Paano Minamalas ng Diyos ang Pagsamba ng Sangkakristiyanuhan?
“HINDI ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit,” sabi ni Jesu-Kristo, “kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba . . . nagsagawa [kami] ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.
Sa pamamagitan ng kaniyang sagradong Salita, ang Banal na Bibliya, niliwanag ng Diyos kung ano ang kaniyang kalooban. Ginagawa ba ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang kalooban ng Diyos? O sila ang tinatawag ni Jesus na “mga manggagawa ng katampalasanan”?
Pagbububo ng Dugo
Nang gabi bago mamatay ang kaniyang Panginoon, halos simulan na ni Pedro ang armadong pakikipag-alitan sa pangkat ng mga sundalo na isinugo upang dakpin si Jesus. (Juan 18:3, 10) Ngunit pinahupa ni Jesus ang kalagayan at binabalaan si Pedro: “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Ang malinaw na babalang ito ay inulit sa Apocalipsis 13:10. Sinunod ba ito ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan? O may pananagutan sila sa mga nagaganap na digmaan sa iba’t ibang panig ng lupa?
Noong Digmaang Pandaigdig II, daan-daang libong Serbiano at Croatiano ang pinatay sa ngalan ng relihiyon. “Sa Croatia,” ulat ng The New Encyclopædia Britannica, “ang katutubong pasistang rehimen ay nagtatag ng patakaran ng ‘pagdadalisay ng lahi’ na lumabis pa sa mga ginawa ng Nazi. . . . Inihayag na sangkatlo ng populasyon ng Serbia ang ipatatapon, sangkatlo ang kukumbertehin sa Katolisismong Romano, at sangkatlo ang lilipulin. . . . Ang may-kinikilingang pakikipagsabuwatan ng Katolikong klero sa mga gawaing ito ay lubhang nagkompromiso sa ugnayang simbahan-estado pagkatapos ng digmaan.” Di-mabilang na mga tao ang pinilit na magpakumberte sa Katolisismo o kaya’y mamatay; libu-libong iba pa ang hindi man lamang binigyan ng mapagpipilian. Buong mga nayon—mga lalaki, babae, at mga bata—ang pilit na pinapasok sa kanilang mga simbahang Ortodokso at pinagpapatay. Kumusta naman ang sumasalungat na mga hukbong Komunista? Mayroon din ba silang suporta ng relihiyon?
“Ang ilan sa mga pari ay nakilahok sa digmaan sa panig ng mga puwersang rebolusyonaryo,” ulat ng aklat na History of Yugoslavia. “Kasali pa nga sa mga hukbong Partisan ang mga pari buhat sa kapuwa mga simbahang Ortodokso Serbiano at Romano Katoliko,” sabi ng aklat na Yugoslavia and the New Communism. Patuloy na pinatitindi ng mga relihiyosong alitan ang digmaan sa Balkans.
At kumusta naman sa Rwanda? Ganito ang inamin ng panlahat na kalihim ng Catholic Institute for International Relations, si Ian Linden, sa pahayagang The Month: “Ang mga imbestigasyon ng African Rights sa London ay nagbibigay ng isa o dalawang halimbawa na ang lokal na mga lider ng Simbahang Katoliko, Anglikano, at Baptist ay nasangkot sa pamamagitan ng di-pagpansin o pag-utos sa pamamaslang ng mga kawal-sibilyan. . . . Walang anumang alinlangan na malaking bilang ng mga prominenteng Kristiyano sa mga parokya ang nasangkot sa pagpapatayan.” Nakalulungkot, ang paglalabanan sa pagitan ng mga tinaguriang Kristiyano ay patuloy na sumasalot sa gitnang Aprika.
Pakikiapid at Pangangalunya
Ayon sa Salita ng Diyos, may isa lamang marangal na kaayusan ukol sa sekso, at iyon ay para lamang sa mga mag-asawa. “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat,” sabi ng Bibliya, “at ang higaang pangmag-asawa ay maging walang dungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Itinataguyod ba ng mga lider ng simbahan ang turong ito ng Diyos?
Inilabas ng Simbahang Anglikano sa Australia noong 1989 ang isang opisyal na dokumento tungkol sa seksuwalidad na nagpapahiwatig na hindi masama ang pagtatalik bago magpakasal kung ang dalawa ay totoong nakipagtipan na sa isa’t isa. Kamakailan lamang, sinabi ng lider ng Simbahang Anglikano sa Scotland: “Hindi dapat humatol ang Simbahan na ang pakikipagrelasyon ay kasalanan o mali. Dapat tanggapin ng Simbahan na ang pangangalunya ay bunga ng ating likas na kayarian.”
