Nais Mo ba ng Isang Makatarungang Sanlibutan?
ISANG barkong de-layag na yari sa kahoy na may tatlong palo at dalawang kubyerta ang papalapit sa dalampasigan ng tinatawag ngayong Cape Cod, Massachusetts, E. U. A. Pagod na pagod ang tripulante at ang 101 pasahero dahil sa pamamalagi sa dagat sa loob ng 66 na araw. Palibhasa’y hinahangad na matakasan ang relihiyosong pag-uusig at hirap ng buhay, sinuong nila ang mahirap na paglalakbay patawid sa Karagatang Atlantiko.
Nang makatanaw ng lupa ang mga pasahero ng sasakyang ito, ang Mayflower, noong Nobyembre 11, 1620, nagningning ang kanilang mga mata dahil sa pag-asang makapagsisimula ng isang bagong buhay. Sa pagnanais na ilatag ang pundasyon para sa isang mas mabuting sanlibutan, pagkaraan ng dalawang araw ay nilagdaan ng karamihan sa mga nasa hustong gulang na lalaking pasahero ang Kasunduang Mayflower. Dito ay nagkasundo silang gumawa ng “makatarungan at patas na mga batas” para sa “kapakanan ng buong kolonya.” Natupad ba ang kanilang pangarap na isang sanlibutang matuwid at patas sa lahat—isang makatarungang sanlibutan?
Bagaman ang Kasunduang nilagdaan sa Mayflower ay itinuturing na isa sa mga pundasyon ng Amerikanong sistema ng pamahalaan, ang kawalang-katarungan ay palasak sa Amerika, kung paanong palasak ito sa buong daigdig. Halimbawa, isaalang-alang ang isang lalaking binaril ng mga pulis samantalang nagtatangkang tumakas pagkatapos pagnakawan at barilin ang isang may-ari ng tindahan. Idinemanda niya ang pulisya at ang lunsod ng New York at nanalo ng milyun-milyong dolyar bilang kabayaran.
Tingnan ang isa pang halimbawa. Habang kumukuha ng pagsusulit sa bar ang mga estudyante ng abogasya sa Pasadena, California, ang isa sa kanila ay inatake at natumba. Agad na nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation ang dalawang kalapit na estudyante hanggang sa dumating ang mga paramediko. Gumugol sila ng 40 minuto sa pagtulong sa lalaki. Ngunit nang humiling sila ng katumbas na haba ng panahon upang makumpleto ang pagsusulit, tinanggihan sila ng opisyal ng bar.
Nariyan din ang tungkol sa pagpaparusa sa mga gawang kriminal. Ganito ang sabi ng analista sa ekonomiya na si Ed Rubenstein: “Karamihan sa mga krimen ay hindi kailanman humantong sa pag-aresto. Marami sa mga naaresto ang hindi nauusig sa hukuman. Maraming nahatulan ang nabibigyan ng parol. Ang inaasahang parusa, sa pangmalas ng kriminal, ay isang posibilidad, hindi isang tiyak na bagay.” Sa paggamit ng impormasyon tungkol sa mga kaso ng pagnanakaw, sinabi niya na ang isang potensiyal na magnanakaw “ay makaliligtas sa pagkabilanggo nang mahigit sa 98 porsiyento ng panahon.” Ang maliit na posibilidad na maparusahan ay humahantong sa mas maraming krimen at mas maraming biktima.—Eclesiastes 8:11.
Sa maraming lupain ay patuloy na yumayaman ang iilang mayayaman samantalang ang mga dukha na siyang nakararami ay nakaharap sa kawalang-katarungan sa ekonomiya. Nangingibabaw ang gayong kawalang-katarungan kapag ang mga tao dahil sa kanilang kulay ng balat, lahing pinagmulan, wika, kasarian, o relihiyon ay may maliit na pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kalagayan o matustusan man lamang ang kanilang sarili. Halimbawa, ayon sa The New York Times, “halos sangkapat ng isang bilyon katao sa dominado-ng-Hindu na Timog Asia—marami sa kanila ang nasa India at Nepal—ang isinilang at namatay na mga untouchable.” Ang resulta ay na milyun-milyon ang sinalanta ng karukhaan, gutom, at sakit. Ang kanilang buhay ay saklaw ng kawalang-katarungan mula sa duyan hanggang sa libingan.
Paano naman ang waring kawalang-katarungan na hindi kayang makontrol ng tao? Isipin ang mga sanggol na isinilang na may likas na depekto—bulag, may kapansanan sa isip, o depormado. Hindi ba makadarama ng kawalang-katarungan ang isang babae kung ang kaniyang sanggol ay isinilang na pilay o patay samantalang sa di-kalayuan ay kalung-kalong ng mga babae ang malulusog na sanggol?
Nakalulungkot, laganap ang kawalang-katarungan, at gayundin ang masasamang bunga nito—ang matinding pagdurusa at kawalan ng kapayapaan, kagalakan, at kasiyahan. Palibhasa’y nasusuklam sa kawalang-katarungan na kanilang nasasaksihan o nararanasan, marami ang bumabaling sa karahasan, anupat dinaragdagan lamang ang pagdurusa ng tao. Karamihan sa mga digmaan ay ipinaglaban dahil sa inaakalang kawalang-katarungan.
Bakit nabigo ang tao na magpairal ng isang makatarungang sanlibutan? Pangarap lamang ba ang gayong sanlibutan?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Corbis-Bettmann
[Larawan sa pahina 4]
Paglagda sa Kasunduang Mayflower
[Credit Line]
Corbis-Bettmann