“Isang Napakainam na Regalo Mula kay Jehova”
ANG Mayo 1, 1996, isyu ng Ang Bantayan ay naglalaman ng isang malawak na pagtalakay tungkol sa Kristiyanong neutralidad at kung paano pagtitimbang-timbangin ang ating mga pananagutan kay Jehova at kay “Cesar.” (Mateo 22:21) Marami ang nagpasalamat para sa bagong impormasyong inilaan. Kabilang sa mga ito ang sumusunod na liham, na isinulat ng isang Saksi sa Gresya at ipinadala sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova:
“Ibig kong taimtim na magpasalamat sa inyong lahat na minamahal na mga kapatid dahil sa inyong mabuting pangangalaga sa amin sa espirituwal na paraan. Palibhasa’y gumugol ng mga siyam na taon sa bilangguan dahil sa aking pananampalatayang Kristiyano, totoong pinahahalagahan ko ang napakainam na mga kaisipan sa Mayo 1, 1996, isyu ng Ang Bantayan. (Isaias 2:4) Ito ay isang napakainam na regalo mula kay Jehova.—Santiago 1:17.
“Samantalang nasisiyahan ako sa mga artikulong ito, natandaan ko ang komento sa isang naunang Bantayan (Agosto 1, 1994, pahina 14): ‘Maliwanag, ang pagka-makatuwiran ay isang mahalagang katangian, na nagpapakilos sa atin upang lalo pang ibigin si Jehova.’ Oo, mga kapatid, pinasasalamatan ko si Jehova na ako ay bahagi ng kaniyang may kabaitan at maibiging organisasyon, na malinaw na nagpapaaninag ng kaniyang karunungan.—Santiago 3:17.
“Ang higit na liwanag sa Bantayan ng Mayo 1 ay malugod na tinanggap dito sa Gresya, lalo na niyaong gumugol ng maraming taon sa bilangguan o nakabilanggo pa rin dahil sa kanilang pananampalataya. Maraming salamat uli. Nawa’y palakasin kayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu upang patuloy na makapaglaan sa amin ng mahalagang espirituwal na pagkain sa maligalig na panahong ito.”