Ang Lahat ay Natuwa sa Paglalabas ng Bagong Aklat sa Pandistritong Kombensiyon
Ang Bagong Aklat ay Nagtatampok sa Kaalaman ng Diyos
1 Sa ating pandistritong kombensiyon noong Disyembre, kay laki ng naging kaluguran natin sa buong programa! Noong Sabado ng hapon nag-umapaw ang ating kagalakan nang marinig natin ang patalastas hinggil sa bagong aklat, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, at ang kaugnay na sumunod na impormasyon. Ang bilyun-bilyong tao sa lupa ay nangangailangan ng kaalaman na Diyos lamang ang makapagbibigay—ang kaalaman ng Diyos at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Kaw. 2:1-6; Juan 17:3.
2 Kay linaw ng pagkalarawan ng tagapagsalita sa mga bahagi ng aklat! Ang nakabibighaning mga uluhan ng kabanata, mga praktikal na ilustrasyon, positibong presentasyon ng katotohanan, payak na mga katanungan, at sa katapusan ng bawat kabanata, isang kahong pinamagatang “Subukin ang Iyong Kaalaman” ay kabilang sa mga bahagi na makaaakit sa lahat ng babasa nito.
3 Sa pangwakas na mga pahayag noong Sabado at Linggo, tayo’y pinasigla na magkaroon ng pampamilyang pag-aaral na ginagamit ang bagong aklat na ito. Sa panahong ito, maaaring pamilyar na kayo sa mga nilalaman nito. Walang pagsalang napag-usapan na ninyo ang mga puntong dapat tandaan kapag iniaalok ang bagong aklat na ito sa larangan.
4 Mga Puntong Dapat Repasuhin: Maaalaala ninyo na noong iniharap ang paksang “Kung Bakit Kailangan ng Sangkatauhan ang Kaalaman ng Diyos,” idiniin ng tagapagsalita ang ilang punto, lakip na ang sumusunod: (1) Kapag ginagamit ninyo ang aklat na ito sa pagdaraos ng mga pag-aaral, hindi katalinuhan na gumamit ng karagdagang materyal, na maaaring magpalabo sa mga pangunahing punto; basta’t ituon ang pansin sa pagtatawid ng kung ano ang pinatutunayan ng aklat sa bawat kabanata. (2) Ang mga kabanata ay nasa katamtamang haba upang karaniwan nang makubrehan sa bawat pag-aaral ninyo. (3) Sa dulo ng bawat kabanata, ang mga katanungan sa kahon na pinamagatang “Subukin ang Iyong Kaalaman” ay maglalaan ng maikling repaso.
5 Gamitin sa mga Pag-aaral sa Bibliya: Hindi iilang mamamahayag ang nagtanong kung baga makabubuting ilipat na sa bagong aklat na ito ang kanilang mga pag-aaral sa Bibliya. Kung matagal na kayo sa aklat na pinag-aaralan sa kasalukuyan, magiging praktikal na tapusin ang pag-aaral sa publikasyong iyon. Kung hindi naman gayon, inirerekomenda na lumipat na kayo sa aklat na Kaalaman. Kung kayo ay gumamit ng brosyur o tract upang pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, sa angkop na panahon, ipasok ang bagong aklat at gamitin ito sa inyong pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Higit pang impormasyon sa paggamit ng aklat na Kaalaman ang lilitaw sa Ating Ministeryo sa Kaharian sa susunod na mga buwan.
6 Si Jehova ay naglaan ng bagong aklat na ito upang tulungan tayo sa pagtuturo sa iba hinggil sa kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan. Ngayon ay kailangan nating maghandang mabuti at magkaroon ng lubos na bahagi sa gawain na dapat pang tapusin.