Kapayapaan ng Diyos Para sa mga Tinuruan ni Jehova
“Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.”—ISAIAS 54:13.
1, 2. Sa ano depende ang pagtatamasa ng kapayapaan?
KAPAYAPAAN! Kanais-nais nga! Subalit ang kasaysayan ng sangkatauhan ay salat na salat sa kapayapaan. Bakit nga gayon?
2 Ang pagtatamasa ng kapayapaan ay may malaking kaugnayan sa paggalang sa awtoridad. At sino ang pinakamataas na awtoridad sa uniberso? Ang Maylikha, si Jehovang Diyos. Ang isang aprobadong relasyon sa kaniya ang kung gayo’y kailangan para sa kapayapaan. (Awit 29:11; 119:165) Kung ang pinakamahalagang relasyong iyan ay nasira, imposible na magkaroon ng tunay na pakikipagpayapaan sa Diyos, sa kapuwa-tao, o sa kalooban ng isang tao.—Isaias 57:21.
Kung Bakit Walang Kapayapaan ang Daigdig
3. Paano nasira ang relasyon ng tao sa Diyos?
3 Gaya ng alam na alam natin, sa bukang-liwayway pa lamang ng kasaysayan ng sangkatauhan isang espiritung anak ng Diyos ang nagrebelde kay Jehova. Ang rebelyon ay isang katayuan ng digmaan. Ang maninirang iyan ng kapayapaan, na pagkatapos ay nakilala bilang si Satanas na Diyablo, ang nag-udyok kay Eva na huwag hayaang ang kautusan ng Diyos ay humadlang sa kaniya sa paggawa ng isang bagay kung inaakala ni Eva na iyon ay sa kaniyang kapakinabangan. Pinilipit ng Diyablo ang katotohanan upang akayin si Eva na mag-isip na siya’y pinagkakaitan ng isang bagay na mabuti kung siya’y makikinig sa Diyos. Siya’y hinikayat na maging mapag-imbot, at magkaroon ng saloobin na laging inuuna ang sarili. Hindi nagtagal at ang kaniyang asawa ay nakisama sa kaniya sa katampalasanang iyon, at ang resulta, nahawahan ng espiritung iyon ang lahat ng kanilang mga supling.—Genesis 3:1-6, 23, 24; Roma 5:12.
4, 5. (a) Hanggang saan nagtagumpay si Satanas sa pandaraya sa kaisipan ng sangkatauhan? (b) Ano ang naging epekto nito sa pagsisikap ng tao na kamtin ang kapayapaan?
4 Hindi lamang isang maliit na bahagi ng sangkatauhan ang tumatabig sa batas ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Kasulatan na si Satanas ang “dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ang ibang mga tao ay totoong tampalasan, at nagpapakita ng lubos na pagwawalang-bahala sa Diyos at sa kanilang kapuwa-tao; ang iba ay hindi naman gaanong gayon. Subalit naging lubhang matagumpay si Satanas sa pandaraya sa kaisipan ng sangkatauhan kung kaya’t nasabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa nag-aangkin man ang mga tao na sila’y naniniwala na may Diyablo o wala, kanilang ginagawa ang ibig niya. Kanilang sinusunod siya, kaya siya ang kanilang tagapamahala. Kaya naman, ang sangkatauhan ay hiwalay sa Diyos, may pakikipag-alitan sa kaniya. Sa ganiyang kapaligiran, kataka-taka ba na mabigo ang mga pagsisikap ng tao na magtamo ng kapayapaan?—Colosas 1:21.
5 Gayunman, isang dumaraming bilang ng mga tao buhat sa lahat ng bansa ang nagtatamasa ng kapayapaan ng Diyos, ang kapayapaan na nagmumula sa Diyos. Paano nga nangyayari ito?
Ang Kasiya-siyang Kapayapaan na Ibinibigay ng Diyos
6. (a) Anong pagdiriin ang ibinibigay ng Bibliya sa kapayapaan? (b) Sa pamamagitan nino maaaring tamasahin natin ang kapayapaan na ibinibigay ng Diyos?
