpungan niyaong mga may pusong tumutugon? Iyon “ang mismong kaalaman ng Diyos.” Ano iyon? Sa simpleng pananalita, iyon ang kaalaman na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
10. Ano ang dapat nating gawin upang tamasahin ang mabuting kalusugan sa espirituwal?
10 Ang kaalaman ng Diyos ay tumpak, matatag, nagbibigay-buhay. Itinataguyod nito ang espirituwal na kalusugan. Hinimok ni Pablo si Timoteo: “Patuloy kang manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita na narinig mo mula sa akin kasama ng pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 1:13) Ang isang wika ay may parisan ng mga salita. Gayundin naman, ang “dalisay na wika” ng maka-Kasulatang katotohanan ay may “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita,” na nakasalig pangunahin na sa tema ng Bibliya na pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian. (Zefanias 3:9) Kailangan nating ingatan sa isip at puso ang parisang ito ng nakapagpapalusog na mga salita. Kung ibig nating maiwasang magkasakit ang makasagisag na puso at manatiling malusog sa espirituwal, kailangang ikapit natin sa buhay ang Bibliya at lubusang gamitin ang espirituwal na mga paglalaan na ginagawa ng Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; Tito 2:2) Palagi nating tandaan na para sa mabuting kalusugan sa espirituwal, kailangan natin ang kaalaman ng Diyos.
11. Ano ang ilang dahilan kung kaya kailangan ng sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos?
11 Isaalang-alang ang iba pang dahilan kung bakit kailangan ng bilyun-bilyong tao sa lupa ang kaalaman ng Diyos. Lahat ba sila’y nakaaalam kung papaano lumitaw ang lupa at ang mga tao? Hindi, hindi nila alam. Kilala ba ng buong sangkatauhan ang tunay na Diyos at ang kaniyang Anak? Lahat ba ay nakababatid sa usapin na ibinangon ni Satanas hinggil sa soberanya ng Diyos at katapatan ng tao? Hindi rin. Alam ba ng mga tao sa pangkalahatan kung bakit tayo tumatanda at namamatay? Minsan pa ang sagot natin ay hindi. Batid ba ng lahat ng naninirahan sa lupa na ang Kaharian ng Diyos ay namamahala na ngayon at na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw? Alam ba nila ang tungkol sa hukbo ng mga balakyot na espiritu? Taglay ba ng lahat ng tao ang maaasahang kaalaman kung papaano magkakaroon ng maligayang buhay pampamilya? At alam ba ng karamihan na ang maligayang buhay sa Paraiso ang siyang layunin ng ating Maylalang para sa masunuring sangkatauhan? Sa mga tanong na ito ang sagot ay hindi. Maliwanag, kung gayon, kailangan ng sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos.
12. Papaano natin maaaring sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan”?
12 Kailangan din ng sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos dahil sa sinabi ni Jesus sa isang panalangin nang huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa. Tiyak na lubhang naantig ang kaniyang mga apostol nang marinig siyang magsabi: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pagkakapit ng gayong kaalaman ang siyang tanging daan upang sambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan. “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan,” sabi ni Jesus. (Juan 4:24) Sinasamba natin ang Diyos “sa espiritu” kapag napakikilos tayo ng pusong punúng-punô ng pananampalataya at pag-ibig. Papaano natin siya sinasamba ‘sa katotohanan’? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita at pagsamba sa kaniya ayon sa kaniyang isiniwalat na katotohanan—“ang mismong kaalaman ng Diyos.”
