Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Nahadlangan ng Isang Maingat na Babae ang Kapahamakan
ISANG makatuwirang babae na asawa ng isang walang-kabuluhang lalaki—ito ang situwasyon nina Abigail at Nabal. Si Abigail ay “mahusay sa pag-iingat at may magandang anyo.” Sa kabaligtaran, si Nabal ay “may magaspang at masamang pag-uugali.” (1 Samuel 25:3) Ang pangyayari na naganap may kinalaman sa di-magkabagay na mag-asawang ito ay naging sanhi ng permanenteng pagkakalagay ng kanilang mga pangalan sa kasaysayan ng Bibliya. Tingnan natin kung paano.
Isang Pabor na Ipinagwalang-Bahala
Noon ay ika-11 siglo B.C.E. Pinahiran na si David bilang hari ng Israel sa hinaharap, ngunit sa halip na mamahala ay tumatakas siya. Ang namamahalang hari, si Saul, ay determinadong patayin siya. Bunga nito, napilitan si David na mamuhay bilang isang takas. Sa wakas siya at ang mga 600 kasamahan ay nakasumpong ng kanlungan sa ilang ng Paran, sa gawing timog ng Juda at malapit sa ilang ng Sinai.—1 Samuel 23:13; 25:1.
Samantalang naroroon, nasumpungan nila ang mga pastol na nagtatrabaho sa isang taong nagngangalang Nabal. Ang mayamang inapo na ito ni Caleb ay nagmamay-ari ng 3,000 tupa at 1,000 kambing, at ginugupitan niya ng balahibo ang kaniyang mga tupa sa Carmel, isang lunsod sa gawing timog ng Hebron at marahil mga 40 kilometro lamang mula sa Paran.a Tinulungan ni David at ng kaniyang mga tauhan ang mga pastol ni Nabal sa pagbabantay sa kanilang mga kawan laban sa mga magnanakaw na gumagala-gala sa ilang.—1 Samuel 25:14-16.
Samantala, nagsimula na ang paggupit ng balahibo ng mga tupa sa Carmel. Ito ay isang masayang okasyon, katulad sa panahon ng pag-aani para sa magsasaka. Panahon din ito ng bukas-palad na pagbibigay, na ginagantimpalaan ng mga may-ari ng tupa yaong mga nagtrabaho sa kanila. Kaya hindi naman isang kapangahasan ang ginawa ni David nang magsugo siya ng sampung tao sa lunsod ng Carmel upang humingi kay Nabal ng pagkain bilang kabayaran sa paglilingkod nila alang-alang sa kaniyang mga kawan.—1 Samuel 25:4-9.
Hindi naging mapagbigay si Nabal sa kaniyang tugon. “Sino ba si David?” ang pagkutya niya. Pagkatapos, bilang pahiwatig na si David at ang kaniyang mga tauhan ay walang iba kundi mga takas na alila, nagtanong siya: “Kailangan ko bang kunin ang aking tinapay at ang aking tubig at ang aking kinatay na karne para sa aking mga manggugupit at ibigay iyon sa mga tao na hindi ko man lamang nalalaman kung saan nagmula?” Nang marinig ito ni David, sinabi niya sa kaniyang mga tauhan: “Magbigkis ang bawat isa ng kaniyang tabak!” Mga 400 lalaki ang naghanda ng kanilang sarili sa pakikipaglaban.—1 Samuel 25:10-13.
Ang Pagiging Maingat ni Abigail
Ang mapang-abusong pananalita ni Nabal ay nakaabot sa pansin ng kaniyang asawang si Abigail. Marahil ay hindi ito ang unang pagkakataon na kinailangan niyang mamagitan at kumilos bilang tagapamayapa para kay Nabal. Sa paano man, kumilos agad si Abigail. Nang hindi ipinaalam kay Nabal, nagtipon siya ng mga panustos—kasali na ang limang tupa at saganang pagkain—at humayo upang salubungin si David sa ilang.—1 Samuel 25:18-20.