6 Sa Roma 15:33 si Jehova ay angkop na tinutukoy bilang “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” Sa mismong pasimula, layunin na ng Diyos na lahat ng kaniyang mga nilalang ay magtamasa ng kapayapaan. Mahigit na 300 beses na ang kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, ay tumutukoy sa kapayapaan. Nililiwanag nito na si Jesu-Kristo ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6, 7) Siya ang sinugo ng Diyos upang sirain ang mga gawa ng pangunahing maninira ng kapayapaan, si Satanas na Diyablo. (1 Juan 3:8) At sa pamamagitan ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay posible para sa bawat isa sa atin na magtamasa ng kasiya-siyang kapayapaan na ibinibigay ng Diyos.
7. (a) Ano ang saklaw ng kapayapaang bigay ng Diyos? (b) Bakit ito isang bagay na hindi na kailangang hintayin pa natin hanggang sa mawala ang matandang sistema at sa wakas ay nakamit na natin ang kasakdalan?
7 Anong kagila-gilalas ngang kapayapaan ito! Ito’y higit pa kaysa hindi pag-iral ng digmaan. Ang salitang Hebreo na sha·lohm’, na karaniwang isinasalin na “kapayapaan,” ay nagpapahiwatig ng kalusugan, kasaganaan, at kagalingan. Ang kapayapaan ng Diyos na taglay ng mga tunay na Kristiyano ay walang kaparis dahil sa hindi ito depende sa kapaligiran ng isang tao. Hindi ibig sabihin na ang mga pangit na kapaligiran ay walang epekto sa kanila. Subalit sila ay nagkakaroon ng isang panloob na lakas na nagpapangyari sa kanila na iwasan ang pagpapalubha pa sa suliranin sa pamamagitan ng pagganti pagka iyon ay dumarating sa kanila. (Roma 12:17, 18) Bagaman ang isang tao ay may pisikal na sakit o kakaunti lamang ang kaniyang materyal na mga pag-aari, siya man din ay maaaring maging malusog at masagana kung espirituwal ang pag-uusapan at sa gayo’y tamasahin ang kapayapaan na ibinibigay ng Diyos. Maliwanag nga, ang kapayapaan na tinatamasa ng gayong mga tao ay lalago pa pagka ang mapag-imbot na sanlibutang ito ay wala na, at ito’y lalong lalawak pagka ang lahat ng tao ay nagkamit na ng kasakdalan. Subalit ang kapayapaan ng Diyos na posible sa mismong sandaling ito ay isang kalagayan ng katahimikan ng isip at puso, isang panloob na kalagayan ng katahimikan anuman ang nagaganap sa labas. (Awit 4:8) Ito’y nanggagaling sa isang aprobadong kaugnayan sa Diyos. Anong laking kayamanan na walang katumbas na halaga!
Mga Anak na Tinuruan ni Jehova
8. Sino ang mga unang magtatamasa ng pakikipagpayapaang ito sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
8 Sino ang may gayong kapayapaan dahilan sa sila’y tinuruan ni Jehova at nagbibigay-pansin sa kaniyang mga utos? Bilang tugon, ang Bibliya ay nagtatawag-pansin sa atin una sa mga bumubuo ng espirituwal na Israel. Sila’y tinutukoy sa Galacia 6:16, na kung saan mababasa natin: “Ang lahat ng magsisilakad nang maayos alinsunod sa alituntuning ito ng asal, kapayapaan at kaawaan nawa ang suma-kanila, samakatuwid nga’y sa Israel ng Diyos.” Sila ang 144,000 na pinili ng Diyos upang makibahagi kay Jesu-Kristo sa makalangit na buhay.—Apocalipsis 14:1.
9. Ano ang ‘alituntunin ng asal’ na may kaugnayan sa pagtatamasa ng kapayapaan ng espirituwal na Israel?
9 Noong lumipas na unang siglo, yaong mga kabilang sa espirituwal na Israel ay natututo ng isang saligang katotohanan, isang ‘alituntunin ng asal,’ na tuwirang may kaugnayan sa kanilang pagtatamasa ng kapayapaan. Mahalaga na kanilang maintindihan ang alituntuning ito ng asal. Sa loob ng mahigit na 15 siglo, ginamit ni Jehova ang Kautusang Mosaiko upang maisaayos ang mga anino ng mabubuting bagay na darating. Subalit pagkatapos ng sakripisyong kamatayan ni Jesu-Kristo, hindi na ipinasunod ang mga kahilingan ng Kautusang Mosaiko. (Hebreo 10:1; Roma 6:14) Ito ay makikita buhat sa desisyon ng lupong tagapamahalang Kristiyano sa Jerusalem tungkol sa isyu ng pagtutuli. (Gawa 15:5, 28, 29) Idiniin na namang muli ito sa kinasihang liham sa mga taga-Galacia. Ang mabubuting bagay na ipinaaninaw ng Kautusang Mosaiko ay natupad na. Matiyagang ikinintal ni Jehova sa mga isip at mga puso ng pinahirang mga tagasunod ni Kristo ang kahulugan ng Kaniyang di-sana nararapat na awa na ipinahayag sa pamamagitan ni Kristo. Sa pamamagitan ng pagsampalataya sa paglalaang ito, sa pamamagitan ng pamumuhay nila na kasuwato nito, maaari nilang tamasahin ang kapayapaan na kailanma’y noon lamang maaaring tamasahin ng makasalanang mga tao.—Galacia 3:24, 25; 6:16, 18.