13. Anong pangyayari ang nakaulat sa Gawa 16:25-34, at ano ang matututuhan natin mula roon?
13 Libu-libo ang nagsisimulang sumamba kay Jehova bawat taon. Gayunpaman, kailangan bang idaos ang pag-aaral ng Bibliya sa mga taong interesado sa loob ng mahabang panahon, o posible kaya na mas madaliang sumapit ang mga tapat-pusong tao sa punto ng pagpapabautismo? Buweno, tingnan ang nangyari sa kaso ng tagapagbilanggo at ng kaniyang sambahayan na binanggit sa Gawa 16:25-34. Sina Pablo at Silas ay nabilanggo sa Filipos, ngunit sa kalagitnaan ng gabi, isang malakas na lindol ang nagbukas ng mga pintuan ng bilangguan. Palibhasa’y inaakalang nakatakas na ang lahat ng bilanggo at na siya ay parurusahan nang mabigat, magpapatiwakal na lamang ang tagapagbilanggo nang sabihin sa kaniya ni Pablo na silang lahat ay naroroon. “Sinalita [nina Pablo at Silas] ang salita ni Jehova sa kaniya kasama ang lahat niyaong nasa kaniyang bahay.” Ang tagapagbilanggong iyon at ang kaniyang pamilya ay mga Gentil na walang kaalaman sa Banal na Kasulatan. Subalit, nang mismong gabing iyon, sila’y naging mananampalataya. Bukod diyan, “ang bawat isa, siya at ang mga sa kaniya ay binautismuhan.” Yaon ay di-pangkaraniwang pangyayari, ngunit ang mga baguhan ay tinuruan ng mga saligang katotohanan at pagkatapos ay natuto ng iba pang bagay sa mga pulong sa kongregasyon. Posible rin sa ngayon ang gayong bagay.
Ang Pag-aani ay Malaki!
14. Bakit may pangangailangan na magdaos ng mas maraming mabibisang pag-aaral sa Bibliya sa isang mas maikling yugto ng panahon?
14 Mainam sana kung ang mga Saksi ni Jehova ay makapagdaraos ng mas maraming mabibisang pag-aaral ng Bibliya sa isang mas maikling yugto ng panahon. Kailangang-kailangan ito. Halimbawa, sa mga lupain sa Silangang Europa, ang mga tao ay kailangang magpalista sa talaan ng mga naghihintay na mapagdausan ng pag-aaral sa Bibliya. Ganiyan din ang kalagayan sa ibang lugar. Sa isang bayan sa Dominican Republic, gayon na lamang karami ang kahilingan sa limang Saksi anupat hindi nila mapangasiwaan ang lahat ng pag-aaral. Ano ang ginawa nila? Pinasigla nila ang mga interesado na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall at magpalista sa talaan ng mga naghihintay na mapagdausan ng pag-aaral sa Bibliya. Katulad na kalagayan ang umiiral sa maraming lugar sa buong lupa.
15, 16. Ano ang inilaan upang mas mabilis na mapalaganap ang kaalaman ng Diyos, at ano ang ilang bagay tungkol dito?
15 Malalawak na teritoryo—malalaking bukid sa pag-aani—ang nabubuksan sa bayan ng Diyos. Bagaman “ang Panginoon ng Pag-aani,” si Jehova, ay nagpapadala ng higit pang manggagawa, marami pa ring gagawin. (Mateo 9:37, 38) Kaya naman, upang mas mabilis na mapalaganap ang kaalaman ng Diyos, ang ‘tapat na alipin’ ay naglaan ng isang bagay na maikli ngunit malinaw na naghaharap ng espesipikong impormasyon upang ang mga estudyante ng Bibliya ay makagawa ng espirituwal na pagsulong sa bawat aralin. Iyon ay isang bagong publikasyon na magagamit sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya nang medyo mas mabilis—marahil sa loob ng ilang buwan. At iyon ay madaling madadala sa ating mga portpolyo, bag, o maging sa ating mga bulsa! Ang daan-daan libong nagkatipon sa “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay malugod na nakatanggap ng bagong 192-pahinang aklat na ito na pinamagatang Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.
16 Ang mga manunulat sa iba’t ibang lupain ay naghanda ng materyal na maingat na binuo para sa aklat na Kaalaman. Kaya ito ay inaasahang pupukaw sa interes ng mga tao sa buong daigdig. Ngunit magtatagal pa kaya bago mailabas ang bagong publikasyong ito sa mga wika ng mga tao sa buong daigdig? Hindi, sapagkat ang isang 192-pahinang aklat ay mas mabilis na maisasalin kaysa sa mas malalaking aklat. Noong Oktubre 1995, inaprobahan na ng Writing Committee ng Lupong Tagapamahala ang pagsasalin mula sa Ingles ng aklat na ito sa mahigit na 130 wika.
