Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Si Daniel ay Naglingkod sa Diyos Nang May Katatagan
BIHIRANG magbago ang takbo ng kasaysayan sa isang gabi lamang. Subalit, iyan ang naganap noong 539 B.C.E., nang ibagsak ng mga Medo at Persiano ang Imperyo ng Babilonya sa loob lamang ng ilang oras. Nang taóng iyon, ang propeta ni Jehova na si Daniel ay naninirahan bilang isang Judiong tapon sa Babilonya sa loob ng halos 80 taon. Malamang na nasa kaniyang edad na mga 90, malapit nang mapaharap si Daniel sa isa sa pinakamalaking pagsubok sa kaniyang integridad sa Diyos.
Pagkatapos ng pagbagsak ng Babilonya, waring sa una ay maayos naman ang mga bagay-bagay para kay Daniel. Ang bagong hari ay si Dario na Medo, isang 62-taóng-gulang na lalaking tumitingin nang may lingap kay Daniel. Isa sa mga unang ginawa ni Dario bilang hari ay ang humirang ng 120 satrapa at itaas sa tungkulin ang tatlong lalaki bilang mga opisyal.a Isa si Daniel sa tatlong lalaking iyon na binigyan ng pabor. Palibhasa’y kinikilala ang pambihirang kakayahan ni Daniel, ibig pa man din ni Dario na gawin siyang punong ministro! Gayunman, nang panahong iyon ay may nangyari na biglang bumago sa mga plano ng hari.
Isang Buhong na Pakana
Ang kapuwa matataas na opisyal ni Daniel, kasama ng isang malaking grupo ng mga satrapa, ay lumapit sa hari taglay ang isang nakaiintrigang ideya. Namanhik sila kay Dario na gumawa ng isang batas na nagsasaad: “Sinumang makiusap sa kaninumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw maliban sa iyo, O hari, ay dapat na ihagis sa yungib ng mga leon.” (Daniel 6:7) Para kay Dario ang mga lalaking ito ay waring nagpapahayag ng kanilang pagkamatapat sa kaniya. Maaaring nangatuwiran din siya na ang batas na ito ay makatutulong sa kaniya, na isang banyaga, upang patatagin ang kaniyang posisyon bilang ulo ng kaharian.
Subalit hindi iminungkahi ng matataas na opisyal at ng mga satrapa ang utos na ito para sa kapakanan ng hari. Sila’y ‘nagsisikap na humanap ng anumang dahilan laban kay Daniel tungkol sa kaharian; subalit wala silang masumpungang dahilan o kalikuan, sapagkat siya’y mapagkakatiwalaan at sa kaniya’y walang nasumpungang anumang kapabayaan o kalikuan.’ Kaya nangatuwiran ang buhong na mga lalaking ito: “Hindi tayo makasusumpong ng ano mang dahilan laban sa Daniel na ito, liban sa tayo’y makasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Diyos.” (Daniel 6:4, 5) Palibhasa’y nalalaman na si Daniel ay nananalangin kay Jehova sa araw-araw, sinikap nilang gawin itong isang kasalanang karapat-dapat sa parusang kamatayan.
Marahil ay nagkikimkim ng matinding poot ang matataas na opisyal at ang mga satrapa kay Daniel dahil sa siya’y “matatag na natatangi sa [kanila], sapagkat isang di-pangkaraniwang espiritu ang nasa kaniya; at balak ng hari na itaas siya sa ibabaw ng buong kaharian.” (Daniel 6:3) Ang pagkamatapat ni Daniel ay maaaring lumikha ng di-ninanais na hadlang laban sa katiwalian at pandaraya. Anuman ang kalagayan, nakumbinsi ng mga lalaking ito ang hari na lagdaan ang utos, anupat ginawa itong bahagi ng “batas ng mga Medo at ng mga Persiano, na hindi napawawalang-bisa.”—Daniel 6:8, 9.