10. (a) Ang espirituwal na Israel ay dumaranas noon ng katuparan ng anong pangako na nasusulat sa Isaias 54:13? (b) Paanong ang pagdisiplina sa kanila ni Jehova ay naging dahilan ng pagtatamasa nila ng kapayapaan?
10 Yaong mga kabilang sa espirituwal na Israel ay dumaranas noon ng katuparan ng dakilang pangako na nakasulat sa Isaias 54:13. Doon ang Diyos mismo ay nagsabi sa kaniyang tulad-asawang organisasyon ng tapat na mga espiritung nilalang: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” Mangyari pa, ang pangunahing Anak ay si Jesu-Kristo mismo, na isinilang bilang ang Mesiyas nang siya’y pahiran ng banal na espiritu noong 29 C.E. Subalit ang makalangit na “babae” ni Jehova ay mayroong higit pang mga anak—144,000 mga iba pa na nagiging pangalawahing bahagi ng binhi na inihula sa Genesis 3:15. Ipinangako ni Jehova na siya ang magiging Dakilang Instruktor ng lahat ng mga anak na ito. Kaniyang tinuruan sila ng katotohanan tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga layunin. Kaniyang sinabi sa kanila kung paano paglilingkuran siya. Kung minsan, ang kailangan ay disiplinahin niya sila. Ito’y kailangan pagka sila’y bigo ng pagsunod sa kaniyang Salita. Ang disiplina ay maaaring mahirap tanggapin. Subalit kanilang mapagpakumbabang kinilala na kailangan nila ito at sila’y gumawa ng kinakailangang pagbabago, at ang pagdisiplinang iyon ay nagbunga nang mabuti—“bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.”—Hebreo 12:7, 11; Awit 85:8.
“Isang Malaking Pulutong” na Tinuruan sa mga Daan ng Diyos
11. (a) Sino pa ang tinuturuan ni Jehova sa kaarawan natin? (b) Paano nila ipinakikita na sila ang tinutukoy sa paglalarawan na nasa Isaias 2:2, 3, at ano ang epekto sa iba?
11 Sa kaarawan natin, ang espirituwal na Israel ay hindi siyang tanging grupo na tinuturuan ni Jehova. Noong nakalipas na limampung taon, siya’y nagbigay-pansin din naman sa mga iba. Si Isaias ay kinasihan na sumulat tungkol sa kanila sa Isa kabanata 2, talatang 2 at 3: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at dadagsa roon ang lahat ng bansa.” Oo, yaong mga sumasamba sa tanging tunay na Diyos ay nagbibigay roon ng pinakamataas na dako sa kanilang buhay. Kaya naman nakatayo iyon na mataas kaysa anumang ibang uri ng pagsamba na dating isinasagawa nila at siyang patuloy na sinusunod ng sanlibutang nakapalibot sa kanila. Ito’y namamasdan ng mga tao ng lahat ng bansa. Kanilang nakikita na, anuman ang hinihiling ng makasanlibutang mga awtoridad o sa kabila ng paglaganap ng mga gawaing di maka-Kristiyano sa daigdig, yaong mga sumasamba kay Jehova ay yaong kanilang kaugnayan sa kaniya ang minamahalaga higit sa lahat ng bagay. Nasaksihan ng mga tagapagmasid ang bunga na likha nito sa buhay ng gayong mga mananamba, at marami ang ibig makibahagi sa tunay na pagsamba. Kaya’t mahigit na tatlong milyong mga tao ang ngayo’y nagsasabi sa iba: “Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.”—Tingnan din ang Zacarias 8:23.