17. Anong mga salik ang nagpapaging madali na gamitin ang aklat na Kaalaman?
17 Ang mga detalye sa bawat kabanata ng aklat na Kaalaman ay inaasahang tutulong sa mga estudyante na mas madaling sumulong sa espirituwal. Naghaharap ang aklat ng mga maka-Kasulatang katotohanan sa isang nakapagpapatibay na paraan. Hindi ito tumatalakay sa mga huwad na doktrina. Ang malinaw na pananalita at lohikal na pagtalakay ng aklat ay magpapadali sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya at makatutulong sa mga tao na maunawaan ang kaalaman ng Diyos. Bukod pa sa siniping mga kasulatan, may binanggit na mga teksto sa Bibliya na maaaring tingnan ng estudyante bilang paghahanda sa pagtalakay. Ang mga ito ay maaaring basahin sa pag-aaral kung ipinahihintulot ng panahon, bagaman hindi isang katalinuhan na gumamit ng karagdagang materyal na maaaring magpalabo sa mga pangunahing punto. Sa halip, yaong mga nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ay dapat na magsikap na unawain at itawid sa estudyante kung ano ang pinatutunayan ng aklat sa bawat kabanata. Nangangahulugan ito na ang guro ay kailangang maging masikap sa pag-aaral, upang ang mga pangunahing kaisipan ay maging napakaliwanag sa kaniyang isip.
18. Anu-ano ang mga iminumungkahi hinggil sa paggamit ng aklat na Kaalaman?
18 Papaano mapabibilis ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ang paggawa ng alagad? Ang 192-pahinang aklat na ito ay mapag-aaralan sa mas maikling panahon, at yaong mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan” ay dapat na matuto nang sapat sa pag-aaral niyaon upang makapag-alay kay Jehova at mabautismuhan. (Gawa 13:48) Kaya gamitin nating mainam sa ministeryo ang aklat na Kaalaman. Kung malaki-laking bahagi na ng ibang aklat ang napag-aralan ng isang estudyante ng Bibliya, maaaring praktikal na tapusin niya iyon. Kung hindi, iminumungkahi na ang mga pag-aaral ng Bibliya ay ilipat sa aklat na Kaalaman. Pagkatapos na mapag-aralan ang bagong publikasyong ito, hindi na iminumungkahi na idaos pa sa estudyante ring iyon ang isang pangalawang aklat. Maaaring lubusin niyaong mga yumakap sa katotohanan ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova gayundin sa pamamagitan ng kanilang sarilinang pagbabasa ng Bibliya at iba’t ibang Kristiyanong publikasyon.—2 Juan 1.
19. Bago magdaos ng mga pag-aaral ng Bibliya sa aklat na Kaalaman, bakit makatutulong na repasuhin ang pahina 175 hanggang 218 ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo?
19 Ang aklat na Kaalaman ay isinulat sa layuning tulungan ang isang tao na masagot ang lahat ng katanungan na nirerepaso ng matatanda sa mga di-bautisadong mamamahayag na nagnanais pabautismo bilang mga Saksi ni Jehova. Kung gayon, bago ninyo ilipat sa bagong publikasyong ito ang inyong kasalukuyang mga pag-aaral sa Bibliya, inirerekomenda na gumugol kayo ng ilang oras sa pagrerepaso ng mga tanong sa pahina 175 hanggang 218 ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo.a Tutulong ito sa inyo na idiin ang mga sagot sa gayong mga tanong sa inyong pag-aaral ng Bibliya sa aklat na Kaalaman.
20. Ano ang plano ninyong gawin sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan?
20 Ang mga tao sa lahat ng dako ay dapat na makarinig ng mabuting balita. Oo, kailangan ng sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos, at si Jehova ay may mga Saksi upang ipaalam iyan. Ngayon ay mayroon tayong bagong aklat na inilaan ng ating maibiging Ama sa langit sa pamamagitan ng tapat at maingat na alipin. Gagamitin ba ninyo ito upang ituro ang katotohanan at parangalan ang banal na pangalan ni Jehova? Tiyak na pagpapalain kayo ni Jehova habang sinisikap ninyong ipaabot sa marami ang kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Papaano Ninyo Sasagutin?
◻ Papaano ninyo ilalarawan ang makasagisag na puso?
◻ Ano ang kaalaman ng Diyos?
◻ Bakit kailangan ng sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos?
◻ Anong bagong aklat ang makukuha na, at papaano ninyo pinaplano na gamitin iyon?
[Larawan sa pahina 10]
Maraming dahilan kung kaya bilyun-bilyon sa lupa ang nangangailangan ng kaalaman ng Diyos