Nanatiling Matatag si Daniel
Pagkatapos malaman ang tungkol sa bagong batas, tumigil ba si Daniel sa pananalangin kay Jehova? Hinding-hindi! Habang nakaluhod sa silid sa itaas ng kaniyang bahay, nananalangin siya sa Diyos nang tatlong beses sa isang araw, “gaya nang regular niyang ginagawa bago nito.” (Daniel 6:10) Samantalang siya’y nananalangin, ang kaniyang mga kaaway ay “nagpisan at nasumpungan si Daniel na nakikiusap at nagsusumamo ng pabor sa kaniyang Diyos.” (Daniel 6:11) Nang itawag-pansin nila sa hari ang bagay na ito, nabagabag si Dario sa bagay na ang batas na nilagdaan niya ay magsasangkot kay Daniel. “Hanggang sa paglubog ng araw ay pinagsikapan niyang iligtas siya,” ang sabi sa atin ng ulat. Ngunit kahit ang hari ay hindi maaaring magpawalang-bisa sa batas na ipinatupad niya. Kaya si Daniel ay dinala sa yungib ng mga leon, maliwanag na isang lugar na hinukay o nasa ilalim ng lupa. “Ang iyong Diyos na pinaglilingkuran mo nang may katatagan, siya mismo ang magliligtas sa iyo,” ang tiniyak ng hari kay Daniel.—Daniel 6:12-16.
Pagkatapos na di-matulog at mag-ayuno sa magdamag, nagmadaling pumaroon si Dario sa yungib. Si Daniel ay buháy at di-nasaktan! Kaagad na kumilos ang hari. Ipinahagis niya sa yungib ng mga leon ang mga kaaway ni Daniel at ang kanilang mga pamilya bilang paghihiganti. Ipinatalastas din ni Dario sa buong kaharian na “sa bawat sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat na manginig at matakot sa Diyos ni Daniel.”—Daniel 6:17-27.
Aral Para sa Atin
Si Daniel ay isang mainam na halimbawa ng katapatan. Maging ang hari, na hindi sumasamba kay Jehova, ay nakapansin na si Daniel ay naglilingkod sa Kaniya “nang may katatagan.” (Daniel 6:16, 20) Ang Aramaikong salitang ugat na isinaling “katatagan” ay may saligang kahulugan na “magpaikut-ikot.” Nagpapahiwatig ito ng patuluyan. Angkop na angkop ngang ilarawan nito ang di-matinag na integridad ni Daniel kay Jehova!
Nakapaglinang si Daniel ng isang matatag na katangian matagal pa bago siya ihagis sa yungib ng mga leon. Bilang isang kabataang bihag sa Babilonya, tumanggi siyang kumain o uminom ng mga bagay na ipinagbabawal sa Batas Mosaiko o nadumhan ng paganong ritwal. (Daniel 1:8) Nang maglaon, buong tapang niyang ipinahayag ang mensahe ng Diyos sa Babilonikong haring si Nabucodonosor. (Daniel 4:19-25) Mga ilang oras lamang bago bumagsak ang Babilonya, walang-takot na ipinahayag ni Daniel ang kahatulan ng Diyos kay Haring Belsasar. (Daniel 5:22-28) Kaya nang mapaharap si Daniel sa yungib ng mga leon, nagpatuloy siya sa tapat na landasing nakasanayan niya.
Ikaw man ay makapaglilingkod kay Jehova nang may katatagan. Isa ka bang kabataan? Kung gayo’y kumilos na ngayon upang magkaroon ng matatag na katangian sa pamamagitan ng pagtanggi sa masasamang kasama at maruming paggawi ng sanlibutang ito. Kung matagal-tagal ka nang naglilingkod sa Diyos, panatilihin ang katangian ng tapat na pagtitiis. Huwag kang sumuko, sapagkat ang bawat pagsubok na napapaharap sa atin ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong ipakita kay Jehova na desidido tayong maglingkod sa kaniya nang may katatagan.—Filipos 4:11-13.
[Talababa]
a Ang terminong “satrapa” (sa literal ay may kahulugang “tagapagsanggalang ng Kaharian”) ay tumutukoy sa isang gobernador na hinirang ng Persianong hari upang maglingkod bilang punong tagapamahala sa isang hurisdiksiyonal na distrito. Bilang isang opisyal na kinatawan ng hari, siya ang may pananagutan sa pagkolekta ng mga buwis at pagbabayad ng tributo sa maharlikang korte.