Nang masulyapan ni Abigail si David, agad siyang nangayupapa sa harap niya. “Huwag nawang makitungo ang aking panginoon sa walang-kabuluhang taong si Nabal,” ang pagsusumamo niya sa kaniya. “Tungkol dito sa pagpapalang kaloob na dinala ng iyong alilang babae sa aking panginoon, ito ay dapat ibigay sa mga kabataang lalaki na sumusunod sa mga yapak ng aking panginoon.” Sinabi pa niya: “Hayaang ito [ang situwasyon hinggil kay Nabal] ay huwag maging sanhi ng paggiray-giray o isang katitisuran sa puso ng aking panginoon.” Ang Hebreong salita rito na isinaling “paggiray-giray” ay nagpapahiwatig ng pagkabagabag ng budhi. Kaya binabalaan ni Abigail si David laban sa padalus-dalos na pagkilos na pagsisisihan niya sa bandang huli.—1 Samuel 25:23-31.
Nakinig si David kay Abigail. “Pagpalain ang iyong pagiging makatuwiran, at pagpalain ka na pumigil sa akin sa araw na ito na magkasala sa dugo,” ang sabi niya sa kaniya. “Kung hindi ka nagmadali upang makita ako, tiyak na hanggang sa pagbubukang-liwayway ay walang malalabi kay Nabal na sinumang umiihi sa pader.”b—1 Samuel 25:32-34.
Aral Para sa Atin
Ipinakikita ng salaysay na ito ng Bibliya na tiyak na hindi mali para sa isang makadiyos na babae na magkusang gumawa ng angkop na hakbang kung ito ay kailangan. Kumilos si Abigail nang salungat sa kagustuhan ng kaniyang asawang si Nabal, ngunit hindi siya hinahatulan ng Bibliya dahil dito. Sa kabaligtaran, ito ay pumupuri sa kaniya bilang isang babaing maingat at makatuwiran. Sa pagkukusang kumilos sa maselang na situwasyong ito, nailigtas ni Abigail ang maraming buhay.
Bagaman sa pangkalahatan ay dapat na magpamalas ng makadiyos na pagpapasakop ang isang asawang babae, maaaring angkop na sumalungat siya sa kaniyang asawa kapag nasasangkot ang tamang mga simulain. Sabihin pa, dapat niyang sikaping manatiling may “tahimik at mahinahong espiritu” at hindi dapat kumilos nang may pagsasarili dahil lamang sa galit, pagmamataas, o paghihimagsik. (1 Pedro 3:4) Subalit hindi dapat mapilitan ang isang makadiyos na asawang babae na gawin ang anumang bagay na alam niyang totoong isang kamangmangan o labag sa mga simulain ng Bibliya. Tunay, ang salaysay tungkol kay Abigail ay nagbibigay ng isang matibay na argumento laban sa mga naggigiit na ang mga babae ay inilalarawan sa Bibliya bilang mga hamak na alipin.
Tinuturuan din tayo ng salaysay na ito ng tungkol sa pagpipigil-sa-sarili. Kung minsan, lubusang ipinamalas ni David ang katangiang ito. Halimbawa, tumanggi siyang patayin ang mapaghiganting si Haring Saul, bagaman marami siyang pagkakataon na gawin iyon at ang kamatayan ni Saul ay nagdulot sana ng kapayapaan kay David. (1 Samuel 24:2-7) Sa kabaligtaran, nang insultuhin siya ni Nabal, nabigla si David at sumumpang maghihiganti. Ito ay isang maliwanag na babala sa mga Kristiyano, na nagsisikap na “huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman.” Sa lahat ng kalagayan, dapat nilang sundin ang payo ni Pablo: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot.”—Roma 12:17-19.
[Mga talababa]
a Ang ilang ng Paran ay ipinagpapalagay na umaabot hanggang sa dulong hilaga sa Beer-sheba. Kasali sa bahaging ito ng lupain ang malalaking pastulang dako.
b Ang pariralang “sinumang umiihi sa pader” ay isang Hebreong idyoma para sa mga lalaki, maliwanag na isang salitang paghamak.—Ihambing ang 1 Hari 14:10.
[Larawan sa pahina 15]
Nagdala ng mga kaloob si Abigail kay David