Maraming klerigo sa Timog Aprika ang mariing nagpahayag ng pagsang-ayon sa homoseksuwalidad. Halimbawa, noong 1990 ay sinipi ng magasing You ng Timog Aprika ang isang prominenteng Anglikanong ministro na nagsabi: “Ang bisa ng Kasulatan ay hindi magpakailanman. . . . Naniniwala ako na magbabago ang saloobin at patakaran ng simbahan sa mga taong binabae.”—Ihambing sa Roma 1:26, 27.
Ayon sa 1994 Britannica Book of the Year, ang seksuwalidad ay naging isang malaking isyu sa mga simbahang Amerikano, lalo na ang mga bagay tulad ng “ordinasyon sa ministeryo ng kilalang mga binabae at mga tomboy, relihiyosong pagkaunawa sa karapatan ng mga homosekso, bendisyon sa ‘pag-aasawa ng binabae,’ at pagpapaging legal o pagkondena sa mga istilo ng pamumuhay na kaugnay sa homoseksuwalidad.” Karamihan sa mga pangunahing denominasyon ng simbahan ay kumukunsinti sa mga klerigong nangangampanya para sa mas malaking kalayaan sa sekso. Ayon sa 1995 Britannica Book of the Year, 55 obispong Episkopaliano ang lumagda sa isang deklarasyon “na nagpapatibay ng pagsang-ayon sa ordinasyon at gawain ng mga homosekso.”
Ang ilang klerigo ay nagbibigay-katuwiran sa homoseksuwalidad, anupat inaangking si Jesus ay hindi kailanman nagsalita ng laban dito. Ngunit talaga nga bang gayon? Ipinahayag ni Jesu-Kristo na ang Salita ng Diyos ay katotohanan. (Juan 17:17) Nangangahulugan ito na sinang-ayunan niya ang pangmalas ng Diyos sa homoseksuwalidad gaya ng pagkalarawan sa Levitico 18:22, na kababasahan ng ganito: “Hindi ka dapat mahigang kasama ng isang lalaki gaya ng paghiga mo kasama ng isang babae. Iyon ay kasuklam-suklam na bagay.” Isa pa, ibinilang ni Jesus na ang pakikiapid at pangangalunya ay kasama sa ‘mga balakyot na bagay na lumalabas mula sa loob at nagpapadungis sa tao.’ (Marcos 7:21-23) Ang Griegong salita para sa pakikiapid ay isang mas malawak na termino kaysa sa pangangalunya. Inilalarawan nito ang lahat ng anyo ng seksuwal na ugnayan sa labas ng legal na pag-aasawa, kasali na ang homoseksuwalidad. (Judas 7) Binabalaan din ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na huwag pahintulutan ang sinumang nag-aangking gurong Kristiyano na nagwawalang-bahala sa kaselangan ng pakikiapid.—Apocalipsis 1:1; 2:14, 20.
Kapag nangangampanya ang mga relihiyosong lider para sa ordinasyon ng mga homosekso at Tomboy, anong epekto mayroon ito sa mga miyembro ng kanilang simbahan, lalo na sa mga kabataan? Hindi ba iyon isang impluwensiya upang mag-eksperimento sa pagsisiping nang walang kasal? Sa kabaligtaran, pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang mga Kristiyano na ‘tumakas mula sa pakikiapid.’ (1 Corinto 6:18) Kapag ang isang kapananampalataya ay nahulog sa gayong pagkakasala, ibinibigay ang maibiging tulong sa layuning ibalik ang pabor ng Diyos sa taong iyon. (Santiago 5:16, 19, 20) Ano kung tanggihan ang tulong na ito? Sinasabi ng Bibliya na kung hindi magsisisi ang gayong mga tao, sila ay ‘hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.’—1 Corinto 6:9, 10.
“Nagbabawal na Mag-asawa”
Dahil sa “pagiging laganap ng pakikiapid,” sinasabi ng Bibliya na “lalong mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa.” (1 Corinto 7:2, 9) Sa kabila ng may katalinuhang payong ito, maraming klerigo ang iginigiit na kailangang manatiling binata, samakatuwid nga, walang-asawa. “Ang panata ng pagkawalang-asawa ay hindi nalalabag,” ang paliwanag ni Nino Lo Bello sa kaniyang aklat na The Vatican Papers, “kung ang isang pari, monghe o madre ay magkaroon ng seksuwal na ugnayan. . . . Ang kapatawaran para sa seksuwal na ugnayan ay makakamit sa pamamagitan ng tapatang paghahayag sa kumpisal, samantalang ang pag-aasawa ng sinumang pari ay talagang hindi kikilalanin ng Simbahan.” Nagbunga ba ng mabuti o ng masama ang turong ito?—Mateo 7:15-19.