12. Paanong yaong mga binanggit sa Isaias 2:2, 3 ay nakikinabang dahil sa ang Diyos ang Instruktor nila, at ano ang isang mahalagang katangian ng turo na kaniyang ibinibigay sa kanila?
12 Isip-isipin lamang kung ano ang ibig sabihin niyan—ang Diyos ang kanilang Instruktor! Yaong mga tumatanggap ng gayong turo at tunay na nagpapahalaga sa pinagmumulan niyaon ay hindi ginagambala ng patuluyang suliranin sa pag-iisip. Sila’y hindi napapalagay sa alanganin sa pagitan ng dalawang opinyon o nag-aalangan tungkol sa kung ano nga ang tama. Ang katotohanan buhat sa Salita ng Diyos ay sinlinaw ng kristal. At ano ang ipinakikita ng Isaias 2:4 bilang isang mahalagang katangian ng turo na tinatanggap nila? Ito’y tungkol sa kung paano magtatamasa ng kapayapaan sa isang daigdig na pinagwatak-watak ng alitan. Kung gayon, anuman ang ipasiya ng iba na gawin, yaong mga tinuruan ni Jehova ang kusang nagpapanday ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit. Sila’y hindi na nag-aaral ng pakikidigma.
13. Saan nanggagaling ang “malaking pulutong,” subalit ano ang gumawa sa kanila na maging gayong uri ng mga tao?
13 Ito ring grupong ito ang inilalarawan sa Apocalipsis 7:9, 10, 14 bilang ang mga nakaligtas tungo sa mapayapang bagong lupa ng Diyos na matatatag pagkatapos ng napipintong “malaking kapighatian.” Ang nakaligtas na “malaking pulutong” ay nanggagaling sa lahat ng lahi, tribo, bayan, at mga wika. Marami sa kanila ang dati’y kabilang sa mga grupo na nakikipagbaka sa isa’t isa. Ang mga iba naman ay namumuhay ng isang pamumuhay na nag-uugat sa kaimbutan; subalit, iyan man ay nakahahadlang sa pagtatamasa ng kapayapaan. Subalit ngayon ang mga ito na nanggaling sa lahat ng bansa ay isang bayan na umiibig sa kapayapaan at nagtataguyod ng kapayapaan. At ano ang gumawa sa kanila upang maging gayon? Sila’y tinuruan ni Jehova.—Isaias 11:9.
Isang Bukod-Tanging Uri ng Kapayapaan
14. Sa ano nakasalig ang kapayapaan ng bayan ng Diyos, at paano nangyayari ito?
14 Ang kapayapaan na ipinagkakaloob ni Jehova sa kaniyang bayan ay tunay na namumukod-tangi. Hindi ito isang bagay na resulta ng isang mabuway na kasunduan ng dalawang panig na hindi nagtitiwala sa isa’t isa. Ito’y walang pakikipagkompromiso. Ito ay nasasalig sa katuwiran. (Isaias 32:17) Subalit paano nga magiging totoo iyan tungkol sa kapayapaan na kinasasangkutan ng di-sakdal na mga tao? Bilang makasalanan, ano bang katuwiran ang taglay ng sinuman sa atin? Bueno, sa pamamagitan ng pananampalataya ay maaari tayong magtamasa ng katuwiran na posible sa pamamagitan ng nagtatakip-kasalanang bisa ng inihandog na hain ni Jesus.
15. Sa panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus, ano ang itinuturo noon ni Jehova sa kaniyang magiging mga anak na kailangan sa kayapaan?
15 Ito’y tumutulong sa atin na pahalagahan ang sinabi ni Jesus ayon sa nasusulat sa Juan 6:45-47. Doon ay tinutukoy niya ang mga Judio na hindi lumalapit sa kaniya bilang ang Mesiyas at sa ganoo’y nagsasalita sila laban sa kaniya. Subalit may kinalaman sa kaniyang mga alagad kung kaya sinabi niya: “Nasusulat sa mga Propeta [espisipiko, sa Isaias 54:13], ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Ang bawat nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. Hindi sa ang sinumang tao ay nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Diyos; ang isang ito ang nakakita sa Ama. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siyang sumasampalataya ay may buhay na walang-hanggan.” Ang mga alagad na iyon ay tumanggap sa turo na ibinibigay noon ni Jehova sa kanila. Sila ay inilapit kay Jesus. Samantalang ang mga iba ay tumanggi sa mga bagay na kaniyang itinuturo at kanilang itinakwil si Jesus, ang kaniyang mga alagad ay hindi gayon ang ginawa. Gaya ng sinabi ni Pedro: “Kami’y sumasampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal na Isa ng Diyos.” (Juan 6:69) Dahilan sa kanilang pananampalataya kay Jesu-Kristo, posible na magkaroon sila ng isang mapayapang kaugnayan sa Diyos na Jehova, isang relasyon na may kasamang kasiguruhan ng buhay na walang-hanggan.