Tiyak, maraming pari ang namumuhay nang malinis, ngunit marami ang hindi namumuhay nang gayon. Ayon sa 1992 Britannica Book of the Year, “iniulat na ang Simbahang Romano Katoliko ay nagbayad ng $300 milyon upang ayusin ang mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso ng klero.” Pagkaraan, sinabi ng 1994 edisyon: “Ang kamatayan ng ilang klerigo dahil sa AIDS ay naglantad sa pagkakaroon ng mga paring binabae at sa mga obserbasyon na may labis na bilang ng . . . mga binabae na naaakit sa pagpapari.” Hindi nakapagtatakang sinasabi ng Bibliya na ang ‘pagbabawal na mag-asawa’ ay isang ‘turo ng mga demonyo.’ (1 Timoteo 4:1-3) “Sa pangmalas ng ilang istoryador,” isinulat ni Peter de Rosa sa kaniyang aklat na Vicars of Christ, “[ang pagkawalang-asawa ng mga pari] ay malamang na lalong nakapinsala sa moral kaysa sa anumang ibang institusyon sa Kanluran, kasali na ang prostitusyon. . . . [Iyon] ay kadalasang nagiging isang mantsa sa pangalan ng Kristiyanismo. . . . Ang sapilitang pagkawalang-asawa ay laging humahantong sa pagpapaimbabaw sa mga hanay ng klero. . . . Ang isang pari ay maaaring magkasala nang isang libong beses subalit siya ay pinagbabawalan ng batas ng simbahan na magpakasal kahit minsan.”
Sa pagsasaalang-alang ng pangmalas ng Diyos sa pagsamba kay Baal, hindi mahirap maunawaan kung paano niya minamalas ang nababahaging mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Sa huling aklat ng Bibliya ay pinagsasama-sama ang lahat ng anyo ng huwad na pagsamba sa ilalim ng pangalang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” “Nasumpungan sa kaniya,” sabi pa ng Bibliya, “ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.”—Apocalipsis 17:5; 18:24.
Kaya naman, hinihimok ng Diyos ang lahat ng ibig na maging tunay na mananamba sa kaniya: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. . . . Sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at siya ay lubusang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 18:4, 8.
Bumabangon ngayon ang tanong: Pagkatapos na lumabas sa huwad na relihiyon, saan dapat pumunta ang isang tao? Anong anyo ng pagsamba ang sinasang-ayunan ng Diyos?
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Idolatriya
Sa pagsamba kay Baal ay kasali ang paggamit ng mga idolo. Sinubukan ng mga Israelita na paghaluin ang pagsamba kay Jehova at ang pagsamba kay Baal. Nagdala pa man din sila ng mga idolo sa templo ni Jehova. Ang pangmalas ng Diyos sa pagsamba sa idolo ay niliwanag nang pasapitin niya ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito.
Maraming simbahan sa Sangkakristiyanuhan ang punúng-punô ng mga idolo, ang mga ito man ay nasa anyo ng isang krus, mga imahen, o mga estatuwa ni Maria. Bukod dito, maraming nagsisimba ang tinuruang yumukod, lumuhod, at mag-antanda sa harap ng mga imaheng ito. Sa kabaligtaran, ang mga tunay na Kristiyano ay inutusang ‘tumakas mula sa idolatriya.’ (1 Corinto 10:14) Hindi nila sinusubukang sambahin ang Diyos sa tulong ng materyal na mga bagay.—Juan 4:24.
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Kahon sa pahina 7]
“Ang Lider ng Simbahan ay Dapat na Walang Pagkakamali”
ANG pananalitang ito ay buhat sa Tito 1:7, ayon sa Today’s English Version. Ganito ang mababasa sa King James Version: “Ang isang obispo ay dapat na walang kapintasan.” Ang salitang “obispo” ay galing sa salitang Griego na nangangahulugang “tagapangasiwa.” Kaya ang mga lalaking hinirang upang manguna sa tunay na kongregasyong Kristiyano ay dapat na makatupad sa mga saligang pamantayan sa Bibliya. Kung hindi sila nakatutupad, dapat silang alisin sa kanilang posisyon ng pangangasiwa, yamang hindi na sila “mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:2, 3) Gaano kaseryoso ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa kahilingang ito?
Sa kaniyang aklat na I Care About Your Marriage, tinukoy ni Dr. Everett Worthington ang isang surbey sa 100 pastor sa estado ng Virginia, E.U.A. Mahigit sa 40 porsiyento ang umamin na nakagawa ng isang anyo ng nakapupukaw-damdaming paggawi sa isa na hindi nila asawa. Isang malaking bilang sa kanila ang nakagawa ng pangangalunya.
“Sa nakalipas na dekada,” sabi ng Christianity Today, “ang simbahan ay paulit-ulit na ginimbal ng mga pagsisiwalat ng imoral na paggawi ng ilan sa lubhang iginagalang na mga lider nito.” Hinamon ng artikulong “Kung Bakit Hindi Dapat na Ibalik ang Mapangalunyang mga Pastor” ang kaugalian sa Sangkakristiyanuhan na agad na pagbabalik ng mga lider ng simbahan sa kanilang dating posisyon pagkatapos na sila’y “mahatulan sa seksuwal na pagkakasala.”