16. (a) Pasimula noong Pentecostes 33 C.E., paanong ang mga tagasunod ni Jesus ay nakinabang sa paglalaan na ginawa sa pamamagitan ni Kristo? (b) Pagkatapos, ano ang kahilingan sa kanila?
16 Pasimula noong Pentecostes 33 C.E., ang mga kapakinabangan sa inihandog na hain ni Kristo ay sinimulan na gamitin sa tapat na mga tagasunod ni Jesus. Ang nang maglao’y isinulat ni Pablo sa Roma 5:1 ay natupad sa kanila: “Kung gayon, ngayon na tayo’y inaring-matuwid ng dahil sa pananampalataya, tamasahin natin ang pakikipagpayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Sa kapanganakan lahat ng ito ay mga inapo ni Adan. Bilang mga makasalanan, sila ay hiwalay sa Diyos. Kahit na sila nakagawa ng mabuti ay hindi rin makapapawi iyon ng kanilang minanang kasalanan. Subalit sa pamamagitan ng Kaniyang di-sana nararapat na awa, tinanggap ni Jehova ang inihandog ni Jesus na sakdal na buhay-tao alang-alang sa mga supling ni Adan. Para sa mga nananampalataya sa paglalaang ito, posible na ngayon na sila’y ariing-matuwid at sila’y ampunin ng Diyos bilang mga anak na may pag-asang magtamo ng buhay sa langit. (Efeso 1:5-7) Subalit higit pa ba ang kahilingan sa kanila? Oo, sila’y kailangang lumakad sa mga daan ni Jehova. Kailangang ihinto nila ang pamimihasa sa kasalanan. Subalit kanilang natatalos na anuman ang pagkamatuwid nila ay resulta ng di-sana nararapat na awa ng Diyos na ipinakita sa pamamagitan ni Kristo. Gaya ng sinasabi ng kasulatan, kanilang ‘tinatamasa ang pakikipagpayapaan sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.’
17, 18. Tinatamasa ba ng “mga ibang tupa” ang gayong pakikipagpayapaan sa Diyos? (b) Ano pang mga tanong ang nararapat isaalang-alang?
17 Kumusta naman yaong mga tinukoy ni Jesus na kaniyang “mga ibang tupa”? (Juan 10:16) Kanila bang tinatamasa ang gayong pakikipagpayapaan sa Diyos? Hindi bilang mga anak ng Diyos, subalit sa Colosas 1:19, 20 ay kasali sila sa mga nagtatamasa ng kapayapaan ng Diyos. Sinasabi nito na minabuti ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na “pagkasunduing uli sa kaniya ang lahat ng iba pang mga bagay sa pamamagitan ng pakikipagpayapaan na nagkakabisa dahil sa dugo na itinigis niya [ni Jesus] sa pahirapang tulos, maging mga bagay sa lupa [ang bibigyan ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa] o mga bagay sa langit.” Ang mga ito na may makalupang mga pag-asa ay inaaring-matuwid at may pakikipagpayapaan sa Diyos kahit na ngayon, hindi bilang mga anak, kundi bilang ‘mga kaibigan ng Diyos,’ gaya ni Abraham. Anong pinagpalang katayuan iyan!—Santiago 2:23.
18 Ikaw ba ay personal na nagtatamasa ng kapayapaang iyan? Tinatamasa mo ba iyan nang lalong higit gaya ng posible para sa mga tao na nabubuhay ngayon sa pinakamahalagang panahong ito sa kasaysayan? Sa kasunod na artikulo, suriin natin ang makatutulong para matupad iyan.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit ang sanlibutan ay walang kapayapaan?
◻ Ano ang kapayapaan na ibinibigay ng Diyos ngayon?
◻ Sino ang maaaring magtamasa ng gayong kapayapaan?
◻ Paanong ang katuwiran ay isang mahalagang salik sa kapayapaang ito?
[Larawan sa pahina 14]
“Ang bawat nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin”